2010–2019
Pagtupad sa Ating mga Pangako at Tipan
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019


2:3

Pagtupad sa Ating mga Pangako at Tipan

Inaanyayahan ko kayo na isipin ang mga pangako at mga tipan na ginagawa ninyo sa Panginoon, at sa iba, nang may dakilang integridad, nalalaman na tapat kayo sa inyong salita.

Mga minamahal kong kapatid, sa pagtatapos ng sesyon na ito, nawa’y isapuso natin ang mga pagsaksing ipinabatid sa araw na ito tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Tayo ay pinagpala na sama-samang magkaroon ng sagradong panahong ito upang pagtibayin ang ating pangako sa Panginoong Jesucristo na tayo ay Kanyang mga tagapaglingkod at Siya ang ating Tagapagligtas.

Ang kahalagahan ng paggawa at pagtupad sa mga pangako at mga tipan ay aking pinagninilayan. Gaano kahalaga sa inyo ang pagtupad sa inyong pangako? ang pagkatiwalaan? ang gawin ang sinabi ninyong gagawin ninyo? ang sikaping tuparin ang inyong mga sagradong tipan? ang magkaroon ng integridad? Sa pagiging tapat sa ating mga pangako sa Panginoon at sa iba, tinatahak natin ang landas ng tipan pabalik sa ating Ama sa Langit at nadarama natin ang Kanyang pagmamahal sa ating buhay.

Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang ating dakilang Halimbawa pagdating sa paggawa at pagtupad sa mga pangako at mga tipan. Pumarito siya sa mundo na nangangakong gagawin ang kalooban ng Ama. Itinuro Niya ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa salita at sa gawa. Nagbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan upang mabuhay tayong muli. Tinupad Niya ang bawat isa sa Kanyang mga pangako.

Ganoon din ba ang masasabi para sa bawat isa sa atin? Ano ang mga panganib kung mandaraya tayo nang kaunti, magpapadaig nang kaunti sa tukso, o hindi lubos na isasakatuparan ang ating mga tipan? Paano kung tatalikuran natin ang ating mga tipan? Lalapit ba ang iba kay Cristo dahil sa ating halimbawa? Tapat ba kayo sa inyong salita? Ang pagtupad sa mga pangako ay hindi gawi; ito ay isang katangian ng pagiging disipulo ni Jesucristo.

Palaging iniisip ang ating mga kahinaan sa mortal na buhay, ipinangako ng Panginoon, “Magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo.”1 Nadarama ko ang Kanyang presensya kapag kailangan ko ng katiyakan, pag-alo, mas dakilang espirituwal na kaalaman o lakas, at dama ko ang pagpapakumbaba at pasasalamat sa Kanyang banal na patnubay.

Sinabi ng Panginoon, “Bawat kaluluwa na tatalikod sa kanyang mga kasalanan at lalapit sa akin, at mananawagan sa aking pangalan, at susunod sa aking tinig, at susunod sa aking mga kautusan, ay makikita ang aking mukha at malalaman na ako na nga.”2 Iyan marahil ang Kanyang pinakadakilang pangako.

Natutuhan ko ang kahalagahan ng pagtupad sa aking salita noong kabataan ko. Isa sa mga ganitong halimbawa ay noong tumindig ako upang bigkasin ang Scout Oath. Ang ating ugnayan sa Boy Scouts of America, sa pagtatapos nito ngayon, ay palaging magiging isang mahalagang pamana sa akin at sa Simbahang ito. Para sa organisasyon ng Scouting, sa maraming kalalakihan at kababaihan na masigasig na naglingkod bilang mga Scout leader, sa mga ina—sa kanila ang tunay na papuri—at sa mga kabataang lalaki na lumahok sa Scouting, sinasabi ko sa inyo, “Salamat.”

Sa sesyong ito rin, ang ating mahal na propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, at si Elder Quentin L. Cook ay nagpahayag ng mga pagbabago na muling magtutuon ng ating atensyon sa mga kabataan at iaayon ang ating mga organisasyon sa katotohanang ipinahayag. Bukod pa riyan, noong nakaraang Linggo lamang, ipinaliwanag nina Pangulong Nelson at Pangulong M. Russell Ballard ang bagong Programa para sa mga Bata at Kabataan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw para sa buong Simbahan. Ito ay pandaigdigang inisyatibong nakatuon sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nagkakaisa sa bagong direksyong ito, at personal akong nagpapatotoo na pinatnubayan kami ng Panginoon sa bawat hakbang niyon. Nasasabik ako para sa mga bata at kabataan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na maranasan ang pinagkaisang pagtutuon sa kanila kapwa sa tahanan at sa simbahan—sa pag-aaral ng ebanghelyo, paglilingkod at mga aktibidad, at personal na pag-unlad.

