“Digmaang Mehikano-Amerikano,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Digmaang Mehikano-Amerikano”
Digmaang Mehikano-Amerikano
Sa pagitan ng 1846 at 1848—sa mismong panahon noong ang mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw ay nagsimulang mandayuhan patungo sa lambak ng Great Salt Lake—ang Estados Unidos ng Amerika at Mexico ay nakipaglaban sa isang digmaan na bumago sa sitwasyon sa lipunan at pulitika ng Hilagang Kanlurang Amerika. Hindi lamang naranasan ng mga Banal ang mga epekto ng digmaang ito sa kanilang pagsisikap na lumipat at magtayo ng mga pamayanan, kundi ang ilan din sa kanila ay nakibahagi sa labanan bilang mga sundalo ng Batalyong Mormon.
Nagsimula ang digmaan dahil sa sigalot sa pagitan ng dalawang bansa tungkol sa Republika ng Texas, isang malaking teritoryo sa gitna ng kontinente na pinag-aagawan ng mga Espanyol, Mehikano, mga puting dayuhan mula sa Estados Unidos, at mga Comanche. Nang inalok ng Kongreso ng Estados Unidos sa Republika ng Texas na gagawin itong estado na siya namang tinanggap nito, kinundena ng Mexico ang pagsasanib (annexation). Ang sigalot sa hangganan sa paligid ng Rio Grande ay nauwi sa armadong labanan, at noong 1846 ay nagdeklara ang Kongreso ng digmaan laban sa Mexico.
Noong panahong ito, ang mga Banal sa mga Huling Araw, na kamakailan lamang ay napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan sa Illinois, ay nadaramang pinagtaksilan sila ng pamahalaan ng Estados Unidos at marami sa mga mamamayan ng Amerika. Noong unang bahagi ng 1846, halos lahat ng Banal sa mga Huling Araw ay iniwan ang kanilang mga tahanan sa loob at paligid ng Illinois upang manirahan sa rehiyon ng Great Salt Lake, na noon ay bahagi ng Mexico. Kasunod ng deklarasyon ng digmaan, isang lider ng mga Banal sa mga Huling Araw ang naghikayat kay Pangulong James K. Polk na bumuo ng isang batalyon ng mga sundalong Banal sa mga Huling Araw para sa digmaan. Ang bayad sa mga kawal ay tutulong sa pagtustos ng pandarayuhan pakanluran ng mga Banal. Hinikayat ni Brigham Young ang mga miyembro ng batalyon na huwag magkakaroon ng “magulong usapan” sa mga tao ng Mexico, na “pakitunguhan ang mga bihag nang may pinakamalaking paggalang,” at huwag kumitil ng buhay hangga’t maaari.1 Sa huli, hindi sumabak sa labanan sa digmaan ang batalyon.
Sinalakay ng Hukbo ng Estados Unidos ang Mexico noong unang bahagi ng 1847 at nabihag ang Lunsod ng Mexico sa loob ng taong iyon. Noong 1848 ay nagkasundo ang dalawang bansa sa Kasunduan ng Guadalupe Hidalgo, na siyang tumapos sa digmaan at inilipat ang malawak na bahagi ng teritoryo sa Estados Unidos, kabilang ang rehiyon kung saan piniling manirahan ang mga Banal sa mga Huling Araw. Isang bahagi ng lugar na isinuko sa Estados Unidos ay naging teritoryo ng Utah noong 1850. Ang mga Banal sa mga Huling Araw na nilisan ang Estados Unidos at nagtungo sa Kanluran ay muling napasailalim sa pampulitikang awtoridad ng pamahalaan ng Estados Unidos, at ang ilan sa mga pagsubok na naranasan nila sa nakaraang dekada ay nanumbalik. May mga tensiyon na namuo sa pagitan ng mga opisyal ng teritoryo na itinalaga ng pederal at ng mga Banal sa mga Huling Araw dahil sa pangangasiwa sa lokal na pamahalaan at sa kalayaan sa relihiyon.2
Ang pandarayuhan na idinulot ng pagsasanib (annexation) ng mga teritoryo sa kanluran at ng Pagdagsa ng mga Naghahanap ng Ginto sa California (California Gold Rush) ay nagdala ng karagradagang trapiko at komersiyo sa mga komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw.3 Ang pabagu-bagong sitwasyon sa lipunan at pulitika pagkatapos ng digmaan ay nagbukas ng mga bagong oportunidad para sa mga Banal habang tinatangka nilang magtayo ng mga negosyong magtatagal at mga permanenteng lunsod sa mga kalaunang magiging estado ng Utah, Nevada, Arizona, at California.4
Mga Kaugnay na Paksa: Pagdagsa ng mga Naghahanap ng Ginto sa California, Batalyong Mormon, Mexico, Mga Kolonya sa Mexico