Kasaysayan ng Simbahan
Pagpaslang sa Hawn’s Mill


“Pagpaslang sa Hawn’s Mill,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Pagpaslang sa Hawn’s Mill”

Pagpaslang sa Hawn’s Mill

Si Jacob Hawn (kung minsan ay binabaybay bilang “Haun”) ay isa sa mga unang nanirahan sa Shoal Creek sa hilagang-kanlurang bahagi ng Missouri. Nagtayo siya ng isang gilingan o mill at tinawag ang pamayanan na Hawn’s Mill; ito ay mga isang araw na paglalakad mula sa sentro ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Far West. Si Hawn ay hindi miyembro ng Simbahan, ngunit siya ay mabait sa grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw na nanirahan malapit sa kanyang gilingan noong huling bahagi ng dekada ng 1830.

Noong Oktubre 30, 1838, bilang bahagi ng tumitinding karahasan na nagtulak palabas sa naunang mga Banal mula sa estado ng Missouri, isang grupo ng tulisang milisya ang sumalakay sa mga Banal sa Hawn’s Mill.1 Bagamat karamihan sa mga babae at mga bata sa pamayanan ay nagtago sa kakahuyan, isang grupo ng mga lalaking Banal sa mga Huling Araw ang nagtago sa pandayan. Ang mga sumalakay ay pumalibot sa pandayan at binaril nang paulit-ulit ang mga puwang sa pader na yari sa troso, na pumatay sa mga nasa loob ng pandayan at sa mga nagtangkang sumuko. Pagkatapos ng unang pagsalakay, kinuha nila ang ilang mga batang lalaki na nagtago sa ilalim ng pandayan at binaril sila sa estilo ng nakahilerang pagpatay. Labimpitong Banal sa mga Huling Araw ang napatay at 12 hanggang 15 ang nasugatan.

Paglalarawan ng isang pintor ng pagpaslang sa Hawn’s Mill

Paglalarawan ng isang pintor ng pagpaslang sa Hawn’s Mill.

Malaki ang ginampanang papel ng mga kuwento ng trahedya sa alaala ng mga Banal sa kanilang karanasan sa Missouri. Ang isang kilalang kuwento ay isinulat ni Amanda Barnes Smith, na ang asawa at 10-taong-gulang na anak ay pinatay sa Hawn’s Mill nang ang pamilya niya ay tumigil doon habang lumilipat mula sa Ohio papunta sa bagong lugar na pagtitipunan ng mga Banal sa Missouri. Si Amanda ay nanalangin para sa patnubay at nakatanggap ng personal na paghahayag habang ginagamot ang kanyang 7-taong-gulang na anak na lalaki na lubhang nasugatan.2

Dahil ang pagpaslang ay naganap tatlong araw matapos inilabas ng gobernador ng Missouri na si Lilburn Boggs ang kanyang utos na pagpuksa, na nagbigay awtoridad sa mga pagsisikap ng milisya na itaboy ang mga Banal mula sa estado, marami ang nag-isip na ang kautusan ang sanhi ng pagpaslang. Ilang mga katibayan ang nagpapahiwatig na hindi alam ng mga sumalakay ang kautusang ito, at ang pagpaslang ay pagpapakita ng karahasang vigilante, marahil isang paghihiganti para sa pagsalakay ng mga Mormon sa Daviess County.3

Bago nagsimula ang karahasan, pinayuhan ni Joseph Smith ang mga Banal sa liblib na mga pamayanan tulad ng Hawn’s Mill na magtipon sa Far West.4 Ilang taon pagkatapos sa Nauvoo, inisip niya kung ang pagpaslang ay maaari sanang napigilan kung ang mga Banal sa Hawn’s Mill ay sumunod sa kanyang payo.5 Mahirap sabihin kung ang mga Banal na sinalakay sa Hawn’s Mill ay maiiwasan ang karahasan. Yaong mga kamakailan lang na dumating mula sa Ohio ay nakatanggap ng panliligalig at dinis-armahan ng mga miyembro ng mandurumog sa daan.6 Maaaring hindi nagkaroon ng ligtas na pagkakataon na marating ang itinalagang pagtitipunang lugar sa Far West.

Mga Kaugnay na Paksa: Digmaang Mormon-Missouri noong 1838, Amanda Barnes Smith, Utos na Pagpuksa

Mga Tala

  1. Tingnan sa Paksa: Digmaang Mormon-Missouri noong 1838.

  2. Tingnan sa Paksa: Amanda Barnes Smith.

  3. Alexander L. Baugh, A Call to Arms: The 1838 Mormon Defense of Northern Missouri (Provo, Utah: Joseph Fielding Smith Institute for Latter-day Saint History and BYU Studies, 2000), 127; “Historical Introduction to Part 3: 4 November 1838 to 16 April 1839,” sa Mark Ashurst-McGee, David W. Grua, Elizabeth A. Kuehn, Brenden W. Rensink, at Alexander L. Baugh, mga pat., Documents, Volume 6: February 1838–August 1839. Tomo 6 ng seryeng Documents ng The Joseph Smith Papers, pinamatnugutan nina Ronald K. Esplin, Mateo J. Grow, at Matthew C. Godfrey (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2017), 265–269.

  4. Albert P. Rockwood journal, Oct. 23, 1838, sa “Journal excerpts, 1838 October 6–November 19,” 12, Church History Library, Salt Lake City.

  5. Joseph Smith, “Journal, December 1841–December 1842,” 183, josephsmithpapers.org.

  6. Tingnan sa Amanda Barnes Smith, “An account of the Haun’s Mill Massacre,” typescript, 3–4, Church History Library, Salt Lake City.