Kasaysayan ng Simbahan
Mga Unang Missionary


“Mga Unang Missionary,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga Unang Missionary”

Mga Unang Missionary

Bago pa man maorganisa ang Simbahan noong 1830, inatasan na ng Panginoon ang mga Banal sa mga Huling Araw na ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa buong mundo. Nagsimula ang gawaing misyonero habang inilalathala ang Aklat ni Mormon, at paunti-unti itong nagkaroon ng pag-unlad sa buong buhay ni Joseph Smith. Ang mga unang misyon ay karaniwang maiikling pagsisikap na isinasagawa ng mga bagong orden na elder sa anumang oras na maaari nilang ibigay. Nagpadala si Joseph Smith ng mga missionary sa buong Estados Unidos, Canada, England, at sa Pacific. Habang nagtitipon ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Kanlurang Amerika noong 1840s at 1850s, itinuon nila ang kanilang mga pagsisikap sa pagtatatag ng mga komunidad, at marami sa mga nagnais na maglingkod sa mga misyon ay tumanggap ng tawag na manirahan sa partikular na mga lugar sa halip na mangaral. Gayunpaman, hinikayat ni Brigham Young ang mga misyon sa pagbabahagi ng ebanghelyo at inatasan ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na pangasiwaan ang mga misyon sa bawat rehiyon ng mundo, at ipinadala niya ang mga ito upang buksan ang mga lugar na ito para sa gawaing misyonero. Pagsapit ng 1860, ang maiikling misyon sa mga unang taon ng Simbahan ay naging mas organisadong mga misyon at mas tumagal ang mga paglalakbay para mangaral, lalo na sa Europe at sa Pacific.

larawan ni Dan Jones na may hawak na Aklat ni Mormon, na nakatayo sa mga pader na bato habang nangangaral sa mga tao

Paglalarawan ng pintor sa naunang missionary na si Dan Jones habang nangangaral sa Wales.

Mga Unang Misyon

Ang mga kamag-anak at kaibigan ni Joseph Smith ay tuwang-tuwa na ibahagi ang Aklat ni Mormon bago pa man niya matapos ang pagsasalin nito.1 Nang lumabas ang mga unang pahina mula sa manlilimbag, ang mga lalaking gaya ni Solomon Chamberlin ay nangaral na gamit ang mga inilimbag na pahina.2 Si Samuel Harrison Smith, na kapatid ni Joseph, ay kaagad na nagtungo sa isang misyon upang mangaral pagkatapos agad ng pagkakatatag ng Simbahan. Nagdala siya ng isang bag ng kopya ng Aklat ni Mormon upang ibenta. Ang mga missionary na tulad ni Samuel Smith ay nagdaos ng mga cottage meeting, o maliliit na pagtitipon sa mga tahanan, kung saan tinalakay nila ang tungkol sa Aklat ni Mormon at sa pagpapanumbalik sa mga huling araw.3 Ang kalalakihan at kababaihan ay kapwa ibinahagi ang ebanghelyo sa hindi pormal na paraan sa kanilang mga kaibigan at kapitbahay, nang personal at sa pamamagitan ng pagsulat ng mga liham.4

Ang mga unang miyembro ng Simbahan ay nasasabik na dalhin ang Aklat ni Mormon sa mga American Indian.5 Sa isang paghahayag noong 1830, tinawag si Oliver Cowdery at tatlong kasama niya na magmisyon sa mga “Lamanita.” Naglakbay sila patungo sa teritoryo ng mga American Indian, na lampas sa kanlurang hangganan ng Missouri. Bagama’t ang sitwasyong legal at pampulitika noong panahong iyon ay humadlang sa grupo na palawigin ang pangangaral sa mga komunidad ng mga American Indian, nagkaroon sila ng tagumpay sa Kirtland, Ohio. Sa loob ng ilang linggo mula nang dumating sila sa Kirtland, dose-dosenang tao ang kanilang nabinyagan. Hindi nagtagal ay nagkaroon ang Simbahan ng isang matatag na komunidad ng mga bagong binyag sa Kirtland, at marami sa kanila mismo ay naglingkod sa maiikling misyon.6

