2010–2019
Mga Pinakamamahal na Anak na Babae
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019


2:3

Mga Pinakamamahal na Anak na Babae

Ang nasa sentro ng lahat ng aming ginagawa sa Young Women ay ang pagnanais namin na tulungan kayo na magkaroon ng di-natitinag na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.

Mahal kong mga kapatid, nagagalak akong makasama kayo! Nasaksihan natin ang pagbuhos ng paghahayag na kapwa sumusubok at nagpapasigla sa kaluluwa.

Sa pagsisimula natin, gusto kong makilala ninyo ang ilang kaibigan; sila ay young women na may mga natatanging talento, pag-uugali, at kalagayan bilang indibiduwal at pamilya. Bawat isa sa kanila, tulad ninyong lahat, ay nakaantig sa puso ko.

Bella

Una, ipinapakilala ko si Bella. Siya ay nananatiling matatag bagama’t nag-iisang dalagita sa kanilang branch sa Iceland.

Josephine

Ipinapakilala ko ang tapat na si Josephine mula sa Africa, na nagpasiyang pag-aralang muli ang Aklat ni Mormon araw-araw. Natutuklasan niya ang kapangyarihan at mga pagpapala na nagmumula sa simple at matwid na gawaing ito.

Ashtyn

At ang huli, ipinapakilala ko ang aking mahal na kaibigan na si Ashtyn, isang pambihirang dalagita na pumanaw matapos ang anim na taong pakikipaglaban sa kanser. Ang malakas niyang patotoo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay umaantig pa rin sa aking puso.

Kayong lahat ay mga kahanga-hangang kabataang babae. Kayo ay natatangi, taglay ang sariling mga kakayahan at karanasan ngunit magkakatulad sa paraang napakahalaga at walang-hanggan.

Kayo ay literal na mga espiritung anak ng mga Magulang sa Langit, at walang makapaghihiwalay sa inyo mula sa Kanilang pagmamahal at sa pagmamahal ng inyong Tagapagligtas.1 Kapag mas lumalapit kayo sa Kanya, kahit sa maliliit na paghakbang, matutuklasan ninyo ang pangmatagalang kapayapaan na mapapasainyong kaluluwa bilang tapat na disipulo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Hiniling ni Pangulong Russell M. Nelson, ang ating pinakamamahal na propeta, na ibahagi ko ang ilang inspiradong pagbabago na makatutulong sa inyo na “paghusayin ang [inyong] sagradong personal na potensiyal”2 at dagdagan pa ang inyong mabuting impluwensya. Tatalakayin ko ang apat na bahagi ng pagbabago sa gabing ito.

Tema ng Young Women

Una, ang nasa sentro ng lahat ng aming ginagawa sa Young Women ay ang pagnanais na tulungan kayo na magkaroon ng di-natitinag na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo3 at ng tiyak na kaalaman tungkol sa inyong banal na katangian bilang anak ng Diyos.

Ngayong gabi, gusto kong ibalita ang pagbabago sa tema ng Young Women. Dalangin ko na madama ninyo ang pagpapatotoo ng Espiritu Santo tungkol sa katotohanan ng mga salitang ito habang binabanggit ko ang bagong tema:

Ako ay minamahal na anak na babae ng mga magulang sa langit,4 na may banal na katangian at walang hanggang tadhana.5

Bilang disipulo ni Jesucristo,6 sinisikap ko na maging katulad Niya.7 Ako ay humihingi ng personal na paghahayag at kumikilos ayon dito8 at naglilingkod sa mga tao sa Kanyang banal na pangalan.9

Ako ay tatayong saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar.10

Habang sinisikap ko na maging karapat-dapat para sa kadakilaan,11 aking pinahahalagahan ang kaloob na pagsisisi12 at sinisikap na magpakabuti sa bawat araw.13 Nang may pananampalataya,14 patatatagin ko ang aking tahanan at pamilya,15 gagawa ng mga sagradong tipan at tutuparin ang mga ito,16 at tatanggap ng mga ordenansa17 at pagpapala ng banal na templo.18

Pansinin na pinalitan ang “kami” ng “ako.” Ang mga katotohanang ito ay angkop sa bawat isa sa inyo. Ikaw ay pinakamamahal na anak na babae ng mga Magulang sa Langit. Ikaw ay pinagtipanang disipulo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Inaanyayahan ko kayo na pag-aralan at pagnilayan ang mga salitang ito. Alam ko na kapag ginawa ninyo ito, magkakaroon kayo ng patotoo sa katotohanan ng mga ito. Ang pag-unawa sa mga katotohanang ito ay magpapabago sa paraan ng pagharap ninyo sa mga pagsubok. Ang malaman ang inyong identidad at layunin ay tutulong sa inyo para maiayon ang inyong kalooban sa kalooban ng Tagapagligtas.

