2010–2019
Espirituwal na Kakayahan
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019


2:3

Espirituwal na Kakayahan

Bilang matapat na disipulo ni Jesucristo, maaari kayong makatanggap ng personal na inspirasyon at paghahayag, ayon sa Kanyang mga kautusan, na akma sa inyo.

Habang paalis ako sa Young Women camp nitong tag-init, may iniabot na maikling sulat sa akin ang isang mabait na dalagita. Doon, itinanong niya, “Paano ko po masasabi na may gustong sabihin sa akin ang Diyos?” Gustung-gusto ko ang tanong niya. Inaasam ng ating kaluluwa na magkaroon ng koneksyon sa ating tahanan sa langit. Gusto nating madama na kailangan at may silbi tayo. Ngunit kung minsan nahihirapan tayong makita ang pagkakaiba ng ating sariling mga ideya sa magigiliw na impresyon ng Espiritu. Itinuro ng mga propeta, noon at ngayon, na “kung ang isang bagay ay nag-aanyaya at naghihikayat na gumawa ng mabuti, nagmumula ito kay Cristo.”1

Ipinaabot ni Pangulong Russell M. Nelson ang simple at marubdob na paanyayang ito: “Mahal kong mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. … Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw.”2

Sa umagang ito nais kong magsalita sa inyo mula sa puso ko tungkol sa apat na paraan na madaragdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.

1. Hangaring Magkaroon ng Panahon at Lugar upang Pakinggan ang Tinig ng Diyos

Kapag nagpasiya kayo na maglaan ng oras araw-araw na mas pakinggan ang tinig ng Diyos, lalo na sa Aklat ni Mormon, kalaunan ay magiging mas malinaw at pamilyar sa inyo ang Kanyang tinig.

Sa kabilang dako, dahil sa mga paggambala at ingay na pumupuno sa daigdig at sa ating tahanan at buhay, maaaring mas mahirapan tayong marinig ang Kanyang tinig. Ang mga paggambalang ito ay maaaring manaig sa ating puso’t isipan kaya nawawalan ng puwang sa atin ang magigiliw na pahiwatig ng Espiritu Santo.

Itinuro ni Propetang Joseph Smith na kadalasan ay inihahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili “[nang] personal at pribado, sa kanilang silid; sa ilang o kaparangan, at karaniwan ay walang ingay o kaguluhan.”3

Nais ni Satanas na mailayo tayo sa tinig ng Diyos sa paghadlang sa atin na pumunta sa tahimik na mga lugar na iyon. Kung nangungusap ang Diyos sa marahan at banayad na tinig, kailangan nating lumapit sa Kanya para marinig natin Siya. Isipin na lang ninyo ang mangyayari kung ang determinasyon nating manatiling nakakonekta sa langit ay kasintindi ng determinasyon nating makakonekta sa Wi-Fi! Pumili ng tahimik na oras at lugar, at pakinggan ang tinig ng Diyos araw-araw. At tuparin nang husto ang sagradong pakikipagtipanang ito, dahil napakalaki ng nakasalalay dito!

2. Kumilos Kaagad

Kapag nakatanggap kayo ng mga pahiwatig at pagkatapos ay kumilos kayo nang may layon, magagamit kayo ng Panginoon. Habang lalo kayong kumikilos, lalo kayong nagiging pamilyar sa tinig ng Espiritu. Mas mapapansin ninyo ang patnubay ng Diyos at na Siya ay “[handang] … ihayag ang Kanyang isipan at kalooban.”4 Kung magpapaliban kayo, maaari ninyong malimutan ang pahiwatig o mapalampas ang pagkakataong tulungan ang isang tao para sa Diyos.

