“Mga Paniniwalang Pangrelihiyon noong Panahon ni Joseph Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Paniniwalang Pangrelihiyon noong Panahon ni Joseph Smith”
Mga Paniniwalang Pangrelihiyon noong Panahon ni Joseph Smith
Habang ang mga pinakaunang miyembro ng Simbahan ay nagbabago patungo sa kanilang bagong pananampalataya, dinala nila ang mga paniniwala, kaugalian at pagpapahalaga sa kanilang dating karanasang pangrelihiyon. Ang mga nagsisimba sa Estados Unidos noong panahong iyon ay isinaalang-alang ang iba‘t-ibang paniniwala, karamihan ay nagmumula sa ilang siglong debate tungkol sa mga doktrina ng Kristiyanismo. Habang ang mga nagbabalik-loob ay sumapi sa Simbahan, hindi nila tinalikuran ang lahat ng kanilang mga dating paniniwala at madalas na naunawaan ang mga paghahayag at mga turo ni Joseph Smith ayon sa kanilang mga naunang pananaw. Marami sa mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan ay natanggap bilang tugon sa mga tanong na nagmumula sa pinanggalingang relihiyon nina Joseph at kanyang mga kasamahan.1
Matapos ng Rebolusyong Amerikano noong huling bahagi ng siglong 1700, ang bagong pambansang saligang batas ay ipinagbawal ang opisyal na pagtaguyod ng pamahalaan sa relihiyon. Ang mga pamahalaan ng bawat estado ay kaagad na sumunod, na nagbigay-daan sa masiglang kumpetisyon sa pagitan ng mga simbahan at mangangaral. Niyakap ng medyo edukadong mga mamamayan ang iba‘t-ibang pananaw at pinagtalunan ang mga doktrina sa mga popular na pahayagan. Ang pagtukoy sa sarili bilang Universalist, Arminian o Calvinist ay kaagad na nagagawa ng naunang mga Banal at ng kanilang mga kasabayan katulad ng pagtukoy sa kinaanibang partidong pampulitika sa ngayon. Ang mga karaniwang retorikang pangrelihiyon sa panahon ni Joseph Smith ay humihilig sa mga alalahanin tungkol sa interpretasyon ng Biblia, sa katangian ng Diyos at sangkatauhan, kaligtasan, at mga sakramento.
Ang Biblia
Higit sa iba pang teksto, ang Biblia ay nakaimpluwensya sa pag-iisip, wika, at kultura sa Amerika. Ang mga pulitiko at mangangaral ay kapwa isinasalig ang kanilang mga argumento sa mga banal na kasulatan at ginagamit ang wika ng Biblia. Karamihan sa mga Protestante ay itinuturing ang Biblia bilang tanging awtoridad sa doktrina, at marami ang itinuring ang mga salita nito na tiyak at malaya sa mga pagkakamali. Ang mga mambabasa ay madalas na sumasapit sa malawak na pagkakaiba ng interpretasyon ng Biblia, ngunit ilan lamang ang seryosong inusisa ang estado nito. Ilan sa kasabayan ni Joseph Smith ang nanguna sa mga bago at mas sopistikadong paraan sa interpretasyon at pag-aaral ng Biblia, ngunit marami ang nanatiling mapanghinala sa mga makabagong pamamaraan at mas gusto ang simpleng paggamit ng mga talata sa Biblia. Karamihan sa mga naunang Banal sa mga Huling Araw, gaya ng marami sa kanilang mga kapitbahay na Protestante, ay itinaguyod ang mas higit pang literal na pagbabasa ng Biblia.
Karamihan sa mga Amerikano noong panahon ni Joseph Smith ay iginiit ang kasapatan ng Biblia at maaaring pinagdudahan ang paraan ng pagkilala ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Aklat ni Mormon at Doktrina at mga Tipan bilang banal na kasulatan. Ang mga kasulatang Apokripa ay pumukaw sa interes ng maraming mambabasa ng Biblia, gayunman itinuturing ng karamihan na ang kanon ng banal na kasulatan (ang mga aklat na tradisyonal na tinatanggap ng mga Protestante at Kristiyanong Katoliko na dapat paniwalaan) ay tuluyan nang nagsara.
