Ang mga salita ni Alma, ang Mataas na Saserdote alinsunod sa banal na orden ng Diyos, na ipinahayag sa mga tao sa kanilang mga lungsod at nayon sa lahat ng dako ng lupain.
Nagsisimula sa kabanata 5.
Kabanata 5
Upang magtamo ng kaligtasan, ang mga tao ay kailangang magsisi at sumunod sa mga kautusan, maisilang na muli, linisin ang kanilang mga kasuotan sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, maging mapagpakumbaba at iwaksi sa kanilang sarili ang kapalaluan at inggit, at gumawa ng mga gawa ng katwiran—Ang Mabuting Pastol ay nananawagan sa Kanyang mga tao—Sila na gumagawa ng masasamang gawa ay mga anak ng diyablo—Si Alma ay nagpatotoo sa katotohanan ng kanyang doktrina at inutusan ang mga taong magsisi—Isusulat ang mga pangalan ng mga matwid sa aklat ng buhay. Mga 83 B.C.
1 Ngayon, ito ay nangyari na nagsimula si Alma na ipahayag ang salita ng Diyos sa mga tao, una sa lupain ng Zarahemla, at mula roon patungo sa lahat ng dako ng buong lupain.
2 At ito ang mga salitang kanyang sinabi sa mga tao ng simbahan na itinatag sa lungsod ng Zarahemla, ayon sa kanyang sariling talaan, sinasabing:
3 Ako, si Alma, matapos na maitalaga ng aking amang si Alma na maging isang mataas na saserdote ng simbahan ng Diyos, siya na nagtataglay ng kapangyarihan at karapatan mula sa Diyos na gawin ang mga bagay na ito, dinggin, sinasabi ko sa inyo na siya ay nagsimulang magtatag ng simbahan sa lupain na nasa mga hangganan ng Nephi; oo, ang lupaing tinatawag na lupain ng Mormon; oo, at bininyagan niya ang kanyang mga kapatid sa mga tubig ng Mormon.
4 At dinggin, sinasabi ko sa inyo, sila ay naligtas mula sa mga kamay ng mga tao ni haring Noe sa pamamagitan ng awa at kapangyarihan ng Diyos.
5 At dinggin, pagkatapos niyon, sila ay dinala sa pagkaalipin ng mga kamay ng mga Lamanita sa ilang; oo, sinasabi ko sa inyo, sila ay nasa pagkabihag, at muli silang pinalaya ng Panginoon mula sa kanilang pagkaalipin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita; at tayo ay dinala sa lupaing ito, at dito ay sinimulan din nating magtatag ng simbahan ng Diyos sa lahat ng dako ng lupaing ito.
6 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo, aking mga kapatid, kayo na nabibilang sa simbahang ito, napanatili ba ninyo nang husto sa inyong alaala ang pagkabihag ng inyong mga ama? Oo, at napanatili ba ninyo nang husto sa inyong alaala ang kanyang awa at mahabang pagtitiis para sa kanila? At bukod doon, napanatili ba ninyo nang husto sa inyong alaala na kanyang iniligtas ang kanilang mga kaluluwa mula sa impiyerno?
7 Dinggin, binago niya ang kanilang mga puso; oo, sila ay ginising niya mula sa mahimbing na pagkakatulog, at sila ay nagising sa Diyos. Dinggin, sila ay nasa gitna ng kadiliman; gayunpaman, ang kanilang mga kaluluwa ay naliwanagan sa pamamagitan ng liwanag ng walang hanggang salita; oo, sila ay nagapos ng mga gapos ng kamatayan, at ng mga tanikala ng impiyerno, at isang walang hanggang pagkawasak ang naghintay sa kanila.
8 At ngayon, tinatanong ko kayo, aking mga kapatid, sila ba ay nalipol? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Hindi, hindi sila nalipol.
9 At muli, aking itinatanong, ang mga gapos ba ng kamatayan ay nalagot, at ang mga tanikala ng impiyerno na nakagapos sa kanila, ito ba ay nakalag? Sinasabi ko sa inyo, Oo, ang mga ito ay nakalag, at napuspos ang kanilang mga kaluluwa, at umawit sila ng mapagtubos na pag-ibig. At sinasabi ko sa inyo na sila ay naligtas.
