Pagkaalam, Pagmamahal, at Paglago
Nawa’y maunawaan nating lahat ang ating bahagi sa dakilang gawaing ito ng ministering o paglilingkod upang tayo ay maging mas katulad Niya.
Noong 2016 bumisita ang The Tabernacle Choir at Temple Square sa Netherlands at Belgium. At dahil kasama ako sa masayang kaganapang iyon, nagkaroon ako ng pagkakataong mapanood nang dalawang beses ang kanilang pagtatanghal.
Habang nagtatanghal sila naisip ko na napakalaking trabaho ang ilibot ang isang korong gayon kalaki. Natuon ang aking isipan sa malaking gong, na mahirap at marahil ay magastos ipadala kumpara sa biyolin, trumpeta, o iba pang mga instrumentong madaling kipkipin sa iyong kamay. Ngunit kung titingnan ang aktuwal na gamit ng gong na ito, natanto ko na ilang beses lang ito pinatunog, samantalang ang iba pang mas maliliit na instrumento ay ginamit sa halos buong konsiyerto. Napag-isip ko na kung wala ang tunog ng gong ay maiiba ang pagtatanghal kaya kinailangang sikaping itawid ng karagatan ang malaking gong na ito.
Kung minsan maaaring nadarama natin na tayo, gaya ng gong na iyon, ay sapat na upang tumugtog ng maliit na bahagi sa pagtatanghal. Ngunit hayaan ninyong sabihin ko sa inyo na ang inyong tunog ay napakahalaga.
Kailangan natin ang lahat ng instrumento. Ang ilan sa atin ay madaling matuto at napakagaling sa paaralan, samantalang ang iba ay may mga talento sa sining. Ang ilan ay nagdidisenyo at bumubuo ng mga bagay o nag-aalaga, nagpoprotekta, o nagtuturo sa iba. Kailangan tayong lahat para maghatid ng kulay at kahulugan sa mundong ito.
Sa mga nakadarama na wala silang anumang maiaambag o naniniwala na wala silang halaga o silbi kaninuman, sa iba na maaaring nadarama na napakaganda ng buhay nila, at sinumang nalilito sa damdamin nila, para sa inyo ang mensahe kong ito.
Saanman kayo naroon sa landas ng buhay, ang ilan sa inyo ay maaaring lubhang nabibigatan kaya ni hindi ninyo iniisip na kayo ay nasa landas na iyon. Gusto kong anyayahan kayong lumabas mula sa kadiliman tungo sa liwanag. Ang liwanag ng ebanghelyo ay magbibigay ng sigla at pagpapagaling at ipauunawa sa inyo kung sino kayo talaga at kung ano ang inyong layunin sa buhay.
Ang ilan sa atin ay pagala-gala sa mga bawal na landas, nagsisikap na makasumpong ng kaligayahan doon.
Inaanyayahan tayo ng isang mapagmahal na Ama sa Langit na tahakin ang landas ng pagkadisipulo at bumalik sa Kanya. Ganap ang pagmamahal Niya sa atin.1
Ano ang paraan? Ang paraan ay ipaunawa sa isa’t isa kung sino tayo sa pamamagitan ng paglilingkod sa isa’t isa.
Sa akin, ang paglilingkod ay pagpapakita ng banal na pag-ibig.2 Sa gayong paraan lumilikha tayo ng isang kapaligiran kung saan kapwa ang nagbibigay at tumatanggap ay nagkakaroon ng hangaring magsisi. Sa madaling salita, nagbabago tayo ng direksyon at mas napapalapit at nagiging higit na katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Halimbawa, hindi na kailangang sabihin palagi sa ating asawa o mga anak kung paano sila magpapakabuti; alam na nila iyan. Sa paglikha ng kapaligirang ito na may pagmamahalan, mabibigyan sila ng lakas na baguhin ang kailangang baguhin sa kanilang buhay at maging mas mabubuting tao.
Sa ganitong paraan ang pagsisisi ay nagiging pang-araw-araw na proseso ng pagdadalisay na maaaring kabilangan ng paghingi ng tawad sa hindi magandang pag-uugali. Naaalala at nararanasan ko pa rin ang mga sitwasyon kung saan masyado akong naging mabilis manghusga o masyadong mabagal makinig. At sa pagtatapos ng araw, sa aking personal na panalangin, nadama ko ang mapagmahal na payo mula sa langit na magsisi at magpakabuti. Ang mapagmahal na kapaligiran na unang nilikha ng aking mga magulang, kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae at kalaunan ng aking asawa, mga anak, at mga kaibigan ay nakatulong sa akin na maging mas mabuting tao.
Alam nating lahat kung saan tayo maaaring magpakabuti. Hindi na kailangang paulit-ulit na paalalahanan ang isa’t isa, ngunit kailangang mahalin at paglingkuran ang isa’t isa at, sa paggawa nito, maglaan ng kapaligiran para maging handang magbago.
