2010–2019
Huwag Mo Akong Linlangin
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019


2:3

Huwag Mo Akong Linlangin

Kapag sinusunod natin ang mga utos ng Diyos, palagi tayong aakayin sa tamang daan at hindi tayo malilinlang.

Ngayon, alay ko ang mga salita ng pagpapayo para sa lahat, ngunit lalo na para sa inyo na umuusbong na henerasyon—mga batang Primary, mga kabataang lalaki, at kabataang babae. Labis kayong minamahal ng propeta ng Panginoon sa ating panahon na si Pangulong Russell M. Nelson—labis-labis kaya nagsalita siya sa marami sa inyo sa isang espesyal na pandaigdigang devotional broadcast para sa mga kabataan na pinamagatang “Pag-asa ng Israel.”1 Madalas nating marinig na ganoon talaga kayo tinatawag ni Pangulong Nelson—ang “pag-asa ng Israel,” ang umuusbong na henerasyon at kinabukasan ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.

Mga batang kaibigan ko, gusto kong magsimula sa pagbabahagi sa inyo ng dalawang kuwento ng aming pamilya.

Ang ika-102 na Dalmatian

Maraming taon na ang nakalipas, umuwi ako ng bahay galing sa trabaho at nagulat ako sa nakitang wisik-wisik na nagkalat na puting pintura—sa lupa, sa pinto ng garahe, at sa aming bahay na yari sa pulang bricks. Nag-inspeksiyon ako nang mas maigi sa lugar at natuklasang basa pa ang pintura. Ang mga patak ng pintura ay patungo sa bakuran kaya sinundan ko ito. Doon ay natagpuan ko ang aking limang taong gulang na anak na hinahabol ang aming aso na may brush sa kanyang kamay. Kalahati ng aming magandang itim na Labrador ay pinintahan ng puti!

“Anong ginagawa mo?” tanong ko sa masiglang tinig.

Tumigil ang anak ko, tumingin sa akin, tumingin sa aso, tumingin sa tumutulong brush na may puting pintura, at nagsabing, “Gusto ko lang pong maging kamukha ito ng mga batik-batik na aso sa pelikuka—alam niyo na po, iyong may 101 na Dalmatian.”

Itim na Labrador
Dalmatian

Gustung-gusto ko ang aming aso. Sa palagay ko ay perpekto ito, ngunit may ibang ideya ang anak ko.

Ang May Guhit na Pusa

Ang pangalawang kuwento ko ay nakasentro kay Lolo Grover na nakatira sa isang bahay sa labas ng probinsiya, at malayo sa lungsod. Tumatanda na si Lolo Grover. Naisip namin na dapat makita siya ng mga anak namin bago siya pumanaw. Kaya, isang hapon, nagbiyahe kami nang malayo papunta sa kanyang abang tahanan. Umupo kami para magkuwentuhan at ipinakilala sa kanya ang mga anak namin. Hindi nagtagal sa aming pag-uusap, gustong lumabas para maglaro ng dalawang anak naming lalaki na siguro ay lima at anim na taong gulang.

Nang marinig ni Lolo Grover ang kanilang hiling, yumuko siya at itinapat ang kanyang mukha sa kanila. Ang kanyang mukha ay napakatanda at hindi pamilyar kaya natakot nang kaunti ang mga bata sa kanya. Sinabi niya sa kanila sa seryosong tinig, “Mag-ingat kayo—maraming skunk sa labas.” Nang marinig namin ito, lalo kaming nagulat ni Lesa; nag-alala kami na baka wisikan sila ng isang skunk! Di nagtagal lumabas ang mga bata para maglaro habang patuloy kaming nagkuwentuhan.

Skunk

Kalaunan, noong nasa kotse na kami para umuwi, tinanong ko ang mga bata, “Nakakita ba kayo ng skunk?” Sumagot ang isa sa kanila, “Hindi po, wala kaming nakita na kahit anong skunk, pero nakakita po kami ng itim na pusa na may puting guhit sa likod!”

Ang Dakilang Manlilinlang

Ang mga kuwentong ito na tungkol sa walang muwang na mga bata na nakakatuklas ng isang bagay tungkol sa buhay at realidad ay maaaring magpangiti sa bawat isa sa atin, ngunit naglalarawan din ang mga ito ng mas malalim na konsepto.

