Kasaysayan ng Simbahan
Si Helmuth Hübener


Si Helmuth Hübener

Si Helmuth Günther Hübener (1925–42), isang miyembro ng Simbahan sa Hamburg, Germany, ang pinakabatang kasapi na Aleman na tinutulan ang Nazismo at binitay ayon sa utos ng Espesyal na Hukuman ng mga Mamamayan [Special People’s Court] (Volksgerichtshof) sa Berlin.1 Simula noong mga unang bahagi ng 1941, gumawa si Hübener ng sunud-sunod na mga polyetong kontra sa mga Nazi na kinabibilangan ng mga sarili niyang komentaryo sa pulitika at mga transkripsyon ng mga brodkast sa radyo ng puwersang Allied. Sa tulong ng iba pang mga tinedyer, namahagi siya ng mga polyeto sa buong Hamburg. Noong Pebrero 1942, hinatulan ng Korte si Hübener na nagkasala ng “pagsasabwatan upang gumawa ng pagtataksil sa bansa at pagtaksil sa pamamagitan ng pagsuporta sa kaaway” at iniutos ang kanyang pagbitay; nahatulan din ng hukuman ang kanyang tatlong kaibigan na sina Rudolf Wobbe, Karl-Heinz Schnibbe, at Gerhard Düwer ng “pakikinig sa isang banyagang istasyon ng radyo at pamamahagi ng mga banyagang balita sa radyo.” Binitay si Hübener sa edad na 17 taong gulang makaraan ang walong buwan. Sina Wobbe, Schnibbe, at Düwer ay hinatulan ng sapilitang paggawa at nanatili sa mga kampo ng kulungan hanggang sa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.2

Si Hübener ay isinilang sa Hamburg noong 1925. Ang kanyang single na ina, si Emma Guddat Kunkel, ay nagtrabaho upang itaguyod si Helmuth at ang kanyang dalawang nakatatandang kapatid sa ibang ama na sina Hans at Gerhard. Dahil dito, ginugol ni Helmuth at ng kanyang mga kapatid ang malaking bahagi ng kanilang mga kabataan kasama ang kanilang lola na si Wilhemine Sudrow, na nakatira sa kalapit na bahay.3 Noong 1939 ay pinakasalan ni Emma si Hugo Hübener, isang piyon sa konstruksyon at miyembro ng Partido Nazi, na kalaunang umampon kay Helmuth. Hindi nagustuhan ng bagong asawa ni Emma ang Simbahan, at, marahil upang payapain ito, naging paminsan-minsan na lamang ang kanyang pakikibahagi sa Simbahan matapos ang kanilang kasal. Gayunman, si Helmuth at ang kanyang mga kapatid ay patuloy na nagsimba kasama ng kanilang lola.4

Tulad ng kanilang mga kapitbahay, unang tiningnan ng may pag-asa ng marami sa mga Alemang Banal sa mga Huling Araw ang mga pangako ng Partido Nazi ng pinanibagong katatagan ng ekonomiya at pinag-ibayong pagkamakabayan. Ilang miyembro ng Simbahan ang sumapi sa partido habang ang iba ay aktibong sumalungat sa rehimen. Ang iba naman ay nanatiling walang kinikilingan.5 Nasaksihan mismo ni Helmuth Hübener ang pambihirang partisipasyong ito sa partido. Ang kanyang branch president na si Arthur Zander ay kasapi ng Partido Nazi at pinilit ang mga miyembro ng branch na makinig sa brodkast ng partido sa radyo, nagbantang isusuplong ang mga miyembrong gumagawa ng mga aktibidad na laban sa pamahalaan, at, noong 1938, nagkabit ng isang karatula sa pintuan ng meetinghouse na nagpapabatid sa mga Judio na hindi sila tanggap doon.6 Iilang miyembro ang nagsuot ng kanilang mga unipormeng Nazi na pang-militar at sibil sa mga pulong ng Simbahan. Sa kabilang banda, si Otto Berndt, ang pangulo ng Hamburg district, ay nangaral laban sa patakaran ng pamahalaan mula sa pulpito, pribadong hinikayat ang mga miyembro na lumaban, at madalas na naglakad kasama ang mga nabinyagang Judio. Bagama’t noong una ay nakibahagi si Hübener sa Jungvolk (ang grupo ng mga Nazi na inorganisa para sa mga batang napakabata pa para sumapi sa Hitler Youth), kalaunan ay itinatwa niya ang ideolohiya ng partido.7

