“Pagdagsa ng mga Naghahanap ng Ginto sa California,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pagdagsa ng mga Naghahanap ng Ginto sa California”
Pagdagsa ng mga Naghahanap ng Ginto sa California
Isang grupo ng mga beterano ng Batalyong Mormon na nagsusumikap na makasama ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Utah ang nakatanggap ng atas mula kay Brigham Young na manatili sa California sa loob ng maikling panahon at magtrabaho dahil sa kakulangan ng panustos sa Lambak ng Salt Lake. Nakahanap ng trabaho ang mga beteranong ito bilang manggagawa sa itinatayong lagarian ni John Sutter sa timog na sanga ng Ilog Amerika sa Coloma.1
Isang umaga noong Enero 1848, sinusuri ng kasama ni Sutter na si James Marshall ang pagbubuo ng isang kanal para isang waterwheel nang may mapansin siyang maliliit na butil sa kanal sa ilalim ng lagarian. Tinipon niya ang maliliit na butil sa kanyang sumbrero at ipinakita ang mga ito sa iba pang mga manggagawa. Sinubukan ng grupo na kagatin ang isa sa mga ito, dinurog gamit ang isang martilyo, at ihagis sa apoy. Tila pinagtitibay ng bawat pagsubok na ginto ang natagpuan nila.2
Itinala ng isa sa mga beterano ng batalyon, si Henry Bigler, ang pagkatuklas ng ginto sa kanyang journal. Naghanap din siya sa sapa ng mas maraming ginto, at sa loob ng ilang araw ay nakakolekta siya ng higit pa sa kanyang buwanang suweldo. Ibinahagi ni Bigler ang balita sa iba pang mga Banal sa mga Huling Araw, at mabilis na kumalat ang balita malapit sa lagarian at sa paligid ng San Francisco. Maraming tao ang agad na nagtipon sa mga lugar sa pampang ng Ilog Amerika upang maghanap ng ginto. Ang kampo ng pagmimina ng mga Banal malapit sa Sacramento, ang unang malaking kampo ng uri nito sa Sierras, ay kalaunang tinawag na “Mormon Island.”
Maraming beterano ng batalyon ang umalis papuntang Lambak ng Salt Lake noong tag-init ng 1848, ngunit ang iba naman ay nagpasiyang manatili sa California. Sinamantala ni Samuel Brannan, isang negosyanteng Banal sa mga Huling Araw, ang pagkatuklas ng ginto upang palawakin ang kanyang negosyo. Nagdala siya ng ilang piraso ng ginto sa San Francisco at nagsisigaw sa isa sa mga pangunahing lansangan, “Ginto! Ginto! Ginto, mula sa Ilog Amerika!” Sa loob ng ilang linggo, halos lahat ng mga residente ng San Francisco ay umalis papunta sa mga minahan ng ginto, at pinapatakbo ni Brannan ang tanging tindahan sa pagitan ng Ilog Amerika at ng lunsod.3
Tumindi ang paghahanap ng ginto noong sumunod na taon, matapos banggitin ng pangulo ng Estados Unidos na si James K. Polk ang tungkol sa ginto sa California sa kanyang Taunang Mensahe noong Disyembre 1848. Libu-libong naghahanap ng ginto ang naglakbay tungo sa gintong bayan ng California. Marami ang pumili na dumaan sa mga delikadong ruta sa palibot ng Cape Horn, sa Panama, o sa Mexico habang mahigit sa kalahati ng mga naghahanap ng ginto ang tumahak ng mga landas sa lupa patawid sa kontinente ng Hilagang Amerika. Ang mga Banal sa mga Huling Araw na nasa Lambak ng Salt Lake ay lubhang mas malapit sa mga minahan ng ginto kaysa sa iba pang mga Amerikano at nakatanggap ng balita tungkol sa mga ginto ilang buwan bago ang mensahe ni Polk.
Sa kabila ng pang-aakit ng ginto sa California at kakulangan sa pagkain sa Lambak ng Salt Lake, sinunod ng karamihan sa mga Banal ang payo ni Brigham Young na itayo ang Sion sa loob at sa palibot ng Utah sa halip na maghanap ng personal na yaman sa mga minahan ng ginto. Ipinangako ng mga lider ng Simbahan sa mga miyembro na bubuti ang kanilang kalagayan.4 Bagama’t karamihan sa mga 49er—mga Amerikanong dumagsa sa California noong 1849—ay hindi dumaan sa Lambak ng Salt Lake sa kanilang paglalakbay pakanluran, isang malaking bilang pa rin ang dumaan dito. Karaniwan silang dumarating sa lambak na sabik na bumili ng mga sariwang pagkain at ipagbili ang anumang labis na panustos na lubhang nagpapabigat sa kanilang mga bagon. Sa gayon, ang mga bagong komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw sa rehiyon ay nakaranas ng hindi inaasahang paglago ng ekonomiya dahil sa pakikipagkalakalan sa mga 49er. Bago humupa ang pagdagsa ng mga naghahanap ng ginto, nagpadala si Young ng ilang mga kalalakihan sa pang-isang taon na “Gintong Misyon,” kung saan ang mga malilikom nito ay gagamitin para sa kapakanan ng Simbahan. Matapos ang nakakapagod na gawain at kakaunting kita, umalis ang mga missionary na nagmimina ng ginto upang umuwi o magpunta sa iba pang mga misyon.5
Ang pagdagsa ng mga naghahanap ng ginto ay humantong sa malaking pagbabago sa lipunan at ekonomiya ng Estados Unidos at naging dahilan para maging pandaigdigang sentro ng komersyo ang California. Ang maramihang pandarayuhan pakanluran na dulot ng pagdagsa ng mga naghahanap ng ginto ay winakasan din ang ilusyon na ang mga Banal ay maaaring manatiling ganap na nakabukod mula sa ibang bahagi ng bansa.
Mga Kaugnay na Paksa: Batalyong Mormon, Samuel Brannan, Ekonomiya ng mga Pioneer