“Pamilya nina Joseph Sr. at Lucy Mack Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pamilya nina Joseph Sr. at Lucy Mack Smith”
Pamilya nina Joseph Sr. at Lucy Mack Smith
Ang buhay pamilya at pangangalaga na ibinigay ng mga magulang at kapatid ni Joseph Smith ay humubog sa karamihan sa mga unang gawain ni Joseph bilang propeta. Ang kanyang pagtutuon sa panalangin at pag-aaral ng Biblia ay bunga ng dedikasyon ng kanyang mga magulang sa kanilang relihiyon. Nang ipinahayag ni Joseph ang mga pangitain kung saan nagpakita sa kanya ang mga anghel, ang balita ay nagpagalak sa mga kapamilya na, tulad ng ama at ina ni Joseph, ay nagtamasa ng kanilang sariling mga malalalim na espirituwal na karanasan.1 Noong huling bahagi ng kanyang buhay, masugid na isinulat ni Joseph ang kanyang pagnanais na ang mga pangalan at mga gawa ng kanyang mga magulang at mga kapatid ay palaging maaalala. “Ang mga salita at pananalita,” isinulat niya, ay “hindi sapat upang magpasalamat sa utang ko sa Diyos para sa pagbibigay sa akin ng napakamarangal na mga magulang.”2
Mula sa simula ng buhay mag-asawa nina Joseph Sr. at Lucy, ang pamilya ay nakaranas ng mga pagkalugi ng ani at kahirapan sa pananalapi. Ilang beses silang nagpalipat-lipat sa mga nayon ng Vermont at New Hampshire bago makahanap ng mas kanais-nais na mga oportunidad sa Finger Lakes region ng New York. Noong 1816, lumipat ang pamilya Smith sa Palmyra, New York, at di naglaon ay nanirahan sila sa isang sakahan sa kalapit na lugar ng Manchester. Sa lugar na ito, noong sumunod na isa’t kalahating dekada, naranasan ni Joseph Jr. ang kanyang mga pinakaunang pangitain, isinalin at inilathala ang Aklat ni Mormon at inorganisa ang Simbahan ni Cristo.3
Sinundan ng pamilya Smith ang Simbahan sa Kirtland, Ohio, noong 1831; sa Missouri noong 1838; at sa Nauvoo, Illinois, noong simula ng 1840s. Sina Joseph Sr. at Lucy ay tumira sa piling ng kanilang mga anak na nasa hustong gulang sa buong buhay nila. Nakalulungkot, na sa loob ng apat na taon sa pagitan ng 1841 at 1844, sina Joseph Sr. at ang apat sa kanyang mga anak na lalaki (sina Don Carlos, Hyrum, Joseph, at Samuel) ay namatay sa sakit o pinatay nang pataksil. Karamihan sa mga natitirang miyembro ng pamilya ay piniling huwag lumipat sa Great Basin matapos ang pagkamatay ni Joseph Smith.
Joseph Smith Sr. (1771-1840)
(Tingnan sa “Joseph Smith Sr.,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan.)
Lucy Mack Smith (1775–1856)
(Tingnan sa “Lucy Mack Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan.)
Hindi Pinangalanang Anak (humigit-kumulang 1797)
Ang panganay na anak nina Joseph Sr. at Lucy, isang sanggol na lalaki na ipinanganak isang taon matapos silang ikasal, ay hindi nabuhay nang higit sa kasanggulan nito. Hindi pinangalanan ng mga Smith ang batang ito.4
Alvin Smith (1798–1823)
Ang unang anak ng pamilya Smith na nabuhay lampas ng kasanggulan, si Alvin, ay isinilang noong Pebrero 11, 1798, sa tahanan ng pamilya sa Tunbridge, Vermont. Tinawag si Alvin ng kanyang ina na “isang binatang . . . namumukod sa ganda ng pag-uugali” na may “Mabait at magiliw na asal.”5 Matapos lumipat ng mga Smith sa Palmyra, ang pagtatrabaho ni Alvin ay naging napakahalaga sa temporal na suporta ng pamilya, at nanguna siya sa pagtatayo ng bahay sa sakahan ng mga Smith.
