Ang Ikalawang Dakilang Kautusan
Ang ating pinakamalaking kagalakan ay nagmumula sa pagtulong sa ating mga kapatid.
Minamahal kong mga kapatid, salamat sa lahat ng inyong ginagawa para tipunin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing, para palakasin ang inyong mga pamilya, at para pagpalain ang buhay ng mga nangangailangan. Salamat dahil namumuhay kayo bilang mga tunay na tagasunod ni Jesucristo.1 Nalalaman at gustung-gusto ninyong sundin ang Kanyang dalawang dakilang kautusan, ang ibigin ang Diyos at ang ibigin ang inyong kapwa-tao.2
Sa nakalipas na anim na buwan, kami ni Sister Nelson ay nakipagpulong sa libu-libong Banal sa paglalakbay namin sa Gitna at Timog Amerika, sa mga isla sa Pasipiko, at sa iba’t ibang lungsod sa Estados Unidos. Sa aming paglalakbay, umaasa kami na palakasin ang inyong pananampalataya. Gayunman, palagi kaming bumabalik na ang aming pananampalataya ang napalakas ng mga miyembro at kaibigang nakikilala namin. Maaari ko bang ibahagi ang tatlong makabuluhang sandali mula sa aming mga pinakahuling karanasan?
Noong Mayo, kami ni Sister Nelson ay naglakbay kasama sina Elder Gerrit W. at Sister Susan Gong sa Timog Pasipiko. Habang nasa Auckland, New Zealand, nagkaroon kami ng karangalang makipagkita sa mga imam ng dalawang moske sa Christchurch, New Zealand, kung saan dalawang buwan bago ito ay kakila-kilabot at marahas na pinagbabaril ang mga inosenteng sumasamba rito.
Ipinaabot namin ang ating pakikiramay sa ating mga kapatid na ito sa ibang pananampalataya at kapwa muling pinagtitibay ang ating tapat na pangako sa kalayaang pangrelihiyon.
Nagbigay din tayo ng boluntaryong paggawa at disenteng tulong pinansyal para sa muling pagtatayo ng mga moske. Ang aming pakikipagpulong sa mga pinunong Muslim na ito ay puno ng magigiliw na pagpapahayag ng pakikipagkapatiran.
Noong Agosto, kasama sina Elder Quentin L. at Sister Mary Cook, kami ni Sister Nelson ay nakipagtipon sa mga tao sa Buenos Aires, Argentina—karamihan sa kanila ay mula sa ibang pananampalataya—na ang mga buhay ay nabago ng mga wheelchair na ibinigay sa kanila ng ating Latter-day Saint Charities. Nabigyang-inspirasyon kami nang ipinahayag nila ang kanilang pasasalamat na puno ng kagalakan para sa kanilang bagong-tuklas na kakayahang kumilos.
Ang ikatlong mahalagang sandali ay naganap ilang linggo lamang ang nakararaan dito sa Salt Lake City. Mula ito sa isang natatanging liham na natanggap ko noong kaarawan ko mula sa dalagita na tatawagin kong Mary—14 na taong gulang.
Sumulat si Mary tungkol sa pagkakatulad naming dalawa: “Mayroon po kayong 10 anak. Sampu po kaming magkakapatid. Nagsasalita po kayo ng Mandarin. Pito sa mga bata sa aming pamilya, kabilang po ako, ang inampon mula sa China, kaya Mandarin po ang aming unang wika. Isa po kayong heart surgeon. Ang kapatid ko pong babae ay nagkaroon ng dalawang open-heart [operations]. Gusto po ninyo ng dalawang oras na pagsisimba. Gusto po namin ng dalawang oras na pagsisimba. Mayroon po kayong perfect pitch. May perfect pitch din po ang kapatid kong lalaki. Siya po ay bulag ding katulad ko.”
Ang mga salita ni Mary ay labis na umantig sa akin, nagpapahayag hindi lamang ng kanyang dakilang espiritu kundi maging ng banal na paglalaan ng kanyang ina at ama.
