2010–2019
Mga Saksi, mga Korum ng Aaronic Priesthood, at Klase ng Young Women
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019


2:3

Mga Saksi, mga Korum ng Aaronic Priesthood, at Klase ng Young Women

Ang mga pagbabagong ibabalita namin ngayon ay para tulungan ang mga kabataang lalaki at kabataang babae na paunlarin ang kanilang sagradong personal na potensiyal.

Mahal kong mga kapatid, napakagandang makasama kayong muli. Sa simula ng linggong ito, ibinalita sa mga miyembro ng Simbahan ang tungkol sa mga pagbabago sa patakaran tungkol sa kung sino ang maaaring magsilbing mga saksi sa binyag at sa mga ordenansa ng pagbubuklod. Gusto kong bigyang-diin ang tatlong punto na iyon.

  1. Ang proxy na binyag para sa isang taong yumao na ay maaaring saksihan ng sinumang may hawak na current temple recommend, pati na ng limited-use recommend.

  2. Sinumang miyembrong tumanggap na ng endowment na may current temple recommend ay maaaring maging saksi sa mga ordenansa ng pagbubuklod, para sa buhay at proxy.

  3. Sinumang binyagang miyembro ng Simbahan ay maaaring maging saksi sa binyag ng isang taong buhay. Ang pagbabagong ito ay nakapatungkol sa lahat ng binyag sa labas ng templo.

Ang mga pagbabagong ito sa patakaran ay dumaan sa proseso. Ang batayang doktrina at mga tipan ay hindi nagbabago. Lahat ng ito ay may bisa pa rin tulad ng lahat ng mga ordenansa. Dapat mapaiging mabuti ng mga pagbabagong ito ang partisipasyon ng pamilya sa mga ordenansang ito.

Gusto ko ring sabihin sa inyo ngayon ang mga pagbabagong nauukol sa ating kabataan at sa kanilang mga lider.

Matatandaan ninyo na inimbita ko ang mga kabataan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na sumali sa kabataang batalyon ng Panginoon sa mundo ngayon—ang pagtitipon ng Israel.1 Ipinaabot ko ang imbitasyong ito sa ating mga kabataan dahil may kakaiba silang kaloob sa pagtulong sa iba at pagbabahagi ng pinaniniwalaan nila sa nakakukumbinsing paraan. Ang dahilan ng pagtitipon ay mahalagang bahagi ng pagtulong upang maihanda ang mundo at ang mga mamamayan nito para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Sa bawat ward, ang kabataang batalyon ng Panginoon ay pinamumunuan ng isang bishop, na tapat na lingkod ng Diyos. Ang pangunahin at pinakamahalaga niyang tungkulin ay ang pangalagaan ang mga kabataang lalaki at kabataang babae ng kanyang ward. Ang bishop at kanyang mga tagapayo ang namamahala sa gawain ng mga korum ng Aaronic Priesthood at mga klase ng Young Women sa ward.

Ang mga pagbabagong ibabalita namin ngayon ay para tulungan ang mga kabataang lalaki at kabataang babae na paunlarin ang kanilang sagradong personal na potensiyal. Nais din naming patatagin ang mga korum ng Aaronic Priesthood at mga klase ng Young Women at maglaan ng suporta sa mga bishop at iba pang mga adult leader sa paglilingkod nila sa kasunod na henerasyon.

Tatalakayin ngayon ni Elder Quentin L. Cook ang mga pagbabago na nauugnay sa mga kabataang lalaki. At mamayang gabi, sa pangkalahatang sesyon ng kababaihan, tatalakayin ni Sister Bonnie H. Cordon, Young Women General President, ang mga pagbabagong nauugnay sa mga kabataang babae.

Ang Unang Panguluhan at ang Labindalawa ay nagkakaisa sa pag-endorso sa mga pagsisikap na ito upang palakasin ang ating mga kabataan. Mahal na mahal natin sila at ipinagdarasal sila! Sila ang “Kabataang hukbong Sion, pag-asa ng Israel.”2 Ipinapahayag namin ang aming lubos na pagtitiwala sa ating kabataan at ang aming pasasalamat sa kanila. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.

  2. “Pag-asa ng Israel,” Mga Himno, blg. 161.