Ang tema ng mga kabataan para sa taong 2020 ay nangungusap tungkol sa klasikong pangako ni Nephi na “[humayo at gumawa].” Isinulat niya, “At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay nangusap sa aking ama: Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila.”3 Bagama’t matagal nang binanggit, tayo sa Simbahan ay nagpapatuloy sa pangakong iyan ngayon.

Ang ibig sabihin ng “humayo at gumawa” ay maging higit na mabuti kaysa mga paraan ng daigdig, pagtanggap sa at pagkilos ayon sa personal na paghahayag, pamumuhay nang matwid na may pag-asa at pananalig sa hinaharap, paggawa at pagtupad sa mga tipan na susundin si Jesucristo, at sa gayon ay madaragdagan ang pagmamahal natin sa Kanya, ang Tagapagligtas ng daigdig.

Ang tipan ay isang pangako sa pagitan natin at ng Panginoon. Bilang mga miyembro ng Simbahan, nakikipagtipan tayo sa binyag na tataglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, na mamumuhay nang tulad Niya. Katulad ng mga nabinyagan sa mga Tubig ni Mormon, nakikipagtipan tayo na maging Kanyang mga tao, na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan; … na makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; … aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.”4 Ang paglilingkod natin sa bawat isa sa Simbahan ay nagpapakita sa katapatan nating tuparin ang mga pangakong iyon.

Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinapanibago natin ang tipan na tataglayin natin ang Kanyang pangalan at gagawa ng karagdagang mga pangakong bumuti. Ang ating iniisip at gawa sa araw-araw, kapwa malaki at maliit, ay nagpapakita ng ating katapatan sa Kanya. Ang Kanyang sagradong pangako bilang kapalit ay, “Kung lagi ninyo akong aalalahanin ang aking Espiritu ay mapapasainyo.”5

Ang tanong ko ngayon ay, tinutupad ba natin ang ating mga pangako at tipan o kung minsan ba ay hindi tapat na pangako ang mga ito, kaswal na ginawa kung kaya’t madaling baliin? Kapag sinasabi natin sa isang tao, “ipagdarasal kita,” ginagawa ba natin? Kapag nangangako tayo na “ako ay pupunta para tumulong,” gagawin ba natin? Kapag inoobliga natin ang ating sarili na magbayad ng utang, ginagawa ba natin? Kapag itinataas natin ang ating mga kamay upang sang-ayunan ang kapwa miyembro sa isang bagong katungkulan, na ibig sabihin ay susuporta, ginagawa ba natin?

Isang araw noong aking kabataan, umupo ang aking nanay kasama ko sa paanan ng kanyang higaan at nagsalita nang taimtim hinggil sa kahalagahan ng pagsunod sa Word of Wisdom. “Nalalaman ko mula sa mga karanasan ng iba, mula sa nakalipas na mga taon” sabi niya, “ang pagkawala ng espirituwalidad at kakayahang makadama na nagmumula sa hindi pagsunod sa Word of Wisdom.” Siya ay tumingin sa aking mga mata at nadama ko na tumimo ang kanyang mga salita sa aking puso: “Ipangako mo sa akin, Ronnie, ngayon [Ronnie ang tawag niya sa akin], na palagi mong susundin ang Word of Wisdom.” Taimtim akong nangako sa kanya, at pinanghahawakan ko ito sa paglipas ng mga taon.

Ang pangakong iyan ay nakatulong sa akin noong kabataan ko at sa mga sumunod na taon kapag may mga okasyong nakakasama ko ang mga kakilala sa negosyo kung saan umaapaw ang mga nakalalasing na inumin. Maaga akong nagdesisyong sundin ang mga batas ng Diyos, at hindi ko na kinailangang ipangako itong muli. Sinabi ng Panginoon, “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako.”6 Ano ang sinasabi Niya sa kanila na sumusunod sa Word of Wisdom? Na tayo ay may pangako ng kalusugan, kalakasan, karunungan, kaalaman, at mga anghel na mangangalaga sa atin.7

Ilang taon na ang nakaraan, kami ni Sister Rasband ay nasa Salt Lake Temple para sa pagbubuklod ng isa sa aming mga anak na babae. Habang nakatayo kami sa labas ng templo kasama ang isang mas batang anak na babae, na hindi pa sapat ang edad upang dumalo sa seremonya, nag-usap kami tungkol sa kahalagahan ng mabuklod sa banal na templo ng Diyos. Katulad ng itinuro sa akin ng aking ina ilang taon ang nakararaan, sinabi namin sa aming anak, “Gusto naming mabubuklod ka nang tiyak sa templo, at gusto naming ipangako mo sa amin na kapag nahanap mo na ang iyong kabiyak para sa walang hanggan, magpapasiya ka kasama niya na mabuklod sa templo.” Nangako siya sa amin.

