Tunay na mga Disipulo ng Tagapagligtas
Madarama natin ang walang-hanggang kagalakan kapag itinatag natin ang ating buhay sa Tagapagligtas at sa istruktura ng Kanyang ebanghelyo.
Medyo nakatago sa aklat ni Hagai sa Lumang Tipan ang paglalarawan sa isang grupo ng mga tao na maaari sanang magamit ang payo ni Elder Holland. Nagkamali sila dahil hindi nila ginawang sentro ng kanilang buhay at paglilingkod si Cristo. Gumuhit si Hagai ng ilang nakagaganyak na paglalarawan nang pangaralan niya ang mga tao sa pananatili sa kanilang komportableng bahay sa halip na itayo ang templo ng Panginoon:
“Panahon baga sa inyo na tumahan sa inyong mga nakikisamihang bahay, samantalang ang bahay na ito ay namamalaging wasak?
“Ngayon nga’y ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Gunitain ninyo ang inyong mga lakad.
“Kayo’y nangaghasik ng marami, at nagsisiani ng kaunti; kayo’y nagsisikain, nguni’t hindi kayo nagkaroon ng kahustuhan; kayo’y nagsisiinom, nguni’t hindi kayo nangapapatirang-uhaw; kayo’y nangananamit, nguni’t walang mainit; at yaong kumikita ng mga pinagarawan ay kumikita ng mga pinagarawan upang ilagay sa supot na may mga butas.
“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Gunitain ninyo ang inyong mga lakad.”1
Hindi ba napakaganda ng mga paglalarawang iyon ng kawalang-saysay ng pag-una sa mga bagay na walang halaga sa kawalang-hanggan kaysa sa mga bagay ng Diyos?
Sa isang sacrament meeting na dinaluhan ko kamakailan, binanggit ng isang returned missionary ang sinabi ng isang ama na lubos na ibinuod ang ideyang ito sa kanyang mga anak, “Ang kailangan natin dito ay bawasan ang Wi-Fi at dagdagan ang Nephi!”
Nang manirahan ako sa West Africa nang limang taon, nakita ko ang maraming halimbawa ng mga tao na likas na inuuna ang ebanghelyo at hindi nahihiya. Ang isang halimbawa niyon ay ang pangalan ng isang negosyong pagkumpuni ng gulong at pagbabalanse ng manibela sa Ghana. Pinangalanan ito ng may-ari ng “Thy Will Alignment [Pag-ayon sa Iyong Kalooban].”
Madarama natin ang walang-hanggang kagalakan2 kapag itinatag natin ang ating buhay sa Tagapagligtas at sa istruktura ng Kanyang ebanghelyo. Gayunman, napakadaling maging pinakamahalaga ang mga makamundong bagay sa paggawa ng mga desisyon sa buhay, kung saan ang ebanghelyo ay isang opsiyon o pagsisimba lamang nang dalawang oras tuwing Linggo. Kapag nangyari ito, para na rin nating inilagay ang suweldo natin sa “supot na may butas.”
Sinasabi sa atin ni Hagai na maging tapat sa pangako—na, sabi nga namin sa Australia, maging “fair dinkum” tungkol sa pamumuhay ng ebanghelyo. Ang mga tao ay fair dinkum kapag sila ay katulad ng sinasabi nila.
May kaunti akong natutuhan tungkol sa pagiging fair dinkum at pagiging tapat sa pangako sa paglalaro ng rugby. Natutuhan ko na kapag ginawa ko ang lahat sa paglalaro, kapag ibinigay ko ang lahat, pinakamatindi ang kasiyahan ko.
Ang paboritong taon ko sa rugby ay noong makatapos ako ng high school. Ang team kung saan ako kasali ay kapwa matalino at tapat. Kami ang kampeon sa taong iyon. Gayunman, isang araw kalaban namin ang isang mas mahinang team, at pagkatapos ng laro may mga kadeyt kaming lahat sa malaki at taunang sayawan sa kolehiyo. Akala ko dahil magiging madali ang laro, dapat kong piliting hindi masaktan para lubos akong masiyahan sa sayawan. Sa larong iyon, hindi namin ginawa ang lagi naming ginagawa sa matitinding kalaban, at natalo kami. Ang mas malala pa, tinapos ko ang laban na magang-maga ang labi ko na hindi nagpaguwapo sa akin para sa magandang kadeyt ko. Marahil may kinailangan akong matutuhan.
