2010–2019
Bunga
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2019


2:3

Bunga

Panatilihing nakatuon ang inyong mga mata at puso sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa walang-hanggang kagalakan na dumarating lamang sa pamamagitan Niya.

Alam ko kung ano ang iniisip ninyo! Isang mensahe na lang at maririnig na natin si Pangulong Nelson. Dahil nais kong alerto pa rin kayo sa loob ng ilang minuto habang hinihintay natin ang ating pinakamamahal na propeta, pumili ako ng isang kasiya-siyang paksa: ito ay tungkol sa prutas o bunga.

Bunga

Sa kulay, balat, at tamis ng mga berry, saging, pakwan at mangga, o ang mas kakaibang mga prutas na tulad ng kiwano o granada, ang prutas ay isang napakasarap na pagkain na kung minsan ay madalang itong nakakain.

Noong Kanyang ministeryo sa lupa, ikinumpara ng Tagapagligtas ang mabuting bunga sa mga bagay na walang-hanggan ang kahalagahan. Sinabi Niya, “Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila.”1 “Ang bawa’t mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuti.”2 Hinikayat Niya tayo na magtipon “ng bunga sa buhay na walang hanggan.”3

Sa malinaw na panaginip na alam na alam natin sa Aklat ni Mormon, natagpuan ni propetang Lehi ang sarili sa “isang madilim at mapanglaw na ilang.” May maruming tubig, abu-abo ng kadiliman, mga di kilalang daan, at mga ipinagbabawal na landas, mayroon ding gabay na bakal4 sa makipot at makitid na landas patungo sa isang magandang punungkahoy na puno ng “bunga [na] [nakapagpapaligaya] sa tao.” Sa pagsasalaysay sa panaginip, sinabi ni Lehi: “Kumain [ako] ng bunga nito. … napakatamis nito, higit pa sa lahat ng natikman ko na. … [At] pinuspos nito ang aking kaluluwa ng labis na kagalakan.” Ito ay bunga na “higit na kanais-nais [kaysa] sa lahat ng iba pang bunga.”5

Ang punungkahoy ng buhay at ang napakasarap na bunga nito.

Ang Kahulugan ng Punungkahoy at ng Bunga

Ano ang isinasagisag ng punongkahoy na ito na pinakamahalaga ang bunga? Ito ay sumasagisag “sa pag-ibig ng Diyos”6 at naghahayag ng kagila-gilalas na plano ng pagtubos ng ating Ama sa Langit. “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”7

Isinasagisag ng mahalagang bungang ito ang mga kamangha-manghang pagpapala ng walang kapantay na Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Hindi lamang tayo mabubuhay na muli matapos ang buhay natin sa mundo, kundi sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, at pagsunod sa mga kautusan, maaari tayong mapatawad sa ating mga kasalanan at balang-araw ay makatatayong malinis at dalisay sa harapan ng ating Ama at ng Kanyang Anak.

Ang pagkain sa bunga ng puno ay sumasagisag din sa pagtanggap natin ng mga ordenansa at tipan ng ipinanumbalik na ebanghelyo—pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagpasok sa bahay ng Panginoon upang mapagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan. Sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo at sa paggalang sa ating mga tipan, natatanggap natin ang di-masukat na pangako na makapiling ang ating mabuting pamilya sa buong kawalang-hanggan.8

Hindi nakapagtataka na inilarawan ng anghel ang bunga na “labis na nakalulugod sa kaluluwa.”9 Totoo talaga ito!

Ang Hamon ng Pananatiling Tapat

Tulad ng natutuhan nating lahat, kahit natikman na natin ang mahalagang bunga ng ipinanumbalik na ebanghelyo, hindi pa rin madaling gawin ang manatiling tunay at tapat sa Panginoong Jesucristo. Gaya ng maraming beses nang nasabi sa kumperensyang ito, patuloy tayong nakararanas ng mga panggagambala at panlilinlang, kalituhan at kaguluhan, pang-aakit at panunukso na nagtatangkang ilayo ang ating mga puso sa Tagapagligtas at sa mga kagalakan at kagandahang nararanasan natin sa pagsunod sa Kanya.

Dahil sa pagsubok na ito, kabilang din sa panaginip ni Lehi ang isang babala! Sa kabilang panig ng ilog ay may isang maluwang na gusali na may mga taong iba’t iba ang edad at nakaturo ang mga daliri, nilalait, at pinagtatawanan ang mga matwid na alagad ni Jesucristo.

