Kasaysayan ng Simbahan
Punong Tanggapan ng Simbahan


“Punong Tanggapan ng Simbahan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan (2022)

“Punong Tanggapan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

Punong Tanggapan ng Simbahan

Noong 1833, ginawa ni Joseph Smith at ng Unang Panguluhan ang disenyo para sa Lunsod ng Sion, ang lunsod kung saan magtitipon ang mga Banal sa mga Huling Araw bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Ang lunsod na ito ay itatayo na nakapalibot sa 24 na templo. Ipinaliwanag sa disenyo na gagamitin ang mga istrukturang ito para sa pagsamba ng kongregasyon, pangangasiwa sa Simbahan, at edukasyon at maglalaan ng espasyo para sa iba’t ibang korum at organisasyon sa loob ng Simbahan. Ang lunsod at mga templo nito ay hindi kailanman naitayo ngunit nanatiling naunang huwaran para sa isang punong tanggapan ng Simbahan.1

Sa pagitan ng 1830 at 1847, bilang unang dalawang pangulo ng Simbahan, sina Joseph Smith at Brigham Young, ay nagpalipat-lipat sa iba’t ibang lugar, at ang mga lunsod kung saan sila nanirahan ang nagsilbing mga punong tanggapan ng Simbahan. Sa pagdating ng mga Banal sa Lambak ng Salt Lake, ipinlano ang pagtatayo ng templo, at hindi nagtagal ay nagtayo si Brigham Young ng isang opisina para sa Pangulo ng Simbahan na katabi ng kanyang tahanan sa Lunsod ng Salt Lake, isang kanto ang layo sa silangang bahagi ng kinatatayuan ng templo.2

Sa paglipas ng mga taon, ang lugar na nakapalibot sa temple block ay nagsilbing punong tanggapan ng Simbahan, na pinalawak upang matugunan ang mga pangangailangan ng lumalaking pandaigdigang organisasyon. Ang ilang blokeng ito sa Lunsod ng Salt Lake ay naging lugar ng pagsamba, pangangasiwa, edukasyon, mga pampublikong kaganapan, at iba pang mga layunin. Makikita sa sumusunod na mga mapa ang lugar na nakapalibot sa Temple Square sa loob ng tatlong kaganapan sa kasaysayan nito. Makikita sa kalakip na mga larawan ang marami sa mga kilalang gusali.

Mula Kalagitnaan hanggang sa Huling Bahagi ng Ika-19 na Siglo

1867 na mapa ng punong tanggapan ng Simbahan
pundasyon ng Salt Lake Temple

1. Ang Lugar na Pagtatayuan ng Salt Lake Temple

Lugar na Pagtatayuan ng Salt Lake Temple. Isang dekada matapos dumating ang mga Banal sa Lambak ng Salt Lake, pumili si Brigham Young ng lugar na pagtatayuan ng templo. Nagsimula ang pagtatayo noong Pebrero 1853, at ang templo ay natapos at inilaan noong 1893.

Lumang Tabernakulo

2. Lumang Tabernakulo

Ang unang pangunahing istrukturang itinayo sa Temple Square site ay ang orihinal na Tabernakulo, na tinawag kalaunan na “Old Tabernacle [Lumang Tabernakulo]” dahil nauna ito sa kalapit na modernong Tabernakulo. Itinayo ito sa pagitan ng 1851 at 1852 kung saan nakatayo na ngayon ang Assembly Hall. Ang arkitektong si Truman O. Angell ang nagdisenyo ng Lumang Tabernakulo na may mababang pader na yari sa adobe, bubong na may kabalyete, at sahig na mas mababa sa lebel ng lupa. Humigit-kumulang na 2,500 katao ang maaaring magkasya sa gusali.

Salt Lake Tabernacle

3. Tabernakulo

Ang mga batong panulok para sa bagong Tabernakulo na ipapalit sa Lumang Tabernakulo ay inilagay noong Hulyo 1864. Idinisenyo ni William H. Folsom ang gusali, pinamahalaan ni Henry Grow ang pagtatayo nito, at idinisenyo ni Truman O. Angell ang balkonahe matapos makumpleto ang gusali. Ang Tabernakulo ay nagdaos ng mga regular na pulong simula noong 1867 at inilaan noong Oktubre 1875.

