“Pagdisiplina sa Simbahan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pagdisiplina sa Simbahan”
Pagdisiplina sa Simbahan
Ang Articles and Covenants of the Church, na ngayon ay opisyal na idineklarang bahagi ng mga banal na kasulatan bilang Doktrina at mga Tipan 20, ay naglalarawan sa mga patakaran ng pagpapatupad ng gawain ng Simbahan, kabilang ang kung paano disiplinahin “ang mga lumabag o nagkasala” sa loob ng Simbahan. Natanggap sa pamamagitan ng paghahayag kay Joseph Smith at inilahad noong Hunyo 1830 sa unang kumperensya ng Simbahan, ang mga gabay na ito ay nagbanggit mula sa Aklat ni Mormon para sa mga panalangin sa sakramento at mga pamamaraan para sa binyag at ordinasyon. Gayundin, inatasan nito ang mga lider ng Simbahan na pag-aralan ang mga banal na kasulatan habang kanilang pinapangasiwaan ang mga kaso ng pagdisiplina ng Simbahan.1 Binibigyang-diin ng Aklat ni Mormon ang kahalagahan ng pagpapatawad, ibinibigay sa mga lider ng Simbahan ang responsibilidad na humatol, at ipinaliliwanag na “kung sinuman ang hindi magsisisi ng kanyang mga kasalanan, siya rin ay hindi ibibilang sa aking mga tao.”2
Ayon sa Articles and Covenants, ang mga bagay na ukol sa Simbahan, kabilang na ang mga desisyon tungkol sa pagdisiplina, ay gagawin sa mga kumperensya ng Simbahan o sa mga pormal na pagtitipon ng mga elder o mga miyembro. Tinatalakay ng mga kalahok sa mga kumperensyang ito ang anumang mga paratang na ginawa laban sa mga miyembro ng Simbahan, pinakikinggan ang mga patotoo at pagtatapat, at pagkatapos ay gagawa ng mga desisyon tungkol sa katayuan ng taong akusado. Iba-ibang uri ng mga kaso ang nalutas sa mga naunang kumperensya, kabilang na ang mga kaso ng pang-aabuso sa tahanan, pagsalungat sa Simbahan sa publiko, at iba pang mga maling asal.3
Noong Nobyembre 1831, isang paghahayag kay Joseph Smith ang nagbalangkas ng mas detalyadong mga pamamaraan ng pagdisiplina sa mga miyembro ng Simbahan. Tinukoy ng paghahayag ang bishop bilang “isang Hukom sa Israel” na siyang bahala sa paggawa ng mga desisyon ukol sa pagdisiplina sa tulong ng kanyang mga tagapayo. Pinapayagang ipadala ang mahihirap na kaso sa “pangulo ng Mataas na Pagkasaserdote,” o Pangulo ng Simbahan, na maaaring tumawag ng hanggang 12 iba pang mga high priest upang umalalay sa kanya.4
Noong Pebrero 1834, inorganisa ni Joseph Smith ang unang high council sa Kirtland, Ohio, na sumusunod sa huwarang tulad ng nakabalangkas sa paghahayag noong Nobyembre 1831. Makalipas ang ilang buwan, pinahintulutan niya ang pagbuo ng pangalawang high council sa Missouri. Ang dalawang council ito, na pinamumunuan ng Unang Panguluhan at ng Missouri Stake presidency, ang lumulutas sa lahat ng mga pagtatalo at mga kaso ng pagdisiplina na hindi kayang pangasiwaan ng mga bishop. Nagsilbi ring mga korte ng apela ang mga council kapag ang isang tao ay hindi nasiyahan sa ginawang desisyon ng isang bishop’s council. Ang mga katitikan ng unang pulong ng high council, na kasama ngayon sa Doktrina at mga Tipan, ay naglalaman ng detalyadong tagubilin kung paano ang gagawin ng mga council sa mga kaso ng pagdisiplina.5
Ang mga naunang paghahayag ay nagtakda ng mga limitasyon sa awtoridad ng mga disciplinary council ng Simbahan. Halimbawa, bagamat ang mga kaso ng pagpatay ay nagbunga ng pagtigil ng pakikipagkapatiran, ang gayong mga kaso ay dinadala sa mga awtoridad ng batas para mahatulan. Nilinaw ng isang pahayag ng Simbahan noong 1835 na ang mga eklesiyastikong korte sa simbahan ay walang karapatang litisin ang mga indibiduwal para sa kanilang buhay o ari-arian ngunit ang pinakamagagawa lamang nito ay “[itiwalag] sila mula sa kanilang samahan at bawiin mula sa kanila ang kanilang pakikipagkaibigan.”6