Ang mga tao sa gusali ay kinukutya at pinagtatawanan ang mga taong sumusunod sa mga kautusan, umaasang masisira at maaalipusta ang kanilang pananamplataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. At dahil sa berbal na mga pag-atake ng pagdududa at pagbalewala na ibinabato sa mga naniniwala, ilan sa mga nakatikim ng bunga ang nagsimulang ikahiya ang ebanghelyo na kanilang tinanggap. Ang mga huwad na panunukso ng daigdig ay nakaakit sa kanila; iniwan nila ang punungkahoy at ang bunga at, sa mga salita ng banal na kasulatan ay, “nangagsilayo sila patungo sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala.”10

Sa daigdig natin ngayon, ang mga manggagawa ng kaaway ay walang tigil na nagtatrabaho, mabilisang pinalalawak pa ang malaki at maluwang na gusali. Ang pagpapalawak ay lumaganap at nakatawid na sa ilog, umaasang mapapasok ang ating mga tahanan, habang ang mga nakaturo at manlilibak ay maghapon at magdamag na naghihiyawan sa kanilang mga megaphone sa internet.11

Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson, “Lalong pinatitindi ng kaaway ang kanyang mga ginagawa para pahinain ang mga patotoo at hadlangan ang gawain ng Panginoon.”12 Tandaan natin ang mga salita ni Lehi: “Hindi namin sila pinansin.”13

Bagama’t hindi tayo kailangang matakot, dapat din tayong maghanda. Kung minsan nagiging mabuway ang espirituwal na pagbalanse natin dahil sa maliliit na bagay. Nawa’y huwag ninyong hayaang ilayo kayo ng inyong mga tanong, pang-iinsulto ng iba, walang pananampalatayang mga kaibigan, o nakalulungkot na pagkakamali at kabiguan mula sa magiliw, dalisay, at mga pagpapalang nagbibigay ng kasiyahan sa kaluluwa na nagmumula sa mahalagang bunga ng punungkahoy. Panatilihing nakatuon ang inyong mga mata at puso sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa walang-hanggang kagalakan na dumarating lamang sa pamamagitan Niya.

Ang Pananampalataya ni Jason Hall

Noong Hunyo, dumalo kami ng asawa kong si Kathy sa libing ni Jason Hall. Bago siya pumanaw sa edad na 48, naglilingkod siya bilang elders quorum president.

Narito ang mga salita ni Jason tungkol sa isang pangyayari na nagpabago sa kanyang buhay:

“[Sa edad na 15] naaksidente ako sa pagtalon at pagsisid sa tubig. … Nabali ang leeg ko at naparalisa mula sa dibdib pababa. Nawalan ng ganap na kontrol ang mga binti ko at nang bahagya ang mga braso ko. Hindi na ako makalakad, makatayo … o makakain nang mag-isa. Hirap akong huminga o magsalita.”14

“‘Mahal kong Ama [sa Langit],’ ang samo ko, ‘kung maigagalaw ko man lang ang mga kamay ko, alam kong makakayanan ko ito. Nagsusumamo po ako Ama. …

“… ‘Hindi na po bale ang mga binti ko, Ama; magamit ko man lang po sana ang mga kamay ko.’”15

Hindi na nagamit ni Jason ang mga kamay niya kahit kailan. Naririnig ba ninyo ang mga tinig mula sa maluwang na gusali? “Jason Hall, hindi pinakikingan ng Diyos ang mga panalangin mo! Kung ang Diyos ay talagang mapagmahal na Diyos, bakit ka Niya pinapabayaang magkaganyan? Bakit sumasampalataya ka pa kay Cristo?” Narinig ni Jason Hall ang kanilang mga tinig ngunit hindi niya sila pinansin. Sa halip ay nagpakabusog siya sa bunga ng punungkahoy. Ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo ay naging matatag. Nakapagtapos siya sa unibersidad at pinakasalan si Kolette Coleman sa templo, at inilarawan si Kolette bilang ang pag-ibig ng kanyang buhay.16 Pagkaraan ng 16 na taon ng pagsasama, isa pang himala ang naganap, ang kanilang pinakamamahal na anak na si Coleman, ay isinilang.

Jason at Kolette Hall
Pamilya Hall

Paano nila pinalago ang kanilang pananampalataya? Ipinaliwanag ni Kolette: “Nagtiwala kami sa plano ng Diyos. At nagbigay ito sa amin ng pag-asa. Alam namin na [balang-araw] ay gagaling si Jason. … Alam namin na binigyan kami ng Diyos ng isang Tagapagligtas, na ang nagbabayad-salang sakripisyo ay nagbibigay-kakayahan sa amin na magpatuloy sa buhay kapag gusto na naming sumuko.”17

Coleman Hall

Sa pagsasalita sa burol ni Jason, sinabi ng 10-taong-gulang na si Coleman na itinuro sa kanya ng tatay niya: “na may plano para sa atin ang Ama sa Langit, napakaganda ng magiging buhay sa mundo, at maaari tayong mamuhay kasama ang ating mga pamilya. … Pero … kailangan nating pagdaanan ang mahihirap na bagay at tayo ay magkakamali.”

