2010–2019
Ang Haplos ng Tagapagligtas
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019


2:3

Ang Haplos ng Tagapagligtas

Kapag lumapit tayo sa Kanya, darating ang Diyos upang sagipin tayo, para pagalingin tayo o bigyan tayo ng lakas na harapin ang anumang sitwasyon.

Halos 2,000 taon na ang nakararaan, bumaba ang Tagapagligtas mula sa bundok matapos ituro ang Beatitudes o mga Dakilang Pagpapala at iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo. Habang Siya’y naglalakad, nilapitan Siya ng isang lalaking may ketong. Nagpakita ng pagpipitagan at paggalang ang lalaki nang lumuhod ito sa harapan ni Cristo, nagnanais na mapaginhawa mula sa kanyang paghihirap. Simple lang ang hiling niya: “Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako.”

Pagkatapos ay iniabot ng Tagapagligtas ang Kanyang kamay at, nang hipuin siya, sinabing, “Ibig ko; luminis ka.”1

Nalaman natin dito na laging gusto ng ating Tagapagligtas na pagpalain tayo. Ang ilan sa mga pagpapala ay maaaring dumating kaagad, ang iba ay maaaring matagalan, at ang ilan ay maaaring dumating sa kabilang-buhay, ngunit darating ang mga pagpapala sa takdang panahon.

Tulad ng ketongin, makasusumpong tayo ng lakas at ginhawa sa buhay na ito sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang kalooban at kaalaman na gusto Niya tayong pagpalain. Makasusumpong tayo ng lakas na harapin ang anumang hamon, daigin ang anumang uri ng tukso, at unawain at tiisin ang ating mahihirap na kalagayan. Siguradong sa pinakamahirap na sandali ng Kanyang buhay, tumindi ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na magtiis nang sabihin Niya sa Kanyang Ama, “Mangyari nawa ang Iyong kalooban.”2

Hindi humiling ang ketongin sa mapagkunwari o mapilit na paraan. Ang kanyang mga salita ay nagpapakita ng pagpapakumbaba, na may malaking inaasahan ngunit tapat din ang hangarin na mangyari ang kalooban ng Tagapagligtas. Ito ay halimbawa ng saloobing dapat nating taglayin sa paglapit natin kay Cristo. Maaari tayong lumapit kay Cristo nang may katiyakan na ang Kanyang hangarin ngayon at sa tuwina ang siyang pinakamainam para sa ating buhay sa mundo at sa kawalang-hanggan. Siya ay may walang-hanggang pananaw na hindi natin taglay. Kailangan nating lumapit kay Cristo nang may taos na hangarin na ipasakop ang ating kalooban sa kalooban ng Ama, tulad ng ginawa Niya.3 Ihahanda tayo nito para sa buhay na walang-hanggan.

Napakahirap isipin ang pagdurusa ng katawan at damdamin na nadama ng ketonging lumapit sa Tagapagligtas. Naaapektuhan ng ketong ang mga ugat at balat, na nakakapangit ng hitsura at nakakabalda. Bukod pa riyan, humantong iyon sa napakalaking kahihiyan sa lipunan. Ang isang ketongin ay kinailangang iwanan ang kanilang mga mahal sa buhay at humiwalay sa lipunan. Ang mga ketongin ay itinuring noon na marumi, kapwa sa pisikal at sa espirituwal. Dahil dito, iniutos ng batas ni Moises na magsuot ng punit-punit na damit ang ketongin at humiyaw ng “Karumaldumal!” habang sila’y naglalakad.4 May sakit at kinasusuklaman, nanirahan ang mga ketongin sa abandonadong mga bahay o libingan.5 Hindi mahirap isipin na nasiraan na ng loob ang ketonging lumapit sa Tagapagligtas.

Kung minsan—sa anumang paraan—maaari din tayong masiraan ng loob, dahil sa sarili nating mga kagagawan o kagagawan ng iba, dahil sa mga sitwasyon na maaaring kaya o hindi natin kayang kontrolin. Sa gayong mga sandali, maaari nating ipaubaya ang ating kalooban sa Kanyang mga kamay.