Mapapasainyo ang kapayapaan at patnubay kapag sinusunod ninyo si Jesucristo.

Mga Young Women Class

Ang pangalawang bahagi ng pagbabago ay may epekto sa mga Young Women class. Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell, “Kadalasan ang higit na kailangan ng mga tao ay ang makakanlungan mula sa mga unos ng buhay, isang santuwaryo na tumatanggap sa kanila.”19 Ang ating mga klase ay dapat maging mga santuwaryo mula sa mga unos, mga ligtas na lugar na may pagmamahal at pagtanggap. Sa pagsisikap na lalong magkaisa, mas mapatibay ang pagkakaibigan, at lalo pang madama ang pagiging kabilang sa Young Women, may ilang babaguhin sa istruktura ng klase.

Sa mahigit 100 taon, ang young women ay nahahati sa tatlong klase. Sisimulan sa lalong madaling panahon, inaanyayahan namin ang mga lider ng Young Women at mga bishop na pag-isipan nang may panalangin ang mga pangangailangan ng bawat dalagita at iorganisa sila ayon sa mga partikular na kalagayan ng ward. Narito ang ilang halimbawa kung paano ito maaaring gawin.

  • Kung kakaunti ang young women ninyo, gawing isang Young Women class na magkakasama ang lahat.

  • Marahil mayroon kayong malaking grupo ng young women na edad 12 at maliit na grupo ng young women na mas nakatatanda. Maaari kayong magpasiya na magkaroon ng dalawang klase: Young Women 12 at Young Women 13–18.

  • O kung malaki ang ward ninyo na may 60 young women na dumadalo, maaari kayong magkaroon ng anim na klase, isang klase para sa bawat edad, na inorganisa ayon sa taon.

Sa paanong paraan man inorganisa ang inyong mga klase, kayong young women ay napakahalaga sa pagbuo ng pagkakaisa. Maging liwanag sa mga taong nasa paligid ninyo. Maging taong pinagmumulan ng pagmamahal at malasakit na inyong inaasam na matanggap din ninyo mula sa iba. Nang may panalangin sa inyong puso, patuloy na magpakita ng kabaitan at maging mabuting impluwensya. Kapag ginawa ninyo ito, ang inyong buhay ay mapupuno ng kabutihan. Magiging mas mabuti ang pakiramdam ninyo sa iba at makikita rin ninyo ang kabutihan nila.

Mga Pangalan ng Young Women Class

Pangatlo, sa bagong organisasyong ito ng klase, lahat ng klase ay tatawagin sa iisang pangalan na “Young Women.”20 Hindi na natin gagamitin ang mga pangalang “Beehive,” “Mia Maid,” at “Laurel.”

Palakasin ang mga Class Presidency

Ang huling bahagi na nais kong talakayin ay ang kahalagahan ng mga class presidency. Paano man inorganisa ang mga Young Women class, lahat ng klase ay dapat na may class presidency!21 Sa banal na plano, ang young women ay tinatawag na mamuno sa kanilang kabataan.

Ang ginagampanan at layunin ng mga class presidency ay pinagtibay at mas malinaw na ipinaliwanag. Ang gawain ng kaligtasan ay isa sa mahahalagang responsibilidad na ito, lalo na sa mga bahaging ministering, gawaing misyonero, pagpapaaktibo, at gawain sa templo at family history.22 Oo, ganito natin tinitipon ang Israel23—isang maluwalhating gawain para sa lahat ng kabataang babae bilang mga miyembro ng batalyon ng mga kabataan ng Panginoon.