Naniwala si Alvin sa salaysay ni Joseph tungkol sa pagpapakita ng anghel na si Moroni at hinikayat si Joseph na sundin ang mga tagubilin ng anghel. Ayon sa isang kaibigan ng pamilya, inutusan din ni Moroni si Joseph na isama niya si Alvin kapag dumating ang panahon upang kunin ang mga lamina ng Aklat ni Mormon.6 Subalit ilang buwan lamang bago ang kanyang ika-26 na kaarawan, namatay si Alvin mula sa inilarawan ng kanyang ina bilang “bilious cholick.”7 Ang doktor na tumingin kay Alvin ay nagreseta ng pinagsamang mercury at chlorine na tinatawag na “calomel,” isang lunas na itinuturing na nakakalason ng maraming doktor noong panahong iyon ngunit karaniwang ginagamit ng mga doktor na hindi naninilbihan sa mga ospital.8 Pinalala ng reseta ang kalagayan ni Alvin, at nasawi si Alvin sa loob ng ilang araw. Ipinapahiwatig ng mga mananalaysay na appendicitis ang maaaring pangunahing dahilan ng kanyang kamatayan.9
Nabanggit ni Lucy sa kanyang talambuhay na dumalo ang nobya ni Alvin sa kanyang libing, ngunit wala nang ibang alam tungkol sa kasunduang pagpapakasal ni Alvin.10
Nanlumo ang pamilya Smith sa pagkamatay ni Alvin. Sa kanyang libing, isang lokal na ministro ang nagpagalit sa pamilya sa pagsasabing si Alvin ay naitalaga sa impiyerno dahil hindi pa siya nabinyagan.11 Noong 1836, nagkaroon si Joseph ng isang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal at namangha nang makita niya roon si Alvin. Inihayag ng Panginoon na ang mga tao, tulad ni Alvin, na “namatay na walang kaalaman sa ebanghelyong ito, na tatanggapin ito kung sila ay pinahintulutang manatili sa mundo, ay magiging tagapagmana ng kahariang selestiyal ng Diyos.”12 Nang ipinahayag ni Joseph noong 1840 ang doktrina ng mga proxy baptism para sa mga pumanaw na, bininyagan ang kapatid niyang si Hyrum para kay Alvin sa Mississippi River.
Hyrum Smith (1800–1844)
(Tingnan sa “Hyrum Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan.)
Sophronia Smith Stoddard McCleary (1803–1876)
Ang unang anak na babae ng mga Smith, si Sophronia, ay isinilang noong Mayo 16, 1803, habang nakatira ang pamilya sa Tunbridge, Vermont. Pagkaraan ng ilang taon, ang lugar ay dumanas ng isang epidemya ng tipus, at sina Sophronia at ang kanyang nakababatang kapatid na si Joseph ay nagkaroon ng pinakamalubhang kaso sa pamilya. Ang siyam na taong gulang na si Sophronia ay nakipaglaban sa tipus sa loob ng tatlong buwan bago biglang tumigil ang kanyang paghinga at hindi na gumagalaw. Binalot siya ng kanyang ina sa kumot, kinarga ito at paroo’t paritong naglakad. Hinikayat ng mga kapitbahay ni Lucy na tanggapin na namatay na si Sophronia, ngunit ang bata kalaunan ay nagising, huminga, at humikbi. Gumaling siya at nabuhay hanggang sa edad na 73 taon.13
Naniwala si Sophronia sa mga pangitain ng kanyang kapatid na si Joseph. Nasaktan siya nang ang komunidad ay naging marahas sa kanilang pamilya. Ilang buwan matapos na matanggap ni Joseph ang mga lamina mula sa anghel na si Moroni, ikinasal si Sophronia kay Calvin Stoddard, na kalaunan ay sumapi sa Simbahan. Sina Sophronia at Calvin at ang kanilang 14 na buwang gulang na anak na babae, na si Eunice, ay naglakbay patungong Kirtland, Ohio, kasama si Lucy, ngunit halos dalawang buwan matapos dumating sa Kirtland, namatay si Eunice mula sa mga hindi malamang dahilan. Nagkaroon ng ikalawang anak si Sophronia, si Mariah, pagkaraan ng isang taon, ngunit bago umalis ang mga banal sa Ohio, pumanaw si Calvin sa New York, at iniwan si Sophronia na isang balo sa edad na 34.14
Ikinasal si Sophronia kay William McCleary noong 1838, at ang dalawa ay lumipat sa Missouri at pagkatapos sa Illinois.15 Sina Sophronia at William ay tila may plano noon na lumipat sa Winter Quarters, ngunit namatay si William bago sila umalis, kung kaya’t sa halip ay pinili ni Sophronia na manatili sa Illinois, kung saan siya ay malapit sa kanyang pamilya. Sa loob ng sumunod na 30 taon, nakatira siya malapit sa kanyang mga kapatid na babae, sina Katharine at Lucy, hanggang sa kanyang kamatayan noong 1876.16
Joseph Smith Jr. (1805–1844)
(Tingnan sa “Pamilya nina Joseph at Emma Hale Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan.)
