“Columbian Exposition ng 1893,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Columbian Exposition ng 1893,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
Columbian Exposition ng 1893
Ang lungsod ng Chicago, Illinois ay naging punong-abala sa isang kultural na pagdiriwang noong 1893. Ibinida ito ng mga nag-organisa at ng mga popular na mamamahayag bilang isa sa mga pangunahing kaganapan ng siglo. Sa loob ng anim na buwan, ang World’s Columbian Exposition [Pandaigdigang Pagdiriwang para kay Christopher Columbus], na gumugunita sa ika-400 anibersaryo ng pagdaong ni Christopher Columbus sa lupain ng Amerika, ay nakaakit ng milyun-milyong bisita mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Idinaos ito sa 1.6 kilometrong kampus nito na may mahigit 200 gusali, daan-daang eksibit, at isang serye ng mga kumperensya at piging.
Mahigit pitong libong mga Banal sa mga Huling Araw mula sa Teritoryo ng Utah ang dumalo sa pagdiriwang. Umasa silang maging personal na kinatawan ng kultura ng kanilang relihiyon at lipunan, makatulong na maalis ang mga maling palagay, at makakuha ng suporta mula sa mga pulitiko upang maging isang estado.1 Ang kanilang pakikibahagi sa iba’t ibang programa ay umani ng mga papuri mula sa mga manonood, mga premyo mula sa eksibisyon, at magagandang ulat mula sa mga mamamahayag sa panahon ng pagkapoot sa mga Banal, na tatlong taon pa lang bago iyon ay nangakong wawakasan ang pag-aasawa nang higit sa isa.2 Ang matinding kabutihan na natanggap nila ay nakahikayat sa mga lider at miyembro ng Simbahan na pag-ibayuhin ang kanilang mga pagsisikap para sa pakikipag-ugnayan sa publiko at makipag-alyansa sa lipunan sa labas ng Simbahan.3
Dalawang taon bago ang pagdiriwang, nakatanggap ang Utah Territorial Legislature ng pahintulot mula sa Eksibisyon na magtayo ng “Utah Building” sa lugar na pagdarausan ng pagdiriwang at maging punong-abala sa sarili nitong eksibit. Nagtalaga ang lehislatura ng isang komisyon na nagdisenyo ng gusali at ilang eksibit na nagtatampok sa agrikultura, mga minahan, mga produkto, mga sining, arkeyolohiya, edukasyon, at gawain ng kababaihan sa Utah.4
Bukod pa sa mga eksibit, nakibahagi rin ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga kaganapan at kompetisyon sa kumperensya. Ang mga lider mula sa Relief Society, Young Ladies’ Mutual Improvement Association, at Primary Association ay nakibahagi sa World’s Congress of Representative Women [Pandaigdigang Kongreso ng Kababaihang Kinatawan], kung saan nakasama nila sa kumperensya ang ilang kilalang organisasyon ng kababaihan, kabilang na ang National Council of the Women of the United States [Pambansang Konseho ng Kababaihan ng Estados Unidos].5 Pagkatapos ng isang sesyon, ang mga lider na nagsusulong ng karapatang bumoto ng kababaihan ay nagbigay ng mga biglaang talumpati kung saan pinuri nila ang gawain ng mga kababaihang Banal sa mga Huling Araw at kalaunan ay pinili nila si Emmeline B. Wells, ang pangkalahatang kalihim ng Relief Society at patnugot ng Woman’s Exponent, bilang isa sa dalawang pangulong pandangal ng sesyon.6 Si Wells at ang iba pang kababaihang Banal sa mga Huling Araw ay nagkaroon ng pangmatagalang ugnayan sa iba pang kababaihang lider.