Ilang taon na ang nakararaan, si Zulma—na aking asawa, ang aking kabiyak, ang pinakamabuting bahagi sa buhay ko—ay tumanggap ng masamang balita dalawang linggo na lang bago ikasal ang isa sa aming mga anak. May bukol siya sa parotid gland, at mabilis itong lumalaki. Nagsimulang mamaga ang kanyang mukha, at sasailalim siya kaagad sa isang maselang operasyon. Maraming sumagi sa kanyang isipan at bumagabag sa kanyang puso. Nakamamatay ba ang tumor? Paano gagaling ang kanyang katawan? Mapaparalisa ba ang kanyang mukha? Gaano katindi kaya ang sakit? Permanente bang magkakapeklat ang kanyang mukha? Babalik ba ang tumor kapag tinanggal na? Makakadalo kaya siya sa kasal ng aming anak? Habang nakahiga siya sa operating room, nasiraan siya ng loob.

Sa napakahalagang sandaling iyon, ibinulong ng Espiritu sa kanya na kailangan niyang tanggapin ang kalooban ng Ama. Kaya nagpasiya siyang magtiwala sa Diyos. Damang-dama niya na anuman ang resulta, ang Kanyang kalooban ang pinakamainam para sa kanya. Di nagtagal, unti-unti na siyang nakatulog dahil sa anesthesia.

Kalaunan, sumulat siya ng patula sa kanyang diary: “Sa operating table yumukod ako sa Inyong harapan, at sa pagpapasakop sa Inyong kalooban, ako ay nakatulog. Alam ko na maaari akong magtiwala sa Inyo, batid na walang masamang maaaring magmula sa Inyo.”

Nakaramdam siya ng lakas at ginhawa sa pagsusuko ng kanyang kalooban sa Ama. Nang araw na iyon, lubos siyang pinagpala ng Diyos.

Anuman ang ating sitwasyon, magagamit natin ang ating pananampalataya para lumapit kay Cristo at masusumpungan natin ang isang Diyos na mapagkakatiwalaan natin. Minsang isinulat ng anak kong si Gabriel:

Ayon sa propeta, ang mukha ng Diyos ay mas maliwanag pa sa araw

at ang Kanyang buhok ay mas maputi kaysa sa niyebe

at ang Kanyang tinig ay dumadagundong tulad ng pagragasa ng ilog,

at bukod sa Kanya ang tao’y walang kabuluhan. …

Nadurog ang damdamin ko nang matantong ako rin ay walang kabuluhan.

At noon lang ako kumapa-kapa patungo sa isang diyos na aking mapagkakatiwalaan.

At noon ko lang natuklasan ang Diyos na aking mapagkakatiwalaan.6

Ang Diyos na ating mapagkakatiwalaan ay nagpapatibay ng ating pag-asa. Mapagkakatiwalaan natin Siya dahil mahal Niya tayo at gusto Niya ang pinakamabuti para sa atin sa lahat ng sitwasyon.

Lumapit ang ketongin dahil sa kapangyarihan ng pag-asa. Walang solusyong ibinigay ang mundo sa kanya, kahit na ginhawa man lang. Kaya, ang pakiramdam siguro ng simpleng haplos ng Tagapagligtas ay parang haplos sa kanyang buong kaluluwa. Maaari lamang nating maisip ang masidhing pasasalamat ng ketongin sa haplos ng Tagapagligtas, lalo na nang marinig niya ang mga salitang “Ibig ko; luminis ka.”

Nakasaad sa kuwento na “pagdaka’y nalinis ang kaniyang ketong.”7

Madarama rin natin ang haplos ng mapagmahal at nagpapagaling na kamay ng Tagapagligtas. Malaking galak, pag-asa, at pasasalamat ang dumarating sa ating kaluluwa sa kaalaman na gusto Niya tayong tulungang maging malinis! Kapag lumapit tayo sa Kanya, darating ang Diyos upang sagipin tayo, para pagalingin tayo o bigyan tayo ng lakas na harapin ang anumang sitwasyon.