10 At ngayon, itinatanong ko sa inyo kung sa anong kalagayan sila naligtas? Oo, anong batayan ang mayroon sila upang umasa ng kaligtasan? Ano ang dahilan ng kanilang pagkakakalag mula sa mga gapos ng kamatayan, oo, at gayundin sa mga tanikala ng impiyerno?
11 Dinggin, masasabi ko sa inyo—hindi ba’t ang aking amang si Alma ay naniwala sa mga salitang ipinahayag ng bibig ni Abinadi? At hindi ba’t siya ay isang banal na propeta? Hindi ba’t siya ay nangusap ng mga salita ng Diyos, at naniwala ang aking amang si Alma sa mga ito?
12 At alinsunod sa kanyang pananampalataya, isang malaking pagbabago ang nangyari sa kanyang puso. Dinggin, sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng ito ay totoo.
13 At dinggin, ipinangaral niya ang salita sa inyong mga ama, at isa ring malaking pagbabago ang nangyari sa kanilang mga puso, at sila ay nagpakumbaba ng kanilang sarili at ibinigay ang kanilang pagtitiwala sa totoo at buhay na Diyos. At dinggin, sila ay matatapat hanggang wakas; kaya nga naligtas sila.
14 At ngayon, dinggin, itinatanong ko sa inyo, aking mga kapatid sa simbahan, kayo ba ay espirituwal na isinilang sa Diyos? Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha? Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso?
15 Nananampalataya ba kayo sa pagtubos niya na lumikha sa inyo? Kayo ba ay umaasa nang may mata ng pananampalataya at nakikita ang may kamatayang katawang ito na ibinabangon sa kawalang-kamatayan, at ang kabulukang ito na ibinabangon sa kawalang-kabulukan, upang tumayo sa harapan ng Diyos nang mahatulan alinsunod sa mga gawang kanilang ginawa sa katawang-lupa?
16 Sinasabi ko sa inyo, naiisip ba ninyo sa inyong sarili na naririnig ninyo ang tinig ng Panginoon, na sinasabi sa inyo sa araw na yaon: Lumapit sa akin, kayong mga pinagpala, sapagkat dinggin, ang inyong mga gawa ay mga gawa ng katwiran sa balat ng lupa?
17 O iniisip ba ninyo sa inyong sarili na kayo ay makapagsisinungaling sa Panginoon sa araw na yaon, at makapagsasabing—Panginoon, ang aming mga gawa ay naging mga matwid na gawa sa balat ng lupa—at na ililigtas niya kayo?
18 O kaya naman, naiisip ba ninyo ang inyong sarili na dinala sa harapan ng hukuman ng Diyos nang puno ng pagkakasala at pagsisisi ang inyong mga kaluluwa, na may alaala ng lahat ng inyong pagkakasala, oo, isang ganap na alaala ng lahat ng inyong kasamaan, oo, isang alaala na inyong mapangahas na sinuway ang mga kautusan ng Diyos?
19 Sinasabi ko sa inyo, kayo ba ay makatitingala sa Diyos sa araw na yaon nang may dalisay na puso at malilinis na kamay? Sinasabi ko sa inyo, kayo ba ay makatitingala nang nakaukit ang larawan ng Diyos sa inyong mga mukha?
20 Sinasabi ko sa inyo, kayo ba ay nag-aakalang maliligtas kung naisuko ninyo ang inyong sarili na maging mga sakop ng diyablo?
21 Sinasabi ko sa inyo, malalaman ninyo sa araw na yaon na kayo ay hindi maliligtas; sapagkat walang sinumang tao ang maliligtas maliban kung ang kanyang mga kasuotan ay nahugasang maputi; oo, kailangang dalisayin ang kanyang mga kasuotan hanggang sa ito ay maging malinis sa lahat ng dumi, sa pamamagitan ng dugo niya na siyang sinasabi ng ating mga ama, na paparito upang tubusin ang kanyang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan.
22 At ngayon, tinatanong ko kayo, aking mga kapatid, ano ang madarama ng sinuman sa inyo, kung kayo ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Diyos, na ang inyong mga kasuotan ay nabahiran ng dugo at ng lahat ng uri ng karumihan? Dinggin, ano ang patototohanan ng mga bagay na ito laban sa inyo?
23 Dinggin, hindi ba’t patototohanan ng mga ito na kayo ay mga mamamatay-tao, oo, at kayo rin ay nagkasala ng lahat ng uri ng kasamaan?
