Kasaysayan ng Simbahan
Batalyong Mormon


“Batalyong Mormon,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Batalyong Mormon”

Batalyong Mormon

Nang mapilitan ang mga Banal na lisanin ang Nauvoo noong 1846, isa sa mga pinakamalaking hamon na kanilang hinarap ay ang pagtustos sa pandarayuhan. Nais ng mga lider ng Simbahan na makatulong sa pagsuporta sa lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw, lalo na ang mga maralita, na nais magtipon.1 Nang ang mga pagsisikap para ibenta ang Nauvoo Temple at iba pang mga ari-arian ng Simbahan ay naudlot, ipinadala ng mga lider ng Simbahan si Jesse Little, isang lider ng mga branch ng Simbahan sa silangang Estados Unidos, upang humingi ng tulong mula sa pamahalaan. Nakipagkita si Little kay Thomas L. Kane, isang aktibista na nakikisimpatiya sa mga problema ng mga Banal at tumulong na mag-ayos ng pakikipagkita sa Pangulo ng Estados Unidos na si James K. Polk.2

Ilang araw lamang bago dumating sina Little at Kane sa Washington, D.C., idineklara ng Kongreso ng Estados Unidos ang pakikidigma laban sa Mexico, at iniutos ni Pangulong Polk ang mga batalyon ng militar na nakadestino sa Timog-Kanlurang Amerika na sumalakay.3 Sa kanyang pakikipagkita kay Polk, kinumbinsi ni Little ang pangulo na kumuha ng mga sundalo mula sa mga Banal sa mga Huling Araw, na mas malapit sa lugar ng labanan kaysa sa karamihan sa iba pang mga Amerikano. Ang bayad sa mga sundalo, batid ni Little, ay makatutulong sa pagpondo ng pandarayuhan ng mga Banal.4

Noong Hunyo 1846, lumapit ang mga opisyal ng hukbo sa mga Banal sa mga Huling Araw sa teritoryo ng Iowa, umaasang makakuha ng 500 sundalo para sa isang taong tungkulin. Tila kahina-hinala ang alok sa maraming mga Banal, na napilitan kamakailan na lisanin ang kanilang tahanan nang walang anumang proteksiyon ng pamahalaan. “Nakadama ako ng galit sa Pamahalaan na hinayaan akong danasin ang pagsalakay at pagpapalayas mula sa aking tahanan,” iniulat ni Daniel B. Rawson. Hindi nagtagal pagkatapos noon, dumating sina Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan sa kampo. “Sinabi nila na ang kaligtasan ng Israel ay nakasalalay sa pagtatatag ng hukbo,” pagpapatuloy ni Rawson. “Nang marinig ko ito nagbago ang isip ko. Nadama ko na tungkulin kong pumunta.”5

Ang pagtitipon ng Batalyong Mormon

Ang pagtitipon ng Batalyong Mormon.

Sa kagandahang-loob ng Church History Department

Nang ang mga opisyal ng hukbo ay nagawang makabuo ng apat na grupo na may tig-100 tao, ipinahayag ni Kapitan James Allen ang pagtitipon ng Batalyong Mormon, Hukbo ng Estados Unidos sa Kanluran. Hinikayat ni Brigham Young ang mga sundalo na panatilihin ang kanilang tipang panrelihiyon at pakitunguhan ang mga Mehikano at iba pa na kanilang makakasalamuha nang may paggalang. Ipinangako niya na ang kanilang mga pamilya ay aalagaan at hindi sila haharap sa isang labanan. Noong Hulyo 20, ang mga pangkat ay nagsimulang maglakbay patungong Fort Leavenworth sa Teritoryo ng Kansas, na may hindi bababa sa 34 na babae at 44 na bata na sumama sa pagmartsa.6 Makalipas ang dalawang araw, umalis ang karagdagang pangkat ng 100 lalaki. Isinulat ni Zacheus Cheney na “bumagsak ang mga luha gaya ng mga patak ng ulan” habang nagpapaalam ang mga pamilya sa mga sundalo.7

Ang pagmamartsa ng batalyon ay sumunod sa iba pang mga yunit ng hukbo, tinitiyak na ang mga sundalo ng batalyon ay karamihang nagmamartsa sa mga lugar na nasa ilalim ng kontrol ng Estados Unidos. Bagama’t tinawag upang makuha ang lunsod ng Tucson (ngayon ay nasa Arizona) at upang maprotektahan ang mga Pauma Indian sa Temecula (ngayon ay nasa California), hindi sila sumali sa labanan.8 Ang pinakamasaklap na pangyayari ay naganap nang ang isang kawan ng mababangis na toro ay sumugod sa mga sundalo habang nakahimpil sila para sa tubig sa Ilog San Pedro. Iniwan ng insidente na patay ang tatlong buriko at sugatan ang tatlong lalaki, subalit walang sundalo ang napatay.