Sa unang kuwento, ang aming anak na lalaki ay may magandang alagang aso; gayunman, humablot siya ng isang galong pintura, at gamit ang brush na hawak niya, ay nagpasiyang lumikha ng sarili niyang kunwaring realidad.

Sa pangalawang salaysay, ang mga bata ay masaya at walang kamalay-malay sa hindi kanais-nais na bantang kakaharapin nila sa isang skunk. Hindi natutukoy nang tama kung ano ang tunay na nakaharap nila, nanganib silang danasin ang ilang hindi magagandang epekto nito. Ito ay mga kuwento ng nagkamali ng pagkakakilanlan—iniisip na ang tunay na bagay ay iba pang bagay. Sa bawat kuwento, maliit lang ang mga epekto.

Gayunman, marami ngayon ang nahihirapan sa katulad na mga problema sa higit na mas malawak na paraan. Hindi nila tunay na nakikita ang mga bagay sa kung ano talaga ang mga ito, o dahil hindi nasisiyahan sa katotohanan. Dagdag pa rito, may mga impluwensiya ngayon na sadyang idinisenyo para akayin tayo palayo sa ganap na katotohanan. Ang mga panlilinlang at kasinungalingang ito ay higit pa sa walang muwang na maling pagkakilala at madalas ay may kakila-kilabot, at hindi maliliit, na epekto.

Nais ni Satanas, ang ama ng mga kasinungalingan at dakilang manlilinlang, na pagdudahan natin kung ano talaga ang mga bagay at balewalain ang mga walang-hanggang katotohanan o kung hindi ay baguhin ang mga ito para maging isang bagay na mukhang mas kasiya-siya. “Siya ay nakipagdigma sa mga banal ng Diyos”2 at gumugol siya ng isang milenya na nagkakalkula at nagsasanay ng kanyang kakayahan para hikayatin ang mga anak ng Diyos na maniwala na ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti.

Nagkaroon siya ng reputasyon sa pagkumbinsi sa mga mortal na ang mga skunk ay mga pusa lamang o, tulad ng paglalagay ng pintura, magagawa ninyong Dalmatian ang isang Labrador!

Nakita ni Moises ang Diyos nang harapan

Tingnan natin ngayon ang isang halimbawa ng mismong alituntuning ito sa mga banal na kasulatan, nang ang propeta ng Panginoon na si Moises ay naharap sa katulad na isyu. “Si Moises ay dinala sa isang napakataas na bundok[;] … kanyang nakita ang Diyos nang harapan, at siya ay nakipag-usap sa kanya.”3 Itinuro ng Diyos kay Moises ang kanyang walang hanggang identidad. Bagamat si Moises ay mortal at hindi perpekto, itinuro ng Diyos na si Moises ay “kawangis ng aking Bugtong na Anak; at ang aking Bugtong na Anak … ang magiging Tagapagligtas.”4

Nakita ni Moises ang Diyos sa kagila-gilalas na pangitain, at nalaman din niya ang isang importanteng bagay tungkol sa kanyang sarili: siya ay talagang anak ng Diyos.

Pakinggang mabuti kung ano ang naganap matapos ang kamangha-manghang pangitaing ito. “At ito ay nangyari na … dumating si Satanas na tinutukso siya,” nagsasabing, “Moises, anak ng tao, sambahin mo ako!”5 Matapang na sumagot si Moises: “Sino ka? Sapagkat masdan, ako ay anak ng Diyos, na kawangis ng kanyang Bugtong na Anak; at nasaan ang iyong kaluwalhatian, na dapat kitang sambahin?”6

Sa madaling salita, sinabi ni Moises: “Hindi mo ako malilinlang, dahil alam ko kung sino ako. Ako ay nilikha sa wangis ng Diyos. Hindi mo taglay ang Kanyang liwanag at kaluwalhatian. Kaya bakit ako sasamba sa iyo o mahuhulog sa iyong panlilinlang?”

Ngayon pansinin kung paano pa tumugon si Moises. Sinabi niya, “Lumayo ka, Satanas; huwag mo akong linlangin.7

Marami tayong matututuhan mula sa halimbawa ng makapangyarihang tugon ni Moises sa panunuksong mula sa kaaway. Inaanyayahan ko kayong tumugon sa parehong paraan kapag nadarama ninyong naiimpluwensiyahan kayo ng panunukso. Utusan ang kalaban ng inyong kaluluwa sa pamamagitan ng pagsasabi ng: “Lumayo ka! Wala kang kaluwalhatian. Huwag kang manukso o magsinungaling sa akin! Alam ko na ako ay anak ng Diyos. At palagi akong tatawag sa aking Diyos para tulungan Niya ako.”