24 Dinggin, aking mga kapatid, inaakala ba ninyo na ang gayon ay magkakaroon ng lugar na mauupuan sa kaharian ng Diyos, kasama ni Abraham, kasama ni Isaac, at kasama ni Jacob, at gayundin ng lahat ng banal na propeta, na ang mga kasuotan ay nalinis at walang bahid-dungis, dalisay at maputi?
25 Sinasabi ko sa inyo, Hindi; maliban kung gawin ninyong isang sinungaling mula sa simula ang ating Lumikha, o ipalagay na siya ay isang sinungaling mula sa simula, hindi ninyo maipapalagay na ang gayon ay magkakaroon ng lugar sa kaharian ng langit; sa halip sila ay itatakwil sapagkat sila ang mga anak ng kaharian ng diyablo.
26 At ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo, aking mga kapatid, kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?
27 Kayo ba ay lumakad na pinananatiling walang sala ang inyong sarili sa harapan ng Diyos? Masasabi ba ninyo sa inyong sarili, kung kayo ay tatawaging mamatay sa mga sandaling ito, na kayo ay naging sapat na mapagpakumbaba? Na ang inyong mga kasuotan ay nalinis at nagawang maputi sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, na paparito upang tubusin ang kanyang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan?
28 Dinggin, nahubad na ba sa inyo ang kapalaluan? Sinasabi ko sa inyo, kung hindi, kayo ay hindi pa nakahandang humarap sa Diyos. Dinggin, kayo ay kailangang maghanda nang mabilis; sapagkat ang kaharian ng langit ay nalalapit na, at ang gayon ay walang buhay na walang hanggan.
29 Dinggin, sinasabi ko, mayroon bang isa man sa inyo na hindi pa nahuhubaran ng inggit? Sinasabi ko sa inyo na ang gayon ay hindi nakahanda; at nais ko na maghanda siya nang mabilis, sapagkat ang oras ay malapit na; at hindi niya nalalaman kung kailan darating ang panahon, sapagkat ang gayon ay hindi matatagpuang walang kasalanan.
30 At sinasabi ko muli sa inyo, mayroon bang isa man sa inyo na gumagawa ng pangungutya sa kanyang kapatid, o ibinubunton sa kanya ang mga pag-uusig?
31 Sa aba sa gayon, sapagkat hindi siya nakahanda, at ang panahon ay nalalapit na, na kailangan niyang magsisi o hindi siya maliligtas!
32 Oo, maging sa aba ninyong lahat na manggagawa ng kasamaan; magsisi, magsisi, sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsalita nito!
33 Dinggin, siya ay nagpadala ng paanyaya sa lahat ng tao, sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila, at kanyang sinabi: Magsisi, at akin kayong tatanggapin.
34 Oo, kanyang sinabi: Lumapit sa akin at kayo ay makababahagi sa bunga ng punungkahoy ng buhay; oo, kayo ay malayang makakakain at makaiinom ng tinapay at ng mga tubig ng buhay;
35 Oo, lumapit sa akin at gumawa ng mga gawa ng katwiran at hindi kayo puputulin at ihahagis sa apoy—
36 Sapagkat dinggin, ang panahon ay nalalapit na, na ang sinumang hindi namumunga ng mabuting bunga, o ang sinumang hindi gumagawa ng mga gawa ng katwiran, siya rin ay may dahilan upang managhoy at magdalamhati.
37 O kayong mga manggagawa ng kasamaan; kayong nagmamataas sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig, kayo na nagkukunwaring nakaaalam sa mga landas ng katwiran, gayunman ay mga naliligaw, na tulad ng mga tupang walang pastol, bagama’t tinawag kayo ng pastol at tinatawag pa rin kayo, subalit ayaw ninyong makinig sa kanyang tinig!
38 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, na tinatawag kayo ng mabuting pastol; oo, at sa kanyang sariling pangalan niya kayo tinatawag, na ang pangalan ay Cristo; at kung hindi kayo makikinig sa tinig ng mabuting pastol, sa pangalang itinatawag sa inyo, dinggin, kayo ay hindi mga tupa ng mabuting pastol.
39 At ngayon, kung kayo ay hindi mga tupa ng mabuting pastol, saang kawan kayo kabilang? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, na ang diyablo ang inyong pastol, at kabilang kayo sa kanyang kawan; at ngayon, sino ang makapagkakaila nito? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, ang sinumang magkaila nito ay isang sinungaling at isang anak ng diyablo.
