Kasaysayan ng Simbahan
Matthias F. Cowley


“Matthias F. Cowley,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)

“Matthias F. Cowley,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

Matthias F. Cowley

Si Matthias Foss Cowley (1858–1940) ay ipinanganak noong bumalik ang kanyang mga magulang sa Salt Lake City matapos takasan ang nagbabantang panganib ng karahasan ng Digmaan sa Utah.1 Siya ay lumaki sa Salt Lake City 14th Ward, kung saan siya naglingkod bilang guro sa ward para sa pamilya ni Apostol John Taylor at naging matalik na kaibigan ng anak ni Elder Taylor na si John W. Taylor.2 Nang pumanaw ang kanyang ama noong 1864, tumulong si Cowley sa kanyang amain sa pag-survey para sa Southern Utah Railroad. Noong mga buwan ng taglamig, pumasok si Cowley sa University of Deseret at naging masigasig sa pag-aaral ng Biblia. Sa edad na 19, naglingkod siya sa isa sa dalawang misyon sa katimugan ng Estados Unidos. Bago ang kanyang pangalawang pag-alis, pinamahalaan ni Cowley ang pagpapakilala ng magasin ng Young Men’s Mutual Improvement Association na The Contributor, na ipinalaganap niya sa maraming ward at stake sa buong Teritoryo ng Utah. Sa unang araw na buksan ang Logan Utah Temple para sa pagsasagawa ng ordenansa noong 1884, kasal na siya kay Abigail Hyde. Si Cowley ay tinawag at inodena bilang Apostol noong 1897, isang taon matapos maging estado ang Utah at sa pagsisimula ng Simbahan ng bagong siglo.3

Elder Matthias F. Cowley

Elder Matthias F. Cowley noong 1898.

Nasaksihan ni Cowley ang matinding pagsalungat sa Simbahan dahil sa maramihang pag-aasawa. Noong 1889, pinakasalan niya si Luella Smart Parkinson, ang isa sa kanyang maraming naging asawa. Naganap ang kanilang kasal sa panahong ang mga opisyal ng pederal ay agresibong nagpapatupad ng batas laban sa poligamya na may intensyong sirain ang mga pamilyang Banal sa mga Huling Araw at tanggalan ng karapatan ang Simbahan.4 Isang taon matapos ikasal si Cowley kay Luella, naglabas si Pangulong Wilford Woodruff ng Manifesto [Pahayag], isang inspiradong deklarasyon na nagtatagubilin sa mga Banal sa mga Huling Araw na tigilan ang pagkakaroon ng maraming asawa. Sa pagitan ng 1880s at mga unang taon ng ika-20 siglo, patuloy na sinikap ng mga Pangulo ng Simbahan na sina Wilford Woodruff, Lorenzo Snow, at Joseph F. Smith na maging estado ang Utah sa pamamagitan ng pagpapabuti ng relasyon sa pamahalaan ng Estados Unidos, at pagpapatigil sa maramihang pag-aasawa.5 Noong 1899, pinakasalan ni Cowley si Harriet Bennion, ang isa pa sa kanyang maraming asawa.6 Itinuring ng ilang lider ng Simbahan ang Manifesto bilang pagtatangkang palubagin ang loob ng pamahalaan at naniniwala pa rin na ang “bago at walang hanggang tipan ng kasal” (Doktrina at mga Tipan 131:2) ay angkop pa rin para sa matatapat. Lihim pa ring ipinagpatuloy ni Cowley ang paghihikayat sa iba na mag-asawa nang marami at pagsasagawa ng seremonya para sa mga bagong maramihang pag-aasawa.7 Sa kampanya na naulat sa buong bansa tungkol sa pagkakait sa kapwa niya Apostol na si Reed Smoot ng pwesto sa senado bilang nahalal na kandidato sa Estados Unidos, si Cowley at ang iba pa ay tinawag na magbigay ng testimonya tungkol sa kanilang pagkakaugnay sa poligamya. Hiniling niya na hindi magbigay ng testimonya.