Gayunman, hindi kaagad nililisan ng kaaway ang kanyang mapangwasak na mga layunin na linlangin o maliitin tayo. Tunay na hindi niya ito ginawa kay Moises, at sa halip ay nagnais na ipalimot kay Moises kung sino siya sa kawalang-hanggan.

Tila isang batang may sumpong, si “Satanas ay sumigaw sa malakas na tinig, at naghuhumiyaw sa lupa, at nag-utos, sinasabing: Ako ang Bugtong na Anak, sambahin ako.”8

Balikan natin. Narinig ba ninyo kung ano ang kasasabi lang niya? “Ako ang Bugtong na Anak. Sambahin ako!”

Sinabi ng dakilang manlilinlang, “Huwag mag-alala, hindi kita sasaktan—hindi ako skunk; isa lang akong itim na inosenteng pusa na may guhit na puti.”

si Moises habang pinalalayas si Satanas

Pagkatapos ay tumawag si Moises sa Diyos at tumanggap ng Kanyang banal na lakas. Bagama’t si Satanas ay nanginig at nayanig ang lupa, si Moises ay hindi nagpatinag. Tiyak at malinaw ang kanyang tinig. “Lumayo ka sa akin, Satanas,” pahayag niya, “sapagkat itong nag-iisang Diyos lamang ang aking sasambahin, na siyang Diyos ng kaluwalhatian.”9

Sa huli, si Satanas “ay lumayas … sa harapan ni Moises.”10

Matapos magpakita ang Panginoon at basbasan si Moises dahil sa kanyang pagiging masunurin, sinabi ng Panginoon:

“Pinagpala ka Moises, … ikaw ay palalakasin kaysa sa maraming tubig. …

“At masdan, ako ay kasama mo, maging sa katapusan ng iyong mga araw.”11

Ang paglaban ni Moises kay Satanas ay isang malinaw at nagbibigay-liwanag na halimbawa para sa bawat isa sa atin, anuman ang yugto ng ating buhay. Ito ay makapangyarihang personal na mensahe para sa inyo—ang malaman kung ano ang gagawin kapag sinubukan niyang linlangin kayo. Dahil kayo ay nabasbasan, tulad ni Moises, ng kaloob na tulong mula sa langit.

Mga Kautusan at Pagpapala

Paano ninyo masusumpungan ang tulong na ito mula sa langit, tulad ng ginawa ni Moises, at hindi malinlang o mahulog sa tukso? Isang malinaw na mapagkukunan ng banal na tulong ang muling pinagtibay mismo ng Panginoon sa dispensasyong ito nang ipahayag Niya: “Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan.”12 Gamit ang mas simpleng mga salita, maaari nating sabihin na ang Panginoon na nalalaman ang “wakas mula sa simula,”13 ay nakakaalam sa mga natatanging paghihirap sa ating panahon. Kaya naglaan Siya ng paraan para mapaglabanan ang mga hamon at tukso, marami sa mga ito ay direktang resulta ng mapanlinlang na mga impluwensiya ng kaaway at ng kanyang mga pag-atake.

Simple lang ang paraan. Sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, ang Diyos ay nakikipag-usap sa atin na Kanyang mga anak, at nagbibigay sa atin ng mga kautusan. Maaari nating sabihin sa ganitong paraan ang talatang kababanggit ko lang, “tinawag [ng Diyos] ang aking tagapaglingkod na si [Pangulong Russell M. Nelson], at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan.” Hindi ba’t ito ay isang maluwalhating katotohanan?

Pinatototohanan ko na ang Panginoon ay tunay ngang nakipag-usap mula sa langit kay Joseph Smith, simula noong maringal na Unang Pangitain. Nakikipag-usap din Siya kay Pangulong Nelson sa ating panahon. Pinatototohanan ko na ang Diyos ay nakipag-usap sa mga propeta noon at nagbigay sa kanila ng mga kautusang nakadisenyo para akayin ang Kanyang mga anak sa kaligayahan sa buhay na ito at kaluwalhatian sa susunod.