Tulad ng alam na ninyo, sa bawat lebel ng Simbahan, ang Panginoon ay tumatawag ng mga presidency para pamunuan ang Kanyang mga tao. Mga kabataan, ang pagiging miyembro ng isang class presidency ay maaaring ang unang pagkakataon ninyo na makibahagi sa inspiradong huwarang ito ng pamumuno. Mga adult leader, unahin ang pagtawag ng mga class presidency at mamunong kasama nila, turuan at gabayan sila upang magtagumpay sila.24 Anuman ang lebel ng kaalaman o karanasan sa pamumuno ng isang class presidency, magsimula sa alam na nila at tulungan sila na magkaroon ng mga kasanayan at kumpiyansa na tutulong sa kanila bilang mga lider. Manatiling nakagabay sa kanila, ngunit huwag silang pangunahan. Gagabayan kayo ng Espiritu sa paggabay ninyo sa kanila.

Chloe

Upang mailarawan ang mahalagang papel ng mga magulang at lider bilang mga tagapagturo, may ikukuwento ako sa inyo. Si Chloe ay tinawag na maglingkod bilang class president. Hinikayat siya ng kanyang matalinong priesthood leader na humingi ng tulong sa Panginoon sa pagrerekomenda ng mga pangalan para sa kanyang presidency. Nanalangin si Chloe at tumanggap kaagad ng inspirasyon kung sino ang irerekomenda bilang kanyang mga counselor. Habang patuloy siyang nagninilay at nananalangin para sa irerekomendang secretary, paulit-ulit na itinuon ng Espiritu ang kanyang isipan sa isang dalagita na ikinamangha niya—isang dalagitang bihirang pumunta sa simbahan o sa mga aktibidad.

Medyo nag-aalangan sa pahiwatig na iyon, kinausap ni Chloe ang kanyang ina, na nagpaliwanag na ang isa sa mga paraan na makatatanggap tayo ng paghahayag ay sa pamamagitan ng paulit-ulit na ideya na pumapasok sa ating isipan. Nang may panibagong kumpiyansa, nadama ni Chloe na maaari niyang irekomenda ang dalagitang ito. Kinausap ng bishop ang dalagita, at tinanggap nito ang tungkulin. Pagkatapos ma-set-apart, sinabi ng mabait na secretary na ito, “Alam mo, hindi ko kailanman nadama na may lugar ako rito o kailangan ako. Hindi ko naramdamang nababagay ako rito. Ngunit sa tungkuling ito, nadama ko na may layunin at lugar para sa akin ang Ama sa Langit.” Nang lisanin ni Chloe at ng kanyang ina ang miting, bumaling si Chloe sa kanyang ina at sinabi, nang may luha ang mga mata, “Totoo nga po ang paghahayag! Talagang epektibo ang paghahayag!”

Mga class presidency, kayo ay tinawag ng Diyos at pinagtiwalaan na pamunuan ang isang grupo ng Kanyang mga anak. “Kilala kayo ng Panginoon. … Pinili Niya kayo.”25 Kayo ay na-set apart ng isang taong maytaglay ng awtoridad ng priesthood, ibig sabihin nito kapag ginagawa ninyo ang inyong mga tungkulin, ginagamit ninyo ang awtoridad ng priesthood. May mahalagang gawain kayong gagawin. Maging sensitibo sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo at kumilos ayon dito. Kapag ginawa ninyo ito, kumpiyansa kayong makapaglilingkod, dahil hindi kayo maglilingkod nang mag-isa!

Mga class president, kailangan namin ang inyong karunungan, tinig, at lakas sa bagong ward youth council na ibinalita ni Elder Quentin L. Cook sa araw na ito. Kayo ay napakahalagang bahagi ng solusyon sa pagtugon sa mga pangangailangan ng inyong mga kapatid.26

Ang mga pagbabagong ito sa class organization at pamumuno ay maaaring simulan agad kapag handa na ang mga ward at branch ngunit dapat nasimulan na ito sa Enero 1, 2020.

Minamahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko na ang mga pagbabagong ito na binanggit ko ngayon ay inspiradong tagubilin mula sa Panginoon. Kapag masigasig nating ipinatupad ang mga pagbabagong ito, nawa’y huwag nating kalimutan ang ating layunin: palakasin ang ating determinasyon na sundin si Jesucristo at tulungan ang iba na lumapit sa Kanya. Pinatototohanan ko na ito ang Kanyang Simbahan. Lubos akong nagpapasalamat na tinutulutan Niya tayo na maging napakahalagang bahagi ng Kanyang sagradong gawain.

Dalangin ko na ang Espiritu ring ito na gumabay sa mga pagbabagong ito ay gabayan kayo habang patuloy kayong sumusulong sa landas ng tipan. Pinatototohanan ko ang mga ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.