Kasaysayan ng Simbahan
Elijah Able


“Elijah Able,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Elijah Able”

Elijah Able

Si Elijah Able (kung minsan ay Abel o Ables ang baybay) ay isa sa mga unang kasapi ng Simbahan na African-American at isa sa mga pinaka-kilalang itim na lalaki na naorden sa priesthood noong nabubuhay pa si Joseph Smith.

larawan ni Elijah Able

Larawan ni Elijah Able.

Halos walang gaanong alam tungkol sa unang bahagi ng buhay ni Able. Ang petsa ng kanyang kapanganakan sa Maryland ay nasa pagitan ng 1808 at 1812, at ang mga pangalan ng kanyang mga magulang ay pinagtatalunan.1 Malamang ay anak siya ng mag-asawang magkaiba ang lahi. Nakasaad sa 1850 U.S. Census na si Able ay isang-kapat o one-quarter na lahing itim, at isang mas bagong source ang nagsaad na siya ay isang-ikawalo o one-eighth na lahing itim.2

Si Able ay lumaki sa Estados Unidos sa panahong nahahati-hati ang mga tao ayon sa kanilang lahi. Ang mga estado sa timog ay pinapayagan ang pagkakaroon ng mga alipin na may lahing itim na Aprikano; sa mga estado sa hilaga naman ay ipinagbawal ang pagkakaroon ng mga alipin, bagaman ang mga puting taga-hilaga ay karaniwang itinuturing na mas mababa ang katayuan sa lipunan ng mga lahing itim, at ang kasal sa pagitan ng magkaibang lahi ay madalas ituring na krimen. Subalit ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay para sa lahat, “maitim at maputi, alipin at malaya” (2 Nephi 26: 33), at noong Setyembre 1832, bininyagan ng isang puting miyembro ng Simbahan na nagngangalang Ezekiel Roberts si Able sa Ohio, isang estado sa hilaga kung saan mas malayang nakikihalubilo ang mga itim at puti sa isa’t isa.

Matapos lumipat ni Able sa headquarters ng Simbahan sa Kirtland, ang mga pangunahing detalye sa kanyang kasaysayan ay naging mas katulad na ng iba pang miyembrong lalaki na nasa hustong gulang. Inordenan siya sa Melchizedek Priesthood, tumanggap ng kanyang patriarchal blessing mula kay Joseph Smith Sr., at inordenan na maging Pitumpu. Noong 1838, sinimulan ni Able ang isang misyon sa New York at Canada. Pagkatapos, sumama siya sa pangunahing pangkat ng mga Banal sa Nauvoo, Illinois.

Noong 1842, lumipat si Able sa Cincinnati, Ohio, kung saan siya nagtrabaho bilang karpintero at naging aktibo sa lokal na branch ng Simbahan. Noong 1847, pinakasalan niya ang isang itim na Banal sa mga Huling Araw na si Mary Ann Adams, at nagkaroon ang mag-asawa ng apat na anak.3 Noong 1853, ang pamilya ni Able ay lumipat sa Utah. Nang sumunod na tatlong dekada, aktibo si Able sa kanyang ward sa Salt Lake City, nagtrabaho sa Salt Lake Temple, at naglingkod sa isa pang misyon sa Ohio.

Noong 1852, isang taon bago dumating ang pamilya Able sa Utah, inihayag sa lahat ni Brigham Young ang patakaran ng pagkakait ng priesthood sa mga itim na lalaki. Napanatili ni Able ang kanyang katungkulan at katayuan sa priesthood, ngunit noong humiling siya kay Pangulong Young ng pahintulot na matanggap ang kanyang endowment sa templo at mabuklod kay Mary Ann, ipinagkait ang kanyang kahilingan. Noong 1879, ang pangalawang kahilingan mula kay Able ay tinanggihan ni Pangulong John Taylor.4 Nanatiling tapat si Able hanggang sa kanyang pagpanaw noong Disyembre 25, 1884.

Sa unang bahagi ng ikadalawampung siglo, ang katayuan ni Able bilang itim na maytaglay ng priesthood ay lubos na nakalimutan na. Kalaunan ay muling natuklasan ng mga Mormon historian ang kuwneto tungkol sa ordenasyon ni Able, ang kanyang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at ang kanyang paglilingkod bilang isa sa mga naunang missionary.

Mga Kaugnay na Paksa: Jane Elizabeth Manning James, Lahi at ang Priesthood

Mga Tala

  1. Ilan sa mga sanggunian na nagmula kay Able mismo ay nagsasaad na ang pangalan marahil ng kanyang mga magulang ay Andrew at Delilah Able. Tingnan sa W. Kesler Jackson, Elijah Abel: The Life and Times of a Black Pioneer (Afton, Wyoming: PrintStar, 2013), 10–11.

  2. Russell Stevenson, Black Mormon: The Story of Elijah Ables (Springville, Utah: CFI, 2013), 1–5.

  3. Nakasaad sa census ng 1870 na ang pamilya Ables ay nagkaroon ng pitong anak na nakatira sa kanilang bahay, bagama’t hindi malinaw kung lahat sila ay mga anak nina Elijah at Mary Ann. United States Census, 1870, familysearch.org.

  4. “Race and the Priesthood,” Gospel Topics Essays, topics.lds.org.