Mga Pamamaraan at Mensahe

Ang mga naunang missionary ay madalas sinisimulan ang kanilang mga paglalakbay sa pangangaral sa kanilang mga kamag-anak at pagkatapos ay pinalalawak ito sa pamamagitan ng pagbebenta o pagpapahiram ng mga kopya ng Aklat ni Mormon sa lahat ng tatanggap sa kanila. Ang Aklat ni Mormon ay ipinapakita bilang katibayan ng tungkulin ni Joseph Smith na ipanumbalik ang Simbahan ni Cristo. Hindi nagtagal, ang mga missionary ay nagsimulang magsulat ng mga polyeto (mga polyeto na dinisenyo para sa pangangaral ng ebanghelyo) upang maikalat ang mensahe tungkol sa panunumbalik ng ebanghelyo. Ang kanilang mensahe ay nakasentro sa pagpapanumbalik ng orihinal na Simbahan ni Cristo, ang kahalagahan ng mga espirituwal na kaloob bilang katibayan ng tunay na pananampalataya, at ang pagtitipon ng mga kaluluwang nagsisisi upang maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Isa sa mga kauna-unahang paghahayag ni Joseph Smith sa Kirtland noong 1831 ay nag-atas sa mga missionary na maglakbay nang “dala-dalawa,” at ang mga tawag sa misyon ay madalas na ibinigay sa mga magkompanyon na maglingkod sa partikular na mga lugar.7 Marami sa mga unang missionary ang tumanggap ng kanilang mga assignment sa pamamagitan ng mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith. Inulit ng mga paghahayag na ito ang mga tagubilin ni Cristo sa Kanyang mga disipulo noong unang panahon—na sila ay dapat maglakbay nang walang “supot ng salapi o supot ng pagkain” at “ipagpag [nila] ang alabok” sa kanilang mga paa sa kanilang paglisan sa isang bayan o bahay na tumanggi sa kanila.8 Ang paglalakbay “nang walang supot ng salapi o supot ng pagkain” ay nangangahulugang huwag magdala ng pitaka o pera, ngunit, bilang karaniwan noong panahong iyon, ay humingi ng pansamantalang matutuluyan at pagkain sa mga tagapakinig. Kapag ang mga missionary ay nahaharap sa napakatinding pagtanggi, kanilang ipinapagpag ang kanilang mga paa bilang tanda na sila ay nagpatotoo at nagpapatuloy na sa paglalakbay. Nang ang mga misyon ay naging mas organisado at nakapagtatag ng mga branch sa maraming lugar sa mga huling taon ng 1800s, ang mga gawing ito ay naging mas madalang. Ang mga missionary ay bihirang tinatalikdan ang mga lugar na naitatag na, at gumawa sila ng mga pinansiyal na sakripisyo bago umalis para tulungang tustusan ang kanilang misyon.9

Mga Misyon ng Labindalawang Apostol

Ang mga elder ang namuno sa mga pulong sa kanilang mga paglalakbay sa misyon, at sa loob ng ilang taon, ang mga branch ng Simbahan ay itinatag sa buong silangang bahagi ng Estados Unidos at Canada. Kabilang sa mga unang tungkuling ipinagkatiwala ni Joseph sa mga Apostol noong binuo niya ang Korum ng Labindalawa noong 1835 ay pamahalaan ang mga branch at asikasuhin ang pisikal na pagtitipon ng mga miyembro sa Sion.10 Sa ilalim ng pamamahala ni Joseph, ang Labindalawa noon ay kalaunang namuno sa lahat ng gawaing missionary.

Ang British Mission, na itinatag ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawa noong huling bahagi ng 1830s at unang bahagi ng 1840s, ay isang maunlad na sentro ng paglago ng Simbahan. Ang mission na ito ay nakapagbinyag ng libu-libong tao at sinuportahan ang paglipat ng maraming tao sa mga lugar ng pagtitipon tulad ng Nauvoo, Illinois. Sa Britanya, ang Labindalawa ay nagtrabaho upang palakasin ang mga branch at mga conference (mga grupo ng mga branch). Kasama ang iba pang mga missionary, nilibot nila ang Great Britain, ipinapangaral ang ebanghelyo at inihahanda ng mga miyembro na dumayo sa Amerika upang manirahan doon. Nang magsimulang manirahan ang mga unang Banal sa mga Huling Araw sa Great Basin, malaking bahagi ng mga taong ito ay mga nabinyagan sa British Mission.11

Itinatag ng mga Banal na British ang mga tract society noong 1850s, at kapwa ang kalalakihan at kababaihan ay namahagi ng mga polyeto na nagpapaliwanag sa mga paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang kababaihan ay talagang naging mabisa sa pagsisikap na ito at naging, sa isang banda, mga unang babaeng missionary, ngunit matagal pa bago tumanggap ang kababaihan ng pormal na tawag na magmisyon.12