May nangyaring lubhang kakaibang karanasan sa isang sumunod na laro kung saan ginawa ko talaga ang lahat. Minsan binangga ko talaga nang husto ang isang contact; agad akong nakaramdam ng kaunting sakit sa mukha ko. Dahil naturuan ako ng aking ama na hindi ko dapat ipaalam sa kalaban kung nasaktan ako, patuloy akong naglaro. Nang gabing iyon, habang sinisikap kong kumain, natuklasan ko na hindi ako makakagat. Kinabukasan, nagpunta ako sa ospital, kung saan nakumpirma sa X-ray na basag ang panga ko. Tinalian ng alambre ang bibig ko nang sumunod na anim na linggo.
May natutuhan akong mga aral sa talinghagang ito ng magang labi at basag na panga. Sa kabila ng mga alaala ko ng hindi nabigyang-kasiyahang pananabik sa solidong pagkain sa loob ng anim na linggo na puro likido ang puwede kong kainin, wala akong pinagsisihan sa basag na panga ko dahil bunga iyon ng pagbibigay ko ng lahat ng makakaya ko. Pero mayroon akong pinagsisihan tungkol sa magang labi dahil simbolo iyon na hindi ko ibinigay ang lahat.
Ang pagbibigay natin ng lahat ng mayroon tayo ay hindi nangangahulugan na patuloy tayong bibiyayaan o lagi tayong magtatagumpay. Pero nangangahulugan nga ito na magagalak tayo. Ang kagalakan ay hindi panandaliang kasiyahan o kahit pansamantalang kaligayahan. Ang kagalakan ay pagtitiis at nakasalig sa ating mga pagsisikap na maging katanggap-tanggap sa Panginoon.3
Ang isang halimbawa ng gayong pagtanggap ay ang kuwento tungkol kay Oliver Granger. Tulad ng sabi ni Pangulong Boyd K. Packer: “Nang itaboy ang mga Banal sa Kirtland, … naiwan si Oliver para ipagbili ang kanilang ari-arian kahit sa maliit na halaga. Maliit ang tsansang magtatagumpay siya. At totoo ngang hindi siya nagtagumpay!”4 Naatasan siya ng Unang Panguluhan na gawin ang isang gawaing mahirap, kung hindi man imposible. Pero pinuri siya ng Panginoon sa kanyang tila bigong mga pagsisikap sa mga salitang ito:
“Naaalaala ko ang aking tagapaglingkod na si Oliver Granger; masdan, katotohanang sinasabi ko sa kanya na ang kanyang pangalan ay mapapasama sa banal na pag-aalaala sa bawat sali’t salinlahi, magpakailanman at walang katapusan, wika ng Panginoon.
“Samakatwid, masigasig siyang makipaglaban sa pagtubos ng Unang Panguluhan ng aking Simbahan, wika ng Panginoon; at kapag siya ay bumagsak siya ay babangong muli, sapagkat ang kanyang hain ay mas banal sa akin kaysa sa kanyang yaman, wika ng Panginoon.”5
Maaaring totoo iyon sa ating lahat—hindi ang ating mga tagumpay kundi ang ating sakripisyo at mga pagsisikap ang mahalaga sa Panginoon.
Ang isa pang halimbawa ng isang tunay na disipulo ni Jesucristo ay ang malapit naming kaibigan sa Côte d’Ivoire sa West Africa. Ang kahanga-hanga at matapat na miyembrong ito ay dumanas ng teribleng emosyonal, at ilang pisikal, na pang-aabuso ng kanyang asawa sa matagal na panahon, at kalaunan ay nagdiborsyo sila. Hindi siya nag-alinlangan kailanman sa kanyang pananampalataya at kabutihan, pero dahil sa kalupitan ng asawa niya sa kanya, labis siyang nasaktan sa mahabang panahon. Sa sarili niyang mga salita, inilarawan niya ang nangyari:
“Kahit sinabi ko na pinatawad ko siya, natulog ako palagi na nasasaktan; ginugol ko ang aking mga araw na nadarama ang sakit na iyon. Parang napaso ang damdamin ko. Maraming beses akong nagdasal sa Panginoon na alisin iyon sa akin, pero napakasakit niyon kaya talagang naniwala ako na habambuhay kong madarama iyon. Mas masakit iyon kaysa nang mamatay ang nanay ko noong bata pa ako; mas masakit kaysa nang mamatay ang tatay ko pati na ang anak ko. Parang lumawak ito at tinakpan ang puso ko, na nagbigay sa akin ng impresyon na mamamatay na ako anumang oras.
“Sa ibang mga pagkakataon itinanong ko sa sarili kung ano kaya ang gagawin ng Tagapagligtas sa sitwasyon ko, at mas gugustuhin kong sabihing, ‘Sobra na po ito, Panginoon.’