Ano’t anuman, ang pagtanggap ng Kanyang kalooban—hindi ang sa atin—ay makakatulong sa ating maunawaan ang ating mga sitwasyon. Walang masamang maaaring magmula sa Diyos. Alam Niya ang pinakamainam para sa atin. Marahil hindi Niya aalisin kaagad ang ating mga pasanin. Kung minsan mapapagaan Niya ang mga pasaning iyon, tulad ng ginawa Niya kina Alma at sa kanyang mga tao.8 Sa huli, dahil sa mga tipan, mawawala ang mga pasanin,9 dito man sa buhay na ito o sa banal na Pagkabuhay na Mag-uli.

Ang tapat na hangaring mangyari ang Kanyang kalooban, pati na ang pagkaunawa sa likas na kabanalan ng ating Manunubos, ay tumutulong sa atin na magkaroon ng pananampalatayang ipinakita ng ketongin upang maging malinis. Si Jesucristo ay isang Diyos ng pag-ibig, isang Diyos ng pag-asa, isang Diyos ng paggaling, isang Diyos na gusto tayong pagpalain at tulungang maging malinis. Iyan ang gusto Niya bago Siya pumarito sa mundong ito nang magkusa Siyang sagipin tayo kapag tayo’y lumabag. Iyan ang gusto Niya sa Getsemani nang maharap Siya sa di-maunawaang sakit noong magdusa siya para pagbayaran ang kasalanan. Iyan ang gusto Niya ngayon kapag sumasamo Siya sa Ama para sa atin.10 Kaya paulit-ulit pa rin Niyang sinasabi: “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.”11

Mapapagaling Niya tayo at maiaangat dahil kaya Niyang gawin iyon. Inako Niya ang lahat ng sakit ng katawan at espiritu upang ang Kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa para matulungan tayo sa lahat ng bagay at mapagaling at maiangat tayo.12 Maganda at nakakaantig ang mga salita ni Isaias, ayon kay Abinadi:

“Tunay na kanyang pinasan ang ating mga dalamhati, at dinala ang ating mga kalungkutan. …

“… Siya ay nasugatan dahil sa ating mga kasalanan, siya ay nabugbog dahil sa ating mga kasamaan; ang parusa ng ating kapayapaan ay nasa kanya; at sa pamamagitan ng kanyang mga latay tayo ay gumaling.”13

Itinuturo din ang konseptong ito sa tulang ito:

“O Karpinterong Nasareno,

Ang pusong durog, agad sanang mabuo,

Ang buhay na ito, na halos maghingalo,

Oh, maayos Mo kaya, Karpintero?”

At sa kabaitan Siya’y handang dumamay,

Kahit mapahamak ang sariling buhay

Sa buhay natin, hanggang matayo

Isang Bagong Likha—na “lahat ay bago.”

“Ang mga tiwaling bagay sa puso ko,

Ambisyon, pag-asa, pananalig, at gusto,

Bawat bahagi’y gawin Ninyong perpekto,

O Karpinterong Nasareno!”14

Kung nadarama ninyo na hindi kayo malinis sa anumang paraan, kung kayo’y nanghihina, dapat ninyong malaman na maaari kayong maging malinis, maaari kayong maiayos, dahil mahal Niya kayo. Magtiwala na walang masamang maaaring magmula sa Kanya.

Dahil Siya ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay,”15 ginagawa Niyang posible na lahat ng bagay na nasira sa ating buhay ay maiayos, at sa gayo’y maaari tayong makipagkasundong muli sa Diyos. Sa pamamagitan Niya lahat ng bagay ay nagkakasundo, kapwa ang mga bagay na nasa lupa at ang mga bagay na nasa langit, na “pinapayapa niya sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang krus.”16

Tayo nang lumapit kay Cristo at gawin ang lahat ng kailangang gawin. Sa paggawa natin nito, ang ating saloobin nawa ay tulad ng nagsabi ng, “Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako.” Kung gagawin natin ito, matatanggap natin ang nagpapagaling na haplos ng Panginoon, kasabay ng mapagmahal Niyang tinig: “Ibig ko; luminis ka.”

Ang Tagapagligtas ay isang Diyos na mapagkakatiwalaan natin. Siya ang Cristo, ang Hinirang, ang Mesiyas na Siyang pinatototohanan ko sa Kanyang banal na pangalan, maging si Jesucristo, amen.