Manampalataya, Huwag Mawalan ng Pananampalataya
Kailangang kusa tayong gumugol ng oras bawat araw upang kumalas sa mundo at kumonekta sa langit.
Hindi pa katagalan nagising ako at naghanda upang pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Dinampot ko ang smartphone ko at naupo ako sa silya sa tabi ng kama ko na may intensyong buksan ang Gospel Library app. Binuksan ko ang cell phone ko at magsisimula na sana akong mag-aral nang may makita akong anim na notification para sa mga text message at email na nagpasukan kagabi. Naisip ko, “Babasahin ko nang mabilis ang mga mensaheng iyon, pagkatapos pag-aaralan ko na ang mga banal na kasulatan.” Makalipas ang dalawang oras, nagbabasa pa rin ako ng mga text message, email, balita, at post sa social media. Nang matanto ko kung anong oras na, tarantang nagmadali akong maghanda para sa maghapon. Noong umagang iyon hindi ako nakapag-aral ng mga banal na kasulatan, at dahil doon hindi ko natamo ang espirituwal na pangangalagang inasahan ko.
Espirituwal na Pangangalaga
Tiyak ko na marami sa inyo ang nakaranas na nito. Pinagpapala tayo ng mga makabagong teknolohiya sa maraming paraan. Maikokonekta tayo ng mga ito sa mga kaibigan at pamilya, sa impormasyon, at sa balita tungkol sa kasalukuyang mga pangyayari sa buong mundo. Gayunman, maaabala rin tayo ng mga ito sa pinakamahalagang koneksyon: ang ating koneksyon sa langit.
Inuulit ko ang sinabi ng ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson: “Nabubuhay tayo sa mundong puno ng kaguluhan at tumitinding salungatan. Ang social media at ang 24 na oras na pagbabalita ay inaatake tayo ng walang humpay na mga mensahe. Kung gusto nating magkaroon ng pagkakataong masuri ang iba’t ibang opinyon at mga pilosopiya ng tao na sumisira ng katotohanan, kailangan tayong matutong tumanggap ng paghahayag.”
Nagbabala si Pangulong Nelson na “sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag [at palagiang] impluwensya ng Espiritu Santo.”1
Ilang taon na ang nakararaan, nagkuwento si Pangulong Boyd K. Packer tungkol sa isang kawan ng mga usa na nakulong, dahil sa malakas na pag-ulan ng niyebe, sa labas ng likas na tirahan nito at posibleng mamatay sa gutom. Ilang tao na may mabuting hangarin, sa pagsisikap na iligtas ang mga usa, ang nagtapon ng trak-trak na dayami sa buong paligid—hindi iyon karaniwang kakainin ng mga usa, ngunit umasa sila na makakaraos doon ang mga usa sa buong taglamig. Ang nakalulungkot, karamihan sa mga usa ay natagpuang patay kalaunan. Nakain nila ang dayami, ngunit hindi iyon nakabusog sa kanila, at namatay sila sa gutom na punung-puno ang tiyan.2
Marami sa mga mensaheng tinatanggap natin sa panahon ng impormasyon ang espirituwal na katumbas ng pagpapakain ng dayami sa mga usa—makakain natin ito sa buong maghapon, ngunit hindi tayo bubusugin nito.
Saan natin natatagpuan ang tunay na espirituwal na pangangalaga? Kadalasan, hindi ito trending sa social media. Natatagpuan natin ito kapag “nagpatuloy [tayo] sa paglakad” sa landas ng tipan, “patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal,” at nakakakain tayo ng bunga ng punungkahoy ng buhay.3 Nangangahulugan ito na kusa tayong gumugugol ng oras bawat araw na kumalas sa mundo at kumonekta sa langit.
Sa kanyang panaginip, nakita ni Lehi ang mga taong kumain ng bunga ngunit pagkatapos ay tinalikuran iyon dahil sa impluwensya ng malaki at maluwang na gusali, ang kapalaluan ng sanlibutan.4 Posibleng palakihin ang mga kabataan sa tahanan ng isang Banal sa mga Huling Araw, dumalo sa lahat ng tamang pulong at klase sa Simbahan, makibahagi pa nga sa mga ordenansa sa templo, pagkatapos ay lumayo patungo “sa mga ipinagbabawal na landas at [ma]ngawala.”5 Bakit nangyayari ito? Sa maraming pagkakataon, maaaring ito ay dahil bagama’t sumasabay sila sa mosyon ng espirituwalidad, hindi sila tunay na nagbalik-loob. Pinakain sila ngunit hindi binusog.