Ang Diyos ay patuloy na nagbibigay ng mga kautusan sa ating buhay na propeta ngayon. Napakaraming halimbawa nito—mas nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan na balanseng pagtuturo ng ebanghelyo; ang paghalili ng ministering sa home at visiting teaching; mga pagbabago sa mga patakaran sa templo at mga ordenansa; at ang bagong programa para sa Mga Bata at Kabataan. Namamangha ako sa kabutihan at pagkamahabagin ng mapagmahal na Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, na muling nagpanumbalik ng Simbahan ng Tagapagligtas sa mundo at tumawag ng propeta sa ating panahon. Pinapalitan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mapanganib na mga panahon ng kaganapan ng mga panahon.

Ang Kasamaan ay Hindi Kailanman Kaligayahan

Ang pagsunod sa mga kautusang ibinigay sa ating propeta ay susi hindi lamang sa pag-iwas sa impluwensiya ng manlilinlang kundi maging sa pagdanas ng pangmatagalang kagalakan at kaligayahan. Ang banal na pormula ay simple lang: ang kabutihan, o pagkamasunurin sa mga kautusan, ay nagdudulot ng mga pagpapala, at ang mga pagpapala ay nagdadala ng kaligayahan, o kagalakan, sa ating buhay.

Gayunman, hangad ng kaaway na linlangin kayo gamit ang katulad na paraan nang subukang niyang linlangin si Moises. Palagi siyang nagpapanggap na maging isang bagay na hindi naman siya. Palagi niyang sinusubukang itago kung sino talaga siya. Sinasabi niyang gagawing miserable ng pagsunod ang inyong buhay at nanakawan kayo nito ng kaligayahan.

Makakaisip ba kayo ng ilan sa kanyang mga paraan para manlinlang? Halimbawa, pinagmumukha niyang hindi mapanganib ang droga o pag-inom ng alak at sa halip ay iminumungkahi na ito ay magdudulot ng kasiyahan. Inilulubog niya tayo sa iba’t ibang negatibong elemento na nasa social media, kabilang na ang nakapanlulumong mga pagkukumpara at realidad na ginawang perpekto. Bukod dito, ikinukubli niya ang madilim at mapanirang nilalaman ng internet, tulad ng pornograpiya, tahasang pag-atake sa iba sa pamamagitan ng cyberbullying, at paglalagay ng maling impormasyon na nagdudulot ng pagdududa at takot sa ating puso’t isipan. Mapanlinlang niyang ibinubulong, “Sundin mo lang ako, at tiyak na magiging masaya ka.”

Ang mga salitang isinulat napakaraming siglo na ang nakaraan ng isang propeta sa Aklat ni Mormon ay partikular na angkop sa ating panahon: “Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.”14 Nawa’y makilala natin kung ano talaga ang mga panlilinlang ni Satanas. Nawa’y mapaglabanan at makita natin ang mga kasinungalingan at impluwensiya ng nilalang na naghahangad na wasakin ang ating mga kaluluwa at nakawin ang ating kasalukuyang kaligayahan at kaluwalhatian sa hinaharap.

Mga minamahal kong kapatid, kailangan nating patuloy na maging matapat at mapagbantay, sapagkat ito lang ang paraan para makilala ang katotohanan at marinig ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod. “Sapagkat ang Espiritu ay nagsasabi ng katotohanan at hindi nagsisinungaling. … Ipinaalam sa amin ang mga bagay na ito nang malinaw, para sa kaligtasan ng ating mga kaluluwa. … Sapagkat sinabi rin yaon ng Diyos sa mga propeta noon.”15 Tayo ay mga Banal ng Makapangyarihang Diyos, ang pag-asa ng Israel! Tayo ba ay manghihina? “[Tayo] ba ay aatras? Hindi! … Utos ng Diyos ay susundin. Buong puso ang katapatan.”16

Pinatototohanan ko ang Banal ng Israel—maging ang pangalan ni Jesucristo. Pinatototohanan ko ang Kanyang matibay na pagmamahal, katotohanan, at kagalakan na naging posible dahil sa Kanyang walang-hanggan at walang katapusang sakripisyo. Kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos, palagi tayong aakayin sa tamang daan at hindi tayo malilinlang. Sa banal na pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.