Ang mga Banal sa mga Huling Araw, katulad ng ibang mga tagasunod ni Jesucristo, ay palaging naghahanap ng mga paraan para tumulong, magpasigla, at magmahal ng iba. Sila na nahahandang tawaging mga tao ng Panginoon ay “nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; … at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw.”3
Tunay na hinahangad nila na ipamuhay ang una at ikalawang dakilang mga kautusan. Kapag minamahal natin ang Diyos nang buong puso, ibinabaling Niya ang ating mga puso sa kapakanan ng iba sa isang maganda at banal na siklo.
Imposibleng makalkula ang dami ng paglilingkod na ibinibigay ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo sa bawat araw ng bawat taon, ngunit posible na makalkula ang kabutihang ginagawa ng Simbahan bilang isang organisasyon para pagpalain ang kalalakihan at kababaihan—mga batang lalaki at babae—na nangangailangan ng tulong.
Ang pagtulong ng Simbahan sa mga taong nangangailangan ay sinimulan noong 1984. Pagkatapos nito, isang pag-aayuno sa buong Simbahan ang idinaos para makakalap ng pondo para tulungan ang mga nagdurusa dahil sa matinding tagtuyot sa silangang Africa. Ang mga miyembro ng Simbahan ay nagbigay ng $6.4 milyong donasyon sa isang araw lamang na iyon ng pag-aayuno.
Ang noo’y Elder M. Russell Ballard at si Brother Glenn L. Pace ay ipinadala sa Ethiopia para suriin kung paano pinakamainam na magagamit ang pondong bunga ng paglalaan. Ang gawaing ito ang naging simula ng tatawagin kalaunan na Latter-day Saint Charities.
Mula noon, nagbigay ang Latter-day Saint Charities ng mahigit dalawang bilyong dolyar na tulong para sa mga nangangailangan sa buong mundo. Ang tulong na ito ay ibinigay sa mga tumatanggap anuman ang kanilang Simbahang kinabibilangan, nasyonalidad, lahi, sekswal na oryentasyon, kasarian, o politikal na opinyon.
Hindi lang iyan. Para tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na nahihirapan, gustung-gusto at ipinamumuhay natin ang sinaunang batas ng pag-aayuno.4 Nagugutom tayo para tulungan ang mga nagugutom. Isang araw bawat buwan, hindi tayo kumakain at ibinibigay na donasyon ang halaga ng pagkaing iyon (at higit pa) para tulungan ang mga nangangailangan.
Hindi-hinding ko malilimutan ang una kong pagbisita sa Kanlurang Africa noong 1986. Napakarami ng mga Banal na dumating sa aming mga pulong. Bagama’t ang karamihan ay may kakaunting materyal na pag-aari, ang karamihan ay nakasuot ng walang-bahid dungis na puting kasuotan.
Tinanong ko ang stake president kung paano niya pinangangalagaan ang mga miyembro na walang-wala. Tumugon siya na kilalang-kilala ng mga bishop ang kanilang mga miyembro. Kung makakabili ng pagkain ang mga miyembro nang dalawang beses kada araw, hindi nila kailangan ng tulong. Subalit kung isang beses lang sila nakakabili o kung mas mababa pa rito—kahit may tulong na ng mga kapamilya—ang mga bishop ay nagbibigay ng pagkain mula sa pondo ng mga handog-ayuno. Pagkatapos ay idinagdag niya ang kahanga-hangang katotohanang ito: ang kanilang mga kontribusyon sa handog-ayuno ay kadalasang higit pa sa kanilang ginagasta. Ang labis na handog-ayuno ay ipinadadala naman sa mga tao sa ibang lugar na may mas malaking pangangailangan kaysa kanila. Ang malalakas na Afrikanong Banal na ito ay nagturo sa akin ng dakilang aral tungkol sa kapangyarihan ng batas at sa diwa ng pag-aayuno.
