Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 3: Ang Tamang Landas


“Ang Tamang Landas,” kabanata 3 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)

Kabanata 3: “Ang Tamang Landas”

Kabanata 3

Ang Tamang Landas

Ang Salt Lake Tabernacle na may malaking watawat ng U.S. na nakasabit sa kabuuan ng kisame

Bumibisita si Anthon Lund sa mga branch ng Simbahan sa Germany nang makarating sa European Mission ang balita sa paghahayag ni Wilford Woodruff tungkol sa pagbubuklod. “Ang paghahayag na ito ay magbibigay ng kagalakan sa maraming puso,” sabi niya nang malaman niya ang balita.1

Ang bagong prosesong ito ay may espesyal na kahalagahan para sa ilang elder sa kanyang mission. Mula nang ihayag ng Panginoon kay Joseph Smith na ang mga Banal ay maaaring magsagawa ng mahahalagang ordenansa para sa mga patay, ang mga miyembro ng Simbahan ay nagsasaliksik ukol sa kanilang mga ninuno at nagsasagawa ng mga ordenansa para sa kanila. Ang ilang elder, mga anak ng mga nandarayuhang Banal, ay nagtungo sa Europa na umaasang makatipon ng karagdagang impormasyon tungkol sa kanilang mga ninuno mula sa mga kamag-anak at mga talaan.2

Ngayon, matapos ang paghahayag ni Pangulong Woodruff, ang kanilang pagsasaliksik ay naging mas mahalaga sa kanila. Sa katunayan, maraming Banal sa buong Simbahan ang lalo pang naging sabik na saliksikin ang kanilang mga talaangkanan upang magkakasamang mabuklod ang lahat ng henerasyon. Ang apostol at mananalaysay ng Simbahan na si Franklin Richards ay nagplano pa na mag-organisa ng isang aklatan ng talaangkanan na suportado ng Simbahan.3

Gayunman, sa panahong may problema sa ekonomiya kapwa sa Europa at Estados Unidos, maraming Banal sa Europa ang kaunti lang ang pag-asa na makapandarayuhan sila sa Utah, ang tanging lugar na may mga templo kung saan maaari nilang isagawa ang mga ordenansang ito para sa kanilang mga ninuno. Ang krisis sa pananalapi sa Estados Unidos ay ginawang halos imposible para sa mga Banal na nagpunta sa Utah na makahanap ng trabaho, at nag-alala ang mga lider ng Simbahan na lilisanin ng mga imigrante ang teritoryo upang maghanap ng trabaho. Ang mga kabiguang malutas ang problema sa pananalapi ay nagtulak sa ilan sa kanila na lisanin ang kawan.4

Noong Hulyo 1894, nalaman ni Anthon kung gaano kahirap ang sitwasyon sa Utah. Sa isang agarang liham sa European Mission, iniulat ng Unang Panguluhan na ang mga pasanin sa pananalapi ng Simbahan ay halos hindi na makayanan lalo pa’t parami nang parami ang mga ward at stake na bumabaling sa Simbahan para humingi ng tulong sa pananalapi.

“Sa pagsasaalang-alang sa kalagayang umiiral sa atin,” isinulat ng Unang Panguluhan, “naniniwala kami na makabubuting atasan kayo na sikaping pigilan ang pandarayuhan nang pansamantala.”5

Ang Unang Panguluhan, sa paggawa ng kahilingang ito, ay hindi tinatapos ang pagtitipon ng Israel. Sa loob ng mahigit apatnapung taon, masigasig na hinangad ng mga Banal na isagawa ang mga paghahayag na nag-uutos sa kanila na sama-samang magtipon. Hinikayat ng mga missionary ang mga bagong miyembro mula sa iba’t ibang panig ng mundo na lumipat sa Utah at maging malapit sa bahay ng Panginoon. Subalit hindi maaaring magpatuloy ang gawaing iyan hanggang sa bumuti ang sitwasyon sa ekonomiya.6

“Palagi naming ipinagdarasal ang pagtitipon ng Israel at nagagalak na makita ang mga Banal na magpunta sa Sion,” isinulat nila, ngunit idinagdag na, “Kailangang gamitan ng matindi at matalinong pag-iisip upang ang pinakamainam na kapakanan ng mga natipon gayundin ang mga hindi nagkakatipon na Israel ay mapangalagaan.”

Hanggang sa bumuti ang mga kalagayan sa Utah, atas ng panguluhan, kailangang palakasin ni Anthon ang Simbahan sa Europa. “Hayaang ang mga Banal, ang bawat isa,” isinulat nila, “na ituring ito bilang kanilang moral at panrelihiyong tungkulin na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang tulungan ang mga missionary elder sa pagtatayo ng mga branch at pagpapanatili ng mga ito.”7

Agad nagpadala si Anthon ng mga kopya ng liham sa mga mission leader, at inutos sa kanila na sundin ang payo nito.8


Noong ika-16 ng Hulyo 1894, pinahintulutan ng Kongreso ng Estados Unidos at ni Pangulong Grover Cleveland ang mga mamamayan ng Utah na bumuo ng konstitusyon ng estado. Nagalak ang Unang Panguluhan kalaunan noong araw na iyon nang makatanggap sila ng telegrama mula sa mga kakampi ng Simbahan sa Washington: “Nilagdaan ang batas sa Pagiging Estado. Malaya na ang inyong mamamayan; nagwawakas dito ang aming gawain.”9