Endowment House

4. Endowment House

Ang Endowment House ay inilaan noong Mayo 5, 1855, ni Heber C. Kimball para sa mga endowment para sa mga buhay. Pinangalanan ito ni Brigham Young na Bahay ng Panginoon at itinuring ito bilang pansamantalang templo. Sa loob ng 34 na taon, habang itinatayo na ang iba pang mga templo, ang Endowment House ay ginamit ng libu-libong Banal sa mga Huling Araw. Itinigil ang paggamit nito at giniba noong 1889.

Council House

5. Council House

Ang Council House ay nagsilbing punong tanggapan ng Teritoryo ng Utah noong dekada ng 1850 at nagsilbing gusali ng pangangasiwa para sa Simbahan sa pagitan ng 1850 at 1883. Huling ginamit ito noong 1888 bago ito giniba. Mahigit 2,000 Banal sa mga Huling Araw ang tumanggap ng endowment sa itaas na palapag ng gusali sa pagitan ng 1851 at 1855.

Deseret News Building

6. Deseret News Building

Ang Deseret News Building ay unang itinayo noong 1870 sa lugar ng kasalukuyang kinatatayuan ng Joseph Smith Memorial Building. Matatagpuan doon ang newsroom, mga opisina, at palimbagan ng Deseret News, ang pinakaunang pahayagan sa Utah. Ang unang broadcast ng Simbahan ay isinahimpapawid noong 1922 mula sa isang kubol na yari sa yero at transmitter ng radyo na ikinabit sa bubong ng gusaling ito.

Bishops’ Storehouse

7. Bishops’ Storehouse at Tithing Yard

Ang Bishops’ Storehouse at Tithing Yard ay nagsilbing sentro para sa nakolektang ikapu, na noong panahong iyon ay mga bunga ng pananim ang karaniwang donasyong ibinibigay ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ilang karagdagan pa ang ginawa sa pagitan ng 1860 at 1902, kabilang na ang pabahay para sa mga hikahos na nandarayuhan. Pagkaraan ng 1909, ang mga istrukturang ito ay ginawang mga kampus para sa Latter-day Saints University.

Beehive House, Lion House, at mga Administrative Office

8. Beehive House, Lion House, at mga Administrative Office

Ang Beehive House ay unang itinayo noong 1855 bilang pangunahing tirahan ni Brigham Young sa Lunsod ng Salt Lake at nagsilbing tahanan ng Pangulo ng Simbahan mula 1898 hanggang 1918. Sa pagitan ng 1920 at 1959, ginamit ito ng Young Women’s Mutual Improvement Association bilang dormitoryo para sa mga kabataang babae, at noong 1961 ay ginawa itong isang museo. Ang Lion House ay itinayo noong 1856 bilang tahanan ng mga asawa ni Brigham Young at kalaunan ay ginamit para sa pangangasiwa, edukasyon, at mga dormitoryo. Ang mga Administrative Office, o mga President’s Office, ay ginamit ng mga lider at empleyado ng Simbahan mula 1853 hanggang 1917.

Mula Una hanggang Kalagitnaan ng Ika-20 Siglo

1925 na mapa ng punong tanggapan ng Simbahan
Assembly Hall

9. Assembly Hall

Ang pagtatayo ng Assembly Hall ay sinimulan noong 1877 bilang tabernakulo para sa Salt Lake Stake. Nang matapos ito noong 1882, nagsilbi itong lugar ng pagtitipon para sa Simbahan, mga kaganapan sa lipunan, at edukasyon.

Temple Annex

10. Temple Annex

Ang Temple Annex ay itinayo noong 1893 para may lugar na paghihintayan ang mga temple patron. Noong dekada ng 1960, ang iba’t ibang bahagi nito ay pinalitan ng bagong istruktura ng annex.

Deseret Museum

11. Bureau of Information at Deseret Museum

Ang Bureau of Information ay itinayo noong 1904 para sa mga turistang bumibisita sa Temple Square. Pinalawak ito para maisama ang Deseret Museum at pinalitan ng South Visitors’ Center noong 1978.