Samuel Harrison Smith (1808–1844)
Iniisip na ang Aklat ni Mormon ay magpapasimula lamang ng repormasyon sa mga simbahan noon, nagpahayag ng pag-aalala si Samuel Smith nang malaman niya ang balak ng kanyang nakatatandang kapatid na si Joseph na magtatag ng isang bagong simbahan. Nagtungo siya sa kalapit na kakahuyan at nanalangin upang malaman kung ginabayan ng Panginoon si Joseph. Nang bumalik siya, agad niyang hiniling na mabinyagan, upang maging unang taong nabinyagan pagkatapos nina Joseph at Oliver. Nanatiling tapat si Samuel sa buong buhay niya.17
Si Samuel ay isa sa Walong Saksi ng Aklat ni Mormon at naglingkod sa isa sa mga unang misyon sa kasaysayan ng Simbahan.18 Sa kanyang maikling misyon noong 1830, ibinigay niya ang isang kopya ng Aklat ni Mormon sa pamilya Young, na siyang nagpakilala ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa magiging Pangulo ng Simbahan na si Brigham Young at sa magiging Apostol na si Heber C. Kimball.19
Habang naglilingkod sa isa pang misyon makaraan ang dalawang taon, tumulong si Samuel sa pagpapasimula ng ilang branch sa hilagang-silangan ng Estados Unidos.20 Sa misyong ito, nakilala ni Samuel ang kanyang mapapangasawa, si Mary Bailey. Nagkaroon sina Samuel at Mary ng apat na anak.21 Miyembro ng Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland si Samuel at naglingkod bilang miyembro ng high council. Sa Nauvoo, tinutulungan niya si Bishop Vinson Knight bilang tagapayo niya at naglingkod din bilang isang city alderman, bantay ng Nauvoo Legion, regent ng University of Nauvoo, at miyembro ng Nauvoo City Council.22
Pinakasalan ni Samuel si Levira Clark nang mamatay si Mary noong 1841 habang nanganganak.23 Lumipat sila sa Plymouth, Illinois, at nakatira doon nang nalaman ni Samuel na ang kanyang mga kapatid na sina Joseph at Hyrum ay ikinulong sa Carthage Jail. Naglakbay sakay ng kabayo si Samuel para tulungan sila, at ayon sa mga tala kalaunan, nakaharap niya ang dalawang lalaki sa may kakahuyan, na agad siyang hinabol. Muntikan na siyang hindi makatakas mula sa mga humahabol sa kanya, at natuklasan sa kanyang pagdating sa Carthage na napatay ang kanyang mga kapatid. Habang gulat pa at puno ng hinagpis, siniguro ni Samuel na mapoprotektahan ng kalapit na hotel ang mga bangkay hanggang sa maibalik niya ang mga ito sa Nauvoo.24 Nakalulungkot, na wala pang isang buwan ang lumipas, si Samuel din ay pumanaw. Pinangalanan ng isang lokal na pahayagan ang dahilan ng kanyang kamatayan bilang “bilious fever,” kahit na isinisisi ito ng kanyang mga kaibigan at kapamilya sa kanyang mahirap at nakatatakot na paglalakbay.25
Ephraim Smith (1810)
Si Ephraim Smith, ang ikapitong anak at ikaanim na anak na lalaki nina Joseph Sr. at Lucy, ay nabuhay lamang ng ilang araw. Siya ay ipinanganak noong Marso 13 at namatay noong Marso 24, 1810. Nanirahan ang pamilya Smith sa Royalton, Vermont, sa maikling buhay ni Ephraim.26
William B. Smith (1811–1893)
Tinanggap ni William Smith ang malapropetang paghahayag ng kanyang nakatatandang kapatid na si Joseph at nabinyagan. Humawak siya ng maraming katungkulan sa Simbahan sa buong buhay niya at naging isa sa mga orihinal na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nagmisyon din siya sa ilang mga lugar, nagtungo ng Missouri kasama ang Kampo ng Israel, at inorden na Patriarch sa Simbahan.27