Ang anak ni Elder Rasband at asawa nito

Matapos iyon ay sinabi niya na pinangalagaan siya ng aming usapan at ng kanyang pangako at ipinaalala sa kanya “kung ano ang pinakamahalaga.” Kalaunan ay gumawa siya ng mga sagradong tipan nang mabuklod siya sa kanyang asawa sa templo.

Itinuro ni Pangulong Nelson: “Pinalalakas … natin ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay kapag gumagawa tayo ng mga sagradong tipan at ganap na tinutupad ang mga tipang ito. Ang ating mga tipan ang nagbubuklod sa atin sa Kanya at nagbibigay sa atin ng lakas mula sa Diyos.”8

Kapag tinutupad natin ang mga pangako sa bawat isa, mas malamang na matutupad natin ang mga pangako sa Panginoon. Alalahanin ang mga salita ng Panginoon: “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”9

Isipin natin ang halimbawa ng mga pangako sa mga banal na kasulatan. Si Ammon at ang mga anak ni Mosias sa Aklat ni Mormon ay nangakong “ipangaral ang salita ng Diyos.”10 Nang si Ammon ay nadakip ng mga hukbong Lamanita, dinala siya sa harapan ng Lamanita na si Haring Lamoni. Ipinangako niya sa hari, “Magiging tagapagsilbi ninyo ako.”11 Nang dumating ang mga tulisan upang nakawin ang mga tupa ng hari, pinutol ni Ammon ang kanilang mga braso. Dahil lubhang namangha ang hari, nakinig siya sa mensahe ni Ammon tungkol sa ebanghelyo at nagbalik-loob.

Si Ruth, sa Lumang Tipan, ay nangako sa kanyang biyenan, “Kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako.”12 Siya ay naging tapat sa kanyang salita. Ang mabuting Samaritano, sa isang talinghaga sa Bagong Tipan, ay nangako sa tagapangasiwa ng bahay-tuluyan na kung aalagaan niya ang sugatang manlalakbay, “Anomang magugol mong higit, ay aking pagbabayaran sa iyo pagbabalik ko.”13 Si Zoram, sa Aklat ni Mormon, ay nangakong paroroon sa ilang kasama ni Nephi at ng kanyang mga kapatid. Sabi ni Nephi, “Nang manumpa si Zoram sa amin, nawala ang aming takot hinggil sa kanya.”14

Paano naman ang sinaunang pangako na “ginawa sa mga ama” na inilarawan sa mga banal na kasulatan na “ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama”?15 Sa buhay bago ito nang pinili natin ang plano ng Diyos, nangako tayong tutulong sa pagtipon sa Israel sa magkabilang panig ng tabing. “Nakipagtulungan tayo sa Panginoon,” paliwanag ni Elder John A. Widtsoe ilang taon na ang nakararaan. “Ang pagsasakatuparan ng plano ay hindi lamang naging gawain ng Ama, at gawain ng Tagapagligtas, kundi naging gawain din natin.”16

“Ang pagtitipon … ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon,” sabi ni Pangulong Nelson sa kanyang paglalakbay sa daigdig. “Kapag pinag-uusapan natin ang pagtitipon, ang sinasabi natin ay ang katotohanang ito: bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit, sa parehong panig ng tabing, ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.”17

Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, nagtatapos ako nang may paanyaya at pangako. Una, inaanyayahan ko kayo na isipin ang mga pangako at tipan na ginagawa ninyo sa Panginoon, at sa iba, nang may dakilang integridad, nalalaman na tapat kayo sa inyong salita. Pangalawa, ipinapangako ko sa inyo na kapag ginawa ninyo ito, itataguyod ng Panginoon ang inyong mga salita at babasbasan ang inyong mga gawa habang nagsisikap kayo nang walang kapagurang pagsusumigasig na patatagin ang inyong mga buhay, inyong mga pamilya, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Siya ay mapapasainyo, minamahal kong mga kapatid, at magagawa ninyo, nang may pananalig, na umasa na kayo ay “tatanggapin sa langit upang doon [kayo] ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan. … sapagkat ang Panginoong Diyos ang siyang nagsabi ng mga ito.”18

Pinatototohanan at ipinapangako ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.