Noong tagsibol ng 1941, natuklasan ni Hübener ang isang shortwave na radyo na pag-aari ng kanyang kapatid na si Gerhard at ginamit ito upang makinig ng mga brodkast mula sa British Broadcasting Corporation (BBC) tuwing gabi—isang krimen sa ilalim ng batas ng mga Nazi. Paminsan-minsan, dalawang kaibigan mula sa simbahan, sina Karl-Heinz Schnibbe at Rudolf (Rudi) Wobbe, ang sumasama sa kanya. Hindi nagtagal ay nagsimula si Hübener na gumawa ng mga polyetong kontra sa mga Nazi na nagpapakita ng impormasyon mula sa mga brodkast kasama ang kanyang sariling mga komentaryo. Gamit ang papel na carbon at isang pares ng mga makinilya na hiniram mula sa branch, gumawa si Hübener ng mga kopya ng mga polyetong ito at ikinabit nina Schnibbe at Wobbe ang mga ito sa pader ng mga ulat ng Partido Nazi, ihinulog ang mga ito sa mga mataong lansangan, at ipinasok ang mga ito sa mga kahon ng koreo.8 Hindi nagtagal ay nahikayat ni Hübener ang iba pang mga kakilalang tinedyer para tumulong. Si Gerhard Döwer, na nagtrabaho sa Hamburg Social Authority (Sozialbehörde), kung saan siya at si Höbener ay mga aprendis, ay tumulong sa pagpapalawak ng pamamahagi. Sa pamamagitan ng isang hindi kilalang koneksyon, nakahanap din si Hübener ng isang palimbagan sa Kiel upang gumawa ng maraming kopya ng mga polyeto.9 Sa loob ng 10 buwan, nakagawa si Hübener ng isang serye ng mga polyetong humahamon sa mga retorika ng partido at tinututulan ang mga opisyal na salaysay ng digmaan. Tahasan din niyang pinuna ang mga opisyal ng partido. Ang Führer ay “ipapadala kayo nang libu-libo sa apoy upang matapos ang mga krimen na kanyang sinimulan,” isinulat ni Hübener sa isang polyeto. “Libu-libo sa inyong mga asawa at anak ay magiging mga balo at ulila. At para sa wala lamang ang lahat!”10

Noong Pebrero 1942, dinakip ng mga kawani ng Gestapo sina Hübener, Wobbe, Schnibbe, at Düwer sa mga paratang ng iba’t ibang krimen sa ilalim ng batas ng mga Nazi, kabilang na ang “pagsasabwatan upang pagtaksilan ang bansa.”11 Noong ika-11 ng Agosto, sa isang pagdinig na tumagal nang mahigit siyam na oras lamang, ang apat ay nilitis sa harap ng Espesyal na Hukuman ng mga Mamamayan sa Berlin na binubuo ng tatlong katao.12 Lahat ng apat na nasasakdal ay nahatulang may sala. Nahatulan si Hübener ng kamatayan, samantalang sina Wobbe, Schnibbe, at Dówer ay pinarusahan ng 4 hanggang 10 taong sapilitang pagtatrabaho sa mga kampo. Binitay si Hübener sa pamamagitan ng gilotina noong ika-27 ng Oktubre 1942.13

Pader ng Alaala ng Gedenkstätte Plötzensee

Ang Pader ng Alaala ng Gedenkstätte Plötzensee sa Berlin, Germany, kung saan binitay si Hübener.