Noong 1833, pinakasalan ni William si Caroline Amanda Grant, na miyembro ng pamilya na nakilala niya sa isa sa kanyang mga misyon. Bago namatay si Caroline noong 1845, nagsimulang gawin ni William ang maramihang pag-aasawa, at pinakasalan ang pangalawang asawa ilang buwan bago ang martir na pagkamatay ng kanyang mga kapatid na sina Joseph at Hyrum.28 Sa pagitan ng mga taong 1844 hanggang 1889, apat na beses pang nag-asawa si William bagama’t dalawa ang humantong sa diborsyo. Nagkaroon si William ng pitong anak.29
Bukod pa sa kanyang paglilingkod sa Simbahan, aktibo rin si William sa mga aktibidad na panlipunan. Sa Nauvoo, naglingkod siya bilang miyembro ng city council o konseho ng lunsod. Siya ay naging patnugot ng Nauvoo Wasp sa maikling panahon ngunit napalitan pagkatapos makipagtalo kay Thomas C. Sharp, na patnugot ng isa ring lokal na pahayagan. Si William ay naging kinatawan ng Hancock County sa Illinois State Legislature, kung saan ipinagtanggol niya ang city charter ng Nauvoo laban sa mga panawagan na bawiin ito.30
Ang nag-iisang anak na lalaki nina Joseph Sr. at Lucy na nabuhay lampas ng tag-init ng 1844, na si William ay unang sinuportahan si Brigham Young bilang kapalit ni Joseph. Subalit, ang mga pagtatalo sa mga kapwa miyembro ng Labindalawa ay nagdulot kay William na magbago ng isip. Itiniwalag siya noong 1845 pagkatapos ng isang maikli at bigong kampanya na mamuno sa Simbahan. Hindi naglaon ay sumapi siya sa iba’t ibang mga simbahan bago makahanap ng isang permanenteng lugar sa Reorganized Church of Jesus Christ of Latter Day Saints, na pinamumunuan ng kanyang pamangkin na si Joseph Smith III.31
Nang nagsimula ang American Civil War noong 1861, hindi sinabi ni William ang kanyang tunay na edad upang lumitaw na maaari siyang magpalista sa Union Army. Sa panahon ng kanyang paglilingkod sa militar, ginamit ni William ang gitnang inisyal na “B” upang maibukod ang kanyang sarili sa maraming ibang mga sundalo na nagngangalang William Smith. Namatay siya noong Nobyembre 13, 1893, sa edad na 82.32
Katharine Smith Salisbury Younger (1813–1900)
Ang pangalawang anak na babae ng mga Smith na si Katharine ay sumapi sa Simbahan noong siya ay tinedyer. Nakasaad sa tradisyon ng pamilya ang kuwento ng isang pagkakataon nang hiniling ni Joseph kina Katharine at Sophronia na itago ang mga laminang ginto mula sa isang grupo ng mga mandurumog, na ginawa ng magkapatid sa pamamagitan ng pagtago sa mga lamina sa ilalim ng kanilang mga kobrekama at pagkatapos ay nahiga at nagkunwaring natutulog.33 Lumipat sa Kirtland, Ohio si Katharine kasama ang kanyang inang si Lucy at sa taon ding iyon ay pinakasalan ang isang bagong binyag na nagngangalang Wilkins Jenkins Salisbury.34
Ang buhay may-asawa ni Katharine ay naging mahirap. Si Wilkins ay nahirapang makahanap ng trabaho at maaaring nalulong sa alak. Namuhay siya nang hindi bababa sa isang dekada sa labas ng Simbahan at namatay na may di-pagkakaunawaan sa mga lider sa Utah. May pagkakataon na pinalaki ni Katharine sa halos-dukhang kalagayan ang kanyang mga anak. Isang bisita sa tahanan ng mga Salisbury noong 1843 ang nalungkot na ang mga anak ni Katharine ay walang sapatos sa kabila ng matinding taglamig. Itinaguyod ng pamilya Smith si Katharine sa mga panahong ito ng paghihirap, at ang mga lider ng Simbahan ay tumulong din, at kalaunan ay nagpadala ng pera sa kanya upang magtayo ng bahay sa Illinois.35