40 Sapagkat sinasabi ko sa inyo na anumang mabuti ay nagmumula sa Diyos, at anumang masama ay nagmumula sa diyablo.
41 Samakatwid, kung ang isang tao ay gumagawa ng mabubuting gawa, nakikinig siya sa tinig ng mabuting pastol, at sumusunod siya sa kanya; subalit sinumang gumagawa ng masasamang gawa, siya rin ay nagiging isang anak ng diyablo, sapagkat nakikinig siya sa kanyang tinig, at sumusunod sa kanya.
42 At sinumang gumagawa nito ay kailangang tumanggap ng kanyang kabayaran mula sa kanya; kaya nga, para sa kanyang kabayaran, siya ay tatanggap ng kamatayan, sa mga bagay na nauukol sa pagkamatwid, sapagkat patay sa lahat ng mabubuting gawa.
43 At ngayon, aking mga kapatid, nais kong pakinggan ninyo ako, sapagkat ako ay nagsasalita sa kasiglahan ng aking kaluluwa; sapagkat dinggin, nagsalita ako sa inyo nang malinaw upang kayo ay huwag magkamali, o nagsalita alinsunod sa mga kautusan ng Diyos.
44 Sapagkat ako ay tinawag na magsalita sa ganitong paraan, alinsunod sa banal na orden ng Diyos na na kay Cristo Jesus; oo, ako ay inutusang tumayo at magpatotoo sa mga taong ito sa mga bagay na sinabi ng ating mga ama hinggil sa mga bagay na magaganap.
45 At hindi lamang ito. Hindi ba ninyo naiisip na alam ko ang mga bagay na ito sa aking sarili? Dinggin, nagpapatotoo ako sa inyo na alam ko na ang mga bagay na aking sinabi ay totoo. At sa palagay ninyo, paanong alam ko ang katiyakan ng mga ito?
46 Dinggin, sinasabi ko sa inyo na ang mga yaon ay ipinaalam sa akin ng Banal na Espiritu ng Diyos. Dinggin, ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon, nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang naghayag nito sa akin sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu; at ito ang diwa ng paghahayag na nasa akin.
47 At bukod dito, sinasabi ko sa inyo na sa gayon ito ipinahayag sa akin, na ang mga salitang sinabi ng ating mga ama ay totoo, maging alinsunod sa diwa ng propesiya na nasa akin, na sa pamamagitan din ng paghahayag ng Espiritu ng Diyos.
48 Sinasabi ko sa inyo, na alam ko sa aking sarili na anuman ang aking sasabihin sa inyo, hinggil doon sa magaganap, ay totoo; at sinasabi ko sa inyo na alam kong si Jesucristo ay paparito, oo, ang Anak, ang Bugtong ng Ama, puspos ng biyaya, at awa, at katotohanan. At dinggin, siya itong paparito upang alisin ang mga kasalanan ng sanlibutan, oo, ang mga kasalanan ng bawat taong matatag na naniniwala sa kanyang pangalan.
49 At ngayon, sinasabi ko sa inyo na ito ang orden kung saan ako ay tinawag, oo, ang mangaral sa mga minamahal kong kapatid, oo, at sa bawat isa na naninirahan sa lupain; oo, ang mangaral sa lahat, kapwa sa matanda at bata, kapwa sa alipin at malaya; oo, sinasabi ko sa inyo na mga may edad na, at gayundin sa nasa katanghalian ng gulang, at sa umuusbong na salinlahi; oo, ang ipahayag sa kanila na sila ay kailangang magsisi at maisilang na muli.
50 Oo, ganito ang wika ng Espiritu: Magsisi, kayong lahat na nasa mga dulo ng mundo, sapagkat ang kaharian ng langit ay nalalapit na; oo, ang Anak ng Diyos ay paparito sa kanyang kaluwalhatian, sa kanyang lakas, kamahalan, kapangyarihan, at pamamahala. Oo, mga minamahal kong kapatid, sinasabi ko sa inyo na ang Espiritu ay nagwika: Dinggin, ang kaluwalhatian ng Hari ng buong mundo; at ang Hari din ng langit ay sisikat sa lalong madaling panahon sa lahat ng anak ng tao.
51 At sinabi rin ng Espiritu sa akin, oo, sumigaw sa akin sa malakas na tinig, sinasabing: Humayo at sabihin sa mga taong ito—Magsisi, sapagkat maliban kung kayo ay magsisisi, hindi ninyo mamamana sa anumang paraan ang kaharian ng langit.