Patuloy pa ni Coleman: “Ipinadala ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak na si Jesus, sa mundo. Ang tungkulin Niya ay maging perpekto. Para magpagaling ng mga tao. Para mahalin sila. At magdusa para sa lahat ng ating mga pasakit, kalungkutan, at kasalanan. Pagkatapos ay namatay Siya para sa atin.” Pagkatapos ay idinagdag ni Coleman na, “Dahil ginawa Niya ito, alam ni Jesus kung ano ang nararamdaman ko ngayon.”

“Tatlong araw matapos mamatay si Jesus, Siya … ay nabuhay muli, nang may perpektong katawan. Ito ay mahalaga sa akin dahil alam ko na … ang katawan [ng tatay ko] ay magiging perpekto at magkakasama kaming muli bilang pamilya.”

Pamilya Hall

Sa huli ay sinabi ni Coleman: “Gabi-gabi mula noong sanggol pa lang ako, sinasabi ni tatay sa akin, ‘Mahal ka ni tatay, mahal ka ng Ama sa Langit at isa kang mabait na bata.’”18

Ang Kagalakan ay Dumarating Dahil kay Jesucristo

Inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson kung bakit nakadarama ng galak at pag-asa ang pamilya Hall. Sabi niya:

“Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.

“Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan. …

“Kung titingnan natin ang mundo … , hindi tayo kailanman daranas ng kagalakan. … [Kagalakan] ang kaloob na nagmumula sa sadyang pagsisikap na mamuhay nang matwid, tulad ng itinuro ni Jesucristo.”19

Isang Pangako sa Iyong Pagbabalik

Kung matagal na kayong walang bunga ng punungkahoy ng buhay, dapat ninyong malaman na palaging nakaunat ang mga bisig ng Tagapagligtas sa inyo. Siya ay mapagmahal na nag-aanyaya, “Magsisi at lumapit sa akin.”20 Ang Kanyang bunga ay sagana at laging napapanahon. Hindi ito mabibili ng pera, at hindi ipinagkakait sa sinumang tapat na naghahangad dito.21

Kung nais ninyong makabalik sa puno at tikmang muli ang bunga, simulan ito sa pagdarasal sa inyong Ama sa Langit. Maniwala kay Jesucristo at sa kapangyarihan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ipinapangako ko sa inyo na kapag umasa kayo sa Tagapagligtas “sa bawat pag-iisip,”22 ang bunga ng puno ay muling mapapasainyo, kanais-nais sa inyong panlasa, kagalak-galak sa inyong kaluluwa, “ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”23

Si Elder Andersen kasama ang mga Banal na Portuges sa paglalaan ng Lisbon Temple

Tatlong linggo na ang nakararaan ngayon, nakita ko nang napakalinaw ang kagalakan sa bunga ng Tagapagligtas nang dumalo kami ni Kathy sa paglalaan ng Lisbon Portugal Temple. Ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay nabuksan sa Portugal noong 1975 nang magkaroon ng kalayaan sa relihiyon. Maraming mararangal na Banal na unang nakatikim sa bunga noong wala pang mga kongregasyon, walang kapilya, at walang templong mas malapit kaysa 1,000 milya na nakisaya sa atin dahil sa ang mahalagang bunga ng punong iyon ay matatagpuan na nang sagana sa bahay ng Panginoon sa Lisbon, Portugal. Iginagalang at pinagpipitaganan ko ang mga Banal sa mga Huling Araw na ito na pinanatiling nakatuon ang kanilang mga puso sa Tagapagligtas.

Sabi ng Tagapagligtas, “Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.”24

Nang magsalita kaninang umaga sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo, sinabi ni Pangulong Nelson, “Mga minamahal na kapatid, kayo ang mga ulirang halimbawa ng mga ibinunga ng pagsunod sa mga turo ni Jesucristo.” At idinagdag niya, “Salamat sa inyo! Mahal ko kayo!”25

Mahal namin kayo, Pangulong Nelson.