Tulad ng kanyang ina at ibang mga kapatid, nanatili si Katharine sa Illinois nang mamatay sina Joseph at Hyrum. Pagkamatay ni Wilkins noong 1853, nanirahan si Katharine malapit sa kanyang ina at mga kapatid na babae, kung saan siya nanatili sa buong buhay niya. Noong ang kanyang anak na si Don Carlos ay tumuntong sa edad na 14 , ipinadala niya ito upang manirahan kasama ang kanyang ate, si Sophronia, marahil ay dahil sa kakapusan sa pera ng kanyang sariling pamilya. Bagama’t si Katharine ay hindi kailanman naglakbay pakanluran, napanatili niya ang magiliw na pakikipag-ugnayan sa kanyang mga kamag-anak na Smith sa Utah. Madalas na binibisita ng mga kamag-anak na ito si Katharine habang naglalakbay sila para sa mga misyon. Namatay siya noong 1900 sa edad na 86.36
Don Carlos Smith (1816–1841)
Inilarawan ng mga miyembro ng pamilya si Don Carlos Smith bilang may mabuting pagkatao, mahabagin, at mapagmahal. 14 na taong gulang lamang nang inilathala ni Joseph ang Aklat ni Mormon, si Don Carlos ay sumuporta sa kanyang kuya sa una pa lang. Siya ay “ang isa sa una,” sabi ni Joseph, “na tumanggap ng aking patotoo.”37 Kalaunan ng taon ding iyon, sinamahan ni Don Carlos ang kanyang ama sa isang paglalakbay sa Stockholm, New York, kung saan ibinahagi ng dalawa ang balita tungkol sa Simbahan sa kanilang mga kamag-anak. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, lumipat si Don Carlos sa Kirtland, Ohio, kasama ang kanyang ina at mga kapatid.38
Habang nakatira sa Kirtland, natutuhan ni Don Carlos mula kay Oliver Cowdery ang kalakalan ng paglilimbag. Tumulong si Don Carlos na ilathala ang malaking bahagi ng mga naunang literatura ng Simbahan, kabilang na ang unang edisyon ng Doktrina at mga Tipan. Noong Hulyo 30, 1835, ikinasal siya kay Agnes Moulton Coolbrith, isang bagong miyembro mula sa Boston na nakitira sa mga magulang ni Don Carlos.39 Sina Don Carlos at Agnes ay nagkaroon ng tatlong anak na babae.
Matapos lumipat sa Nauvoo, nagpatuloy si Don Carlos sa kanyang propesyon bilang isang manlilimbag. Naging patnugot at inilathala niya ang pahayagang Times and Seasons at naglikom ng pera para sa ikatlong edisyon ng Aklat ni Mormon.40 Siya rin ay sandaling nagmisyon sa Pennsylvania, New York, Virginia, Ohio, Kentucky, at Tennessee at naging pangulo ng korum ng mga high priest.41 Namatay siya noong Agosto 1841 dahil sa malaria sa edad na 26; ang kanyang pamangkin at kapangalan, ang sanggol na anak nina Joseph at Emma, ay namatay sa parehong sakit makalipas lamang ang walong araw.42
Lucy Smith Millikin (1821–1882)
Nang ipinanganak si Lucy Smith noong Hulyo 18, 1821, naranasan na ng kanyang kapatid na si Joseph ang Unang Pangitain. Lumaki si Lucy na halos lahat ng ministeryong panrelihiyon ni Joseph ay isinasagawa na, at nakatira siya sa piling ng kanyang mga magulang sa mga yugto ng Simbahan sa Kirtland at Missouri. Hindi nagtagal matapos dumating sa Commerce (na kalaunan ay tinawag na Nauvoo), Illinois, pinakasalan ni Lucy si Arthur Millikin, isang miyembro mula sa Maine. Sumapi siya sa Nauvoo Relief Society, at noong 1843 sinamahan niya ang kanyang asawa sa misyon sa Maine. Nanatili si Lucy sa Illinois matapos mamatay ang mga kapatid niyang sina Joseph at Hyrum. Sa pagitan ng 1846 at 1852, kinupkop niya ang kanyang tumatanda nang ina sa kanyang tahanan. Halos apat na taon pagkatapos ng kamatayan ng kanyang ina, si Lucy ay nanirahan malapit sa Colchester, Illinois, kung saan siya at ang kanyang asawa ay nagkaroon ng kagalang-galang na reputasyon sa kanilang mga kapitbahay. Minsan noong 1880, nagsimulang alagaan ni Lucy ang kanyang manugang na babae na nagkaroon ng sakit sa baga. Nahawa siya sa sakit at namatay noong Disyembre 9, 1882.43
Mga Kaugnay na Paksa: Joseph Smith Sr., Lucy Mack Smith, Joseph Smith Jr., Hyrum Smith