52 At muli, sinasabi ko sa inyo, ang Espiritu ay nagsabi: Dinggin, ang palakol ay nakalagay sa ugat ng punungkahoy; kaya nga, bawat puno na hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at ihahagis sa apoy, oo, sa apoy na hindi napapawi, maging isang hindi naaapulang apoy. Dinggin at tandaan, ang Banal ang siyang nagsalita nito.
53 At ngayon, mga minamahal kong kapatid, sinasabi ko sa inyo, mapangangatwiranan ba ninyo ang mga ganitong salita; oo, maisasantabi ba ninyo ang ganitong mga bagay, at yurakan ang Banal sa ilalim ng inyong mga paa, oo, kayo ba ay magmamataas sa kapalaluan ng inyong mga puso; oo, kayo ba ay magpipilit pa rin sa pagbibihis ng mamahaling kasuotan at ilalagak ang inyong mga puso sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig, sa inyong mga kayamanan?
54 Oo, kayo ba ay magpapatuloy sa pagpapalagay na nakahihigit kayo sa iba; oo, kayo ba ay magpapatuloy sa paghamak sa inyong mga kapatid, na nagpapakumbaba ng kanilang sarili at lumalakad alinsunod sa banal na orden ng Diyos, kung kaya sila ay nadala sa simbahang ito, na pinabanal ng Banal na Espiritu, at gumagawa sila ng mga gawang katanggap-tanggap sa pagsisisi—
55 Oo, at kayo ba ay magpapatuloy sa pagtalikod sa mga maralita at sa nangangailangan, at sa pagkakait ng inyong kabuhayan sa kanila?
56 At sa huli, kayong lahat na magpapatuloy sa inyong kasamaan, sinasabi ko sa inyo na sila ang mga yaong puputulin at ihahagis sa apoy maliban kung sila ay mabilis na magsisisi.
57 At ngayon, sinasabi ko sa inyo, kayong lahat na nagnanais sumunod sa tinig ng mabuting pastol, lumisan kayo mula sa masasama, at humiwalay, at huwag hipuin ang kanilang maruruming bagay; at dinggin, ang kanilang mga pangalan ay buburahin, upang ang mga pangalan ng masasama ay hindi mapabilang sa mga pangalan ng mga matwid, upang matupad ang salita ng Diyos, sinasabing: Ang mga pangalan ng masasama ay hindi mahahalo sa mga pangalan ng aking mga tao;
58 Sapagkat ang mga pangalan ng mga matwid ay isusulat sa aklat ng buhay, at ipagkakaloob ko sa kanila ang isang mana sa aking kanang kamay. At ngayon, aking mga kapatid, ano ang masasabi ninyo laban dito? Sinasabi ko sa inyo, kung kayo ay magsasalita nang laban dito, ito ay walang halaga, sapagkat ang salita ng Diyos ay tiyak na matutupad.
59 Sapagkat sinong pastol ang nasa inyo na may maraming tupa ang hindi nagbabantay sa mga ito, nang ang mga lobo ay huwag makapasok at kainin ang kanyang kawan? At dinggin, kung ang lobo ay makapasok sa kanyang kawan, hindi ba’t kanya itong itataboy palabas? Oo, at sa huli, kung kanyang magagawa, ito ay papatayin niya.
60 At ngayon, sinasabi ko sa inyo na ang mabuting pastol ay tinatawag kayo; at kung makikinig kayo sa kanyang tinig, dadalhin niya kayo sa kanyang kawan, at kayo ay kanyang mga tupa; at kayo ay kanyang inuutusan na walang gutom na lobo ang inyong tulutang makapasok sa inyo, upang hindi kayo malipol.
61 At ngayon, ako, si Alma, ay nag-uutos sa inyo sa wika niya na nag-utos sa akin, na inyong sundin ang mga salitang aking sinabi sa inyo.
62 Ako ay nagsasalita sa paraan ng pag-uutos sa inyo na kabilang sa simbahan; at sa mga yaong hindi kabilang sa simbahan, ako ay nagsasalita sa paraan ng paanyaya, sinasabing: Lumapit at magpabinyag tungo sa pagsisisi, upang kayo rin ay maging kabahagi sa bunga ng punungkahoy ng buhay.