Sa kabilang banda, nakilala ko ang marami sa inyo, mga kabataang Banal sa mga Huling Araw, na matatalino, matatapang, at matatapat. Alam ninyo na kayo ay mga anak ng Diyos at na mayroon Siyang ipagagawa sa inyo. Mahal ninyo ang Diyos nang buong “puso, kakayahan, pag-iisip at lakas.”6 Tinutupad ninyo ang inyong mga tipan at pinaglilingkuran ang iba, simula sa tahanan. Sumasampalataya, nagsisisi, at nagpapakabuti kayo bawat araw, at nagdudulot ito sa inyo ng walang-hanggang kagalakan. Naghahanda kayo para sa mga pagpapala ng templo at iba pang mga pagkakataong mapapasainyo bilang tunay na mga alagad ng Tagapagligtas. At tumutulong kayong ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito, na inaanyayahan ang lahat na lumapit kay Cristo at tanggapin ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Konektado kayo sa langit.
Oo, may hinaharap kayong mga hamon. Ngunit gayundin naman ang bawat henerasyon. Ito ang ating panahon, at kailangan nating manampalataya, huwag mawalan ng pananampalataya. Pinatototohanan ko na alam ng Panginoon ang ating mga hamon, at sa pamumuno ni Pangulong Nelson, inihahanda Niya tayong harapin ang mga ito. Naniniwala ako na ang panawagan ng propeta kamakailan sa isang simbahang nakasentro sa tahanan, na suportado ng ginagawa natin sa ating mga gusali,7 ay dinisenyo upang tulungan tayong mabuhay—at umunlad—sa panahong ito ng espirituwal na kagutuman.
Nakasentro sa Tahanan
Ano ang kahulugan ng maging isang simbahang nakasentro sa tahanan? Ang mga tahanan ay maaaring mukhang magkakaiba sa buong mundo. Maaaring kabilang kayo sa isang angkan na ilang henerasyon nang nasa Simbahan. O maaaring kayo lamang ang miyembro ng Simbahan sa inyong pamilya. Maaaring may-asawa kayo o wala, may kasamang mga anak sa bahay o wala.
Anuman ang inyong sitwasyon, magagawa ninyong sentro ng pag-aaral at pagsasabuhay ng ebanghelyo ang inyong tahanan. Ang ibig sabihin lang nito ay pag-ako ng responsibilidad para sa inyong pagbabalik-loob at espirituwal na paglago. Ang ibig sabihin nito ay sundin ang payo ni Pangulong Nelson na “gawing santuwaryo ng pananampalataya ang inyong tahanan.”8
Sisikapin ng kalaban na paniwalain kayo na hindi ninyo kailangan ng espirituwal na pangangalaga o, mas tuso pa riyan, na makapaghihintay iyon. Siya ang amo ng panggugulo at may-akda ng pagpapaliban. Itutuon niya ang inyong pansin sa mga bagay na tila apurahan ngunit ang totoo ay hindi ito mahalaga. Sisikapin niyang “[bagabagin kayo] tungkol sa maraming bagay” kaya nakakaligtaan ninyo ang “isang bagay na kinakailangan.”9
Kaylaki ng pasasalamat ko sa “butihing mga magulang,”10 na pinalaki ang kanilang pamilya sa tahanan na palaging may espirituwal na pangangalaga, pagmamahalan, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan. Ang mga turong ibinigay nila noong kabataan ko ay nakabuti sa akin. Mga magulang, mangyaring patatagin ang inyong relasyon sa inyong mga anak. Kailangan nila ang mas maraming oras ninyo, hindi mas kaunti.