3. Alamin ang Ipinagagawa sa Inyo ng Panginoon

Ang panalanging sabik na sagutin ng Ama sa Langit ay ang pagsamo nating maakay sa taong nangangailangan ng ating tulong. Itinuro sa atin ni Pangulong Henry B. Eyring na maghangad ng paghahayag sa pagtatanong sa Diyos kung sino ang matutulungan natin para sa Kanya. “Kung itatanong ninyo ang gayong mga bagay, darating ang Espiritu Santo at maipapahiwatig sa inyo ang mga bagay na magagawa ninyo para sa ibang tao. Kapag humayo kayo at ginawa ang mga bagay na yaon, kayo ay nasa paglilingkod ng Panginoon, kayo ay nagiging karapat-dapat para sa kaloob na Espiritu Santo.”5

Maaari ninyong ipanalangin sa Panginoon na bigyan kayo ng gagawin. Kapag ginawa ninyo ito, magagamit Niya ang inyong karaniwang mga kasanayan para isakatuparan ang Kanyang di-pangkaraniwang gawain.

Lolo ni Sister Craig na si Fritz Lundgren

Ang lolo kong si Fritz Hjalmar Lundgren ay nandayuhan mula sa Sweden noong siya ay 19 na taong gulang. Dumating siya sa Amerika na nag-iisa, may isang maleta at anim na taon lamang ng pormal na pag-aaral. Kahit hindi marunong magsalita ng Ingles, nakarating siya sa Oregon at nagtrabaho roon bilang magtotroso, at sumapi sa Simbahan kasama ang lola at nanay ko. Hindi siya kailanman nangulo sa isang ward, ngunit bilang matapat na home teacher, napabalik niya sa Simbahan ang mahigit 50 pamilya. Paano niya ginawa iyon?

Nang pumanaw si Lolo, hinalungkat ko ang isang kahon ng kanyang mga papeles at nakita ko ang isang liham mula sa isang lalaking nagbalik sa simbahan dahil sa pagmamahal ni Lolo. Sabi sa liham, “Ang lihim ni Brother Fritz, palagay ko, ay na lagi siyang naglilingkod sa Ama sa Langit.”

Galing kay Brother Wayne Simonis ang liham na iyon. Binisita siya ni Lolo at nakilala niya ang bawat miyembro ng pamilya. Kalaunan, sinabi sa kanila ni Lolo na kailangan sila at inanyayahan niya silang magsimba. Ngunit noong Linggong iyon, nahirapang magdesisyon si Brother Simonis—hindi pa niya tapos palitan ang bubong ng bahay nila, at inaasahang uulan sa linggong iyon. Nagpasiya siya na magsisimba siya, makikipagkamay kay Lolo, pagkatapos ay uuwi kaagad para tapusin ang bubong. Maaaring dumalo sa sacrament meeting ang pamilya niya kahit wala siya.

Maayos naman ang takbo ng plano niya hanggang sa may narinig siyang umaakyat sa bubong. Sabi niya: “Nang tumingala ako, … nakita ko na nasa tuktok ng hagdan si Brother Fritz. Nakangiti lang siya sa akin nang todo. Noong una, napahiya ako at para akong bata na nahuling hindi pumasok sa paaralan. Pagkatapos … nakaramdam ako ng galit. [Ngunit ang ginawa lang ni Brother Fritz] ay hinubad ang kanyang amerikana at isinabit ito sa hagdan. Habang itinutupi niya ang kanyang puting polo, tumingin siya sa akin at sinabing, ‘Brother Simonis, may iba ka pa bang martilyo? Tiyak na napakaimportante sa iyong gawin ito dahil kung hindi ay hindi mo iiwan ang pamilya mo, at kung gayon kaimportante ito, gusto kitang tulungan.’ Nang tingnan ko ang kanyang mga mata, ang tanging nakita ko ay kabaitan at pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Nawala ang galit ko. … Inilapag ko ang mga kagamitan ko nang Linggong iyon at sinundan ang mabait kong kaibigan pababa ng hagdan at pabalik sa chapel.”

Natanggap ni Lolo ang ipinagagawa sa kanya ng Panginoon, at alam niya na hahanapin niya ang nawawalang mga tupa. Tulad ng apat na lalaking idinaan sa bubong ang kanilang kaibigang lumpo at ibinaba ito para mapagaling ni Jesucristo,6 ang ipinagawa kay Lolo ay nagdala din sa kanya sa ibabaw ng bubong. Ang Panginoon ay nagpapadala ng paghahayag sa mga naghahangad na tumulong sa iba.

