Kasaysayan ng Simbahan
Eliza R. Snow


“Eliza R. Snow,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Eliza R. Snow”

Eliza R. Snow

Si Eliza Roxcy Snow ay ipinanganak sa Massachusetts noong 1804 at lumaki sa Ohio. Ang kanyang pamilya ay iginagalang at itinuro sa kanya ang personal na disiplina kasama ang panitikan at relihiyon. Natuto siyang sumulat ng tula, magbigay-sulit o magkuwenta para sa kanyang ama, at manahi at panatilihin ang kaayusan ng bahay kasama ang kanyang ina.

larawan ni Eliza R. Snow

Larawan ni Eliza R. Snow.

Sa kagandahang-loob ng Church History Department

Ipinakilala ni Sidney Rigdon, isang ministro ng mga Reformed Baptist at kaibigan ng pamilya, ang mga Snow kay Joseph Smith noong 1831, at ang ina at kapatid ni Eliza ay agad nagpabinyag.1 Makalipas ang apat na taon, pagkatapos ng masusing pag-iisip at pag-aaral, nabinyagan ang 31-taong-gulang na si Eliza. Lumipat siya sa Kirtland, kung saan ay nagturo siya sa paaralan para sa pamilya Smith, sumulat ng isang himno para sa unang himnaryo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ibinigay ang kanyang malaking mana para sa pagtatayo ng templo.2 Kasama ang iba pang mga Banal sa Kirtland, nasaksihan niya ang mga espirituwal na pagpapakita na kaakibat ng paglalaan ng templo.3

Sa gitna ng mga pang-uusig sa Missouri noong huling bahagi ng dekada ng 1830, hiniling ni Joseph Smith kay Eliza na magsulat para sa kanyang mga tao at sa kanilang pagtatanggol.4 Tinanggap niya ang hamon, at noong dekada ng 1850, nakilala siya bilang “Makata ng Sion.” Sumulat siya ng mahigit 500 tula kung saan isinalaysay niya ang kasaysayan at mga paniniwala ng mga Banal. Marami sa kanyang mga tula ay naging mga minamahal na himno at inaawit sa paligid ng mga siga sa kampo ng mga pioneer, sa mga silid ng pagpupulong, at sa mga templo. Pinanatili ng kanyang tula ang mahahalagang turo mula kay Joseph Smith (kabilang ang doktrina tungkol sa Ina sa Langit), paghikayat sa mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang mga tungkulin, at pagtuturo sa mga bata ng mga alituntunin ng ebanghelyo.5

Ang kakayahan ni Eliza na mamuno ay naging malinaw sa Nauvoo noong 1842, nang, sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Smith, siya, kasama sina Emma Smith, Sarah Kimball, at iba pang kababaihan, ay binuo ang Female Relief Society ng Nauvoo. Bilang kalihim, itinala ni Eliza sa aklat ng mga katitikan ng organisasyon ang mahahalagang turo tungkol sa mahalagang papel ng kababaihan sa Panunumbalik. Dinala niya ang mga katitikan patawid ng kapatagan, at kalaunang ginamit ang mga ito bilang isang panuntunan at huwaran sa pagbubuo ng mga lokal na Relief Society sa kabuuan ng Utah sa ilalim ng pamamahala ni Brigham Young.6 Naglingkod bilang ikalawang General President ng Relief Society si Eliza, na sinusunod ang atas na ibinigay sa kanyang hinalinhan na si Emma Smith, na magpaliwanag ng mga banal na kasulatan at hikayatin ang mga miyembro ng Simbahan. Nakipagtulungan si Eliza sa iba pang kababaihan na mag-organisa at pagkatapos ay mangasiwa ng Young Ladies’ Mutual Improvement Association (itinatag noong 1870) at ng Primary Association para sa mga bata (itinatag noong 1878).

Bilang isa sa mga tagapagtatag at unang pinuno ng lahat ng tatlong organisasyon ng mga kababaihan ng Simbahan, si Eliza R. Snow ay malawakang naglakbay at madalas na nagsalita sa kababaihan ng Simbahan. “Nakatayo tayo sa ibang posisyon mula sa mga kababaihan ng daigdig,” itinuro niya sa kanila. “Nakipagtipan tayo sa Diyos, nauunawaan natin ang kanyang utos.”7 Ang kanyang mga sermon ay nakatuon hindi lamang sa mga praktikal na aspeto sa buhay pioneer, kundi maging sa doktrina ng ebanghelyo, sa panunumbalik ng priesthood, sa pananagutan sa pagtatayo ng kaharian, at sa pangangailangan para sa mga kababaihan na palawakin ang kanilang pang-unawa tungkol sa kanilang potensiyal. “May alam ba kayong anumang lugar sa balat ng lupa,” tanong niya noong 1870, “kung saan ang babae ay may higit na kalayaan, at kung saan niya natatamasa ang gayong mataas at maluwalhating mga pribilehiyo tulad ng mga ginagawa niya dito, bilang Banal sa mga Huling Araw?”8

Kilala rin si Eliza para sa kanyang paglilingkod sa templo. Tinanggap niya ang kanyang endowment sa Nauvoo at naglingkod bilang ordinance worker nang maraming taon sa Endowment House sa Lunsod ng Salt Lake, ginagabayan ang mga kababaihan sa mga ordenansa sa templo.9 Sa panahong inuugnay ng maramihang pag-aasawa ang maraming Banal sa mga Huling Araw sa magkakasanib-sanib na mga family network, nagkaroon ng aktibong papel si Eliza sa maraming pamilya.10 Siya ay isang pangmaramihang asawa ni Joseph Smith at pagkatapos ay ni Brigham Young. Bagama’t hindi siya nagkaroon ng kanyang sariling anak, siya ay naging guro sa mga anak ng pamilya Young at pinagyayaman ang mga ugnayan sa pagitan ng mga Young at iba pang mga pamilyang pioneer. Pangalawa sa pitong magkakapatid na Snow, napanatili niya ang malapit na ugnayan sa kanyang mga kapatid at kanilang mga pamilya, kabilang na ang kanyang pinakabatang kapatid na si Lorenzo, na kalauna’y naging Pangulo ng Simbahan.

Pumanaw si Eliza noong Disyembre 5, 1887. Sa kanyang libing sa Assembly Hall sa Temple Square, inawit ng koro ang kanyang kilalang himno na “Aking Ama.” Ang mga Apostol, pamilya, at kaibigan ay nagbigay sa kanya ng papuri sa pamamagitan ng tula, talumpati, personal na alaala, at mga matitibay na patotoo.11 Inilarawan siya ng kanyang obitwaryo sa New York Times bilang “isa sa mga pangunahing tauhan ng kalawakang Mormon.”12

Mga Kaugnay na Paksa: Ang Female Relief Society ng Nauvoo, Primary, Mga Organisasyon ng Young Women