Pagiging Kabilang sa Tipan
Ang pagpanig sa Diyos at paglakad kasama ang isa’t isa sa Kanyang landas ng tipan ay ang pagpapala ng pagiging kabilang sa tipan.
Minamahal na mga kapatid, inilahad ang isang kuwento tungkol sa isang batang Primary na natututong magdasal. “Salamat po sa letrang A, letrang B, ... letrang G.” Patuloy ang dasal ng bata, “Salamat po sa mga letrang X, Y, Z. Mahal na Ama sa Langit, salamat po sa bilang na 1, bilang na 2.” Nag-aalala na ang guro ng Primary pero matalino pa rin siyang naghintay. Sabi ng bata, “Salamat po sa bilang 5, bilang 6—at salamat po sa aking Primary teacher. Siya lang po ang taong hinahayaan akong tapusin ang aking panalangin.”
Naririnig ng Ama sa Langit ang panalangin ng bawat bata. Inaanyayahan Niya tayo nang may walang hanggang pag-ibig na maniwala at mapabilang sa pamamagitan ng tipan.
Ang mundong ito ay puno ng mga malik-mata, ilusyon, at magaling na panlilinlang. Marami ang tila ba panandalian at mababaw. Kapag isinasantabi natin ang mga maskara, pagpapanggap, mga ayaw at gusto ng madla, nagnanais tayo nang higit pa sa madaling kumupas na kagandahan, panandaliang koneksyon, o paghahabol sa makamundo at pansariling interes. Sa kabutihang-palad, may daan tungo sa mga makabuluhang sagot.
Kapag ginagawa natin ang mga pinakadakilang utos ng Diyos na mahalin Siya at ang mga nakapaligid sa atin sa pamamagitan ng tipan, ginagawa natin ito hindi bilang estranghero o panauhin, kundi bilang Kanyang anak sa tahanan.1 Totoo pa rin ang lumang kabalintunaan. Sa pagkawala ng ating makamundong sarili dahil sa pagiging kabilang sa tipan, nahahanap at nakakamit natin ang pinakamabuting walang hanggan nating sarili2—malaya, masigla, tunay—at natutukoy ang ating pinakamahahalagang relasyon. Ang pagiging kabilang sa tipan ay paggawa at pagtupad sa mga taimtim na pangako sa Diyos at sa bawat isa sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa na nag-aanyaya na maipamalas ang kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay.3 Kapag buong sarili tayong nakikipagtipan, maaari tayong maging higit sa kung sino tayo. Ang pagiging kabilang sa tipan ay nagbibigay sa atin ng puwang, salaysay, at kakayahang maabot ang nais nating maging. Nagbubunga ito ng pananampalataya tungo sa buhay at kaligtasan.4
Ang mga banal na tipan ay pinagmumulan ng pagmamahal para at mula sa Diyos, at kung gayon ng pagmamahal para at mula sa ating kapwa. Mas mahal at mas kilala tayo ng Ama sa Langit kaysa sa pagmamahal at pagkakilala natin sa ating sarili. Ang pananampalataya kay Jesucristo at personal na pagbabago (pagsisisi) ay nagdadala ng awa, biyaya, at kapatawaran. Nagbibigay ito ng ginhawa sa mga sakit, kalungkutan, at kawalan ng katarungan na nararanasan natin sa mortalidad. Bilang Diyos, nais ng ating Ama sa Langit na matanggap natin ang pinakadakilang regalo ng Diyos—ang Kanyang kaligayahan, ang Kanyang walang hanggang buhay.5
Ang ating Diyos ay isang Diyos ng tipan. Dahil sa Kanyang likas na katangian, “tumutupad [Siya] sa tipan at nagpapakita ng awa.”6 Ang Kanyang mga tipan ay nananatili “habang ang panahon ay magtatagal, o ang mundo ay nakatindig, o mayroon [pang] isang tao sa ibabaw ng lupa na nararapat iligtas.”7 Hindi tayo itinadhana para magpagala-gala nang walang katiyakan sa ating pag-iral at nang may pagdududa, kundi upang magsaya sa itinatanging mga ugnayan sa tipan na “higit na matibay kaysa sa mga gapos ng kamatayan.”8
Ang mga ordenansa at tipan ay magkakatulad ang hinihingi sa lahat at magkakaiba ang paraan ng pagtupad. Dahil patas ang Diyos, ang bawat indibiduwal sa lahat ng lugar at edad ay makatatanggap ng mga nagliligtas na ordenansa. Gamit ang kalayaang pumili—makapagpapasiya ang mga indibiduwal kung tatanggapin nila ang mga alok na ordenansa. Ang mga ordenansa ng Diyos ay nagbibigay ng patnubay sa Kanyang landas ng mga tipan. Tinatawag natin ang plano ng Diyos na maibalik ang Kanyang mga anak sa langit na plano ng pagtubos, plano ng kaligtasan, plano ng kaligayahan. Ang pagtubos, kaligtasan, at selestiyal na kaligayahan ay posible dahil “nagsakatuparan [si Jesucristo] ng ganap na pagbabayad-salang ito.”9
Ang pagpanig sa Diyos at paglakad kasama ang isa’t isa sa Kanyang landas ng tipan ay ang pagpapala ng pagiging kabilang sa tipan.