Saksi ako sa kapangyarihan ng paghahayag na nakaatang sa ating mahal na Pangulo. Siya ang propeta ng Diyos. Tulad ni Lehi noon, inaanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson at ang lahat ng pamilya ng Diyos na lumapit at tikman ang bunga ng punungkahoy. Nawa’y magkaroon tayo ng kababaang-loob at lakas na sundin ang kanyang payo.

Mapagpakumbaba akong sumasaksi na si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Ang Kanyang pagmamahal, kapangyarihan, at biyaya ang naghahatid ng lahat ng bagay na walang-hanggan ang kahalagahan. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mateo 7:16.

  2. Mateo 7:17.

  3. Juan 4:36.

  4. Sa unang bahagi ng Enero 2007, habang naghahanda para sa isang mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu, na ibibigay noong Marso 4, 2007, tinanong ko si Elder David A. Bednar kung ano ang inihahanda niya para sa kanyang mensahe sa Pebrero 4, 2007, sa kaparehong audience. Nagulat ako nang sumagot siya na ang kanyang mensahe ay tungkol sa mahigpit na paghawak sa gabay na bakal. Iyong mismo ang pamagat na napili ko para sa aking mensahe. Pagkatapos ibahagi sa isa’t isa ang aming teksto, natanto namin na magkaiba ang aming paraan. Ang kanyang mensahe, na pinamagatang “A Reservoir of Living Water,” ay nagbigay-diin sa gabay na bakal, o salita ng Diyos, na nakapaloob sa mga banal na kasulatan. Sa kanyang mensahe ay itinanong niya, “Araw-araw ba kayong nagbabasa, nag-aaral, at nagsasaliksik ng mga banal na kasulatan sa paraang nakakapit tayo nang mahigpit sa gabay na bakal?” (speeches.byu.edu).

    Pagkatapos, makalipas ang isang linggo makaraan kaming mag-usap ni Elder Bednar, nagbigay si Pangulong Boyd K. Packer ng mensahe sa BYU devotional na pinamagatang “Lehi’s Dream and You.” Binigyang-diin ni Pangulong Packer ang gabay na bakal bilang personal na paghahayag at inspirasyon na dumarating sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sabi niya: “Kung hahawak kayo sa gabay na bakal, makakasulong kayo nang may kaloob na Espiritu Santo. … Humawak nang mahigpit sa gabay na bakal, at huwag bumitiw. Sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, maaari kayong sumulong sa buhay” (Ene. 16, 2007, speeches.byu.edu).

    Ang aking paksa, “Hold Fast to the Words of the Prophets,” noong Marso 2007 ay ang gabay na bakal na kumakatawan sa mga salita ng mga buhay na propeta (Mar. 4, 2007, speeches.byu.edu).

    Ang koneksyon ng tatlong mensaheng ito ay hindi nagkataon lamang. Ang kamay ng Panginoon ay kumikilos habang ang tatlong mensahe, na inihahanda para sa iisang audience, ay tumukoy ng tatlong aspeto ng gabay na bakal, o ang salita ng Diyos: (1) ang mga banal na kasulatan, o ang mga salita ng mga sinaunang propeta; (2) ang mga salita ng mga buhay na propeta; at (3) ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Napakagandang karanasan niyon para sa akin.

  5. Tingnan sa 1 Nephi 8:4–12.

  6. 1 Nephi 11:25.

  7. Juan 3:16.

  8. Tingnan sa David A. Bednar, “Panaginip ni Lehi: Paghawak nang Mahigpit sa Gabay,” Liahona, Okt. 2011, 32–37.

  9. 1 Nephi 11:23.

  10. 1 Nephi 8:28.

  11. Tingnan sa Boyd K. Packer, “Lehi’s Dream and You” (Brigham Young University devotional, Ene. 16, 2007), speeches.byu.edu.

  12. Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 68.

  13. 1 Nephi 8:33.

  14. Stephen Jason Hall, “The Gift of Home,” New Era, Dis. 1994, 12.

  15. Stephen Jason Hall, “Helping Hands,” New Era, Okt. 1995, 46, 47.

  16. Personal na liham kay Elder Andersen mula kay Kolette Hall.

  17. Personal na liham kay Elder Andersen mula kay Kolette Hall.

  18. Mensahe sa burol na ibinigay ni Coleman Hall, na ibinahagi kay Elder Andersen ni Kolette Hall.

  19. Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82, 84.

  20. 3 Nephi 21:6.

  21. Tingnan sa 2 Nephi 26:25, 33.

  22. Doktrina at mga Tipan 6:36.

  23. 1 Nephi 15:36.

  24. Juan 15:5.

  25. Russell M. Nelson, “Ang Pangalawang Dakilang Utos,” Liahona, Nob. 2019, 100.