“Pagkatapos isang umaga kinapa ko ang sakit na dulot ng lahat ng ito sa puso ko at nilaliman ko pa, at kinapa ko iyon sa aking kaluluwa. Hindi ko iyon nadama. Agad kong ginunita sa aking isipan ang lahat ng dahilan ko para masaktan, pero hindi ko nadama ang sakit. Maghapon kong hinintay na malaman kung madarama ko ang sakit sa puso ko; hindi ko iyon nadama. Pagkatapos ay lumuhod ako at nagpasalamat sa Diyos na naging epektibo ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoon para sa akin.”6
Ang miyembrong ito ay masaya na ngayong ibinuklod sa isang mabait at matapat na lalaki na nagmamahal sa kanya.
Kaya ano dapat ang ating pag-uugali kung tunay tayong mga disipulo ni Cristo? At ano ang halaga ng ebanghelyo sa atin kapag talagang “[gugunitain] natin ang [ating] mga lakad,” tulad ng iminungkahi ni Hagai?
Gustung-gusto ko ang halimbawa ng tamang pag-uugaling ipinakita ng ama ni Haring Lamoni. Maaalala ninyo ang nauna niyang galit nang malaman niya na ang kanyang anak ay sinamahan ni Ammon, isang Nephita—isang lahing kinamuhian ng mga Lamanita. Hinugot niya ang kanyang espada para labanan si Ammon at dagli niyang nakita na nakatutok sa kanyang lalamunan ang espada ni Ammon. “Ngayon, ang hari, natatakot na mawala ang kanyang buhay, ay nagsabi: Kung hindi mo ako papatayin ay ipagkakaloob ko sa iyo ang ano mang hihingin mo, maging ang kalahati ng kaharian.”7
Pansinin ang kanyang alok—kalahati ng kanyang kaharian kapalit ng kanyang buhay.
Pero kalaunan, nang maunawaan ang ebanghelyo, nagbigay siya ng isa pang alok. “At sinabi ng hari: Ano ang nararapat kong gawin upang magkaroon ako nitong buhay na walang hanggan na sinabi mo? Oo, ano ang nararapat kong gawin upang isilang sa Diyos, nang ang masamang espiritung ito ay mabunot mula sa aking dibdib, at matanggap ang kanyang Espiritu, upang ako ay mapuspos ng galak, upang hindi ako maitakwil sa huling araw? Masdan, sinabi niya, tatalikuran ko ang lahat ng aking pag-aari, oo, tatalikuran ko ang aking kaharian, upang matanggap ko ang labis na kagalakang ito.”8
Sa panahong ito, handa siyang isuko ang lahat ng kanyang kaharian, dahil mas mahalaga ang ebanghelyo kaysa lahat ng mayroon siya! Fair dinkum siya tungkol sa ebanghelyo.
Kaya, ang tanong para sa bawat isa sa atin ay, fair dinkum din ba tayo tungkol sa ebanghelyo? Dahil ang pag-aalangan ay hindi pagiging fair dinkum! At hindi kilala ang Diyos sa pagpuri sa mga sala sa init, sala sa lamig.9
Walang kayamanan, ni anumang libangan, ni anumang katayuan, ni anumang social media, ni anumang mga video game, ni anumang sport, ni anumang kaugnayan sa isang tanyag na tao, ni anumang bagay sa lupa na mas mahalaga kaysa sa buhay na walang hanggan. Kaya ang payo ng Panginoon sa lahat ng tao ay “gunitain ninyo ang inyong mga lakad.”
Ang damdamin ko ay higit na maipapahayag sa mga salita ni Nephi: “Ako ay nagpupuri sa kalinawan; ako ay nagpupuri sa katotohanan; ako ay nagpupuri sa aking Jesus, sapagkat kanyang tinubos ang aking kaluluwa mula sa impiyerno.”10
Tayo ba ay tunay na mga alagad Niya na nagbigay ng lahat ng Kanya para sa atin? Siya na ating Manunubos at ang ating Tagapamagitan sa Ama? Siya na lubos na tapat sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo hanggang sa ngayon sa Kanyang pagmamahal, awa, at hangaring magkaroon tayo ng walang-hanggang kagalakan? Nakikiusap ako sa lahat ng nakakarinig at nakakabasa sa mga salitang ito: Pakiusap, huwag ninyong ipagpaliban ang inyong lubos na katapatan hanggang sa maisip ninyo ito sa isang di-umiiral na hinaharap. Maging fair dinkum ngayon at madama ang kagalakan! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.