Kasaysayan ng Simbahan
Ang Pangitain (D at T 76)


“Ang Pangitain (D at T 76),” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Ang Pangitain (D at T 76)”

Ang Pangitain (D at T 76)

Noong taglagas ng 1831, binuksan nina Elsa at John Johnson ang kanilang tahanan sa Hiram, Ohio, kina Joseph at Emma Smith, inilalaan ang isang silid sa itaas bilang opisina kung saan maaaring gawin ni Joseph at ng kanyang mga tagasulat ang kanyang inspiradong pagsasalin ng Biblia.1 Noong Pebrero 16, 1832, habang pinagninilayan nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang Juan 5:29, isang talata tungkol sa pagkabuhay na mag-uli, nagkaroon sila ng isang kahanga-hangang pangitain tungkol sa kabilang-buhay. “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng espiritu ang aming mga mata ay nabuksan at ang aming mga pang-unawa ay naliwanagan,” isinulat nila, “upang aming makita at maunawaan ang mga bagay-bagay ng Diyos.”2 Si Philo Dibble, na naroroon din sa silid ng pagsasalin noong araw na iyon, ay naalala na kanyang “nadama ang kapangyarihan, ngunit hindi nakita ang pangitain.”3 Ang tala nina Joseph at Sidney tungkol sa kanilang karanasan ay kaagad na itinala sa aklat ng mga paghahayag ng Simbahan, na kinopya ng mga missionary upang ibahagi sa mga branch ng Simbahan, at inilathala sa pahayagan ng Simbahan.

“Ang Pangitain,” na tawag ng mga Banal sa bagong paghahayag, ay naglarawan ng maramihang kalangitan o antas ng kaluwalhatian na maaabot ng mga tao sa kabilang-buhay. Inihayag din nito na lahat maliban sa iilan lamang sa mga anak ng Ama sa Langit ay magmamana ng isang kaharian ng kaluwalhatian. Sabik ang ilang Banal na ikalat ang balita. Si William W. Phelps, halimbawa, ay tinawag itong “ang pinakamalaking balita na nalathala sa tao.”4 Ang iba naman ay nakitang nakakabagabag ang pangitain. Marahil ay inaakala nila na nagtuturo ito ng mga alituntuning kahalintulad ng sa Universalism, isang kilusang panrelihiyon na naniniwalang ang lahat ay maliligtas, anuman ang kanilang mga ginawa. Ang turong ito ay itinuring na erehe ng maraming Kristiyano na naniniwala na ang buhay matapos ang kamatayan ay nahahati lamang sa isang langit at isang impiyerno. “Ito ay isang malaking pagsubok sa marami,” paggunita ni Brigham Young, na nabinyagan matapos matanggap ang Pangitain.5 “Iba ito sa mga paniniwala ko, kaya nang una kong marinig ang Pangitain, tuwirang kabaligtaran at salungat ito sa aking dating natutuhan.” Gayunman, si Young ay matiyaga, at hinangad niyang malaman ang kahulugan ng paghahayag na ito. “Dati rati ako ay nag-iisip at nananalangin, nagbabasa at nag-iisip,” paggunita niya, “hanggang sa malaman ko at lubos na maunawaan ito para sa aking sarili.”6

Patuloy na naghangad ng kaalaman si Joseph sa pamamagitan ng paghahayag tungkol sa katangian ng kaligtasan, mga antas ng kaluwalhatian, at pagkabuhay na mag-uli.7 Sa Nauvoo, ang kanyang mga pangangaral ukol sa banal na katangian at potensiyal ng tao, maging ang karagdagang paghahayag tungkol sa likas na kawalang hanggan ng mga ugnayan ng pamilya, ay nakatulong sa mga Banal na maunawaan ang kahalagahan ng kadakilaan at selestiyal na kaluwalhatian at mga pagpapala na ipinangako sa mga taong sumusunod kay Jesucristo. Tulad ni Brigham Young, lalo pang nagawang tanggapin ng mga Banal ang mga turo na inihayag sa Pangitain, at ngayon ay kilala ang mga ito bilang mga natatanging paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Mga Kaugnay na Paksa: Mga Paghahayag ni Joseph Smith, Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia

Mga Tala

  1. Tingnan sa Paksa: Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia.

  2. Vision, 16 February 1832 [DC 76],” sa Revelation Book 2, 2, josephsmithpapers.org.

  3. Philo Dibble, “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, tomo 27, blg. 10 (Mayo 15, 1892), 303.

  4. “Items for the Public,” The Evening and the Morning Star, tomo 1, blg. 2 (Hulyo 1832), 25.

  5. Brigham Young, sa Journal of Discourses, 26 tomo. (London: Latter-Day Saints’ Book Depot, 1854–86), 16:42.

  6. Brigham Young, sa Journal of Discourses, 6:281.

  7. Tingnan sa “Revelation, 27–28 December 1832 [DC 88:1–126],” josephsmithpapers.org; “Instruction, 16 Mayo 1843, as Reported by William Clayton,” josephsmithpapers.org; tingnan sa Doctrine and Covenants 88130.