Ang Likas na Katangian ng Diyos at Sangkatauhan
Karamihan sa mga Amerikanong Kristiyano ay naniniwala sa doktrina ng Trinity na nakasaad sa tradisyonal na pangungumpisal at sinasampalatayanan. Ang mga ito ay itinuturing ang Diyos bilang tatlong persona—Ama, Anak, at Banal na Espiritu—na umiiral na magkakasama sa iisang katauhan. Ang konseptong ito ay hindi kakatwa sa mga mananampalataya, ngunit sa halip ay isang napakatayog na hiwaga ng Diyos na hindi kayang unawain ng tao. Bagama‘t nangingibabaw ang Trinitarian, ang ibang mga pananaw tungkol sa Panguluhang Diyos ay umakit ng malaking bilang. Ang Deismo, isang pagtingin na popular sa mga malayang mag-isip at pilosopo sa Europa at Amerika, ay nakipagtalo para sa isang mapangalaga ngunit nakaliban na Diyos, isang Manlilikha na nagtakda ng paggalaw ng sansinukob subalit iniwan itong mag-isa. Nabahala sa mga ideya ng mga deista ngunit patuloy na naghahanap ng alternatibong biblikal sa Trinitaryanismo, ilang teologo ang nagsulong sa kalaunan ay nakilala bilang Unitaryanismo. Iginiit ng mga teologong ito na ang Diyos ay iisang nilalang lamang, na nabuhay bilang isang tao sa katauhan ni Jesus na Tagapagligtas, at na ang Banal na Espiritu ay sumasagisag sa kapangyarihan ng Diyos.
Para sa karamihan ng mga Kristiyanong mangangaral at manunulat, ang Pagkahulog ng tao ayon sa tala sa Genesis ay nagpaliwanag sa kalagayan ng tao: ang mga tao ay nabubuhay sa isang mundong puno ng kasamaan dahil sa orihinal na kasalanan, at tanging sa pamamagitan ng tulong ng Langit lamang mapagbubuti ang kundisyong ito. Paniwala ng karamihan sa mga Amerikanong Protestante na ang sangkatauhan ay likas na masama at maituturing ang ideya na ang mga tao ay maaaring maghangad na maging katulad ng Diyos na isang kalapastanganan.
Kaligtasan
Walang paksa ang umakit ng kontrobersya nang higit pa sa likas na katangian ng kaligtasan. Matagal nang sinubukan ng mga teologo na unawain ang ugnayan sa pagitan ng kaligtasan, kalayaan, kapalaran, at ng kaalaman ng Diyos at biyaya. Sa mga unang taon ng siglong 1800, karamihan sa mga Amerikanong Protestante, alinmang simbahan ang kanilang pinagsasambahan, ay pumanig sa isa sa tatlong sistema: Calvinism, Arminianism o Universalism.
Ikinatwiran ng Protestanteng repormista na si John Calvin na nagtataglay ng ganap na kaalaman sa tadhana ng Kanyang mga nilikha ang Diyos, at samakatuwid, ay itinakda ang sinumang maliligtas para sa kapalarang ito. Itinuturing ng mga Calvinist ang kalayaan bilang karugtong ng kalooban ng Diyos sa halip na isang malayang pagpili. Si Jacobus Arminius, isang Calvinist na teologo, ay itinatwa ang mahigpit na kapalaran at ikinatwiran na ang pagpili ng tao ay may ginagampanang papel sa kaligtasan. Kahit na ang mga yaong inilaan para sa kaligtasan, katwiran ni Arminius, ay maaaring ikaila ang Banal na Espiritu. Ilang sumunod na Arminian, kabilang na ang kilalang Methodist na si John Wesley, ay may paniwala na ang isang tao, sa pamamagitan ng pagpili at biyaya ng Diyos, ay makakamtan ang antas ng sakdal na pag-ibig at sa gayo’y mawawalan ng hangaring magkasala. Ang mga sumasalungat sa doktrinang ito ng kasakdalan ay nangatwiran na ang ganitong estado ay maaaring makamtam lamang sa isang maluwalhating kabilang buhay at hindi sa buhay na ito.