Nang unang naghain ng petisyon ang mga Banal para sa pamahalaan ng estado noong 1849, ang ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaang pederal ay isang pamahalaang teritoryal. Bilang mga mamamayan ng isang teritoryo, hindi pinahintulutan ang mga mamamayan ng Utah na pumili ng isang gobernador o iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan. Sa halip, kinailangan nilang umasa sa pangulo ng Estados Unidos na siyang magtatalaga ng mga opisyal para sa kanila. Ang sistemang ito ay humantong sa maraming tunggalian sa pagitan ng mga Banal, iba pang mga taga-Utah, at pamahalaan ng Estados Unidos sa paglipas ng mga taon. Hinahadlangan din nito ang mga Banal na humawak ng ilang katungkulan sa pamahalaan. Sa ilalim ng pamahalaan ng estado, sa wakas ay mapamamahalaan na rin ng mga mamamayan ng Utah ang kanilang sarili.10

Ngunit ang pagtatrabaho sa Utah ay nagsisimula pa lamang. Habang nagpupulong ang mga delegado sa Lunsod ng Salt Lake upang isulat ang konstitusyon, sumulat ng petisyon sina Emmeline Wells at ang iba pang mga lider na kababaihan na humihiling na ipanumbalik ng bagong salingang batas ang karapatan sa pagboto ng kababaihan ng Utah. Bagama’t karamihan sa mga estado at teritoryo sa Estados Unidos ay hinahadlangan ang kababaihan na bumoto, ipinagkaloob ng Utah ang karapatang bumoto sa mga babaeng mamamayan noong 1870. Pagkatapos, makalipas ang labimpitong taon, pinawalang-bisa ng Batas nina Edmunds at Tucker ang karapatan upang pahinain ang kapangyarihang pampulitika ng mga Banal sa teritoryo.11

Ang batas na ito ay ikinagalit nina Emmeline at iba pang kababaihan sa Utah, na nagbunsod sa kanila na mag-organisa ng mga samahan para sa karapatan sa pagboto ng kababaihan sa buong teritoryo. Patuloy rin silang nakipagtulungan sa iba pang mga pambansa at pandaigdigang organisasyon sa karapatan sa pagboto upang ipaglaban ang karapatang bumoto ng lahat ng kababaihan.12 Para kay Emmeline, ang karapatang bumoto at iba pang mga karapatan ay may sagradong layunin. Naniwala siya na ang kalayaan ay alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Hiniling ng Relief Society sa mga miyembro nito na maging self-reliant at linangin ang kanilang mga kakayahan. Sa mga pulong ng Simbahan, bumoboto rin ang kababaihan tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa simbahan. Bakit hindi sila dapat magtamasa ng gayon ding pribilehiyo sa pagbuo ng mga desisyong legal o pampamahalaan?13

Subalit ang karapatang bumoto ng kababaihan ay isang isyu na mainit na pinagtatalunan, na hinahati maging ang opinyon ng mga lider ng Simbahan.14 Karaniwang sinasabi ng mga taong hindi sang-ayon sa karapatang bumoto ng kababaihan na ang kababaihan ay masyadong emosyonal para gumawa ng mga desisyon sa pulitika. Ikinatwiran nila na hindi kailangang bumoto ng kababaihan kung mayroon silang mga asawa, ama, at kapatid na lalaki na kumakatawan sa kanila sa kahon ng balota.15 Si Elder B. H. Roberts, na naglilingkod bilang delegado ng kumbensyon, ay ganito rin ang paniniwala. Sinalungat din niya ang paglakip ng karapatang bumoto ng kababaihan sa konstitusyon dahil naniniwala siya na maaaring gawin nitong masyadong kontrobersyal ang dokumento para makatanggap ng pahintulot mula sa mga botante ng Utah.16

Isang kumbensiyong konstitusyonal ang nagbukas sa Lunsod ng Salt Lake noong tagsibol ng 1895. Dahil ang mga hindi bumoboto ay pinagbawalang makibahagi sa mga kaganapan, hinikayat ng kababaihan ang asawa ng isa sa kanilang kasamang nakikipaglaban na ilahad ang kanilang petisyon sa mga delegado.17

Noong ika-28 ng Marso, nagsalita si B H. sa kumbensyon tungkol sa isyu. “Bagama’t pinapaboran ng karamihan sa mga tao ng teritoryong ito ang karapatan ng kababaihan sa pagboto,” sabi niya, “gayunpaman marami pang hindi pabor dito, at matiim na sumasalungat dito, at boboto laban sa konstitusyon na ito kung maglalaman ito ng probisyong nagpapahintulot nito.”18

Makalipas ang dalawang araw, nagsalita sa kumbensyon si Orson Whitney, isang matagal nang bishop sa Lunsod ng Salt Lake, bilang kinatawan ng mga babaeng nakikipaglaban para sa karapatang bumoto ng kababaihan. Ipinahayag niya na tadhana ng babae ang makibahagi sa pamahalaan, at hinikayat niya ang mga delegado na suportahan ang karapatang bumoto ng kababaihan. “Itinuring ko itong isa sa mga mainam na kasangkapan kung saan itinataas ng Makapangyarihang Diyos ang makasalanang mundong ito, na itinataas ito nang mas malapit sa luklukan ng Lumikha nito,” sabi niya.19

