Mga Pagbabago sa Aklat ni Mormon
Noong 1829, ang mga kawani ni Egbert B. Grandin sa Palmyra, New York, ay sinimulan ang paglilimbag ng Aklat ni Mormon. Para sa mga unang edisyon ng mga aklat, ang mga tagalimbag noong panahong iyon ay karaniwang tumatanggap ng mga manuskritong sulat-kamay mula sa mga may-akda at naglalagay ng mga pagbabago mula sa patnugot gaya ng bantas, baybay, at gramatika habang inaayos ang type. Para sa proyektong ito, ang katuwang at tagasulat ni Joseph Smith na si Oliver Cowdery ay bumuo ng kopya ng orihinal na manuskrito para magamit ng typesetter na si John Gilbert. Ang “manuskrito ng tagalimbag” na ito, gaya ng orihinal, ay halos hindi naglalaman ng bantas at ilang hindi pagkakatulad sa baybay. Nilalaman din ng manuskrito ng tagalimbag ang ilang maliliit na mga pagkakaiba kung ihahambing ito sa orihinal na manuskrito. Sa pag-typeset ng aklat, naglagay si Gilbert ng bantas at paghahati ng mga talata. Walang tandang bilang ng taludtod ang unang edisyon ng Aklat ni Mormon.
Naghanda sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ng ikalawang edisyon noong 1837. Ang kanilang paraan sa pagpapabago ng Aklat ni Mormon ay kahalintulad ng ginagawa ng mga tagalimbag ng Biblia sa pagpapabago ng mga edisyon para sa mga nagbabasa sa wikang Ingles. Madalas na nauunawaan ng mga tagalimbag at mambabasa na ang mga pagkakamali sa produksyon ay maaaring hindi sinasadya sa proseso ng pag-typeset ng anumang aklat, kung kaya madalas maglagay ng pambungad na salita ang mga tagalimbag na nagpapanatag sa mga mambabasa na pinagsisikapan nilang mahanap at maiwasto ang anumang di-pagkakatulad na nakita sa mga naunang edisyon. Sa loob ng higit dalawang buwan noong 1837, inayos nina Joseph at Oliver ang unang edisyon ng Aklat ni Mormon nang may parehong layon, kabilang ang higit isang libong maliliit na pagwawasto sa ikalawang edisyon maging ang ilang mahahalagang paglilinaw. Halimbawa, inangkop nila ang mga pagtukoy kay Jesus sa 1 Nephi na inilahad sa mga manuskrito at edisyon ng 1830 bilang “the mother of God,” “the Eternal Father,” at “the Everlasting God” na ginawang “the mother of the Son of God,” “the Son of the Eternal Father,” at “the Son of the everlasting God.” Nakasaad sa pambungad nina Joseph at Oliver, “Ang mga indibidwal na may alam tungkol sa paglimbag ng aklat, ay batid ang maraming pagkakamali na typographical na palaging nangyayari sa mga edisyong manuskrito. [Ang tekstong ito] ay maingat na muling pinag-aralan at inihambing sa mga orihinal na manuskrito, nina elder Joseph Smith, Jr. ang tagasalin ng aklat ni Mormon, at tinulungan ng kasalukuyang tagalimbag, si brother O. Cowdery.”
Ang huling edisyon ng Aklat ni Mormon na pinangasiwaan ni Joseph Smith ay ang ikatlong edisyon na inilimbag sa Cincinnati, Ohio, noong 1840. Ang paggawa sa ikatlong edisyon ay nagsimula kay Ebenezer Robinson, na gumamit ng kopya ng ikalawang edisyon na may mga lapis na marka ng pagwawasto ni Joseph Smith. Isang mahalagang pagbabago sa ikatlong edisyon ay iwinasto ang wikang naglalarawan sa mga Nephita mula “white and delightsome people” na naging “pure and delightsome people.” Dahil ilan sa mga sumunod na edisyon ng Aklat ni Mormon ay iniayon ang kanilang teksto sa ikalawang edisyon ng 1837, nanatili ang hindi naiwastong mga salita hanggang sa ang edisyon ng 1981 ay ibinalik ang teksto gamit ang pagwawasto ni Joseph Smith noong 1840. Gumamit si Robinson ng mga stereotype plate sa paghahanda ng ikatlong edisyon ng paglilimbag. Gamit ang teknolohiyang ito, maaaring muling maglimbag nang maraming beses, na siyang una para sa Aklat ni Mormon. Ngayong mayroon nang mga na-stereotype na plate, itinuring ni Joseph Smith ang aklat na tiyak na sa inaasahang hinaharap, at inilagak niya ang orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon sa isang batong panulok ng Nauvoo House noong 1841.