Una, ang pagiging kabilang sa tipan ay nakasentro kay Jesucristo bilang “tagapamagitan ng bagong tipan.”10 Ang lahat ng bagay ay maaaring para sa ating ikabubuti kapag tayo ay “pinabanal kay Cristo ... na siyang nasa tipan ng Ama.”11 Dumarating ang bawat mabuting bagay at ipinangakong pagpapala sa mga nananatiling tapat hanggang sa huli. Ang “maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos” ay ang “[pagpalain] sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal” at “manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”12
Habang tinutupad natin ang ating mga tipan, kung minsan ay maaari nating madama na kasama natin ang mga anghel. At makakasama nga natin sila—ang mga minamahal natin at nagpapala sa atin sa panig na ito ng tabing at ang mga minamahal natin at nagpapala sa atin sa likod ng tabing.
Kamakailan lang, nasaksihan namin ni Sister Gong ang pinakamahusay na pagiging kabilang sa tipan sa isang silid sa ospital. Ang isang bata pang ama ay lubos na nangangailangan ng kidney transplant. Umiyak, nag-ayuno, at nagdasal ang kanyang pamilya para makatanggap siya ng bato o kidney. Nang dumating ang balitang mayroon nang bato na makapagliligtas ng buhay, tahimik na sinabi ng kanyang asawa na “Sana OK lang ang kabilang pamilya.” Sa mga salita ni Apostol Pablo, ang makabilang sa tipan ay “upang ako’t kayo ay maaliw sa inyo, ang bawa’t isa sa atin sa pananampalataya ng iba, ang sa inyo at sa akin.”13
Sa landas ng buhay, maaaring mawala ang ating pananampalataya sa Diyos, ngunit hindi siya kailanman mawawalan ng pananalig sa atin. Tulad ng dati, ang Kanyang ilaw ay laging nakasindi. Inaanyayahan Niya tayong lumapit o bumalik sa mga tipan na nagtuturo ng Kanyang landas. Naghihintay Siyang handa na yakapin tayo, kahit tayo ay “nasa malayo pa.”14 Kung hahanapin natin nang may pananalig ang mga disenyo, arko, o mga konektadong tuldok ng ating mga karanasan, makikita natin ang Kanyang magiliw na awa at panghihikayat, lalo na sa ating mga pagsubok, kalungkutan, at hamon, at maging sa ating mga kagalakan. Gaano man tayo kadalas madapa o magkamali, kung patuloy tayong lalapit sa Kanya, tutulungan Niya tayo, nang paunti-unti.
Pangalawa, ang Aklat ni Mormon ay katibayan na maaari nating mahawakan ang pagiging kabilang sa tipan. Ang Aklat ni Mormon ay ang ipinangakong instrumento para sa pagtitipon ng mga anak ng Diyos na ipinropesiya bilang bagong tipan.15 Sa ating pagbabasa ng Aklat ni Mormon, nang mag-isa at kasama ang iba, tahimik man o malakas, makapagtatanong tayo sa Diyos “nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo,” at makatatanggap ng katiyakan mula sa Diyos na ang Aklat ni Mormon ay totoo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.16 Kabilang dito ang katiyakan na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas, si Josepth Smith ay ang propeta ng Panunumbalik, at ang Simbahan ng Panginoon ay tinatawag sa Kanyang pangalan—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Huling Araw.17
Sinasabi sa inyo ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng sinauna at makabagong tipan kung sino ang mga anak ni Lehi, “ang mga anak ng mga propeta.”18 Ang iyong mga ninuno ay nakatanggap ng pangako ng tipan na kayo, na kanilang mga inapo, ay makakakilala sa tinig na tila mula sa alabok sa Aklat ni Mormon.19 Ang tinig na nadarama ninyo habang kayo ay nagbabasa ay nagpapatotoo na kayo ay “mga anak ng tipan”20 at si Jesucristo ang inyong Mabuting Pastol.