Sa isang editoryal para sa Woman‘s Exponent, sinabi rin ni Emmeline ang kanyang hindi pag-ayon sa mga sumasalungat sa karapatang bumoto ng kababaihan. “Nakakaawang makita kung paanong ang kalalakihang tutol sa karapatan sa pagboto ng kababaihan ay tinatangkang papaniwalain ang kababaihan na kaya sila tutol ay dahil sinasamba nila ang mga kababaihan nang labis, at itinuturing na napakagaling,” isinulat niya. “Ang kababaihan ng Utah ay hindi kailanman nabigo sa anumang panahon ng pagsubok sa anumang pangalan o kalikasan, at ang kanilang integridad ay hindi mapag-aalinlanganan.”20

Sa pulong ng Relief Society noong ika-4 ng Abril sa pangkalahatang kumperensya, muling nagsalita si Emmeline tungkol sa karapatang bumoto ng kababaihan, tiwala na isasama ng mga delegado sa kumbensyon ang mga ito sa bagong konstitusyon ng estado. Ang sumunod na tagapagsalita, si Jane Richards, ay inanyayahan ang kababaihan sa silid na sumusuporta sa karapatang bumoto na tumayo. Bawat babae sa silid ay tumayo.

Sa kahilingan ni Emmeline, pinamunuan ni Pangulong Zina Young ang kababaihan sa panalangin, humihingi ng basbas ng Panginoon para sa kanilang layunin.21


Habang ang kababaihan sa Teritoryo ng Utah ay nagsusumamo para sa boto, naglakbay si Albert Jarman mula London patungo sa timog-kanlurang England upang magpatotoo sa kanyang ama. Umasa siyang mababago ang isipan ni William tungkol sa Simbahan at wawakasan nito ang mapaminsalang pangangaral. Naniwala siya na ang kanyang mga salita, kapag inilahad sa malinaw at maunawaing paraan, ay makagagawa ng mabuti para sa kanyang ama, kung makikinig lamang ito.22

Natagpuan ni Albert si William na komportableng naninirahan sa isang lunsod na tinatawag na Exeter. Maayos ang kalusugan nito, bagama’t ang ulo nito na puno ng puting buhok at ang malagong balbas ay ginagawa itong mukhang mas matanda. Mahigit isang dekada na ang lumipas mula nang makita nila ang isa’t isa, at noong una ay tila naghihinala pa rin si William sa pagkatao ni Albert.23 Matapos bumalik sa England, sinabi ni William na narinig niya ang isang sabi-sabi tungkol sa pagpaslang kay Albert at lumiham sa Unang Panguluhan tungkol dito. Nang hindi sila tumugon, sabi niya, ipinagpalagay niya ang pinakamalalang pangyayari.24

Gayunman, pagkatapos magkita nang harap-harapan, nakumbinsi siya ni Albert tungkol sa kanyang kamalian.25 Matalinong payo ang ibinigay ni Pangulong Lund nang sabihin niyang pag-aralan ni Albert ang ebanghelyo bago sumubok na makipagtalo kay William. Matapos na muling makasama ang kanyang ama, masasabi ni Albert na isa itong matalinong lalaki.26

Ngunit hindi masama o mapang-abuso si William sa kanya. Napakatindi ng taglamig ng 1894–95 sa England, na nagpalala ng problema sa paghinga ni Albert. Hinayaan siya ni William na manatili sa bahay ng pamilya nito upang magpagaling hanggang sa bumuti ang panahon. Ginawa rin ng asawa nitong si Ann ang lahat upang matulungan si Albert na gumaling.27

Sa kanyang pananatili, sinikap ni Albert na magpatotoo sa kanyang ama, ngunit walang nangyari. Sa mga pagkakataong ito, hindi masabi ni Albert kung sadyang nagsinungaling ang kanyang ama tungkol sa Simbahan o kung dahil sa sobrang dalas nitong magsabi ng mga bagay na walang kabuluhan ay nagsimula na niyang paniwalaan ang mga ito.28

Isang araw, sinabi ni William kay Albert na handa itong tumigil sa pag-atake sa mga Banal kung babayaran siya ng Simbahan ng £1,000. Sa maliit na halagang ito, sabi nito, hayagan niyang aaminin na mali siya tungkol sa mga Banal at hindi kailanman papasok sa isang bulwagan upang batikusin muli ang Simbahan. Ibinigay ni Albert ang panukala kay Pangulong Lund, ngunit hindi ito tinanggap ng Unang Panguluhan.29

Nang hindi niya mabago ang isipan ng kanyang ama tungkol sa Simbahan, nilisan ni Albert ang Exeter matapos ang ilang linggo. Bago sila maghiwalay, nagpunta sila ni William sa estudyo ng isang retratista upang magkasamang makunan ng larawan. Sa isang larawan, nakaupo si William sa mesa, nakaturo ang kanyang kanang kamay sa isang pahina sa isang bukas na aklat, habang nakatayo si Albert sa kanyang likuran. Sa isa pa, magkatabing nakatayo ang dalawang lalaki bilang mag-ama. Sa likod ng mga balbas ni William ay ang bakas ng ngiti.30


Ang kumbensyong konstitusyonal sa Lunsod ng Salt Lake ay nagwakas noong Mayo. Lubos na nagalak si Emmeline Wells at ang napakaraming iba pa sa Utah nang iboto nga mga delegado na isama sa konstitusyon ang karapatang bumoto ng kababaihan.31