Mga Unang Plano para sa mga Misyon sa Buong Mundo

Noong 1842, sumulat si Joseph Smith tungkol sa mga missionary na nagtatag ng “pamantayan ng katotohanan” sa “Germany, Palestine, New Holland, East Indies, at iba pang mga lugar.”13 Ang mga misyon sa mga lugar na ito at sa iba pa ay planado na, ngunit ang mga missionary ay hindi pa nakaabot o nakapagtatag ng mga permanenteng branch sa mga lugar na ito. Bagama’t ang iilang pagtatangka na magtatag ng mga mission sa labas ng Estados Unidos at Europe ay nagbunga ng limitadong resulta noong nabubuhay pa si Joseph Smith, karamihan sa mga ambisyosong plano na ito ay nanatiling hindi natupad hanggang noong 1850s.

Si Orson Hyde, isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay naglakbay patungong Jerusalem upang ilaan ang Banal na Lupain para sa pagbabalik ng mga Judio, bagama’t hindi siya naglunsad ng permanenteng mission doon.14 Simula noong 1850s, isang maunlad na mission sa Denmark ang nagsilbing daan sa mga bagong mission sa Finland, Sweden, Norway, at Iceland. Si Addison Pratt, na namuno sa unang mission sa Pacific, ay nagtatag ng isang branch sa Tahiti, at ang kanyang asawang si Louisa Barnes Pratt, ay nakipagtulungan kay Caroline Crosby at sa iba pang mga missionary upang buksan ang isang paaralan para sa mga bata at magturo ng mga kasanayan sa tahanan sa kababaihan ng isla.15 Ang mga mission sa mga unang taon ng 1850s sa China, India, Chile, France, Italy, at South Africa ay nagbunga ng maliit na bilang ng mga bagong miyembro, na karamihan ay lumayo sa Simbahan o nandayuhan sa Utah. Marami sa mga lugar na ito ang kinailangang maghintay ng ilang dekada bago magkaroon ng regular na mga missionary at makabuo ng mga branch ng Simbahan.

Gawaing misyonero sa Kalagitnaan ng Ika-19 na Siglo

Ang mga missionary noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo ay karaniwang mga lalaking may-asawa na edad 30 hanggang 49. Kadalasan silang tinatawag sa mga pulong sa kumperensya ng Simbahan at madalas na iniiwan nila ang kanilang asawa, mga anak, at negosyo o trabaho upang maglingkod sa loob ng isa hanggang tatlong taon. Ang edad ng mga missionary at ang tagal ng kanilang paglilingkod ay magkakaiba, kung saan ang mga missionary ang siyang halos tumutukoy sa petsa ng pagtatapos ng kanilang paglilingkod. Ilan sa kababaihan ang sinamahan ang kanilang mga asawa. Karaniwan sa mga ito ay mga asawa ng mga mission president o ng ibang mga missionary na may tawag na magmisyon sa malalayo at liblib na lugar sa loob ng mahabang panahon. Ang mga missionary ay karaniwang inoorden sa katungkulan ng Pitumpu sa Melchizedek Priesthood at madalas ay tinatawag para magmisyon sa kanilang bayan o sa inang-bayan ng kanilang mga magulang. Ang British Mission ay ang pinakamalaking mission ayon sa bilang ng mga missionary at miyembro, subalit ang mga mission sa Estados Unidos ay kalaunang patuloy na lumago noong 1800s.

Pagtigil ng mga Misyon

Isang dekada matapos dumating ang mga Banal sa Salt Lake Valley, nagkaroon ng alitan sa pagitan ng Simbahan at ng pamahalaan ng Estados Unidos. Ang Digmaan sa Utah noong 1857–58 ay humantong sa pansamantalang pagtigil sa gawaing misyonero na tumagal hanggang 1860s. Ang mga pagsisikap sa pangangaral ay nagpatuloy sa Britain at kanlurang Europe ngunit bumagal sa Estados Unidos at sa ibang lugar. Bumaba ang karaniwang itinatagal ng misyon at naging wala pang isang taon. Kahit makaraan ang pagtigil na ito, naging mabagal ang pag-ulad ng gawaing misyonero nang maharap sa oposisyon ang mga Banal dahil sa maramihang pagpapakasal. Gayunpaman, ang mga lider ng Simbahan ay patuloy na nag-organisa ng mga mission na may itinakdang heograpikal na hangganan at mga mission president at tumawag ng mas maraming kabataang lalake (at kalaunan ay mga babae) bilang mga full-time missionary upang matugunan ang pangangailangan para sa mga missionary sa lahat ng dako ng mundo.16