“Mga Tangkang Pagpapabalik sa Missouri,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Tangkang Pagpapabalik sa Missouri”
Mga Tangkang Pagpapabalik sa Missouri
Kasunod ng armadaong labanan sa pagitan ng mga Mormon at iba pang mga taga-Missouri noong taglagas ng 1838, ilang lider ng Simbahan, kabilang na si Joseph Smith, ang dinakip at ibinilanggo dahil sa iba’t ibang mga paratang. Ang mga kalupitan laban sa mga Banal, gayunman, ay hindi inusig. Naniniwala si Joseph at ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw na ang mga paratang laban sa kanila ay isang uri ng legal na pag-uusig na binanghay upang lalo silang mapahamak kahit na pinatalsik mula sa estado ang pinakamalaking pangkat ng mga Banal.
Noong Abril 1839, isang malaking lupon ng tagahatol sa Missouri ang nagsakdal na makulong sina Joseph Smith at iba pa sa salang panggugulo, pagnanakaw, pagtanggap at pag-iingat ng mga ninakaw na ari-arian, at panununog—mga krimeng naganap diumano noong panahon ng Digmaang Mormon-Missouri noong nakaraang taon. Sa paglilitis na ito, nag-utos ng pagbabago ng lugar ang hukom na namumuno sa kaso at nag-atas na dalhin ang mga bilanggo sa Columbia, Boone County, para sa kanilang huling pagdinig. Habang inihahatid upang humarap sa paglilitis, sina Joseph at kanyang mga kasama ay nakatakas sa tulong ng isa sa kanilang mga bantay at tumalilis patungong Illinois, kung saan ang pangunahing pangkat ng mga Banal ay nakatagpo ng kanlungan.1 Sa pagitan ng 1840 at 1843, ang mga opisyal ng estado ng Missouri ay nagsikap na piliting pabalikin si Joseph sa Missouri sa legal na paraan upang siya ay litisin. Ipinaglaban niya na ang pamahalaan ng estado ay hindi sumunod sa tamang proseso ng batas at naniniwala na ang kanyang mga kaaway ay sinusubukang gamitin ang legal na proseso para sa kanyang pagbitay.2
Isang taon matapos makatakas ni Joseph Smith sa Illinois, nagpadala ang gobernador ng Missouri na si Lilburn W. Boggs ng pormal na kahilingan sa gobernador ng Illinois na si Thomas Carlin na dapat ibalik si Joseph patungong Missouri upang litisin. Matapos magpalabas si Carlin ng kautusan sa pagdakip, isang sheriff ang nabigong hanapin si Joseph sa Nauvoo, Illinois. Muling nagpalabas si Carlin ng kautusan noong Hunyo 1841, at isa pang sheriff ang dumakip kay Joseph. Pinakawalan ni Hukom Stephen A. Douglas si Joseph, matapos makitang may mga kapintasan ang kautusan.3
Sumidhi ang pagtatangka ng pagpapabalik noong 1842 nang isang di kilalang mananalakay ang bumaril at sinugatan si Boggs, na hindi na noon gobernador, sa Independence, Missouri. Si John C. Bennett, isang itiniwalag na miyembro ng Simbahan na naging palatutol sa Simbahan, ay pinaghihinalaan si Joseph na nagpadala kay Porter Rockwell upang paslangin si Boggs.4 Mahigpit na pinasinungalingan ng propeta ang paratang na ito. Gayunpaman, ang bagong gobernador ng Missouri, si Thomas Reynolds, ay humiling sa Illinois na pabalikin si Joseph, at muling naglabas si Gobernador Carlin ng utos sa pagdakip. Hinamon ng Korteng Munisipyo ng Nauvoo ang pagiging legal ng pagdakip, nagpalabas ng writ of habeas corpus, isang legal na proteksyon na ipinag-uutos na ang isang bilanggo ay iharap sa hukom upang malaman kung ang pagdakip at pagkulong sa kanya ay legal.5 Sa loob ng dalawang araw na inabot ng sheriff bago nito napagtibay ang legalidad ng hamon ng hukuman, nagawa nang magtago ni Joseph.6
Nagtulung-tulong sina Emma Smith at ang kababaihan ng Female Relief Society ng Nauvoo upang sama-samang ipagtanggol ang propeta. Lumagda ang mga babae ng kahilingan kay Gobernador Carlin na humihimok sa pagtatapos ng mga pagtatangka sa pagpapabalik. Nagpadala rin si Emma ng ilang liham kay Carlin, ikinakatwiran na kahit nagplano si Joseph ng pagtatangka ng pagpatay mula sa Illinois, ang pagpapabalik ay hindi naaangkop na legal na lunas dahil ang Missouri ay walang karapatan sa isang tao para sa isang krimen na sinasabing naganap sa labas ng nasasakupan nito.7 Noong Enero 1843, humarap si Joseph sa United States District Court sa Springfield, Illinois, kung saan ibinigay ng kanyang abugado, si Justin Butterfield, ang isang katulad na argumento. “Sa palagay ko ang nasasakdal ay hindi nararapat sa anumang sitwasyon na dalhin sa Missouri,” katwiran ni Butterfield. “Bahagi na ng kasaysayan na siya at ang kanyang mga tao ay pinaslang at itinaboy mula sa estado,” dagdag pa niya, pinagtitibay na “siya ay isang walang sala at hindi nakakasakit na tao.” Sumang-ayon ang hukuman kay Butterfield at pinalaya si Joseph.8
Patuloy na nagsumikap si John C. Bennett upang dakpin si Joseph Smith, at noong Hunyo 1843, isang malaking lupon ng tagahatol sa Missouri ang naglabas ng isang bagong pagsasakdal na base sa paratang na pagtataksil sa pamahalaan noong 1839.9 Nagpadala ng kahilingan si Gobernador Reynolds sa bagong inihalal na gobernador ng Illinois, si Thomas Ford, at dinakip si Joseph sa ilalim ng utos ng pagdakip na inilabas ni Ford. Ang Korteng Munisipyo ng Nauvoo ay muling nagkaloob kay Joseph ng habeas corpus at noong Hulyo 1 ay tumanggap ng katibayan hindi lamang sa mga ligalidad ng mga pagtatangkang pagpapabalik, ngunit pati na rin sa mga krimeng nagawa noong 1838 laban sa mga Mormon sa Missouri. Nagdesisyon ang hukuman na palayain siya mula sa utos ng pagpapabalik.10 Itinigil nito ang mga pormal na pagtatangka ng Estado ng Missouri na pabalikin si Joseph upang sumailalim sa paglilitis sa estado. Gayunpaman, nanatili siyang nag-aalala na uulitin ng kanyang mga kaaway sa Missouri ang kanilang pagtatangkang ipilit siya sa isang lugar kung saan niya haharapin ang mga hukumang may kinikilingan at marahil ay kamatayan.11