Kasaysayan ng Simbahan
Mga Makasaysayang Lugar ng Simbahan


Mga Makasaysayang Lugar ng Simbahan

Simula noong mga unang taon ng ika-20 siglo, binili at inayos ng Simbahan ang ilan sa pinakamahahalagang lugar ng Panunumbalik. Ang layunin ng Simbahan sa pangangalaga at pamamahala ng mga lugar na ito ay upang saksihan ang mga pangyayari sa Panunumbalik, ang mga pagpapala ng Diyos sa Kanyang mga tao, at ang katapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw na nagsakripisyo upang itayo ang kaharian ng Diyos. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ngayon ay bumibisita sa mga makasaysayang lugar nang personal at maging sa pamamagitan ng internet upang maranasan ang mga lugar na nauugnay kay Propetang Joseph Smith at sa naunang kasaysayan ng Simbahan.

Noong 1902, nagtatag ang Unang Panguluhan ng Departamento ng Impormasyon [Bureau of Information] sa Temple Square—ang makasaysayang lugar na pinakakilala at pinakamadalas bisitahin. Ang mga lokal na misyonero ang naging gabay sa paglilibot sa lugar, at maraming bisita ang pumunta upang malaman ang tungkol sa mga gusali at sa Simbahan. Nagtagumpay nang lubos ang pagsisikap kaya noong 1905, habang papalapit ang sentenaryo ng pagsilang kay Joseph Smith, pinahintulutan ng Unang Panguluhan ang pagbili ng sakahan kung saan isinilang si Joseph sa Sharon, Vermont. Bagama’t una nang nabili ng Simbahan ang sementeryo ng mga pioneer sa Mount Pisgah, Iowa, noong 1886; ang Piitan ng Carthage sa Illinois noong 1903; at bahagi ng lote ng templo sa Independence, Missouri, noong 1904, ang Lugar ng Kapanganakan ni Joseph Smith ang unang lugar na sadyang binuo bilang isang lugar ng pag-aaral, ng inspirasyon, at isang banal na lugar na bibisitahin ng mga nananampalataya.1 Pinasimulan ng desisyon ng Unang Panguluhan ang magiging network ng mahigit dalawang dosenang makasaysayang lugar sa Estados Unidos.2

pundasyon ng gusali

Pundasyon ng lugar ng kapanganakan ni Joseph Smith sa Sharon, Vermont nang bilhin ng mga lider ng Simbahan ang ari-arian noong 1905.

Noong sumunod na ilang dekada, bumili ang Simbahan ng mga karagdagang makasaysayang lugar, kabilang na ang Sagradong Kakahuyan noong 1907, ang lugar na pagtatayuan sana noon ng Far West Temple noong 1909, ang Burol ng Cumorah noong 1923 at 1928, ang Sakahan ng mga Whitmer noong 1926, maraming ari-arian sa Nauvoo simula noong 1937, at ang lugar ng Piitan ng Liberty noong 1939.3

Pinaupa ng Simbahan ang ilan sa mga ari-ariang ito sa mga nangungupahan. Sa iba pang mga ari-arian, nagtalaga ang mga lider ng Simbahan ng mga mag-asawa na maglilingkod bilang mga magsasaka at tagapag-alaga. Sa dalawang sitwasyong ito, kung minsan ay kumakatok ang mga tao sa mga pintuan at humihiling na magabayan sa paglilibot.4 Partikular na interesado ang mga bisita sa Piitan ng Carthage. Noong 1939, sa panghihimok ni Bryant S. Hinckley, ang Northern States Mission president, bahagyang naibalik ng Simbahan ang bilangguan sa makasaysayang hitsura nito at tumawag ng isang mag-asawang missionary na magiging gabay sa paglilibot sa lugar, na siyang bumuo ng pamamarisan para sa iba pang mga makasaysayang lugar.5

labas ng Piitan ng Carthage

Labas ng Piitan ng Carthage, Carthage, Illinois.