Pagkatapos ng kumbensyon, nanatiling aktibo si B. H. Roberts sa pulitika, sa kabila ng kanyang mga full-time na responsibilidad sa Simbahan. Ang kanyang mga talumpati laban sa karapatang bumoto ng kababaihan ay hindi naging popular sa buong estado. Subalit ang reputasyon niya bilang mangangaral at tagapagturo ay nanatiling matibay sa loob at labas ng Simbahan. Noong Setyembre, dalawang buwan bago ang susunod na halalan, hinirang ng mga Utah Democrat si B. H. bilang kanilang kandidato para sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Estados Unidos.32

Sa loob ng ilang dekada, ang mga lider ng Simbahan ay madalas humawak ng mahahalagang katungkulan sa pamahalaan sa Utah. Bumoto rin ang mga Banal bilang nagkakaisang grupo, kung minsan ay isinasakripisyo nila ang kanilang mga indibidwal na paniniwala sa pulitika upang mapanatili ang impluwensya ng Simbahan sa teritoryo. Ngunit matapos mahati ang mga Banal sa iba’t ibang partidong pampulitika noong mga unang taon ng dekada ng 1890, ang mga lider ng Simbahan ay naging mas sensitibo tungkol sa pagpapanatiling hiwalay ng mga bagay-bagay sa simbahan at estado, kinikilala na hindi lahat ng tao sa Utah ay may parehong opinyon sa pulitika. Noong panahong iyon, nagkasundo ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol na hindi dapat impluwensyahan ng mga general authority ang mga botante sa pagsasalita sa publiko tungkol sa pulitika.33

Gayunman, sa kumbensyong konstitusyonal, pansamantalang inihinto ng Unang Panguluhan ang payong ito, na nagtulot kay B. H. at sa iba pang mga general authority na maglingkod bilang mga delegado. Nang matanggap kalaunan ni B. H. ang nominasyon ng Democratic Party, hindi niya inisip na mali siya sa pagtanggap nito. Hindi niya rin napansin ang anumang pagtutol mula sa Unang Panguluhan. Ganoon din ang nadama ni Apostol Moses Thatcher nang hinirang siya ng mga Democrat na tumakbo para sa Senado ng Estados Unidos.34

Gayunman, sa pangkalahatang pulong ng priesthood noong Oktubre 1895, hayagang pinagsabihan ni Joseph F. Smith ang dalawang lalaki sa pagtanggap sa mga nominasyon nang hindi muna sumasangguni sa mga miyembro ng kanilang mga korum. “Mayroon tayong mga buhay na orakulo sa Simbahan, at nararapat hangarin ang kanilang payo,” paalala niya sa kongregasyon. “Sa sandaling ipasiya ng isang lalaking may awtoridad na gawin ang nais niya, gumagawa siya ng bagay na maaaring mapanganib.”35

Sa kanyang mga mensahe, hindi pinuna ni Pangulong Smith ang mga paniniwala ni B. H. Sa halip, muli niyang pinagtibay ang pagiging walang kinikilingan sa pulitika ng Simbahan gayundin ang patakaran nito na dapat ituon ng mga full-time na lider ng Simbahan ang kanilang oras at pagsisikap sa kanilang ministeryo. Gayunman, pagkatapos ng pulong, ginamit ng mga miyembro ng Republican Party ang pagpuna upang atakihin ang kampanya ni B. H. Dahil isang Republican si Joseph F. Smith, maraming Democrat ang nag-akusa sa kanya na ginamit nito ang kanyang posisyon sa Simbahan upang pahinain ang kanilang partido.36

Hindi nagtagal, sa isang panayam sa pahayagan, nagsalita si B. H. tungkol sa kanyang paggalang sa awtoridad ng Simbahan at hindi pinaratangan ang Unang Panguluhan ng paninira ng kanyang kampanya. Subalit iginiit niya ang kanyang karapatan na kumandidato para sa katungkulan sa pulitika, sa kabila ng pagtutol ng Unang Panguluhan, dahil naniniwala siya na wala siyang nilabag na mga patakaran ng Simbahan. Kalaunan ay mas tahasan na siyang nagsalita. Sa isang pagtitipong pampulitika, kinondena niya ang mga kalalakihan na ginamit ang kanilang impluwensya sa Simbahan upang impluwensyahan ang mga botante.37

Sa Araw ng Halalan, ang mga Republican sa buong bansa ay nanalo nang may malaking lamang sa mga Democrat na tulad nina B. H. Roberts at Moses Thatcher. At inaprubahan ng mga botante sa Utah ang bagong konstitusyon na may probisyong nagbibigay sa kababaihan ng karapatang bumoto.

Pinilit ni B. H. na magpakita ng masayang mukha sa publiko. Batid niya at ng kanyang partido na kailangang may matalo. “Tila napunta ang pagkatalo sa ating partido sa pagkakataong ito,” sabi niya.

