Kasaysayan ng Simbahan
Pagsasalin ng Aklat ni Mormon


“Pagsasalin ng Aklat ni Mormon,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Pagsasalin ng Aklat ni Mormon”

Pagsasalin ng Aklat ni Mormon

Isinalin ni Joseph Smith ang isang sinaunang teksto “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos” upang mailimbag ang Aklat ni Mormon. Ang kanyang unang ginawang pagsasalin, na ang mga tagasulat ay sina Emma Smith at Martin Harris, ay nawala noong 1828. Halos lahat ng kasalukuyang teksto ng Aklat ni Mormon ay isinalin sa loob ng tatlong buwan mula Abril hanggang Hunyo 1829 kasama si Oliver Cowdery bilang tagasulat. Maraming malalaman tungkol sa paglabas ng Ingles na teksto ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng masusing pag-aaral ng mga pahayag ni Joseph Smith, ng kanyang mga tagasulat, at ng iba pang may malapit na kaugnayan sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

larawan mula sa pagsasadula ng pelikula, sina Joseph at Oliver ay nakaupo at nakaharap sa isa’t isa sa hapag-kainan, si Oliver ay nagsusulat

Isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon, na idinidikta ang teksto sa kanyang tagasulat na si Oliver Cowdery.

Ang manuskritong idinikta ni Joseph Smith kay Oliver Cowdery at sa iba pa ay kilala ngayon bilang orihinal na manuskrito, at mga 28 porsiyento ng mga ito ang naririto pa rin. Ang manuskritong ito ay nagpapatunay sa mga pahayag ni Joseph na idinikta niya ang mga teksto mula sa ibang wika sa loob ng maikling panahon. Halimbawa, kabilang dito ang mga kamalian na nagpapakitang mali ang pagkarinig ng tagasulat sa mga salita, sa halip na nagkamali sa pagbasa ng mga salitang kinopya mula sa iba pang manuskrito. Bukod pa rito, ang ilang anyo ng gramatika sa orihinal na manuskrito ay mas kahawig ng wika sa Near East (Gitnang Silangan at Kanlurang Asya) kaysa sa Ingles, na nagpapahiwatig na ang batayang wika ng pagsasalin ay hindi Ingles.1

Si Joseph at ang kanyang mga tagasulat ay nagsulat tungkol sa dalawang instrumentong ginamit sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Ang isang instrumento, na tinatawag sa Aklat ni Mormon na mga interpreter o “mga pansalin,” ay mas kilala ngayon sa mga Banal sa mga Huling Araw bilang “Urim at Tummim.” Natagpuan ni Joseph ang mga pansalin na nakabaon sa burol kasama ng mga lamina. Ang iba pang mga instrumento, na natagpuan ni Joseph sa lupa ilang taon bago niya nakuha ang mga lamina, ay isang maliit na bato na hugis-itlog, o “bato ng tagakita.” Bilang isang binata noong 1820s, si Joseph, gaya ng iba pa sa kanyang panahon, ay gumagamit ng bato ng tagakita para maghanap ng mga nawawalang bagay at mga nakabaong kayamanan. Nang lumalim ang kanyang pagkaunawa sa kanyang tungkulin bilang propeta, nalaman niya na magagamit niya ang batong ito para sa mas mataas na layunin ng pagsasalin ng banal na kasulatan.2

Ang mga tagasulat at iba pang mga nakasaksi sa pagsasalin ay nag-iwan ng mga tala na nagbibigay ng ideya tungkol sa proseso nito. Isinasaad ng ilang tala na pinag-aralan ni Joseph ang mga karakter o titik na nasa mga lamina. Karamihan sa mga tala ay tungkol sa paggamit ni Joseph ng mga pansalin o ng bato ng tagakita. Ayon sa mga talang ito, inilagay ni Joseph ang mga pansalin o ang bato ng tagakita sa isang sombrero, idinidikit ang kanyang mukha sa sombrero para maharangan ang liwanag na nagmumula sa labas, at binibigkas nang malakas ang mga salitang Ingles na binigyang-inspirasyon ng instrumento. Ang prosesong inilarawan ay nagpapaalala ng talata mula sa Aklat ni Mormon na nagbabanggit tungkol sa inihahanda ng Diyos na “isang bato, na kikinang sa kadiliman tungo sa liwanag.”3