Inaanyayahan ng Aklat ni Mormon ang bawat isa sa atin, sa mga salita ni Alma, na “[makipagtipan] sa [Panginoon], na siya ay [ating] paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan, nang kanyang ibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa [atin].”21 Kapag nais nating magbago para sa ikabubuti—tulad ng sinabi ng isang tao, “para matigil ang pagiging miserable at maging masaya sa kasiyahan”—maaari tayong maging bukas sa patnubay, tulong, at lakas. Makalalapit tayo sa pamamagitan ng tipan para pumanig sa Diyos at sa komunidad ng matatapat na mananampalataya at tanggapin ang mga pagpapalang ipinangako sa doktrina ni Cristo22—ngayon.
Ang ipinanumbalik na awtoridad at kapangyarihan ng priesthood upang pagpalain ang lahat ng Kanyang mga anak ay ang ikatlong aspeto ng pagiging kabilang sa tipan. Sa dispensasyong ito, si Juan Bautista at ang mga Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan ay naparito bilang mga niluwalhating sugo mula sa Diyos upang ipanumbalik ang Kanyang awtoridad ng priesthood.23 Ang priesthood ng Diyos at ang Kanyang mga ordenansa ay nagpapatamis ng mga relasyon sa lupa at maaaring magbuklod sa langit ng mga relasyon sa tipan.24
Literal na makakapagbasbas ang priesthood mula sa kuna hanggang sa libingan—mula sa pangalan at pagpapala ng sanggol hanggang sa paglalaan ng libingan. Nagpapagaling, nagbibigay-ginhawa, at nagpapayo ang mga pagpapala ng priesthood. Galit ang isang ama sa kanyang anak, hanggang sa dumating ang nagpapatawad na pagmamahal nang bigyan ng ama ang kanyang anak ng isang magiliw na basbas ng priesthood. Ang isang young woman na nag-iisang miyembro sa kanyang pamilya ay hindi sigurado sa pagmamahal ng Diyos sa kanya hanggang sa nakatanggap siya ng inspiradong basbas ng priesthood. Sa buong mundo, ang mararangal na patriarch ay espirituwal na naghahanda sa pagbibigay ng mga patriarchal blessing. Habang ipinapatong ng patriarch ang kanyang mga kamay sa inyong ulunan, nadarama at ipinapahayag niya ang pagmamahal ng Diyos para sa inyo. Binibigkas niya ang inyong angkan sa sambahayan ni Israel. Isinasaad niya ang mga pagpapala mula sa Panginoon. Karaniwang maalalahanin, sinabi sa akin ng asawa ng isang patriarch kung paano iniimbitahan ng kanilang pamilya ang Espiritu, lalo na sa mga araw na nagbibigay ang kanilang papa ng mga patriarchal blessing.
Sa wakas, ang mga pagpapala ng pagiging kabilang sa tipan ay dumarating kapag sinusunod natin ang propeta ng Panginoon at nagagalak sa pamumuhay ng mga tipan sa templo, kabilang na ang sa kasal. Ang tipan sa kasal ay nagiging banal at walang hanggan sa araw-araw nating pagpili ng kaligayahan ng ating asawa at pamilya bago ang sarili nating kaligayahan. Habang ang “ako” ay nagiging “tayo,” lumalago tayo nang magkasama. Tumatanda tayong magkasama, bumabata tayong magkasama. Habang pinagpapala natin ang isa’t isa sa ating buhay ng paglimot sa ating sarili, matatagpuan nating pinabanal ang ating pag-asa at kagalakan sa buhay na ito at sa walang-hanggan.