Simula noong dekada ng 1960, nagtuon ang Simbahan sa muling pagtatayo ng mga istruktura at pag-aayos ng mga tanawin ayon sa orihinal nitong anyo noon, na naimpluwensyahan ng mga kalakaran sa pag-iingat ng kasaysayan sa Estados Unidos.6 Ang mga lugar tulad ng frame house na itinayo ng pamilya nina Joseph at Lucy Mack Smith sa kanilang sakahan sa New York ay maingat na ibinalik sa dati nitong anyo at nalagyan ng muwebles. Ang mga nawawalang katangian, tulad ng naunang bahay na yari sa troso ng mga Smith, ay muling itinayo sa ibabaw ng mga pundasyon ng mga orihinal. Ang ipinanumbalik at muling itinayong mga gusali, na itinayo sa mga makasaysayang tanawin, ay tumutulong sa mga bisita na mas lubos na maisip ang mga pinakaunang pangyayari sa Panunumbalik. Sa ilang lugar, lalo na kung saan nawawala ang orihinal na istruktura o kung saan ang tanawin ang pangunahing katangian ng makasaysayang lugar, ang mga kuwento ay pangunahing isinasalaysay sa pamamagitan ng mga bantayog, pelikula, at eksibit.

Ang mga naunang gusali ng Simbahan, kabilang na ang mga templo, tabernakulo, at chapel, ay mahahalagang makasaysayang lugar din, kung saan karamihan ay nananatiling aktibong ginagamit ng mga miyembro at kongregasyon ng Simbahan. Mangyari pa, daan-daang iba pang mga lugar ang mahalaga sa kasaysayan ng Simbahan sa buong mundo. Marami sa mga lugar na ito ay nagtatampok ng mga makasaysayang palatandaan na itinalaga ng mga pamahalaan, pamilya, mga samahang nag-iingat ng kasaysayan, o ng Simbahan mismo. Ang iba ay inayos upang gamitin sa ibang layunin ngunit naaalala pa rin ang mga ito ng mga lokal na Banal.

Mga Kaugnay na Paksa: Piitan ng Liberty, Palmyra at Manchester, Sagradong Kakahuyan at Sakahan ng Pamilyang Smith

Mga Tala

  1. Tingnan sa Proceedings at the Dedication of the Joseph Smith Memorial Monument at Sharon, Windsor County, Vermont, December 23rd, 1905 (Salt Lake City, 1906).

  2. Jennifer L. Lund, “Joseph F. Smith and the Origins of the Church Historic Sites Program,” sa Craig K. Manscill, Brian D. Reeves, Guy L. Dorius, at J. B. Haws, mga pat., Joseph F. Smith: Reflections on the Man and His Times (Provo: Religious Studies Center, 2013), 345–52.

  3. Lund, “Origins of the Church Historic Sites Program,” 352; Larry C. Porter, “Central New York,” sa Larry C. Porter, pat., New York and Pennsylvania, tomo 2 ng LaMar C. Berrett, pat., Sacred Places: A Comprehensive Guide to Early LDS Historical Sites (Salt Lake City: Deseret Book, 2000), 140; Larry C. Porter, “Western New York,” sa Porter, pat., New York and Pennsylvania, 158; Max H Parkin, pat., Missouri, tomo 4 ng LaMar C. Berrett, pat., Sacred Places: A Comprehensive Guide to Early LDS Historical Sites (Salt Lake City: Deseret Book, 2004), 225; Benjamin C. Pykles, Excavating Nauvoo: The Mormons and the Rise of Historical Archaeology in America (Lincoln: University of Nebraska Press, 2010), 27.

  4. Lund, “Origins of the Church Historic Sites Program,” 354.

  5. Scott C. Esplin, “Dark Tourism: Healing at Historic Carthage Jail,” Journal of Mormon History, tomo 46, blg. 1 (Ene. 2020), 101.

  6. Pykles, Excavating Nauvoo, 71–128.