Kasaysayan ng Simbahan
Word of Wisdom (D at T 89)


“Word of Wisdom (D at T 89),” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Word of Wisdom (D at T 89)”

Word of Wisdom (D at T 89)

Nakatanggap si Joseph Smith ng paghahayag noong 1833 na tinawag na Word of Wisdom, na ginawang bahagi ng mga banal na kasulatan at itinala bilang Doktrina at mga Tipan 89. Ang paghahayag na ito ay pinakakilala ngayon sa pagtatatag ng gawi ng mga Banal sa mga Huling Araw na pag-iwas sa alak, sigarilyo, at paggamit ng droga, pati na ng kape at tsaa.1

Konteksto ng Paghahayag

Ang Word of Wisdom ay lumitaw sa panahon ng matinding pampublikong debate tungkol sa kalusugan ng katawan sa pangkalahatan at lalo na sa labis-labis na pag-inom ng alak. Sa Estados Unidos, maraming adult noong dekada ng 1830 ang pinalaki sa mga pamilya na kung saan ang alak ay iniinom sa almusal, tanghalian, at hapunan. Marami ang nag-alala tungkol sa mga panlipunan at pangkalusugang bunga ng dagdag na pag-inom ng alak. Simula noong dekada ng 1810, ang mga reformer ay nanawagan para sa pag-iwas mula sa matatapang na alak; marami sa kanilang mga tagapakinig ay nagdagdag pa, nangangako na iiwasan ang lahat ng uri ng alak, kabilang na ang serbesa. Kasabay nito, ilang mga reformer ang nagsalita laban sa pagnguya ng tabako at iminungkahi ang kape bilang pamalit sa alak, gayong hindi laging makakakuha ng malinis na tubig.2

Sa konteksto ng debateng ito, nilapitan ni Emma Smith ang kanyang asawa, nag-aalala tungkol sa kapaligiran sa loob ng Paaralan ng mga Propeta. Ang parehong lugar na ginagamit ni Joseph upang itala ang mga paghahayag at gawin ang kanyang inspiradong pagsasalin ng Biblia ay ginagamit din bilang silid-aralan, kung saan ang mga dumadalo ay madalas naninigarilyo, ngumunguya, at lumulura ng tabako. Nagtanong si Joseph sa Panginoon at natanggap ang Word of Wisdom. Tinulungan ng paghahayag ang mga Banal na suungin ang karamihan sa mga isyung pinagtatalunan ng mga reformer at tinugunan din ang mga partikular na alalahanin ni Emma. Ang mga “matatapang na inumin” at “maiinit na inumin,” sabi ng paghahayag, ay “hindi para sa tiyan.” Maging ang sigarilyo, na mas ginagamit bilang isang halamang gamot para sa may sakit na baka.3 Nililinaw ng mga sources na nauunawaan ng marami sa mga naunang Banal sa mga Huling Araw na ang “maiinit na inumin” ay tumutukoy sa kape at tsaa.4 Ilang mga grupo, tulad ng Shakers, ay nagpapayo laban sa pagkain ng karne, samantalang ang iba ay nagtaguyod ng walang paghihigpit sa pagkain nito. Ang Word of Wisdom ay may hiwalay na posisyon tungkol sa usaping ito, sinasabing inorden ng Panginoon ang pagkain ng karne, kung ito ay kakainin “nang paunti-unti.”5 Ang Word of Wisdom ay itinataguyod rin ang pagkain ng butil at prutas.

Pagsunod sa Word of Wisdom

Sa mga sumunod na dalawang henerasyon, itinuro ng mga lider ng Simbahan ang Word of Wisdom bilang isang utos mula sa Diyos, subalit hinayaan nila ang sari-saring pananaw sa kung gaano kahigpit ipatutupad ang utos na ito. Maraming mga Banal ang patuloy na umiinom ng kape at tsaa, at ang ilan ay ngumunguya ng tabako. Sa teritoryo ng Utah, tinuligsa ng mga lider ng Simbahan ang pagkalasing sa publiko at pag-inom ng wiski subalit ay madalas na tahimik sa katamtamang pag-inom ng mas banayad na inuming nakakalasing. Ang pagpaparayang ito ay nagbigay sa mga Banal ng panahon na buuin ang kanilang sariling tradisyon ng pag-iwas sa nakalululong na mga sangkap.