Bilang mga miyembro ng Simbahan, nauunawaan natin ang mga nagdurusa sa anumang paraan. 5 Bilang mga anak ng Diyos, tayong lahat ay magkakapatid. Sinusunod natin ang isang payo sa Lumang Tipan: “[Ibuka] mo nga ang iyong kamay sa iyong kapatid, sa nagkakailangan sa iyo, at sa dukha … sa iyong lupain.”6
Nagsisikap din tayong ipamuhay ang mga turo ng Panginoong Jesucristo na nakatala sa Mateo 25:
“Sapagkaʼt akoʼy nagutom, at ako’y inyong pinakain; ako’y nauhaw, at akoʼy inyong pinainom: ako’y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy;
“Naging hubad, at inyo akong pinaramtan; ako’y nagkasakit at inyo akong dinalaw. …
“… Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”7
Hayaan ninyo akong banggitin ang ilang halimbawa kung paano sinusunod ng Simbahan ang mga turong ito ng Tagapagligtas.
Para tulungan ang mga nagugutom, ang Simbahan ay nagpapatakbo ng 124 na mga bishop’s storehouse sa buong mundo. Sa pamamagitan ng mga ito, humigit-kumulang na 400,000 na mga kahilingan sa pagkain ang ibinibigay sa bawat taon sa mga indibiduwal na nangangailangan. Sa mga lugar kung saan walang storehouse, ang mga bishop at branch president ay kumukuha mula sa mga pondo ng handog-ayuno ng Simbahan para makapagbigay ng pagkain at suplay sa mga miyembrong nangangailangan.
Gayunman, ang problema ng pagkagutom ay nakaaapekto hindi lamang sa mga miyembro ng Simbahan. Ito ay mas lumalala sa buong mundo. Ang pinakahuling ulat ng United Nations ay nagpapakita na ang bilang ng mga taong kulang sa nutrisyon sa mundo ngayon ay mahigit sa 820 milyon—o halos isa sa bawat siyam na naninirahan sa mundo.8
Napakaseryosong bilang nito! Labis kaming nagpapasalamat sa inyong mga kontribusyon. Salamat at dahil sa inyong taos-pusong pagbibigay, milyun-milyon sa buong mundo ang tatanggap ng labis na kinakailangang pagkain, damit, pansamantalang tirahan, mga wheelchair, gamot, malinis na tubig, at marami pang iba.
Ang karamihan sa sakit sa buong mundo ay dahil sa maruming tubig. Hanggang sa araw na ito, ang makataong inisyatibo ng Simbahan ay tumulong na makapagbigay ng malinis na tubig sa daan-daang komunidad sa 76 na bansa.
Ang proyekto sa Luputa, sa Democratic Republic of the Congo, ay isang magandang halimbawa. Mahigit 100,000 populasyon, ang bayang ito ay walang dumadaloy na tubig. Ang mga mamamayan ay kailangang maglakad nang malayo para sa mga mapagkukunan ng ligtas na tubig. Bagama’t natuklasan ang isang bukal sa bundok na 18 milya ang layo, ang mga tao sa bayan ay hindi makakuha ng tubig nang regular.
Nang malaman ng ating mga humanitarian missionary ang problemang ito, nakipagtulungan sila sa mga pinuno sa Luputa sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga materyales at ng training o pagsasanay sa paglalagay ng tubo para mapatubigan ang lungsod. Ang mga tao sa Luputa ay gumugol ng tatlong taon sa paghuhukay ng isang metrong lalim na kanal sa mga bato at gubat. Sa pagtutulungan, dumating sa wakas ang napakasayang araw na ang lahat sa pamayanan ay makakakuha na ng malinis na tubig-tabang.
Tumutulong din ang Simbahan sa mga refugee, lumikas man sila sa kaguluhang sibil, pananalasa ng kalikasan, o pagmamalupit dahil sa relihiyon. Mahigit 70 milyon na ngayon ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan.9
Sa taong 2018 lamang, ang Simbahan ay nagbigay ng mga emergency supply sa mga refugee sa 56 na bansa. Bukod dito, maraming miyembro ng Simbahan ang nagboluntaryo ng kanilang oras para tulungan ang mga refugee na makaangkop sa kanilang bagong mga komunidad. Salamat sa bawat isa sa inyo na tumulong sa mga nagsisikap na magtatag ng kanilang bagong mga tahanan.
Sa bukas-palad na pagbibigay ng donasyon sa mga Deseret Industries outlet sa Estados Unidos, milyun-milyong libra ng mga damit ang nakokolekta at pinaghihiwa-hiwalay bawat taon. Bagama’t gamit ng mga bishop ang malawak na imbentaryong ito para tulungan ang mga nangangailangan, ang pinakamalaking bahagi ay ibinibigay na donasyon sa mga organisasyon kawanggawa na namamahagi ng mga ito sa buong mundo.