Suportado ng Simbahan
Kapag ginawa ninyo ito, nariyan ang Simbahan para suportahan kayo. Mapapatibay ng ating mga karanasan sa simbahan ang espirituwal na pangangalagang nangyayari sa bahay. Ngayong taon, nakita na natin ang ganitong klaseng suporta ng Simbahan sa Sunday School at Primary. Makikita rin natin ang iba pang ganito sa mga miting ng Aaronic Priesthood at Young Women. Simula ngayong Enero, ang kurikulum para sa mga miting na ito ay babaguhin nang bahagya. Magtutuon pa rin ito sa mga paksa ng ebanghelyo, ngunit ang mga paksang iyon ay iaayon sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Maliit na pagbabago ito, ngunit magiging malaki ang epekto nito sa espirituwal na pangangalaga ng mga kabataan.
Anong iba pang mga klase ng suporta ang inilalaan ng Simbahan? Sa Simbahan tumatanggap tayo ng sakramento, na tumutulong sa atin na muling patatagin ang ating pangako sa Tagapagligtas bawat linggo. At sa simbahan nakikitipon tayo sa iba pang mga nananalig na nakagawa rin ng tipang iyon. Ang mga mapagmahal na relasyon natin sa ating mga kapwa disipulo ni Jesucristo ay maaaring maging malakas na suporta sa ating sariling pagkadisipulo na nakasentro sa tahanan.
Noong 14 anyos ako, lumipat ang pamilya namin sa isang bagong lugar. Ngayon, maaaring hindi ito mukhang matinding trahedya sa inyo, ngunit sa aking isipan, noong panahong iyon, nakapanlulumo ito. Ibig sabihin, mapapaligiran ako ng mga taong hindi ko kilala. Ibig sabihin, iba ang paaralang papasukan ng lahat ng iba pang kabataang lalaki sa aming ward kaysa sa akin. At sa 14-anyos kong isipan, naisip ko, “Paano ito nagawa sa akin ng mga magulang ko?” Pakiramdam ko nasira na ang buhay ko.
Gayunman, sa pamamagitan ng mga aktibidad namin sa Young Men, nagawa kong mapalapit sa iba pang mga miyembro ng korum namin, at naging mga kaibigan ko sila. Bukod pa riyan, nagsimulang magpakita ng espesyal na interes ang mga miyembro ng bishopric at mga Aaronic Priesthood adviser sa buhay ko. Dumalo sila sa athletic events ko. Binigyan nila ako ng maiikling sulat na pampalakas-loob na naitago ko hanggang sa araw na ito. Patuloy silang nakipag-ugnayan sa akin nang pumasok na ako sa kolehiyo at nang magmisyon ako. Sinalubong pa ako sa airport ng isa sa kanila pag-uwi ko. Pasasalamatan ko magpakailanman ang mababait na kapatid na ito at ang kanilang magkahalong pagmamahal at mataas na inaasahan. Ginabayan nila ako patungo sa langit, at naging masigla, masaya, at maligaya ang buhay.
Bilang mga magulang at lider, paano natin tinutulungan ang mga kabataan na malaman na hindi sila nag-iisa sa paglakad sa landas ng tipan? Bukod sa pagbuo ng mga personal na relasyon, inaanyayahan natin sila sa malalaki at maliliit na pagtitipon—mula sa mga kumperensya ng Para sa Lakas ng mga Kabataan at youth camp hanggang sa mga lingguhang aktibidad ng korum o klase. Huwag maliitin kailanman ang katatagang nagmumula sa pakikitipon sa iba na nagsisikap ding maging matatag. Mga bishop at iba pang mga lider, magtuon sana kayo sa pangangalaga sa mga bata at kabataan sa inyong ward. Kailangan nila ang mas maraming oras ninyo, hindi mas kaunti.
Lider man kayo, kapitbahay, miyembro ng korum, o kapwa Banal lamang, kung may pagkakataon kayong antigin ang buhay ng isang kabataan, tulungan siyang kumonekta sa langit. Ang inyong impluwensya ay maaaring ang “suporta ng Simbahan” na siya mismong kailangan ng batang iyon.
Mga kapatid, pinatototohanan ko na si Jesucristo ang namumuno sa Simbahang ito. Binibigyang-inspirasyon Niya ang ating mga lider at ginagabayan tayo tungo sa espirituwal na pangangalagang kailangan natin upang makaligtas at mabuhay sa mga huling araw. Tutulungan tayo ng espirituwal na pangangalagang iyon na manampalataya at huwag mawalan ng pananampalataya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.