Gayunpaman, inasam ng mga lider ng Simbahan ang panahon na ang mas mataas na pamantayan ang susundin. Noong mga dekada ng 1860 at 1870, nanawagan si Brigham Young sa mga Banal na iwaksi ang lahat ng paggamit ng tsaa, kape, tabako, at alak.6 Ang mga bata ay regular na tinuturuan na ipamuhay ang Word of Wisdom nang mas mahusay kaysa sa kanilang mga magulang. Ang bunga ng pagtuturong ito ay nakababatang henerasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw na lumaki sa pagsunod sa Word of Wisdom at may kakayahang ipamuhay ang pamantayan ng ganap na pag-iwas sa mga bagay na ito.

Sa paghina ng poligamya pagkatapos ng 1890, ang lumalaking pagbibigay-diin sa Word of Wisdom ang naging bagong palatandaan ng pagkakakilanlan sa mga Banal sa mga Huling Araw. Sa mga unang taon ng ika-20 siglo, pinalitan ng mga Banal ng tubig ang alak para gamitin sa mga sakramento. Noong 1919, kinilala ng mga Banal sa mga Huling Araw ang susog sa Saligang Batas ng Estados Unidos na nagbabawal sa paggawa at pagbebenta ng nakalalasing na inumin bilang isang malaking tagumpay para sa sangkatauhan.7 Noong 1921, binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Pangulong Heber J. Grant na hilingin sa lahat ng mga Banal na umiwas mula sa alak, tabako, kape, at tsaa upang makakuha ng temple recommend.

Sa unti-unting paglaganap ng pag-inom ng alak at paninigarilyo sa Estados Unidos, nakilala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang patuloy na pagtangging uminom ng alak at manigarilyo kahit maraming mga Kristiyano ang nagpapasasa sa mga ito. Tinutukoy ang pagkakaibang ito, ang mga lider ng Simbahan sa ika-20 siglo ay madalas binabanggit ang istatistika na nagpapakita na ang mga Banal ay nabubuhay nang mas matagal at dinadapuan ng mas kaunting malalang karamdaman, alinsunod sa pangako ng Word of Wisdom na ang mga tagasunod ay “tatakbo at hindi mapapagod, at lalakad at hindi manghihina.”8

Ang Word of Wisdom, na ibinigay sa naunang konteksto nito sa Amerika, ay hindi inaasahan o partikular na tinugunan ang maraming sangkap na mula noon ay naging pangkaraniwan na. Sa paglipas ng panahon, binigyang-diin ng mga lider ng Simbahan ang mga pangunahing alituntunin ng paghahayag, tulad ng pangangalaga sa kalusugan ng katawan at pag-iwas sa mga nakalululong na sangkap. Sa ilang pagkakataon, nagbigay sila ng partikular na patnubay. Halimbawa, ang drogang panlibangan ay ipinagbabawal ng Word of Wisdom, samantalang ang awtorisadong paggamit ng mga iniresetang gamot ay pinapayagan. Ang paggamit ng ilang sangkap, tulad ng caffeine, ay iniwan sa pagpapasiya ng mga indibidwal na Banal at hindi ipinagbabawal bilang kailangan upang makatanggap ng temple recommend.

Itinuturing ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Word of Wisdom bilang higit pa sa isang alituntuning pangkalusugan. Ang pagsunod sa mga alituntunin nito ay hindi lamang sila ginagawang karapat-dapat sa pagsamba sa templo kundi nagbibigay ng espirituwal na mga pakinabang, kabilang na ang mas malakas na kahandaang tanggapin ang personal na paghahayag.

Mga Tala

  1. Revelation, 27 February 1833 [DC 89],” sa Sidney Gilbert, Notebook, 113–15, josephsmithpapers.org.

  2. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa unang American temperance movement, tingnan sa Ian Tyrrell, Sobering Up: From Temperance to Prohibition in Antebellum America, 1800–1860 (Westport, Conn.: Greenwood Press, 1979).

  3. “Revelation, 27 February 1833 [DC 89],” sa Sidney Gilbert, Notebook, 113; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 89:7–9.

  4. Hyrum Smith, “The Word of Wisdom,” Times and Seasons, Hunyo 1, 1842, 800.

  5. “Revelation, 27 February 1833 [DC 89],” sa Sidney Gilbert, Notebook, 114; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 89:12–13.

  6. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (Salt Lake City: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1997), 236.

  7. Nabigo si Pangulong Grant nang ang mga botante sa Utah—karamihan ay mga Banal sa mga Huling Araw—ay ibinigay ang mapagpasyang boto upang mapawalang-bisa ang susog sa Prohibisyon noong 1933. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Loyalty,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 60.

  8. “Revelation, 27 February 1833 [DC 89],” sa Sidney Gilbert, Notebook, 115, ang pagbabaybay ay isinunod sa pamantayan; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 89:20.