Ang mga tagasulat na tumulong sa pagsasalin ay naniwala nang walang duda na nagsalin si Joseph sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Naniwala ang asawa ni Joseph na si Emma na ang teksto ng Aklat ni Mormon ay higit pa sa kakayahang magsulat ng kanyang asawa. Pinatotohanan ni Oliver Cowdery nang nanunumpa siya noong 1831 na “natagpuan [ni Joseph] kasama ng mga lamina, kung saan isinalin niya ang kanyang aklat, ang dalawang transparent [naaaninag] na bato, na gaya ng mga salamin [sa mata], na nakalagay sa pilak na frame. Na sa pagsilip sa mga ito, nababasa niya sa Ingles, ang mga titik ng binagong wika ng mga taga-Egipto, na nakaukit sa mga lamina.”4

Ang mga tanong habang ginagawa ang pagsasalin ay humantong sa marami sa pinakaunang mga paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan at sa mahahalagang pangyayaring gaya ng panunumbalik ng priesthood. Ang pagsasalin at paglalathala ng Aklat ni Mormon ay nangyari bago maorganisa ang Simbahan noong tagsibol ng 1830.

Mga Kaugnay na Paksa: Mga Bato ng Tagakita, Pag-iimprenta at Paglilimbag ng Aklat ni Mormon, Ang Pagsangguni ni Martin Harris sa mga Iskolar, Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, Pagsasalin ng Aklat ni Abraham, Joseph Smith Jr., Mga Saksi ng Aklat ni Mormon

Mga Tala

  1. Halimbawa, nang isinalin ni Joseph ang teksto na ngayon ay nasa 1 Nephi 13:29, isinulat ng tagasulat ang “&” sa isang bahagi kung saan dapat ay isinulat niya ang “an.” Sa 1 Nephi 17:48, isinulat ng tagasulat ang “weed” na dapat ay “reed” (Royal Skousen, “Translating the Book of Mormon: Evidence from the Original Manuscript,” sa Noel B. Reynolds, ed., Book of Mormon Authorship Revisited: The Evidence for Ancient Origins [Provo, Utah: Foundation for Ancient Research and Mormon Studies, 1997], 67; tingnan din sa Grant Hardy, “Introduction,” sa The Book of Mormon: The Earliest Text, ed. Royal Skousen [New Haven, Conn.: Yale University Press, 2009], xv–xix).

  2. Ayon kay Martin Harris, inutusan ng isang anghel si Joseph Smith na itigil na ang mga gawaing ito, na ginawa naman niya noong 1826. Hindi itinatago ni Joseph ang kanyang kilalang maagang pagsali sa paghahanap ng kayamanan. Noong 1838, inilathala niya ang mga sagot sa mga madalas na itinatanong sa kanya. “Hindi ba tagahukay ng salapi si Jo Smith,” sabi sa isang tanong. “Oo,” sagot ni Joseph, “ngunit hindi maganda ang kita niya sa trabahong iyon, dahil labing-apat na dolyar lamang kada buwan ang kinikita niya roon” (“Elders’ Journal, vol. 1, no. 3, July 1838,” 43, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Richard L. Bushman, Joseph Smith and the Beginnings of Mormonism [Urbana: University of Illinois Press, 1984], 64–76; Alan Taylor, “The Early Republic’s Supernatural Economy: Treasure Seeking in the American Northeast, 1780–1830,” American Quarterly, tomo 38, blg. 1 [Tagsibol 1986], 6–34; Mark Ashurst-McGee, “A Pathway to Prophethood: Joseph Smith Junior as Rodsman, Village Seer, and Judeo-Christian Prophet” [master’s thesis, Utah State University, 2000]).

  3. Alma 37:23. Marahil ay nagtaglay si Joseph Smith ng higit sa isang bato ng tagakita, dahil mukhang nakakita siya ng isa nito habang naghuhukay ng balon noong 1822 (Bushman, Joseph Smith and the Beginnings of Mormonism, 69–70).

  4. A. W. B., “Mormonites,” Evangelical Magazine and Gospel Advocate, tomo 2 (Abr. 19, 1831), 120; Joseph Smith III, “Last Testimony of Sister Emma,” Saints’ Herald, tomo 26, blg. 19 (Okt. 1, 1879), 1–2.