Noong 1904, bilang bahagi ng kanyang ipinangako sa mga paglilitis sa kaso ni Smoot, ipinaalam ni Joseph F. Smith ang pahayag na tinatawag natin ngayon na Pangalawang Manifesto. Nakasaad sa patakarang ito na sinuman ang masasangkot sa bagong maramihang pag-aasawa ay “lumalabag sa Simbahan” at nararapat na itiwalag.8 Mula noon ipinagbawal na ng Unang Panguluhan ang pagsasagawa ng mga ordenansa ng pagbubuklod na hindi idinaraos sa mga templo, at bunga nito ang mga seremonya ng kasal sa templo ay ipinamahala sa mga pangulo ng templo at sa mga senior na lider ng Simbahan. Sinalungat ni Cowley at kapwa Apostol na si John W. Taylor ang bagong patakaran. Noong 1905, pinakasalan ni Cowley si Lenora Mary Taylor, ang isa pa sa kanyang maraming asawa, sa Canada.9 Hindi nagtagal, hiniling ng iba pang miyembro ng Korum ng Labindalawa na magbitiw sa korum sina Elder Cowley at Elder taylor dahil “hindi sila nakaayon sa Labindalawa patungkol sa maramihang pag-aasawa na ginagawa nila mismo at hinihimok pa ang iba na gayundin ang gawin.” Matapos magbitiw sina Cowley at Taylor, parehong ipinagpatuloy ng mga lalaking ito ang paghihikayat ng maramihang pag-aasawa. Noong 1910 at 1911, nalaman ng Korum ng Labindalawa sa pamamagitan ng mga ulat na may kalalakihan sa iba’t ibang tungkulin ng pamumuno sa Simbahan ang patuloy pa ring nagdaragdag ng asawa. Nang malaman ng mga Apostol na patuloy pa ring ginagawa at hinihikayat ni Cowley ang maramihang pag-aasawa, ipinasiya nila na “pagkaitan siya ng karapatan at awtoridad na gawin ang anumang tungkulin ng priesthood.”10

Sa kabila ng hindi niya pagsang-ayon noong una sa argumento tungkol sa maramihang pag-aasawa, patuloy na nagsalita sa publiko si Cowley, ipinangangaral ang ebanghelyo, at sumulat ng mga aklat na pabor sa Simbahan. Noong 1936, sumulat siya sa Unang Panguluhan upang linisin ang kanyang pangalan at magtapat, “Mali ang pagkaunawa ko” at “sa tuwing nagpapayo ako o kumikilos nang salungat sa mga alituntunin, patakaran, at regulasyon ng Simbahan … talagang maling-mali ang naipayo ko.”11 Muli siyang tinanggap bilang miyembro at di nagtagal ay tinawag na magmisyon sa Europa, kung saan nangaral siya sa ilang makasaysayang lugar, nagsulat para sa magasin na Millennial Star, at nagtipon ng mga datos para sa genealogy kasama ang kanyang asawang si Luella at anak na babaeng si Laura.12 Sa kanyang pagkamatay apat na taon kalaunan dahil sa katandaan, si Cowley ay maaalala sa kanyang “sigasig” bilang mangangaral, manunulat, at misyonero.13

Mga Kaugnay na Paksa Pag-aasawa nang Marami pagkaraan ng Pahayag, , Batas Laban sa Poligamya,, Paglilitis kay Reed Smoot, Utah

  1. Tingnan sa Paksa: Digmaan sa Utah.

  2. Matthias F. Cowley, “Reminiscences of Prest. John Taylor,” 1925, MS 157, Church History Library, Salt Lake City.

  3. Edward H. Anderson, “Matthias Foss Cowley,” sa Andrew Jenson, ed., Latter-day Saint Biographical Encyclopedia: A Compilation of Biographical Sketches of Prominent Men and Women in the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 4 vols. (Salt Lake City: Andrew Jenson History, 1901–1936), 1:168–72.

  4. Tingnan sa Paksa: Batas Laban sa Poligamya.

  5. Tingnan sa mga Paksa: Manifesto, Utah; tingnan din sa Gospel Topics Essays, “The Manifesto and the End of Plural Marriage,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics-essays/the-manifesto-and-the-end-of-plural-marriage.

  6. Victor W. Jorgenson at B. Carmon Hardy, “The Taylor-Cowley Affair and the Watershed of Mormon History,” Utah Historical Quarterly, vol. 48, no. 1 (Winter 1980), 14.

  7. Jorgenson at Hardy, “Taylor-Cowley Affair,” 21; tingnan sa Paksa: Reed Smoot Hearings.

  8. Tingnan sa “The Manifesto and the End of Plural Marriage.”

  9. Jorgensen at Hardy, “Taylor-Cowley Affair,” 12–14.

  10. Jorgensen at Hardy, “Taylor-Cowley Affair,” 28–33; Francis M. Lyman, Journal, May 11, 1911, Church History Library, Salt Lake City.

  11. “Reconciliation: Letters Passing between the First Presidency and Elder Matthias F. Cowley,” Deseret News, Apr. 3, 1936, 3.

  12. Eleanor Knowles, Remembering Laura: A Biography of Laura Cowley Brossard (1978), 66–67.

  13. “Cowley Rites Will Be Friday: Illness Claims Aged Church Leader,” Deseret News, June 17, 1940, 9, 16.