“Nauvoo Temple,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Nauvoo Temple”
Nauvoo Temple
Nanirahan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Commerce (na kalaunan ay naging Nauvoo), Illinois, noong 1839 matapos paalisin sa Missouri. Ang kanilang sinapit na pagpapaalis ay humadlang sa kanila para tapusin ang tatlong templo na nakaplanong itayo sa Missouri ngunit hindi nito pinahina ang kanilang loob na bumuo ng isang lungsod na nakatuon sa templo.1 Ang lupa para sa bagong templo sa Nauvoo ay binili noong 1840. Mabagal ang naging konstruksiyon sa loob ng mahigit limang taon, at nang lisanin ng karamihan ng mga Banal ang Illinois noong 1846, naitayo na nila ang isang maringal na templo, at ang malaking bahagi ay sa pamamagitan ng inilaang paggawa at kabuhayan.
Sa kumperensya ng Simbahan noong Oktubre 1840, isang komite ang napili para pangasiwaan ang pagtatayo, at ibinalita ni Joseph Smith na ang templo ay itatayo sa pamamagitan ng ikapu ng mga miyembro. Ang kalalakihang may malalakas na pangangatawan na nasa loob at malapit sa Nauvoo ay hinilingang mag-ambag ng kanilang paggawa para kumuha ng mga bato sa kalapit na tibagan ng bato at hatakin ito papunta sa pinagtatayuan ng templo. Maraming nagbigay ng mga kagamitan o pagkaing donasyon sa templo, at ang mga miyembro na nakatira sa mas malalayong lugar ay hinilingang mag-ambag ng pera. Malaki ang naiambag ng kababaihan sa pondong pera sa pamamagitan ng paglahok sa penny fund o paglikom ng pondo gamit ang sentimo. Ang magagaling na mason at karpintero ay binabayaran upang gawin ang pantapos na mga trabaho at binabayaran sa pamamagitan ng mga donasyong pera o pagkain.2
Kasabay ng pagtatayo ng templo, nakatanggap ng paghahayag si Joseph Smith at ipinakilala ang mga bagong katuruan na bumago sa mismong layunin ng mga templo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ipinakilala ni Joseph ang mga binyag alang-alang sa mga patay, walang-hanggang kasal, at ang ritwal na tinatawag na endowment, at itinuro niya na ang lahat ng ito ay dapat isagawa sa loob ng templo. Kaya, bukod sa pagiging isang lugar ng pampublikong pagsamba, ang Nauvoo Temple ay dinisenyo upang pagdausan ng mga sagradong ordenansa. Halimbawa, ang bautismuhan na nakapatong sa likod ng 12 kahoy na baka ay inilagay sa basement para sa mga pagbibinyag. Ang labas ng templo na dinisenyo ni William Weeks sa pakikipagtulungan kay Joseph Smith, ay nagtampok ng mga kakaibang paglilok ng mga araw, bituin, at buwan, na sumisimbolo sa mga turo at paghahayag ni Joseph Smith na may kaugnayan sa templo.3
Ang ambisyosong proyekto ng pagtatayo ay nangailangan din ng pag-aakma ng organisasyon at mga patakaran ng Simbahan na napatunayan nang tumatagal. Ang mga unang ward sa Simbahan ay nilikha bilang paraan ng paghimok ng pantay na pagkakabaha-bahagi ng mga ikapung manggagawa sa templo: may sampung ward noon sa Nauvoo, at ang mga lalaki sa bawat ward ay nagbigay ng isa sa bawat sampung araw na paggawa sa konstruksiyon. Nasimulan nang bahagya ang Relief Society sa pagsisikap na iorganisa ang mga babae sa pagtulong sa pagtatayo ng templo. Nagsimula rin sa Nauvoo ang pagbabayad ng ikapu bilang kailangan para makapasok sa templo para hikayatin ang mga Banal na magbayad ng kanilang ikapu bilang bahagi ng pagiging karapat-dapat sa paggamit ng bautismuhan o pagtanggap ng endowment sa templo.4
Noong taglagas ng 1845, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay naharap sa panliligalig at matinding pamimilit na lisanin ang Illinois, ngunit sila ay determinadong tapusin ang templo upang matanggap ng mga marapat na Banal ang mga ordenansa sa templo bago magpunta sa Kanluran. Nagmadali silang tapusin ang templo at inilaan ang attic o silid sa itaas noong Disyembre 1845 para sa pagsasagawa ng mga pagbubuklod ng kasal at endowment. Sa unang bahagi ng Pebrero 1846, mahigit 6,000 mga Banal sa mga Huling Araw ang pumasok sa templo at tumanggap ng ipinangakong endowment.5 Karamihan sa mga Banal ay nagsalita nang may mapitagang pagkamangha at nadamang nasuklian ang kanilang mga sakripisyo para maitayo ang templo. “Kung hindi sa pananampalataya at kaalamang ipinagkaloob sa amin sa Templong iyon,” giit ni Sarah Pea Rich, ang paglalakbay sa Great Plains “marahil ay parang paglundag ng isang tao sa kadiliman.”6
Bagaman ang ilang bahagi ng templo ay hindi natapos, ang buong templo ay inilaan noong Mayo 1, 1846. Pinilit na lisanin ang templo, ang mga lider ng Simbahan ay nagpasiya na ipagbili ito upang makatulong na tustusan ang paglipat ng Simbahan sa Great Basin ngunit hindi nila ito nagawa.7 Ang templo ay sinunog ng isang manununog na hindi nakilala noong 1848, at karamihan ng malalaking istrukturang yari sa bato ay binuwag ng isang ipu-ipo noong 1850. Noong 1999, ibinalita ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ang Nauvoo Illinois Temple ay muling itatayo sa parehong lugar kung saan itinayo ang orihinal na gusali. Masusing sinaliksik ng Simbahan ang mga guhit at larawan ng orihinal na templo upang magaya ang panlabas na disenyo, at ang loob ay iniangkop sa mga pangangailangan ng pagsamba sa mga makabagong templo. Ang muling itinayong templo ay inilaan noong Hulyo 2002.8
Mga Kaugnay na Paksa: Kirtland Temple, Temple Endowment, Nauvoo (Commerce), Illinois, Binyag para sa Patay