Kasaysayan ng Simbahan
Mischa Markow


“Mischa Markow,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mischa Markow”

Mischa Markow

Sa loob ng 15 taon mula nang siya ay nabinyagan bilang isa sa mga unang sumapi sa Simbahan sa silangang Europa, naglingkod si Mischa Markow (1854–1934) sa dalawang misyon sa mga bansa na kinakatawan ngayon ng Hungary, Russia, Romania, Bulgaria, Turkey, Serbia, Croatia, Germany, Belgium, at Latvia. Ang kanyang pangangaral at pagbibinyag ay naglatag sa pundasyon para sa ilang branch na sa pagsapit ng unang bahagi ng ika-21 siglo ay lumaki sa halos 350 kongregasyon na may mahigit 80,000 miyembro.1

si Mischa Markow, circa 1903

Larawan ni Mischa Markow, circa 1903.

Lumaki sa Kristiyanismong Eastern Orthodox sa isang Serbian na ama at Romanian na ina, natutong maging barbero si Markow at ginamit ito upang tustusan ang isang peregrinasyon sa mga dambanang Orthodox sa Jerusalem at Alexandria, Egypt, noong 1886. Sinimulan niyang pag-aralan ang Biblia at nadama ang pangangailangang hanapin ang totoong simbahan ni Jesucristo, desididong bisitahin ang Constantinople, kung saan maaari niyang siyasatin ang ilang Protestanteng simbahan.

Sa iba pang bahagi ng Imperyong Ottoman, napanaginipan ng missionary na Banal sa mga Huling Araw na si Jacob Spori ang pagtuturo sa isang lalaki sa Alexandria, kung kaya ay binisita niya ang lunsod upang hanapin ang lalaki mula sa kanyang panaginip. Nabigo ang kanyang paghahanap, at sumakay siya ng barko upang bumalik sa Constantinople. Nakilala niya si Markow sa barkong iyon. Nang magsimulang mangaral ng ebanghelyo si Spori kay Markow, tila siya isang anghel kay Markow. Hindi natanto ni Markow na nakikipag-usap siya sa unang missionary na Banal sa mga Huling Araw na nakapagturo sa Imperyong Ottoman.

Dalawang iba pang mga missionary na kamakailan lamang ay tinawag para sa Turkish Mission, sina Ferdinand Hintze at Joseph Tanner, ang sumama kina Spori at Markow sa Constantinople. Bininyagan ni Hintze si Markow sa Black Sea noong 1887. Bumalik si Markow sa kanyang kinalakhang bayan ng Srpska Crnja, na noon ay bahagi ng Imperyong Austro-Hungarian.2 Makalipas ang isang taon, hinimok ni Hintze si Markow upang makasama ang mga Banal sa Utah, ngunit iginiit ni Markow na hindi siya pupunta sa Sion habang hindi pa siya nangangaral at nagbibinyag sa Europa. Tapat sa kanyang panata, nangaral si Markow sa Belgium, nagturo at nagbinyag sa isang pamilya roon, at pagkatapos ay nandayuhan patungo sa Utah.3

Matapos ang halos 10 taon sa Utah, bumalik si Markow sa silangang Europa sa kanyang unang opisyal na misyon para sa Simbahan.4 Ang kanyang karanasan sa maraming wika mula sa silangang Europa ay ginawa siya bilang isang ulirang missionary para ipakilala ang ebanghelyo sa mga Imperyong Austro-Hungarian, Russian, at Ottoman, ngunit ang mga legal na limitasyon sa kalayaang panrelihiyon ay humadlang sa kanyang mga unang pagsisikap. Tatlong buwan matapos ang unang pangangaral sa Serbia, pinalayas si Markow mula sa bansa. Sa Hungary, pinagbintangan siya ng mga opisyal ng anarkiya at ibinilanggo nang ilang panahon bago siya pinalayas. Sa Romania, nagbinyag ng 10 tao si Markow bago muling pinaalis. Nangaral siya sandali sa Bulgaria noong 1900 hanggang sa siya ay muling ipinatapon.5

Pinagbabawalang mangaral sa apat na bansa, sumakay ng bangka si Markow patungong kanluran sa Ilog Danube at nanalangin para sa inspirasyon. Sa kanyang sariling talambuhay, isinulat niya na napanaginipan niyang siya ay nangangaral sa Temesvár, Hungary (ngayon ay Timişoara, Romania). Sa Temesvár, nakaranas si Markow ng kanyang pinakadakilang tagumpay. Isang grupo ng minorya ng mga Katoliko sa lunsod na ang wika ay German ay sabik na naghahanap ng espirituwal na patnubay. Sina Markow at isa pang missionary ay nagbinyag sa kanila at nagtatag ng isang branch sa kanila bago muling idinestino sa Germany si Markow, kung saan siya nagtrabaho hanggang sa siya ay bumalik sa Utah noong 1901.6

Noong 1903 ay bumalik sa Europa si Markow para sa isa pang misyon. Si Apostol Francis M. Lyman, na kauuwi lamang mula sa paglilibot sa ilang bansa, kabilang na ang Russia, ay tinawag si Markow upang siyasatin ang posibilidad ng pangangaral sa Imperyong Russian. Kalaunan noong taong iyon, dumating si Markow sa Riga (ngayon ay nasa Latvia), kung saan humiling ang tatlong pamilya ng pagbibinyag. Gayunman, bago naisagawa ni Markow ang mga ordenansa, tumanggap siya ng pagtawag ng korte. Sa halip na ipagsapalaran ang pagkabilanggo o isa pang pagpapalayas, nagpasiya siyang lisanin ang bansa. Matapos makipag-usap kay Lyman, nagtungo si Markow sa Turkey, nangangaral habang siya ay naglalakbay.7 Bumalik siya sa Utah noong 1905, kung saan siya nagtrabaho bilang isang barbero hanggang sa siya ay namatay noong 1934.8

Mga Kaugnay na Paksa: Pag-unlad ng Gawaing Misyonero, Turkish Mission

  1. Tingnan sa “Facts and Statistics: Europe,” Newsroom, mormonnewsroom.org/facts-and-statistics.

  2. Kahlile B. Mehr, Mormon Missionaries Enter Eastern Europe (Provo, Utah: Brigham Young University Press, 2002), 5–8.

  3. Sa Belgium, nagturo si Markow at kalaunan ay bininyagan ang pamilya Esselmann; pagkatapos ay nandayuhan siya patungo sa Utah noong 1892. Tingnan sa Matthew K. Heiss, “Wherever I Went, I Preached the Gospel,” sa Richard E. Turley Jr., pat., Behold, There Shall Be a Record Kept among You: Collections of the Church History Library of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (Salt Lake City: Church History Library, 2009), 56; Mehr, Mormon Missionaries Enter Eastern Europe, 352–56.

  4. Sa Utah, pinakasalan ni Markow si Jonetha “Nettie” Hansen at nagkaroon ng tatlong anak.

  5. Mehr, Mormon Missionaries Enter Eastern Europe, 9, 358–64.

  6. Mehr, Mormon Missionaries Enter Eastern Europe, 9–10.

  7. Tingnan sa Paksa: Turkish Mission. Mehr, Mormon Missionaries Enter Eastern Europe, 32–34.

  8. Mehr, Mormon Missionaries Enter Eastern Europe, 346.