Hindi nagtagal matapos dakpin si Hübener, isinulat ng branch president na si Arthur Zander na “itiniwalag” sa talaan ng pagkamiyembro ni Helmuth. Gayunman, ang district president na si Otto Berndt ay tumangging pumirma ng pagsang-ayon sa aksyon. Si Anthon Huck, isang miyembro ng panguluhan ng European Mission, ang nagbigay ng pangalawang lagda. Sinabi kalaunan ng ilang lider ng Simbahan na layon nilang ilayo ang Simbahan mula kay Hübener upang protektahan ang mga Banal sa mga Huling Araw mula sa poot ng mga opisyal na Nazi. Nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, si Hübener ay ibinalik bilang miyembro sa Simbahan pagkatapos ng kanyang pagpanaw at, noong 1948, ay nabigyan ng mga ordenansa sa templo sa pamamagitan ng proxy.14

Sa mga dekada matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kinilala si Helmuth Hübener sa kanyang paglaban sa rehimeng Nazi. Nagtayo ng mga memorial exhibit sa isang paaralang bokasyunal sa Hamburg, sa German Resistance Memorial sa Berlin, at sa Plötzensee Prison, kung saan binitay si Hübener. Bukod pa rito, isang sentrong pangkabataan, paaralan, at dalawang kalye sa Hamburg ang nagtataglay ng kanyang pangalan.15 Mula noong dekada ng 1940, ang mga grupo sa pulitika, lipunan, at relihiyon ay nagdaos ng iba’t ibang pagdiriwang tuwing ika-8 ng Enero (kanyang kaarawan) o ika-27 ng Oktubre (petsa ng kanyang pagbitay) upang gunitain ang kanyang kabayanihan. Noong ika-8 ng Enero 2020, isang paaralan sa piitan ng mga batang preso malapit sa Plötzensee Prison ang ipinangalan kay Hübener bilang paggunita sa kanya.16

Mga Kaugnay na Paksa: Germany, Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Mga Tala

  1. Erin Blakemore, “Meet the Youngest Person Executed for Defying the Nazis,” History Stories, Aug. 31, 2018, https://www.history.com/news/meet-the-youngest-person-executed-for-defying-the-nazis. Sina Rudi Wobbe at Karl-Heinz Schnibbe ay naglathala ng mga talambuhay ukol sa kanilang paglaban sa rehimeng Nazi kasama ni Hübener; tingnan sa Rudi Wobbe at Jerry Borrowman, Before the Blood Tribunal (American Fork, Utah: Covenant Communications, 1992), muling inilathala bilang Three against Hitler (American Fork, Utah: Covenant Communications, 1992); Karl-Heinz Schnibbe, Alan F. Keele, at Douglas F. Tobler, The Price: The True Story of a Mormon Who Defied Hitler (Salt Lake City: Bookcraft, 1984). Hindi mabilang na iba pang mga aklat (kathang-isip at di kathang-isip), mga artikulo, at mga sanaysay ang isinulat tungkol kay Hübener.

  2. People’s Court, Verdict, Document 52 sa Blair R. Holmes at Alan F. Keele, mga pat. at salin, When Truth Was Treason: German Youth against Hitler: The Story of the Helmuth Hübener Group, ika-2 ed. (Provo: Stratford Books, 2003), 219–20; District Court Hamburg, Arrest Warrant, Document 16 sa Holmes at Keele, mga pat. at salin, When Truth Was Treason, 174–75; Rudolf Wobbe, Statement, Document 66 sa Holmes at Keele, mga pat. at salin., When Truth Was Treason, 259–62; Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 74. Tingnan din sa Paksa: Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

  3. Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 14; Richard Lloyd Dewey, Hübener vs. Hitler: A Biography of Helmuth Hübener, German Teenage Resistance Leader, ika-2 ed. (Provo: Academic Research Foundation, 2004), 1–2; Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, 20.

  4. Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, 20; Dewey, Hübener vs. Hitler, 5–6.

