“Public Relations,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)
“Public Relations,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Public Relations
Ang Simbahan ay inorganisa noong panahong mabilis na lumalaganap ang nakalimbag na pamamahayag sa Estados Unidos, at noong ang mga pananaw ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naimpluwensyahan ng mamamahayag na kontra sa Simbahan.1 Natanto ni Joseph Smith at ng iba pang mga naunang lider ng Simbahan na kailangan magbigay sa publiko ng tumpak na impormasyon tungkol sa Simbahan, at madalas nilang ginamit ang mga pahayagan para gawin ito. Ang unang pangunahing kasaysayan ng Simbahan, na isinulat sa ilalim ng pamamahala ni Joseph at unang inilathala nang magkakasunod sa mga pahayagan ng Simbahan, ay partikular na isinagawa “upang iwasto ang maling opinyon ng mga tao” sa mga maling pahayag tungkol sa Simbahan at maghatid ng tumpak na paglalahad ng karanasan ng mga Banal sa mga Huling Araw.2
Matapos palayasin ang mga miyembro ng Simbahan mula sa Missouri, sumulat ang Propeta ng isang liham mula sa Piitan ng Liberty na hinihimok ang mga Banal na gawin ang “mahalagang tungkulin” na bigyan ng impormasyon ang publiko sa pamamagitan ng pagkolekta at paglalathala ng mga salaysay ng lahat ng kanilang pagdurusa.3 Kahit hindi pinagbigyan ang kanilang hinihiling na tulong sa pamahalaan, patuloy na inilathala ng mga Banal ang kanilang mga karanasan sa Missouri sa pamamagitan ng mga tala, artikulo, talumpati, at polyeto. Sa buong ika-19 na siglo, habang nandarayuhan ang mga Banal sa Kanlurang Amerika, humihiling na gawing estado ng US ang kanilang teritoryo, at dumaranas ng matinding oposisyon bunga ng maramihang pag-aasawa, hinangad ng mga lider ng Simbahan na mapabuti ang reputasyon ng Simbahan sa pamamagitan ng gawaing misyonero, paglalathala, berbal na pagpapasa ng impormasyon, at mga paminsan-minsang pakikipagpulong sa mga maimpluwensyang tao.
Sa pagtatapos ng ika-20 siglo, ang mga industriya at malalaking establisimyento ay nagsimulang makibahagi sa bago, at mas organisadong pamamaraan ng pagbibigay ng impormasyon sa publiko. Kinuha ng lahat ng uri ng mga organisasyon ang serbisyo ng mga propesyonal upang bumuo ng mga programa, kaganapan, at kampanya para sa public relations. Ang mga unibersidad, tindahan, at mga simbahan ay bumuo ng mga public-facing information bureau, visitors center, at mga eksibit.4 Sa Lunsod ng Salt Lake, binuksan ng Simbahan ang Bureau of Information sa Temple Square noong 1902 upang magpamahagi ng literatura at sumagot sa mga tanong ng mga bisita.5
Bilang missionary sa Great Britain noong dekada ng 1930, kinaibigan ni Gordon B. Hinckley ang ilang mamamahayag na nakatulong para mabawasan ang pagsalungat sa Simbahan at magpakita ng talento sa public relations. Hindi nagtagal matapos siyang bumalik sa Utah, inanyayahan siya ng mga lider ng Simbahan na maging bahagi ng bagong Radio, Publicity, and Mission Literature Committee at tumulong sa paggawa ng mga produktong pang-media para magamit sa mga mission. Noong 1935 ay sinimulan niyang hikayatin ang mga media specialist na gumawa ng magagandang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng Simbahan at ng publiko.6
Ang mga lider ng Simbahan ay nakipagtulungan sa mga public relations consultant simula noong dekada ng 1950 upang makahikayat ng positibong pagbabalita ng mga mamamahayag tungkol sa mga pangyayaring tulad ng Hill Cumorah Pageant at mga bagong release na recording ng Tabernacle Choir. Noong 1957, inupahan ng Simbahan ang mga propesyonal sa public relations at binuo ang Church Information Service, o CIS. Ang layunin ng grupong ito ay ipamahagi ang tumpak na impormasyon tungkol sa mga aktibidad ng Simbahan na magiging interesado ang publiko.
Nang sumunod na mga dekada ang CIS, na naging Public Affairs Department noong 1991, ay namahala sa ilang matagumpay na gawain, kabilang na ang Mormon Pavilion sa World’s Fairs simula noong 1964, isang serye ng mga mensahe sa radyo at telebisyon tungkol sa pamilya na pinamagatang Homefront noong dekada ng 1970, at mga proyekto ukol sa publisidad tulad ng “I’m a Mormon” noong dekada ng 2010. Noong dekada ng 1990, kinoordina ng departamento ang boluntaryong paglilingkod ng 3,500 direktor ng public affairs sa mga stake at mission sa iba’t ibang panig ng mundo upang magbigay ng impormasyon tungkol sa mga lokal na aktibidad. Sa paglago ng Simbahan sa iba’t ibang bansa at pagdami ng multimedia technology noong ika-21 siglo, maraming gawain ng public affairs, tulad ng mga pakikipag-ugnayan sa komunidad at iba’t ibang relihiyon, media at messaging, at pag-iingat sa reputasyon, ang isinailalim sa bagong tatag na Church Communication Department. Ngayon, ang mga propesyonal sa public affairs ay patuloy na naghahayag sa publiko ng mga ginagawang serbisyo, pagpapahayag ng pananaw, at iba pang online messaging para sa Simbahan.
Mga Kaugnay na Paksa: Columbian Exposition noong 1893, Broadcast Media, Punong Tanggapan ng Simbahan, Tabernacle Choir