Ngunit sa kanyang kaloob-looban ay nadama niya ang pait ng kanyang pagkatalo.38


Noong ika-4 ng Enero 1896, ang Utah ang naging ika-apatnapu’t limang estado sa Estados Unidos ng Amerika. Sa Lunsod ng Salt Lake, nagpaputok ang mga tao ng mga baril at pinatunog ang mga silbato. Pinatunog ang mga kampana sa malamig at asul na kalangitan habang ang mga tao ay nagkukumpulan sa mga lansangan, nagwawagayway ng mga watawat at istandarte.39

Patuloy na nag-alala si Heber J. Grant para sa kanyang mga kaibigan na sina B. H. Roberts at Moses Thatcher. Parehong tumanggi ang mga lalaki na humingi ng paumanhin sa hindi pagsangguni sa kanilang mga lider ng priesthood bago tumakbo para sa pampublikong katungkulan, na nagdulot sa Unang Panguluhan at sa Labindalawa na maghinuha na kanilang inuna ang kanilang propesyon sa pulitika kaysa sa kanilang paglilingkod sa Simbahan. Naniniwala rin ang Unang Panguluhan na hindi makatarungang pinuna sila ni B. H. at maging ang Simbahan sa ilan sa kanyang mga pananalita at panayam sa pulitika.40

Noong ika-13 ng Pebrero, ang Unang Panguluhan at ang karamihan sa Labindalawa ay nagpulong sa Salt Lake Temple kasama si B. H. at iba pang mga pangulo ng Pitumpu. Sa pulong, tinanong ng mga apostol si B. H. tungkol sa kanyang mga pahayag laban sa Unang Panguluhan. Pinagtibay ni B. H. ang lahat ng kanyang sinabi at ginawa, na walang pinagsisihan sa anuman sa mga ito.

Habang nagpapatuloy ang pulong, nalungkot at nag-alala si Heber. Isa-isang nagsumamo ang mga lider kay B. H. na magpakumbaba, ngunit walang epekto ang kanilang mga salita. Nang tumayo si Heber upang kausapin ang kanyang kaibigan, napuspos siya ng damdamin at nahirapang magsalita.

Matapos magsalita ang bawat apostol at pitumpu, tumayo si B. H. at sinabing mas nanaisin niyang mawalan ng puwang sa panguluhan ng Pitumpu kaysa humingi ng paumanhin sa ginawa niya. Pagkatapos ay hiniling niya sa mga lalaki sa silid na ipanalangin na hindi siya mawalan ng pananampalataya.

“Ipagdarasal mo ba ang iyong sarili?” tanong ng apostol na si Brigham Young Jr.

“Ang totoo,” sabi ni B. H., “pakiramdam ko ay ayokong gawin iyon.”

Nang matapos ang pulong, nag-alay si Heber ng pangwakas na panalangin. Pagkatapos ay tinangka ni B. H. na lisanin ang silid, ngunit hinawakan siya ni Heber at niyakap. Bumitaw si B. H. naglakad palayo, bakas ang galit sa kanyang mukha.41

Makalipas ang ilang linggo, noong ika-5 ng Marso, muling nakipagkita ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol kay B. H. at nakitang hindi pa rin siya nagbago. Binigyan siya ni Pangulong Woodruff ng tatlong linggo upang muling pag-isipan ang kanyang desisyon. Kung hindi siya magsisi, ire-release nila siya mula sa Pitumpu at ipagbabawal sa kanya ang paggamit ng priesthood.42

Nang sumunod na linggo, inayos nina Heber at ng kanyang kapwa apostol na si Francis Lyman ang pakikipagkita nang sarilinan kay B. H. Habang nag-uusap sila, sinabi ni B. H. sa mga apostol na hindi siya magbabago ng kanyang isip. Kung kailangan ng Unang Panguluhan na maghanap ng isang taong hahalili sa kanyang tungkulin sa panguluhan ng Pitumpu, sabi niya, malaya silang gawin ito.

Isinuot ni B. H. ang kanyang amerikana at nagsimulang umalis. “Nais kong malaman ninyo na ang pagkilos na gagawin laban sa akin ay nagdudulot sa akin ng pinakamatinding kalungkutan,” sabi niya. “Ayaw kong isipin ninyo na hindi ko nauunawaan ang lahat ng mawawala sa akin.”

Napansin ni Heber ang mga luha sa mga mata ng kanyang kaibigan, at hiniling niya dito na umupo. Pagkatapos ay nagsalita si B. H. tungkol sa mga pagkakataon na nilait siya sa publiko ng mga lider ng Simbahan at nangaral nang pabor sa Republican Party. Sa loob ng dalawang oras, tinugunan nina Heber at Francis ang kanyang mga alalahanin at nagsumamo sa kanya na baguhin ang kanyang mga gagawin. Nadama ni Heber na tila pinagpala sila ni Francis na malaman kung ano ang sasabihin.

Nang matapos silang magsalita, sinabi ni B. H. sa kanyang mga kaibigan na nais niyang pagnilayan ang kanyang sitwasyon nang gabing iyon at muling makikipag-usap sa kanila kinabukasan tungkol sa kanyang desisyon. Pagkatapos ay nagpaalam si Heber sa kanyang kaibigan, ipinagdarasal na pagpalain siya ng Panginoon.43

Kinaumagahan nagpadala ng maikling liham si B. H. kina Heber at Francis. “Ako ay sumasang-ayon sa awtoridad ng Diyos sa mga kapatid,” sabi rito. “Dahil sa inaakala nilang mali ako, ako ay yumuyuko sa kanila, at ilalagay ko ang aking sarili sa kanilang mga kamay bilang mga tagapaglingkod ng Diyos.”

