“Lucy Mack Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Lucy Mack Smith”
Lucy Mack Smith
Isinilang noong 1775, lumaki si Lucy Mack sa tahanang lubhang relihiyoso. Sa kanyang paghahanap sa kaligtasan, pinag-aralan ni Lucy ang Biblia, nanalangin, tinalakay ang mga panaginip at pangitain at dumalo sa mga pulong panrelihiyon at mga revival na itinataguyod ng iba’t-ibang sekta ng relihiyon. Pinakasalan niya si Joseph Smith Sr. noong 1796 at naging ina ni Joseph Smith Jr. at 10 iba pang mga anak. Tinuruan ni Lucy ang kanyang mga anak na magbasa gamit ang Biblia at kasama nilang lumuhod sa panalangin ng pamilya. Sandali rin siyang sumapi sa kongregasyon ng Presbyterian sa Palmyra ngunit agad tinanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo at nabinyagan matapos maorganisa ang Simbahan noong Abril 6, 1830.
Si Lucy Mack Smith ay isang malakas na tinig sa Simbahan noon. Siya ay saksi sa mga kaganapang nangyari sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon at nagpatotoo na tinimbang niya ang mga lamina at nahawakan ang Urim at Tummim.1 Pinangunahan niya ang isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula sa Fayette, New York, patungo sa Kirtland, Ohio, noong 1831.2 Sinamahan niya ang kanyang anak na si Hyrum sa misyon sa Detroit kalaunan sa taong iyon at malayang pinatotohanan ang Aklat ni Mormon.3 Sa Kirtland, tumulong siya sa pamunuan para makaipon ng pera upang makapagtayo ng isang paaralan.4 Sumapi siya sa Relief Society sa Nauvoo sa edad na 66 noong Marso 24, 1842, at sinabi sa mga kababaihan na nagtipon na siya ay “umaasang ang Panginoon ay pagpapalain at tutulungan ang Samahan sa pagpapakain sa nagugutom, pagdadamit sa hubad.”5 Inalagaan ng mga Banal ang pinagpipitagang ina ng Propeta at nakinig sa kanyang mga payo, at magiliw siyang tinutukoy bilang “Inang Smith.”6
Noong 1844, ilang buwan matapos ang pagkamatay nina Joseph, Hyrum, at Samuel Smith, sinimulang tipunin ni Lucy Mack Smith ang kanyang kasaysayan, kung saan tinulungan siya ng mga eskribang sina Martha at Howard Coray. Kahit na may-edad at mahina na ang katawan, pakiramdam niya na “ito ay pribilehiyo pati aking tungkulin … na ibigay (bilang aking huling patotoo sa mundo mula sa kung saan malapit na akong umalis) ang ulat.”7 Nakumpleto ang manuskrito ni Lucy noong Oktubre 1845, at hayagan niyang ibinalita ang proyekto sa pangkalahatang kumperensya.8 Nang lumipat ang karamihan sa mga miyembro ng Simbahan patungo sa kanluran sa Great Basin matapos ang 1846, ang kalusugan ni Lucy ay humihina, at pinili niyang manatili sa piling ng kanyang pamilya sa Illinois. Ginugol niya ang nalalabing mga taon ng kanyang buhay na kasama ang kanyang anak na si Lucy Millikin, kanyang manugang na babae na si Emma, at kanyang mga apo. Pumanaw si Lucy Mack Smith noong 1856.
Unang inilathala ni Apostol Orson Pratt ang kasaysayan ni Lucy noong 1853. Noong 1860s, hayagang pinuna ni Pangulong Brigham Young ang kasaysayan ni Lucy, itinuturo ang mga kamalian sa petsa at kronolohiya at ginigiit na ang alaala ni Lucy ay humina na. Hiniling ni Pangulong Young sa kanyang tagapayo na si George A. Smith (pamangkin ni Lucy) na itama ang mga mali at “hayaang ito ay mailathala sa mundo.”9 Ang mga rebisyon ay nagbago ng wala pang 2 porsiyento ng teksto.
Tulad ng lahat ng sanggunian na naglalahad ng mga salaysay mula sa memorya, ang tala ni Lucy Mack Smith ay may mga depekto, pagpapalabis, at mga pagkiling. Ang mga mananalaysay na pinag-aralan ang kanyang salaysay, gayunman, ay pinagtibay na ang mga pagkakamali sa kanyang kasaysayan ay “medyo kaunti at madalang.” Sa 200 pangalan sa kanyang kasaysayan, mahigit 190 ay pinatunayan ng iba pang mga sanggunian.10 Bukod pa rito, walang katibayan na ang isip ni Lucy ay mahina na. Isang bisita sa Nauvoo noong 1855 ang kumausap kay Lucy at binanggit na siya ay “napanatili ang kanyang kaisipan nang husto.”11 Ang salaysay ni Lucy ay nagbibigay ng ideya tungkol sa kanyang pagkatao, mga paniniwala, at pag-unawa sa tungkulin ni Joseph Smith. Nagbibigay din ito ng mga tala ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng pamilyang Smith at Simbahan kung saan walang iba pang mga mapagkukunan. Ang kanyang kasaysayan ay ginagamit sa Mga Banal lalo na upang ilarawan ang mga pangyayaring ito at para sa mga dialogue na muli niyang binubuo mula sa alaala.
Mga Kaugnay na Paksa: Ang Female Relief Society ng Nauvoo, Pamilya ni Joseph Sr. at Lucy Mack Smith, Pag-alis sa Nauvoo