Salt Lake Academy

12. Salt Lake Academy

Orihinal na itinatag bilang Salt Lake Academy noong 1886, ang Latter-day Saints College—na kalaunan ay Latter-day Saints University—ay inilipat sa iba’t ibang lugar hanggang sa mamalagi na sa Temple Square campus noong 1901. Nang inilipat ng lugar ang institusyon noong dekada ng 1930 at pinangalanang LDS Business College, ginamit ng Simbahan ang mga silid bilang mga opisina. Ang mga gusaling ito ay giniba noong 1962 upang may mapagtayuan ang Church Office Building.

Bishop’s Building

13. Bishop’s Building

Ang Bishop’s Building ay ginawang opisina para sa Presiding Bishop, Relief Society General Presidency, at iba pang mga lider ng Simbahan mula 1910 hanggang 1962.

Deseret Gymnasium

14. Deseret Gymnasium

Ang Deseret Gymnasium ay naglaan ng mga pasilidad na panlibangan mula 1910 hanggang 1962.

Hotel Utah

15. Hotel Utah

Ang Hotel Utah ay itinayo sa bakuran ng Tithing Yard noong 1911 at nagsilbing pangunahing hotel ng Lunsod ng Salt Lake noong dekada ng 1980. Noong 1993, maraming bahagi ng gusali ang ginawang administrative office ng Simbahan at pinangalanang Joseph Smith Memorial Building. Marami sa mga restawran at kainan nito ang ginawang mga venue ng komunidad.

Church Administration Building

16. Church Administration Building

Ang Church Administration Building ay itinayo noong 1917 kung saan matatagpuan ang mga opisina ng Pangulo ng Simbahan at iba pang mga senior leader. Yari ito sa granite na katulad ng ginamit sa Salt Lake Temple at Conference Center.

Missionary Home

17. Missionary Home

Ang Missionary Home ay may kapasidad na tumanggap ng isandaang missionary para sa isang linggong orientation at training program. Isinara ito noong dekada ng 1960 nang madagdagan ang bilang ng language training para sa mga misssionary sa mga unibersidad na inisponsor ng Simbahan.

Unang bahagi ng Ika-21 Siglo

mapa ng punong tanggapan ng Simbahan noong unang bahagi ng ika-21 siglo
Joseph Smith Memorial Building

15. Joseph Smith Memorial Building

Inayos ng Simbahan ang Hotel Utah para gawing Joseph Smith Memorial Building, isang gusaling pang-opisina na may mga pasilidad para sa mga bisita at turista, kabilang na ang mga bulwagan para sa pagtanggap sa mga bisita, kainan, at sinehan.

Relief Society Building

18. Relief Society Building

Ang Relief Society Building ay itinayo noong 1956 para gawing opisina ng mga auxiliary organization, at noong dekada ng 1970 sinuportahan nito ang isang resource center para sa kababaihan sa iba’t ibang panig ng mundo. Patuloy na ginamit ng mga General Relief Society, Young Women, at Primary Presidency ang gusali hanggang noong ika-21 siglo.

Church Office Building

19. Church Office Building

Ang 28-palapag na Church Office Building ay itinayo noong 1972 at inilaan noong 1975 bilang pagsuporta sa lumalaking bilang ng mga departamento at kawani ng Simbahan.

Conference Center

20. Conference Center

Matapos ang paglalaan nito noong 2000, pinalitan ng Conference Center ang Salt Lake Tabernacle bilang pangunahing lugar para sa pangkalahatang kumperensya. Sa loob ng ilang panahon, sinuportahan nito ang pinakamalaking hugis-pamaypay na indoor auditorium sa mundo, na kasya ang mahigit 21,000 katao.

Church History Museum

21. Church History Museum

Orihinal na itinayo bilang Museum of Church History and Art noong 1984, ang Church History Museum ay nag-iingat at nag-eeksibit ng mga di-pangkaraniwan at orihinal na mga artifact at artwork ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Family History Library

22. Family History Library

Itinayo noong 1985, ang Family History Library ay naglalaan ng genealogical research services at mga rekord para sa publiko.

Mga Kaugnay na Paksa: Lambak ng Salt Lake, Salt Lake Temple, Endowment House, Public Relations, Broadcast Media