Kaagad gumawa si Heber ng kopya ng liham at tumakbo patawid sa kalye papunta sa opisina ni Pangulong Woodruff.44


Makalipas ang mga dalawang linggo, sa Salt Lake Temple, humingi ng tawad si B. H. Roberts sa Unang Panguluhan, inaamin ang kanyang kamalian sa hindi paghingi ng pahintulot na tumakbo para sa katungkulan sa pulitika. Humihingi siya ng paumanhin kung ang anumang sinabi niya sa publiko ay nagdulot ng mga di-pagkakaunawaan sa mga Banal, at nangako siyang pagbabayaran ang anumang pagkakasala na nagawa niya.

Sinabi rin niya na sa kanyang pakikipag-usap kina Heber J. Grant at Francis Lyman, ang mga alaala ng kanyang mga ninuno ay nagpalambot ng kanyang puso.

“Ako lamang ang lalaking kinatawan ng Simbahan sa panig ng aking ama, at maging sa panig ng aking ina,” sabi niya, “at ang ideya na mawala ang priesthood at pabayaan ang aking mga ninuno nang walang kinatawan sa priesthood ay lubusang nagpaisip sa akin na ako ay nagkamali at nararapat na magbago.”

“Lumapit ako sa Panginoon at tumanggap ng liwanag at tagubilin sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu upang sumunod sa awtoridad ng Diyos,” pagpapatuloy niya. “Ipinapahayag ko sa inyo ang aking hangarin at dalangin na magawa ko ang kinakailangan, at malampasan ang anumang paghamak na maaari ninyong makitang nararapat ilagay sa akin, sa pag-asang mapanatili kahit man lang ang priesthood ng Diyos, at magkaroon ng pribilehiyong gawin ang gawain para sa aking mga ama sa banal na bahay na ito.”45

Tinanggap ng Unang Panguluhan ang paghingi ng tawad ni B. H. Makalipas ang sampung araw, sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Woodruff, bumuo si George Q. Cannon ng isang pahayag na naglilinaw sa posisyon ng Simbahan sa pakikibahagi ng mga lider nito sa pulitika. Pagkatapos ay inilahad niya ang pahayag sa Unang Panguluhan at mga general authority ng Simbahan para sa kanilang pagsang-ayon.46

Nang sumunod na araw, sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1896, binasa ni Heber J. Grant ang pahayag sa mga Banal. Nilagdaan ito ng bawat general authority ng Simbahan maliban kay Anthon Lund, na nasa Europa pa, at kay Moses Thatcher, na tutol makipagkasundo sa Unang Panguluhan at sa kanyang mga kapwa apostol.

Tinawag na “Pahayag sa Pulitika,” pinagtibay ng pahayag ang paniniwala ng Simbahan sa paghihiwalay ng simbahan at estado. Hiniling din dito ang lahat ng general authority na nangakong maglingkod nang full-time sa gawain ng Panginoon na hingin ang pagsang-ayon ng kanilang mga lider sa korum bago hangarin o tanggapin ang anumang katungkulan sa pulitika.47

Sa kumperensya, hinikayat ni B. H. Roberts ang mga Banal na sang-ayunan ang kanilang mga lider sa Simbahan, at nagpatotoo siya tungkol sa walang-hanggang gawain ng Panginoon. “Sa dispensasyong ito, ang walang-maliw na salita ng Diyos ay ipinangako sa katatagan ng gawain, sa kabila ng mga kakulangan ng mga tao,” ipinahayag niya.

“Bagama’t ang ilan ay nadapa sa kadiliman,” sabi niya, “maaari pa rin silang bumalik sa tamang landas, sinasamantala ang tumpak na patnubay nito sa ikabubuti ng kaligtasan.”48

  1. Anthon H. Lund to Heber J. Grant, June 19, 1894, Letterbooks, tomo 1, 323, 326, Anthon H. Lund Papers, CHL.

  2. Allen, Embry, at Mehr, Hearts Turned to the Fathers, 17–24, 33–41; Mga Banal, tomo 1, kabanata 35 at 39; tingnan din, halimbawa, James, Journal, 1; at Albert Jarman to Maria Bidgood Barnes, before Feb. 19, 1894; Feb. 19, 1894; Feb. 23, 1894, Jarman Family Papers, Huntington Library, San Marino, CA.

  3. Allen, Embry, at Mehr, Hearts Turned to the Fathers, 33–34, 42–47. Paksa: Kasaysayan ng Pamilya at Talaangkanan

  4. Anthon H. Lund to Sarah Peterson Lund, Aug. 25, 1893, Letterbooks, volume 1, 53; James E. Talmage to Anthon H. Lund, Aug. 16, 1894, Anthon H. Lund Papers, CHL; First Presidency to Anthon H. Lund, July 5, 1894, First Presidency Letterpress Copybooks, volume 28; George Q. Cannon, Journal, Sept. 28, 1893.

  5. First Presidency to Anthon H. Lund, July 5, 1894, First Presidency Letterpress Copybooks, volume 28. Paksa: Pandarayuhan

  6. Mga Banal, tomo 2, kabanata 10–14; tingnan din sa Thirteenth General Epistle, Oct. 1855, sa Neilson at Waite, Settling the Valley, 242–44, 248–49.

  7. First Presidency to Anthon H. Lund, July 5, 1894, First Presidency Letterpress Copybooks, volume 28. Paksa: Ang Pagtitipon ng Israel

  8. Anthon H. Lund to First Presidency, Aug. 4, 1894, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL; Lund, Journal, July 30, 1894.

