Mga Banal na Kasulatan
Mosias 16


Kabanata 16

Tinutubos ng Diyos ang mga tao mula sa kanilang ligaw at nahulog na kalagayan—Ang mga yaong makamundo ay mananatili na parang walang pagtubos—Pinapangyayari ni Cristo ang pagkabuhay na mag-uli tungo sa walang katapusang buhay o sa walang katapusang kapahamakan. Mga 148 B.C.

1 At ngayon, ito ay nangyari na matapos sabihin ni Abinadi ang mga salitang ito, iniunat niya ang kanyang kamay at sinabi: Darating ang panahon na makikita ng lahat ang pagliligtas ng Panginoon; kung kailan ang bawat bansa, lahi, wika, at tao ay makikita nang mata sa mata at kikilalanin sa harapan ng Diyos na ang kanyang mga paghahatol ay makatarungan.

2 At sa panahong yaon ay itatakwil ang masasama, at magkakaroon sila ng dahilan upang humagulgol, at tumangis, at managhoy, at pagngalitin ang kanilang mga ngipin; at ito ay dahil sa ayaw nilang pakinggan ang tinig ng Panginoon; kaya nga, hindi sila tutubusin ng Panginoon.

3 Sapagkat sila ay makamundo at mala-diyablo, at may kapangyarihan ang diyablo sa kanila; oo, maging ang yaong matandang ahas na luminlang sa ating mga unang magulang, na naging dahilan ng kanilang pagkahulog; na naging dahilan upang ang buong sangkatauhan ay maging makamundo, makalaman, mala-diyablo, nalalaman ang masama mula sa mabuti, ipinasasakop ang kanilang sarili sa diyablo.

4 Sa gayon naligaw ang buong sangkatauhan; at dinggin, dapat na sana silang nangaligaw nang walang katapusan kung hindi lamang tinubos ng Diyos ang kanyang mga tao mula sa kanilang ligaw at nahulog na kalagayan.

5 Subalit tandaan, siya na nagpupumilit sa kanyang sariling likas na kamunduhan, at nagpapatuloy sa mga landas ng kasalanan at paghihimagsik laban sa Diyos, ay nananatili sa kanyang nahulog na kalagayan at ang diyablo ay may lubos na kapangyarihan sa kanya. Samakatwid, para bang walang ginawang pagtubos sa kanya, na kaaway ng Diyos; at gayundin, ang diyablo ay kaaway ng Diyos.

6 At ngayon, kung si Cristo ay hindi pumarito sa daigdig, tumutukoy sa mga bagay na magaganap na para bang naganap na ang mga ito, hindi magkakaroon ng pagtubos.

7 At kung si Cristo ay hindi bumangon mula sa mga patay, o kinalag ang mga gapos ng kamatayan upang hindi magtagumpay ang libingan, at hindi magkaroon ng hapdi ang kamatayan, hindi sana magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli.

8 Subalit may pagkabuhay na mag-uli, kaya nga, hindi nagtagumpay ang libingan, at ang hapdi ng kamatayan ay nalulon kay Cristo.

9 Siya ang ilaw at ang buhay ng daigdig; oo, isang ilaw na walang katapusan, na hindi maaaring magdilim; oo, at isang buhay rin na walang katapusan, na hindi na maaaring magkaroon pa ng kamatayan.

10 Maging ang may kamatayang ito ay mabibihisan ng kawalang-kamatayan, at ang may kabulukang ito ay mabibihisan ng walang kabulukan, at dadalhin upang tumayo sa harapan ng hukuman ng Diyos, upang hatulan niya alinsunod sa kanilang mga gawa maging mabuti man yaon o maging yaon man ay masama—

11 Kung sila ay mabubuti, sa pagkabuhay na mag-uli ng walang katapusang buhay at kaligayahan; at kung sila ay masasama, sa pagkabuhay na mag-uli ng walang katapusang kapahamakan, na ibibigay sa diyablo, na siyang sumakop sa kanila, na kapahamakan—

12 Na humayo alinsunod sa kanilang sariling mga makamundong kagustuhan at hangarin; na hindi kailanman nanawagan sa Panginoon habang nakaunat ang mga bisig ng awa sa kanila; sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila, at ayaw nila; sila na binalaan hinggil sa kanilang kasamaan at gayunman ay ayaw nilang tumalikod mula sa mga yaon; at inutusan silang magsisi at gayunman ay ayaw nilang magsisi.

13 At ngayon, hindi ba’t kayo ay dapat na manginig at magsisi ng inyong mga kasalanan, at pakatandaan na tangi at sa pamamagitan lamang ni Cristo kayo maliligtas?

14 Samakatwid, kung itinuturo ninyo ang batas ni Moises, ituro din na ito ay anino ng mga yaong bagay na darating—

15 Ituro sa kanila na darating ang pagtubos sa pamamagitan ni Cristo, ang Panginoon, na siya ring Amang Walang Hanggan. Amen.