Karamihan sa mga Calvinist at Arminian ay nakikita ang kaligtasan na ipagkakaloob sa piling ilan, kung saan ang karamihan ay nahaharap sa kapahamakan. Sa kabilang banda, ang mga Universalist ay naniniwala na dahil naisakatuparan ni Jesucristo ang isang ganap na Pagbabayad-sala, lahat ng tao sa huli ay maliligtas. Sa pagkaunawa nila, pansamantala at pagwawasto ang biblikal na doktrina ng banal na kaparusahan. Ang pagsinta ng Diyos sa mundo ay ganap, katwiran nila, na sa huli ay makakamit Niya ang kaligtasan ng buong sangkatauhan.
Ang mga debate sa pamamaraan ng kaligtasan ay nagdulot ng pagkabalisa sa mga mananampalataya sa sarili nilang katayuan. Ang paghahanap ng kasiguruhan sa kaligtasan ay bumuo ng iba’t-ibang anyo para sa mga Calvinist at Arminian. Sinubukan ng mga Calvinist na basahin ang kanilang sariling espirituwal na karanasan, mga damdamin, at kilos bilang tanda na hinirang sila ng Diyos para sa kaligtasan. Ang mga Arminian ay madalas na naghanap ng katiyakan sa mga makapangyarihang saksi ng Banal na Espiritu. Ang iba naman ay itinuring ang mga relihiyosong ritwal tulad ng pagbibinyag at ng Eucharist (ang sakramento ng hapunan ng Panginoon) na kailangan para sa kaligtasan.
Mga Sakramento at Awtoridad
Karaniwang tinutukoy ng mga Kristiyano ang mga ordenansa o banal na pagsunod tulad ng binyag sa salitang sakramento. Sa mga tradisyong Romano Katoliko at Silangang Orthodox, ang mga sakramento ay itinuturing na mga ritwal na mahalaga para sa kaligtasan. Ang mga saserdote ay tinunton ang kanilang awtoridad na pangasiwaan ang mga sakramento sa pamamagitan ng pagsalin-salin ng mga obispo pabalik sa mga sinaunang Apostol na pinamunuan ni Pedro. Ang mga pinuno ng kilusang Protestante, lalo na sina Martin Luther at John Calvin, ay itinuturing ang mga sakramento bilang mga palatandaan ng pananampalataya; ang awtoridad ay nagmumula sa kongregasyon ng mga mananampalataya sa halip na sa mga inorden na iilan, at ang pagpapatibay ng sakramento ay nagmumula sa Banal na Espiritu lamang.
Ang paraan, panahon, at kahalagahan ng binyag ay malakas na pinagtatalunan. Ang mga Katoliko at Orthodox na tradisyon ng pagbibinyag ng mga sanggol ay pinag-alinlanganan noong panahon ng Repormasyon sa Europa, bagama’t ang mga Protestante sa Amerika ay nanatiling hati sa kaugalian. Pinaninindigan ng mga Baptist na tanging ang mga kumikilos nang may pananampalataya, may ganap na kabatiran sa kanilang desisyon na lumapit kay Cristo, ang siyang makatatanggap ng isang may bisang binyag. Ang iba naman ay naniniwala na ang seremonya mismo ng binyag ay nananatiling may bisa anuman ang edad o nasa wastong isip na ang taong magpapabinyag. Ang mga paraan ng pagbibinyag ay pinagtalunan din. Ang mga Baptist at iba pa ay binigyang-diin ang paglulubog, habang ang mga Lutheran, Episcopalian, Congregationalist, Presbyterian, at Methodist ay sumasang-ayon sa pagbibinyag sa pamamagitan ng pagbubuhos o pagwiwisik.
Ang mga ito at ang iba pang mga debate ang nagtulak kay Joseph Smith na hanapin ang marami sa mga pinakamaluwalhating paghahayag na kanyang natanggap. Sagana ang mga banal na kasulatan ng mga Banal sa Huling Araw sa inihayag na mga sagot sa mga tanong tungkol sa awtoridad ng Biblia, ang likas na katangian ng Panguluhang Diyos, ang kapalaran ng kaluluwa ng tao, ang pangangailangan at paraan ng binyag, awtoridad ng priesthood, at sa pamamatnubay ng Banal na Espiritu. Ang mga makabagong paghahayag ay nagbabalangkas ng isang sistema ng mga doktrina at sagradong ordenansa na naiiba sa mga matatagpuan sa kultura na pumapalibot sa mga naunang Banal sa mga Huling Araw.
Mga Kaugnay na Paksa: Christian Churches in Joseph Smith’s Day, Awakenings and Revivals, Joseph Smith’s First Vision Accounts