  9. An Act to Enable the People of Utah to Form a Constitution and State Government, and to Be Admitted into the Union [July 16, 1894], Statutes at Large [1895], 53rd Cong., 2nd Sess., kabanata 138, 107–12; George Q. Cannon, Journal, July 17, 1894; “Utah’s Bill Is Law,” Deseret Evening News, Hulyo 17, 1894, 1. Paksa: Utah

  10. Mga Banal, tomo 2, kabanata 10, 17, at 26. Paksa: Mga Legal at Politikal na Institusyon sa Amerika

  11. “Steps Leading to Statehood,” Deseret Evening News, Hulyo 30, 1894, 4; “Convention and Woman Suffrage,” Woman’s Exponent, Abr. 1, 1895, 23:241–42; Mga Banal, tomo 2, kabanata 25, 30, at 35. Paksa: Karapatang Bumoto ng Kababaihan

  12. Mga Banal, tomo 2, kabanata 37 at 41; Emmeline B. Wells, “A Glimpse of Washington,” Mar. 1, 1891, sa Derr at iba pa, First Fifty Years of Relief Society, 579–81.

  13. Emmeline B. Wells, “Letter to the Sisters at Home,” Woman’s Exponent, Abr. 1, 1886, 14:164; [Emmeline B. Wells], “Editorial Thoughts,” Woman’s Exponent, Mayo 1, 1888, 16:180; Doktrina at mga Tipan 26:2; 28:13.

  14. George Q. Cannon, Journal, Apr. 47, at 11, 1895; “President B. H. Roberts,” Juvenile Instructor, Hunyo 15, 1901, 36:354; “Ex. Governor Thomas,” Woman’s Exponent, Mayo 1, 1895, 23:261; “Is Still the Theme,” Deseret Evening News, Abr. 5, 1895, 1.

  15. Harrison, Separate Spheres, 80; Roberts, “Life Story of B. H. Roberts,” 369–70.

  16. George Q. Cannon, Journal, Apr. 47, at 11, 1895; “President B. H. Roberts,” Juvenile Instructor, Hunyo 15, 1901, 36:354; “Ex. Governor Thomas,” Woman’s Exponent, Mayo 1, 1895, 23:261; “Is Still the Theme,” Deseret Evening News, Abr. 5, 1895, 1.

  17. An Act to Enable the People of Utah to Form a Constitution and State Government, and to Be Admitted into the Union [July 16, 1894], Statutes at Large [1895], 53rd Cong., 2nd Sess., chapter 138, 107–12; “Convention and Woman Suffrage,” Woman’s Exponent, Abr. 1, 1895, 23:241; [Emmeline B. Wells], “Utah and Statehood,” Woman’s Exponent, Ago. 1 at 15, 1894, 23:172; Wells, Diary, volume 19, Mar. 25, 1895; Official Report of the Proceedings and Debates, Mar. 14–15, 1895, 142, 163; Mar. 18–19, 1895, 197, 216.

  18. Roberts, “Life Story of B. H. Roberts,” 369–71; Official Report of the Proceedings and Debates, Mar. 28, 1895, 424. Paksa: B. H. Roberts

  19. Whitney, Through Memory’s Halls, 105, 239; Official Report of the Proceedings and Debates, Mar. 30, 1895, 508.

  20. Woman Suffrage,” Woman’s Exponent, Abr. 1, 1895, 23:244. Paksa: Emmeline B. Wells

  21. Relief Society General Board, Minutes, volume 1, Apr. 4, 1895, 94–96; Wells, Diary, volume 19, Apr. 4, 1895.

  22. Albert Jarman to Maria Bidgood Barnes, before Feb. 19, 1894; Apr. 27, 1894, Jarman Family Papers, Huntington Library, San Marino, CA; “Jarman and Jarman,” Deseret Evening News, Mar. 24, 1894, 5.

  23. Albert Jarman to Maria Bidgood Barnes, Nov. 16, 1894; Feb. 16, 1895, Jarman Family Papers, Huntington Library, San Marino, CA; Eleventh Ward, General Minutes, June 30, 1895, 219–20; “Albert Edward Jarman Meets with His Father, William Jarman,” Matatagpuan ang retrato sa familysearch.org; Howard, “William Jarman,” 66, 69; “Albert Jarman Interviewed,” Deseret Evening News, Hulyo 22, 1899, 3.

  24. “Albert Jarman Interviewed,” Deseret Evening News, Hulyo 22, 1899, 3; “Jarman’s Lurid Murder Tales,” Deseret Evening News, Hulyo 22, 1899, 3; Anthon H. Lund to Wilford Woodruff, Mar. 20, 1895, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL.

  25. Eleventh Ward, General Minutes, June 30, 1895, 219–20; Albert Jarman to Maria Bidgood Barnes, Dec. 8, 1894, Jarman Family Papers, Huntington Library, San Marino, CA.

  26. Anthon H. Lund to Wilford Woodruff, Mar. 20, 1895, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL; “Albert Jarman Interviewed,” Deseret Evening News, Hulyo 22, 1899, 3.

  27. Albert Jarman to Maria Bidgood Barnes, Dec. 8, 1894; Dec. 21, 1894; Jan. 5, 1895; Feb. 12, 1895; Feb. 16, 1895, Jarman Family Papers, Huntington Library, San Marino, CA.