4. Maniwala at Magtiwala

Kamakailan, nabasa ko sa mga banal na kasulatan ang isa pang dakilang missionary na tumanggap ng tungkulin mula sa Panginoon. Tinuruan ni Aaron ang hari ng mga Lamanita, na nagtaka kung bakit hindi kasama ni Aaron ang kapatid niyang si Ammon sa pagtuturo sa kanya. “At sinabi ni Aaron sa hari: Masdan, ang Espiritu ng Panginoon ay tinawag siya sa ibang dako.7

Nangusap ang Espiritu sa puso ko: bawat isa sa atin ay may ibang misyong gagawin, at kung minsan ay maaari tayong tawagin ng Espiritu “sa ibang dako.” Maraming paraan para maitayo ang kaharian ng Diyos bilang mga disipulo ni Jesucristo na gumagawa at tumutupad ng mga tipan. Bilang Kanyang matapat na disipulo, maaari kayong makatanggap ng personal na inspirasyon at paghahayag, ayon sa Kanyang mga kautusan, na akma sa inyo. Mayroon kayong natatanging misyon at tungkuling gagampanan sa buhay at bibigyan kayo ng natatanging patnubay para matupad ang mga ito.

Si Nephi, ang kapatid ni Jared, at maging si Moises ay pawang may malawak na karagatang tatawirin—at ginawa nila ito sa magkakaibang paraan. Si Nephi ay gumawa ng “mga kahoy na kakaiba ang kayarian.”8 Ang kapatid ni Jared ay bumuo ng mga gabara na “mahigpit tulad ng isang pinggan.”9 At si Moises ay “lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.”10

Bawat isa sa kanila ay tumanggap ng personal na patnubay, na akma sa kanila, at bawat isa ay nagtiwala at kumilos. Inaalala ng Panginoon ang mga taong sumusunod at, sa mga salita ni Nephi, “maghahanda ng [isang] paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos.”11 Pansinin na ang sabi ni Nephi ay, “[isa]ng paraan”—hindi “ang paraan.”

Pinalalampas o binabalewala ba natin ang mga ipinagagawa sa atin ng Panginoon dahil naghanda siya ng “[isa]ng paraan” na naiiba sa inaasahan natin?

Napunta ang lolo ko sa isang kakaibang lugar—naka-amerikana, sa ibabaw ng bubong, isang araw ng Linggo. Magtiwalang aakayin kayo ng Diyos, kahit mukhang iba ang paraang iyon sa inaasahan ninyo o hindi iyon katulad ng iba.

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay magkakaiba ang kalagayan ngunit “pantay-pantay ang lahat sa Diyos”—“maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae,” walang asawa at may-asawa, mayaman at mahirap, bata at matanda, miyembro mula nang ipanganak o bagong binyag.12 Sinuman kayo o anuman ang pinagdaraanan ninyo, inaanyayahan kayo sa hapag ng Panginoon.13

Kapag nakagawian ninyo ang paghahangad at paggawa ng kalooban ng Ama sa araw-araw, mahihikayat kayo, mangyari pa, na magbago at magsisi.

Ang bagong programa ng Simbahan para sa mga bata at kabataan ay nakasalig sa pundasyon ng pagkatutong maghangad ng paghahayag, matuklasan ang gustong ipagawa sa atin ng Panginoon, at pagkatapos ay kumilos ayon sa tagubiling iyon. Bawat isa sa atin, anuman ang edad o sitwasyon ay mapagsisikapang maghangad, tumanggap, at kumilos. Sa pagsunod ninyo sa walang-hanggang huwarang itinatag para sa ating panahon, mas mapapalapit kayo kay Jesucristo—sa Kanyang pagmamahal, Kanyang liwanag, Kanyang patnubay, Kanyang kapayapaan, at Kanyang kapangyarihang magpagaling at magbigay ng kakayahan. At madaragdagan ninyo ang inyong espirituwal na kakayahan na maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay sa pagsasakatuparan ng Kanyang dakilang gawain. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.