Sa kapaligiran ding ito nalalaman natin kung sino tayo talaga at kung ano ang ating magiging tungkulin sa mga huling araw na ito ng kasaysayan ng mundo bago sumapit ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Kung iniisip ninyo kung ano ang inyong bahagi, gusto ko kayong anyayahang maghanap ng lugar kung saan maaari kayong mapag-isa at hilingin sa Ama sa Langit na ipaalam kung anong bahagi ang gagampanan ninyo. Malamang ay paunti-unting darating ang sagot at pagkatapos ay mas lilinaw ito kapag mas matatag na tayo sa landas ng tipan at paglilingkod.
Dumaranas tayo ng ilan sa mga paghihirap na dinanas ni Joseph Smith noong siya ay “nasa gitna ng labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka.” Tulad ng mababasa natin sa kanyang salaysay, madalas niyang sabihin sa kanyang sarili: “Ano ang nararapat gawin? Sino sa lahat ng pangkat na ito ang tama; o, lahat ba sila ay pare-parehong mali? Kung mayroon mang isang tama sa kanila, alin ito, at paano ko ito malalaman?”3
Sa kaalamang natagpuan niya sa Sulat ni Santiago, na nagsasaad, “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, ay humingi sa Diyos, na nagbibigay nang sagana sa lahat, at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kanya,”4 sa huli’y naipasiya ni Joseph na “humingi sa Diyos.”5
Nabasa pa natin na iyon ang kauna-unahang pagkakataon sa kanyang buhay na tinangka niya iyon, sapagkat sa gitna ng lahat ng kanyang pagkabahala, kailanma’y hindi pa siya nagtangkang manalangin nang malakas.”6
Kaya maaaring ganito rin sa atin sa kauna-unahang pagkakataon nating manawagan sa ating Lumikha sa paraang hindi pa natin nagawa.
Dahil sa pagtatangka ni Joseph, nagpakita sa kanya ang Ama sa Langit at ang Kanyang anak na si Jesucristo, na tinatawag siya sa pangalan, at dahil dito ay mas luminaw ang pagkaunawa natin kung sino tayo at na tayo ay talagang mahalaga.
Mababasa pa natin na noong tinedyer si Joseph “ay inusig siya ng dapat ay mga kaibigan niya na dapat sana ay pinakitunguhan siya nang may kabaitan..”7 Kaya maaari tayong umasa na magkakaroon ng kaunting oposisyon habang namumuhay tayo bilang disipulo.
Kung nararamdaman ninyo ngayon na hindi kayo nakakabahagi sa orkestra at mukhang nahihirapan kayong magsisi, dapat ninyong malaman na kung patuloy tayong magsisikap, kukunin ang pasanin mula sa ating mga balikat at muling magkakaroon ng liwanag. Hinding-hindi tayo iiwan ng Ama sa Langit kapag humingi tayo ng tulong sa Kanya. Maaari tayong madapa at tumayo, at tutulungan Niya tayong pagpagin ang dumi sa ating mga tuhod.
Ang ilan sa atin ay sugatan, ngunit ang paunang lunas ng Panginoon ay sapat ang laki ng mga benda upang matakpan ang lahat ng ating mga sugat.
Kaya ang pagmamahal na iyon, ang sakdal na pagmamahal na iyon na tinatawag din nating pag-ibig sa kapwa o “dalisay na pag-ibig ni Cristo,”8 ang kailangan sa ating tahanan kung saan naglilingkod ang mga magulang sa kanilang mga anak at ang mga anak sa kanilang mga magulang. Sa pagmamahal na iyon, magbabago ang mga puso at sisibol ang hangaring gawin ang Kanyang kalooban.
Ang pagmamahal na iyon na kailangan sa pakikitungo natin sa isa’t isa bilang mga anak ng ating Ama sa Langit at mga miyembro ng Kanyang Simbahan ang magbibigay sa atin ng kakayahang isama ang lahat ng instrumentong musikal sa ating mga orkestra para makapagtanghal tayo nang maluwalhati sa mala-anghel na mga koro ng langit kapag muling pumarito ang Tagapagligtas.
Ang pagmamahal na iyon, ang liwanag na iyon ang kailangang sumikat at magpasaya sa ating kapaligiran sa ating pang-araw-araw na buhay. Mapapansin ng mga tao ang liwanag at maaakit dito. Iyon ang uri ng gawaing misyonero na magpapalapit sa iba “halika at tignan, halika at tumulong, at halika at manatili.”9 Pakiusap, kapag natanggap ninyo ang inyong patotoo tungkol sa dakilang gawaing ito at ang ating bahagi rito, magalak tayo kasama ng pinakamamahal nating si Propetang Joseph Smith, na nagsabing, “Sapagkat nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila.”10
Pinatototohanan ko sa inyo na alam ko kung sino ako, at alam ko kung sino kayo. Tayong lahat ay mga anak ng isang Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin. Hindi Niya tayo isinugo rito upang mabigo kundi upang maluwalhating makabalik sa Kanya. Nawa’y maunawaan nating lahat ang ating bahagi sa dakilang gawaing ito ng ministering upang tayo ay maging higit na katulad Niya kapag muli Siyang pumarito ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.