Ang ilang mga katangian ng pagdidisiplina sa Simbahan ay nagbago sa paglipas ng panahon at ayon sa patuloy na paghahayag. Noong mga unang araw ng Simbahan, ang mga desisyon ukol sa pagdidisiplina ay ginagawa sa harap ng publiko, at ang mga pagtatapat ng miyembro ay kadalasang ibinibigay sa mga pulong ng Simbahan. Dahil maraming kultura ang naglagay ng lumalaking pagpapahalaga sa personal privacy, pinangangasiwaan ng Simbahan ang mga kaso ng pagdidisiplina nang mas kumpidensyal. Bukod pa rito, sa kasaysayan ng Simbahan noong una, kadalasan ay naghahabla ang mga miyembro laban sa isa’t isa sa harap ng mga korte ng Simbahan sa ilalim ng malalawak na kategoryang gaya ng “di-Kristiyanong pag-uugali.” Sa paglipas ng panahon, nagpalabas ang Simbahan ng mga mas detalyadong patnubay para sa mga lokal na lider. Ngayon karamihan sa mga kaso ng pagdisiplina ay kinasasangkutan ng mas mabibigat na paglabag sa itinakdang mga pamantayan ng Simbahan, o, sa ilang kaso, palagiang pagsalungat sa mga lider ng Simbahan o sa mga patakaran nito sa publiko.
Ang wikang gamit sa pagdisiplina ng Simbahan ay nagbago rin. Sa Simbahan noong una, maaaring “patahimikin” ng mga disciplinary council ang isang miyembro o ipawalang-bisa ang “lisensya” ng isang elder, na nagbabawal sa kanya na makapagmisyon, mangaral, o kumilos sa iba pang opisyal na kapasidad. Sa mas matitinding kaso, “itinitiwalag” ng mga konseho ang isang miyembro, na nangangahulugang pinapawalang-bisa ang kanyang pagiging miyembro. Ngayon ang mga disciplinary council ay pumipili ng isa sa apat na kalalabasan: (1) magbigay ng payo sa halip na magsagawa ng pormal na disiplina; (2) pasimulan ang formal probation, na pansamantalang nagbabawal sa pakikibahagi sa ilang aktibidad sa loob ng isang partikular na panahon, gaya ng pakikibahagi ng sakramento; (3) mag-disfellowship, na nagtutulot sa indibiduwal na mapanatili ang pagiging miyembro ngunit sinususpinde ang pakikibahagi nito sa karamihan sa mga gawain sa Simbahan habang nasa proseso ng pagsisisi; o (4) mag-excommunicate o itiwalag, na nagpapawalang-bisa sa pagiging miyembro nito.
Nanatili pa rin ang ilang mahahalagang katangian ng pagdidisiplina ng Simbahan sa paglipas ng panahon. Ang mga miyembro ng Simbahan ay inaasahang mamumuhay ayon sa matataas na pamantayan ng kagandahang-asal bilang mga disipulo ni Jesucristo. Ang mga hindi sumusunod sa pagdisiplinang ito sa sarili ay maaaring magkaroon ng limitadong partisipasyon o mabawi ang kanilang pagiging miyembro ng Simbahan.7 Gayunman, walang huling kahatulan sa lupa: maaaring ibalik sa mga miyembrong nagsisisi ang kanilang mga pagpapala at pakikipagkapatiran. Ang pagdisiplina ng Simbahan ay nagpapasiya lamang sa katayuan ng isang tao sa loob ng Simbahan. Gayunman, ang ilang kaso ay inilalapit sa mga korteng sibil, gaya ng kapag hinihiling ito ng batas o kapag kailangan ito para sa kaligtasan ng mga biktima. Sa lahat ng kaso o sitwasyon, ang mga desisyon ng mga konseho ay kailangang gawin pagkatapos magpayo, sa patnubay ng Espiritu, sa diwa ng pag-ibig sa kapwa tao, at may pagbibigay-pansin kapwa sa mga pangangailangan ng indibiduwal at mga obligasyon ng Simbahan. Sinabi ni Elder M. Russell Ballard, “Ang pagdisiplina ng Simbahan ay hindi nilayong maging katapusan ng proseso—sa halip, ito ay nilayong maging panimula ng pagkakataong makabalik sa ganap na pakikipagkapatiran at sa lubos na mga pagpapala ng Simbahan.”8
Mga Kaugnay na Paksa: Hindi Pagsang-ayon sa Simbahan