Bagama’t magkakaiba ang mga sitwasyon, kapag ginagawa natin ang lahat, ang lahat ng pinakamahusay na magagawa natin, at taimtim na hinihiling at hinihingi ang Kanyang tulong sa ating paglalakbay, gagabayan tayo ng Panginoon, sa Kanyang panahon at pamamaraan, sa pamamagitan ng Espiritu Santo.25 Ang mga tipan sa kasal ay nakapagbubuklod dahil sa parehong pagpili ng mga gumagawa nito—isang paalala ng pagrespeto ng Diyos at natin sa kalayaang pumili at sa mga pagpapala ng Kanyang tulong kapag nagkakaisa natin itong hinahangad.
Ang mga bunga ng pagiging bahagi sa tipan sa mga henerasyon ng mga pamilya ay nadarama sa ating mga tahanan at puso. Hayaan ninyong ilahad ko ito gamit ang mga personal na halimbawa.
Noong nagkakaibigan na kami ni Sister Gong at magpapakasal na, natutunan ko ang tungkol sa kalayaang pumili at mga desisyon. Sa maikling panahon, nag-aaral kami sa dalawang magkaibang bansa sa dalawang magkaibang kontinente. Ito ang dahilan kung bakit matapat kong masasabi na talagang nakamit ko ang PhD sa internasyonal na relasyon.
Nang magtanong ako ng, “Ama sa Langit, dapat ko po bang pakasalan si Susan?” Nakadama ako ng kapayapaan. Ngunit iyon ay nang matutuhan kong manalangin nang may taimtim na layunin, “Ama sa Langit, mahal ko si Susan at gusto ko siyang pakasalan. Nangako akong magiging pinakamabuting asawa at ama sa abot-kaya ko”—nang kumilos ako at gumawa ng pinakamabubuting desisyon, noon lang ako nagkaroon ng pinakamalalakas na katiyakan.
Ngayon ang aming Gong at Lindsay FamilySearch na mga family tree, kuwento, at litrato ay tumutulong sa amin na tumuklas at kumonekta sa naranasang pagiging kabilang sa tipan sa maraming henerasyon.26 Para sa amin, ang mga respetadong ninuno ay kinabibilangan nina:
Lola-sa-tuhod na si Alice Blauer Bangerter, na tatlong beses inalok ng kasal sa loob ng isang araw, ay humiling kalaunan sa kanyang asawa na magkabit ng pedal sa kanyang panghalo ng mantikilya para makapaghalo siya ng mantikilya habang naggagantsilyo at nagbabasa.
Ang lolo-sa-tuhod na si Loy Kuei Char na pumasan sa kanyang mga anak at inilagay sa isang asno ang ilang ari-arian habang patawid sa parang ng mga lava sa Malaking Isla ng Hawaii. Ang mga henerasyon ng tapat na pangako at sakripisyo ng pamilya Char ay nagpapala sa aming pamilya ngayon.
Si Lola Mary Alice Powell Lindsay ay naiwang kasama ang limang maliliit na anak nang biglaang namatay ang kanyang asawa at panganay na anak na lalaki na ilang araw lang ang pagitan. Isang balo sa loob ng 47 taon, itinaguyod ni Lola ang kanyang pamilya sa tulong ng mapagmahal na mga lokal na lider at miyembro. Sa maraming taon na iyon, nangako si Lola sa Panginoon na kung tutulungan siya ng Panginoon, hindi siya magrereklamo. Tinulungan siya ng Panginoon. Hindi siya kailanman nagreklamo.
Mga kapatid, saksi ang Espiritu Santo, ang lahat ng bagay na mabuti at walang hanggan ay nakasentro sa buhay na katotohanan ng Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan, at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Itinuro ni Pablo na si Jesucristo ang Tagapamagitan ng bagong tipan. Ang pagpapatotoo kay Jesucristo ay isang tipan na layon ng Aklat ni Mormon.27 Dahil sa panunumpa at tipan, ipinanumbalik ng Diyos ang awtoridad ng priesthood na inilaan upang pagpalain ang lahat ng anak ng Diyos, maging sa pamamagitan ng tipan sa kasal, mga henerasyon ng pamilya, indibiduwal na mga pagpapala.
Ipinapahayag ng ating Tagapagligtas, “Ako ang Alpha at Omega, si Cristo ang Panginoon; oo, maging ako ay siya, ang simula at ang wakas, ang Manunubos ng sanlibutan.”28
Kasama natin Siya sa simula, at maging sa lahat ng ating pagiging kabilang sa tipan, hanggang sa wakas. Pinatototohanan ko ito sa sagrado at banal na pangalan ni Jesucristo, amen.