  5. Tingnan sa Dewey, Hübener vs. Hitler; David Conley Nelson, Moroni and the Swastika: Mormons in Nazi Germany (Norman: University of Oklahoma Press, 2015), 99–104. Bagamat sinabi ni Nelson na ang pagsuporta ng mga miyembro ng Simbahan sa ideolohiya ng partido ay hindi lamang para sa “proteksyon,” inilarawan ng karamihan sa mga saksi ang “pag-aatubiling pakikibahagi” ng mga miyembro dala ng hangaring protektahan ang kanilang sarili, kanilang mga pamilya, at ang Simbahan mula sa panghihimasok ng pamahalaan, pagkabilanggo, o mas malala pa. Para sa mga halimbawa, tingnan sa Otto Berndt, Statement, Document 65 sa Holmes at Keele, mga pat. at salin, When Truth Was Treason, 257.

  6. Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 28–32; Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, 22–24.

  7. Dewey, Hübener vs. Hitler, 23–24, 27–28, 61, 71–73; Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 15, 31–32, 39; Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, 16, 22.

  8. Wobbe, Statement, 259; Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, 25–27; Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 34–39.

  9. Holmes at Keele, mga pat., When Truth Was Treason, 336n8.

  10. Helmuth Hübener, “I’ve Calculated for Everything,” Document 42 sa Holmes at Keele, mga pat. at salin, When Truth Was Treason, 208. Ayon sa mga dokumento ng sakdal, nakuha ng Gestapo ang 29 sa mga polyeto, kabilang na ang 9 na “maliliit na polyeto” at 20 full-sheet na mga polyeto; tingnan ang kumpletong listahan at paglalarawan ng mga polyetong ito sa Holmes at Keele, mga pat. at salin., When Truth Was Treason, 191–93, 221–24.

  11. Chief State Counsel of the Hanseatic Higher Regional Court, Criminal Case against Hübener, Document ## sa Holmes at Keele, mga pat., at salin., When Truth Was Treason, 180–82. Sa ibang lugar, ang krimen ay inilarawan din bilang “paghahanda sa mataas na pagtataksil”; tingnan sa District Court Hamburg, Arrest Warrant, 174–75; Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 66–67. Ang “Gestapo” ay pinaikling pangalan ng Geheime Staatspolizei (“Secret State Police”).

  12. Wobbe at Borrowman, Before the Blood Tribunal, 69–76; Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, 51–54.

  13. People’s Court, Verdict, 219–31; Attorney General’s Office of the People’s Court, Report of Execution, 27 Oct. 1942, Document 62 sa Holmes at Keele, mga pat. at salin, When Truth Was Treason, 241–42.

  14. Berndt, Statement, 258–59. Ipinaliwanag ni Otto Berndt: “Ginawa ito upang maiwasan ang iba pang mga hindi pagkakasundo sa partido [Nazi]. Ang mga Banal na naniwala sa mga diwa ng Bagong Germany … ay ginawa ang kanilang ginawa dahil pinaniwalaan nilang iyon ang pinakamainam para sa kapakanan ng Simbahan at ng bansa. Ang pagsisisi at kapatawaran ay naipakita ng lahat ng may kinalaman pagkatapos ng digmaan” (Berndt, Statement, 258–59). Tingnan din sa Dewey, Hübener vs. Hitler, 174.

  15. Tingnan sa https://helmuthhuebener.de; Helmuth Hübener Exhibition, “Memorial in Hamburg in Remembrance of Nazi Crimes,” https://gedenkstaetten-in-hamburg.de/en/memorials/show/helmuth-huebener-ausstellung-1; Gedenkstätte Deutscher Widerstand, “Helmuth Hübener,” https://www.gdw-berlin.de/en/recess/biographies/index_of_persons/biographie/view-bio/helmuth-huebener; Brigitte Oleschinski, Plötzensee Memorial Center (Berlin: German Resistance Memorial, 2002), 31.

  16. Schnibbe, Keele, at Tobler, The Price, ix; “Schule der Berliner Jugendstrafanstalt wird Helmuth-Hübener-Schule,” https://presse-de.kirchejesuchristi.org/artikel/schule-der-berliner-jugendstrafanstalt-wird-helmuth-huebener-schule.