Mula noong ikatlong edisyon ng 1840, ang ibang edisyon at ilang dosenang muling paglilimbag na nakabatay sa 1837 at 1841 na edisyong Europeo ay nagsama ng mga maliliit na pagbabago sa Aklat ni Mormon. Ang edisyon ng 1879 na inihanda ni Orson Pratt ay nagtampok ng mas maiikling kabanata at tandang bilang sa mga taludtod na nanatiling pamantayan ng mga sumunod na edisyon. Ang edisyon ng 1920 naman na inihanda ng Scriptures Committee ng Simbahan, isang pangkat na binubuo ng limang Apostol na pinamumunuan ni George F. Richards, ay ginawang magkakatugma ang mga aklat (gaya ng Ikatlong Nephi at Ikaapat na Nephi) sa loob ng Aklat ni Mormon, hinati ang teksto sa layout na may dalawang hanay, at nagdagdag ng mga buod ng kabanata at gabay sa pagbigkas.
Sa kabila ng maraming pagsangguni nito sa ibang edisyon, ang edisyon ng 1920 ay hiwalay na na-typeset sa mga Ingles na edisyon ng Bibliya. Noong dekada ng 1970, ang Scriptures Publication Committee na pinamumunuan naman ni Elder Thomas S. Monson ay naglunsad ng pagrepaso ng Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas upang bumuo ng kumpletong edisyon ng pamantayang aklat na mga banal na kasulatan. Kumonsulta ang komite sa mga orihinal at inilimbag na manuskrito at mga naunang edisyon ng Aklat ni Mormon upang matukoy at masundan ang mga pagkakaibang typographical at semantiko. Ilang mga kamalian ng tao ang iwinasto, gaya ng straight na napagkamalang strait (mga salitang pareho ang bigkas ngunit magkaibang kahulugan), at ang salitang formation sa manuskrito ng tagalimbag ay na-typeset bilang foundation sa 1 Nephi 13. Muli ring natuklasan at isinama ng komite ang mga rebisyon na ginawa ni Joseph Smith sa edisyon ng 1840. Ipinakilala ng edisyon ng 1981 ang bagong layout sa kabuuan ng mga pamantayang aklat at itinampok ang mga binagong cross-reference, mga pamagat ng kabanata, at sangguniang materyal.
Ang parehong komite sa banal na kasulatan noong 1920 at dekada ng 1970 ay ikinonsulta ang gawa ng mga iskolar na sumuri sa mga source text at inilimbag na edisyong magagamit noong kanilang mga panahon. Ang gayong pag-aaral ay bumilis noong 1988 sa pamamagitan ng Book of Mormon Critical Text Project, na kalaunang pinamunuan ni Royal Skousen, isang propesor ng linguistics at wikang Ingles sa Brigham Young University. Ang gawa ni Skousen na matukoy ang lahat ng pagbabago sa lahat ng teksto ng Aklat ni Mormon, ito man ay sa patnugutan o hindi sinasadya, ay naipakita ang iba-ibang estilo ng pagsusulat sa mga manuskrito at pagkakaiba sa mga inilimbag na edisyon, na humantong sa paglago ng pag-aaral sa teksto ng Aklat ni Mormon. Noong 2001, sinimulan ng Joseph Smith Papers Project na tipunin at ilahad ang lahat ng mga nananatiling papel ni Joseph Smith, kabilang na ang kanyang ambag sa Aklat ni Mormon. Ang makabagong archival work at mga gawi ng patnugutan sa mga dokumento ng proyektong ito ay nagpalawig sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon at ng kasaysayan nito, na siyang nagpahintulot na madaling maabot pa ang mas maraming tala ng mga pagbabago sa Aklat ni Mormon kaysa noon.
Ang pisikal na pagkasira ng mga printing master o pinagkokopyahan sa wikang Ingles ng edisyon ng 1981 ang nag-udyok sa agarang produksyon ng bagong edisyon. Ang naging edisyon ng 2013 ay pinagsikapang iwasto ang mga natitirang di-pagkakatulad na mga baybay, gaya ng paggawang magkakatugma ang pagbanggit sa salitang first-born na binaybay bilang firstborn sa 2 Nephi 2, 4, at 24, at pagwawasto ng mga mumunting pagkakamali gaya ng becoming as Gods na iwinasto bilang becoming as gods sa Alma 12:31 at the peoples’ na iwinasto bilang the people’s sa Helaman 13:17.
Ang mga umuusbong na teknolohiya sa digital na paglilimbag ay nagdala rin ng mga bagong format para sa digital na paglilimbag. Nagbibigay ang software sa mga mambabasa ng mga katangian gaya ng keyword-searching, reference links, at scripture-marking, gayundin ang mahigit isandaang pagpipiliang wika. Noong 2022, ang app ng Aklat ni Mormon ay nagpalawig ng digital functionality, nagsisilbing tulay sa pagitan ng teksto at multimedia at iba pang mga digital content at nagbibigay ng pagkakataong maibahagi kaagad sa iba ang mga nilalaman nito.
Mga Kaugnay na Paksa: Pag-iimprenta at Paglilimbag ng Aklat ni Mormon