  28. Albert Jarman to Maria Bidgood Barnes, Mar. 12, 1895, Jarman Family Papers, Huntington Library, San Marino, CA; Anthon H. Lund to Wilford Woodruff, Mar. 20, 1895, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL.

  29. William Jarman to Albert Jarman, Mar. 1, 1895, kopya ay nasa Anthon H. Lund to Wilford Woodruff, Mar. 20, 1895, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL.

  30. Albert Jarman to Maria Bidgood Barnes, Feb. 16, 1895; Mar. 5, 1895, Jarman Family Papers, Huntington Library, San Marino, CA; “Albert Edward Jarman and William Jarman,” Retrato, makikita sa familysearch.org; “Albert Edward Jarman Meets with His Father, William Jarman,” Photograph, available at familysearch.org; “Mormonism Exposed by Mr. William Jarman,” East Anglian Daily Times (Ipswitch, England), Mayo 27, 1909, 4.

  31. Statehood Constitutional Convention [1895] State Constitution, article 4, section 1, 7, 60; Wells, Diary, volume 19, Apr. 18, 1895; Emmeline B. Wells, “Equal Suffrage in the Constitution,” Woman’s Exponent, Mayo 1, 1895, 23:260.

  32. Roberts, “Life Story of B. H. Roberts,” 392; Proceedings before the Committee, 1:927; “Rawlins, Thatcher and Roberts,” Salt Lake Herald, Set. 6, 1895, 3; “Roberts’ Tour of Triumph,” Salt Lake Herald, Okt. 8, 1895, 1.

  33. Mga Banal, tomo 2, kabanata 10 at 27; Lyman, Political Deliverance, 150–81; Woodruff, Journal, Oct. 4, 1892; “Declaration,” Deseret Evening News, Mar. 17, 1892, 4. Paksa: Pagiging Walang Kinikilingan sa Pulitika

  34. Franklin D. Richards, Journal, Sept. 14, 1894; “Roberts’ Strong Position,” Salt Lake Herald, Okt. 14, 1895, 1; “Talk with Thatcher,” Salt Lake Tribune, Nob. 11, 1896, 8; Lyman, Political Deliverance, 259.

  35. Abraham H. Cannon, Diary, Oct. 7, 1895; Grant, Journal, Oct. 7, 1895; Francis Marion Lyman, Journal, Oct. 7, 1895. Paksa: Joseph F. Smith

  36. Francis Marion Lyman, Journal, Oct. 7 and 10, 1895; “The Crisis in Utah,” Salt Lake Herald, Okt. 18, 1895, 4; “Roberts’ Strong Position,” Salt Lake Herald, Okt. 14, 1895, 1; Roberts, “Life Story of B. H. Roberts,” 393–94.

  37. “Roberts’ Strong Position,” Salt Lake Herald, Okt. 14, 1895, 1; “Masterful Roberts,” Salt Lake Herald, Nob. 2, 1895, 5; Roberts, “Life Story of B. H. Roberts,” 395–96.

  38. “Not a Democratic Year,” Salt Lake Tribune, Nob. 6, 1895, 7; “Democratic Leaders Talk,” Salt Lake Herald, Nob. 8, 1895, 1; Francis Marion Lyman, Journal, Nob. 7, 1895; Roberts, “Life Story of B. H. Roberts,” 399; tingnan din sa White, Republic for Which It Stands, 849–51.

  39. “Utah a State,” Deseret Evening News, Ene. 4, 1896, 1; Woodruff, Journal, Jan. 4, 1896; Wells, Diary, volume 20, Jan. 4, 1896; Salt Lake Tabernacle Decorated for Utah Statehood Celebration, Photograph, CHL. Paksa: Utah

  40. Grant, Journal, Jan. 8, 1896; George Q. Cannon, Journal, Mar. 5 at 19, 1896.

  41. Grant, Journal, Feb. 13, 1896; Francis Marion Lyman, Journal, Feb. 13, 1896; Brigham Young Jr., Journal, Feb. 13, 1896; George Q. Cannon, Journal, Feb. 13, 1896.

  42. Woodruff, Journal, Mar. 5, 1896; George Q. Cannon, Journal, Mar. 5, 1896; Francis Marion Lyman, Journal, Mar. 5, 1896; Grant, Journal, Mar. 5, 1896. Mga Paksa: Pagdisiplina sa Simbahan; Mga Korum ng Pitumpu

  43. Grant, Journal, Mar. 12, 1896; Francis Marion Lyman, Journal, Mar. 12, 1896.

  44. B. H. Roberts to Francis Marion Lyman and Heber J. Grant, Mar. 13, 1896, in Francis Marion Lyman, Journal, Mar. 13, 1896; Grant, Journal, Mar. 13, 1896.

  45. George Q. Cannon, Journal, Mar. 26, 1896.

  46. George Q. Cannon, Journal, Apr. 5 at 6, 1896.

  47. “To the Saints,” Deseret Weekly, Abr. 11, 1896, 532–34; tingnan din sa “To the Saints,” sa Clark, Messages of the First Presidency, 3:271–77. Paksa: Pagiging Walang Kinikilingan sa Pulitika

  48. “Sixty-Sixth Annual Conference,” Deseret Weekly, Abr. 11, 1896, 531. Ang unang pangungusap ng sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “had been pledged” sa orihinal ay pinalitan ng “has been pledged.” Paksa: B. H. Roberts