At nito lamang nagdaang taon, ang Simbahan ay nagkaloob ng tulong sa pangangalaga ng paningin ng mahigit 300,000 tao sa 35 bansa, tulong para sa pangangalaga sa mga bagong panganak ng libu-libong mga ina at sanggol sa 39 bansa, at mga wheelchair sa mahigit 50,000 tao na nakatira sa maraming bansa.
Ang Simbahan ay kilala bilang isa sa mga unang tumutugon kapag may nagaganap na trahedya. Kahit bago pa man tumama ang isang buhawi, ang mga lider at kawani ng Simbahan sa mga apektadong lugar ay gumagawa na ng mga plano kung paano sila magbibigay ng relief supply at tulong mula sa mga boluntaryo para sa mga masasalanta.
Nito lamang nagdaang taon, ang Simbahan ay gumawa ng mahigit 100 na proyekto para tumulong sa mga nasalanta ng kalamidad sa buong mundo at tumulong sa mga biktima ng buhawi, sunog, baha, lindol, at iba pang mga kalamidad. Kung kailan man posible, napakaraming mga miyembro ng Simbahan na nakadilaw na Helping Hands vest ang kumikilos para tumulong sa mga naapektuhan ng kalamidad. Ang uri ng paglilingkod na ito, na ibinigay ng napakarami sa inyo, ay ang pinakadiwa ng paglilingkod.
Minamahal kong mga kapatid, ang mga aktibidad na inilarawan ko ay maliit na bahagi lamang ng lumalagong tulong pangkapakanan at pantao ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.10 At kayo ang dahilan kung bakit naging posible ang lahat ng ito. Dahil sa inyong kahanga-hangang mga buhay, mapagbigay na mga puso, at matulunging mga kamay, hindi nakapagtatakang maraming pinuno ng mga komunidad at pamahalaan ang pumupuri sa inyong mga ginagawa.11
Mula nang ako ay maging Pangulo ng Simbahan, namangha ako kung gaano karaming mga pangulo, prime minister, at mga ambassador ang taos-pusong nagpasalamat sa akin para sa ating mga tulong sa kanilang mga tao. At nagpahayag din sila ng pasasalamat para sa lahat ng ibinibigay ng ating matatapat na miyembro sa kanilang mga bansa bilang matatapat at nag-aambag na mga mamamayan.
Namangha rin ako sa pagbisita sa Unang Panguluhan ng mga lider sa mundo na nagpapahayag ng kanilang pag-asa na maitatag ang Simbahan sa kanilang mga lupain. Bakit? Dahil alam nila na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay tutulong na magtatag ng malalakas na pamilya at komunidad at gagawing mas mabuti ang buhay ng iba saanman sila nakatira.
Saan man naninirahan, ang mga miyembro ng Simbahan ay may masidhing damdamin sa pagiging Ama ng Diyos at pagkakapatiran ng mga tao. Kaya, ang ating pinakamataas na kagalakan ay nagmumula sa pagtulong sa ating mga kapatid, saan man tayo nakatira sa kamangha-manghang mundong ito.
Ang pagbibigay ng tulong sa iba—ang matapat na pagsisikap na pangalagaan ang iba tulad ng o higit pa sa pangangalaga natin sa ating sarili—ang ating kagalakan. Lalo na, kung maaari kong idagdag, kapag ito ay hindi maginhawa at kapag kailangan nating gawin ang isang bagay na hindi natin karaniwang ginagawa. Ang pamumuhay ng ikalawang dakilang kautusang iyon ang susi para maging tunay na disipulo ni Jesucristo.
Minamahal kong mga kapatid, kayo ang mga buhay na halimbawa ng mga bunga na mula sa pagsunod sa mga turo ni Jesucristo. Salamat sa inyo! Mahal ko kayo!
Alam ko na ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Ipinanumbalik na sa lupa ang Kanyang Simbahan sa mga huling araw na ito upang tuparin ang mga banal na layunin nito. Pinatototohanan ko ang mga ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.