Isang kompetisyon ng mga kilalang koro ang nag-anyaya sa Tabernacle Choir na sumali, at bagama’t noong una ay nag-atubili, pumili ang direktor na si Evan Stephens ng 250 sa 400 boluntaryong mang-aawit na magtatanghal sa Chicago.7 Ang koro ay nagtakda ng mga pagtatanghal sa ruta ng tren upang makalikom ng mga pondo para sa paglalakbay at matutuluyan, isang huwaran para sa mga susunod na pagtatanghal sa labas ng koro. Sa harap ng 10 libong manonood, kumanta ang Koro ng tatlong awitin sa kompetisyon ng magkakasamang lalaki at babae, kung saan ginawaran sila ng medalyang pilak para sa ikalawang karangalan. Pinuri ng mga kritiko sa pahayagan ang pagtatanghal lalo na ang kahusayan ng direksyon ni Stephens at ang propesyonal na tunog ng grupong binubuo ng mga boluntaryo. Hindi nagtagal matapos ang kompetisyon, umawit ang Koro sa seremonya ng paglalaan ng Liberty Bell [Kampana ng Kalayaan] sa Chicago. Ang pag-awit ng Koro ng mga pambansang himno ang nagtatag sa maagang reputasyon nito bilang isang premyadong makabayang grupo sa musika.8
Ang isa sa pinakamalalaking kaakibat na kaganapan ay ang World’s Parliament of Religions [Pandaigdigang Parliyamento ng mga Relihiyon], isang kumperensya na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa 10 malalaking tradisyon ng relihiyon: Confucianismo, Taoismo, Shintoismo, Hinduismo, Budismo, Jainismo, Zoroastrianismo, Judaismo, Kristiyanismo, at Islam. Bagama’t ibinida ng kumperensya ang sarili nito bilang bukas sa lahat ng kinatawan mula sa iba’t ibang panig ng mundo, maraming grupo, kabilang ang African American, Latin American, American Indian, at iba pang mga katutubong bansa, ang hindi nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng kinatawan, at hindi isinama ang mga Banal sa mga Huling Araw. Matapos ang maigting na pagsisikap, si B. H. Roberts, isang miyembro ng Pitumpu, ay nakatanggap ng paanyayang magsalita ngunit idinestino sa oras ng kumperensya sa isang maliit na lugar.9 Matapos tanggihan ng mga nag-organisa ang kahilingan ni Roberts na magsalita sa pangunahing bulwagan, hindi na tumuloy si Roberts. Gayunman, siya at ang mga miyembro ng Unang Panguluhan ay dumalo sa mga sesyon at nakarinig mula sa mga lider ng relihiyon mula sa iba’t ibang panig ng mundo, na ang ilan ay may mga tradisyon na noon lang nila nalaman. Ang Pangulo ng Simbahan na si Wilford Woodruff, ang kanyang tagapayo na si George Q. Cannon, at ang iba pa na dumalo ay lumisan sa Parliyamento nang may higit na paggalang sa mga relihiyon sa mundo at nagkaroon ng pagpapahalaga sa ilang kapansin-pansin na pagkakapareho sa mga turo ni Jesucristo.10
Sa kabuuan ng Eksibisyon, ang Utah Building ay nagbigay-aliw sa mga bisita at nakatanggap ng magagandang palagay mula sa mga komite ng parangal at popular na pambansa at pandaigdigang mamamahayag. Dahil sa mga tagumpay ng mga eksibit ng Utah, mga kaganapan sa kumperensya, at mga pagtatanghal ng koro, ang karamihan sa mga Banal sa mga Huling Araw na nakibahagi ay nahikayat at nasabik na palawakin ang kanilang mga aktibidad para sa pakikipag-ugnayan sa publiko pagbalik nila sa Salt Lake City. Nagsimulang magsalita ang mga lider at miyembro ng Simbahan tungkol sa kanilang paghanga sa mga pinahahalagahan ng pamilya at lipunan ng iba pang mga relihiyon. Patuloy na nakibahagi ang Simbahan sa mga sumunod na World’s Fair at malalaking eksibisyon sa ika-21 siglo.11
Mga Kaugnay na Paksa: Utah, Karapatang Bumoto ng Kababaihan, Tabernacle Choir, Emmeline B. Wells, B. H. Roberts