Sa pagdating nito sa San Diego mga anim na buwan matapos lisanin ang Iowa, binagtas ng batalyon ang halos 2,000 milya, ginagawa ang martsa bilang isa sa pinakamahaba sa kasaysayang militar ng Estados Unidos. Masasabing nagwakas na ang digmaan sa California sa puntong ito, kung kaya’y inatasan ang mga kawal ng batalyon sa tungkulin sa garison sa San Diego, San Luis Rey, at Los Angeles. Ang kanilang suweldo ay napatunayang mahalaga sa pagpopondo ng pandarayuhan ng kanilang mga pamilya at ng iba pa patungo sa Lambak ng Salt Lake.

Ang Batalyong Mormon noong pagmamartsa nito

Paglalarawan ng Batalyong Mormon noong pagmamartsa nito, ng pintor na si George Ottinger.

Sa kagandahang-loob ng Church History Department

Tinahak ng mga beterano ng batalyon ang ilang rutang pa-silangan upang muli nilang makasama ang kanilang mga pamilya sa Utah. Ilan sa mga sundalong ito ay nagtrabaho sa loob ng maikling panahon sa Sutter’s Mill at nakatuklas ng ginto noong 1848, na nagpasimula sa pinakamalaking paghahanap ng ginto sa kasaysayan ng Amerika.9 Isa pang grupo ang nakatagpo at naglibing ng mga labi ng isang sinawing-palad na grupo ng mga nandarayuhan na kilala bilang Donner Party. Subalit ang iba naman ay bumuo ng bagong kalsada sa gitna ng hanay ng bulubundukin ng Sierra Nevada. Karamihan sa mga sundalo ay dumating sa teritoryo ng Utah noong huling bahagi ng dekada ng 1840 at mga unang taon ng dekada ng 1850.

Ipinagdiriwang ng Mormon Battalion Historic Site ng Simbahan sa San Diego ang paglilingkod at mga pagsasakripisyo ng mga sundalo at kanilang mga pamilya.

Mga Kaugnay na Paksa: Thomas L. at Elizabeth Kane, Pagdagsa ng mga Naghahanap ng Ginto sa California, Pag-alis sa Nauvoo, Digmaang Mehikano-Amerikano

Mga Tala

  1. Tingnan sa paksa: Pag-alis sa Nauvoo.

  2. Tingnan sa paksa: Thomas L. at Elizabeth Kane.

  3. Tingnan sa paksa: Digmaang Mehikano-Amerikano.

  4. Matthew J. Grow, “Liberty to the Downtrodden”: Thomas L. Kane, Romantic Reformer (New Haven: Yale University Press, 2009), 47–59.

  5. Daniel B. Rawson, sinipi sa Norma Baldwin Ricketts, The Mormon Battalion: U.S. Army of the West, 1846–1848 (Logan: Utah State University Press, 1996), 13; Daniel B. Rawson, sinipi sa Samantha Dalena Rawson Rose, “A Copy of a History of Daniel Berry Rawson,” 7–8, Rawson Family Histories, circa 1950, Church History Library, Salt Lake City.

  6. Ang ikalimang grupo ay naglakbay patungong Fort Leavenworth makalipas ang dalawang araw, matapos mahirapang makakuha ng sapat na bilang ng mga sundalo upang buuin ang batalyon.

  7. Zacheus Cheney, sinipi sa Ricketts, The Mormon Battalion, 17.

  8. Ang Tucson ay nasa ilalim ng kontrol ng mga Mehikano nang dumating ang batalyon, ngunit isinuko ng mga sundalong Mehikano ang pamayanan nang walang laban. Nagbigay pa ng pagkain ang mga mamamayang Mehikano at Native American sa mga sundalong Banal sa mga Huling Araw.

  9. Tingnan sa paksa: Pagdagsa ng mga Naghahanap ng Ginto sa California.