“Anghel Moroni,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Anghel Moroni”
Anghel Moroni
Noong 1823, isang anghel na nagngangalang Moroni ang nagpakita kay Joseph Smith at sinabi sa kanya na may isang sinaunang talaang nakaukit sa mga lamina, na nakabaon sa isang burol malapit sa kanyang tahanan. Si Moroni, ang huling sinaunang tagapag-ingat ng talaan na nagsulat ng kanyang mga turo tungkol sa mga lamina, ay nagpakita kay Joseph sa ilang pagkakataon sa pagitan ng 1823 at 1829, ginagabayan at tinuturuan si Joseph noong kinuha niya ang mga lamina at isinalin ang mga ito. Bagama’t may ibang gumawa ng mga imahinatibo o kagila-gilalas na tala ng mga pagbisita ng anghel, ang mga tala ni Joseph Smith ay simple, mahinahon, at hindi pabagu-bago. Ang paghahanda ni Joseph na maging isang propeta ay nagsimula sa kanyang Unang Pangitain, subalit karaniwang sinasabi ng mga nauna niyang tagasunod na ang pagdalaw ni Moroni ang nagpasimula sa paghirang kay Joseph.1
Ang pagpapakita ng anghel ay ang una sa mga pangitaing naranasan ni Joseph Smith na lumitaw sa mga pangkasaysayang sanggunian. Sinabi sa paghahayag noong 1830 na isang anghel na may “anyong [tulad sa] kidlat” ang nagpakita kay Joseph at “binigyan siya ng kapangyarihan . . . na dapat niyang isalin ang isang aklat.”2 Isinasalaysay ng kasaysayan ni Joseph noong 1832 na ang Panginoon ay “nagpakita sa akin ng isang makalangit na pangitain kung saan ang isang anghel ng Panginoon ay dumating at tumayo sa harapan ko.”3 Ang mga ito at ang iba pang naunang mga tala ay tinukoy ang sugong ito bilang “ang anghel.”4 Noong 1835, kinilala ni Joseph ang anghel bilang ang tauhan sa Aklat ni Mormon na si Moroni sa isang paghahayag na inilathala sa Doktrina at mga Tipan.5 Ang kanyang pinakamalinaw na pahayag tungkol sa pagkakakilanlan ng anghel ay makikita sa isang liham sa mga Banal noong 1842: “At muli, ano ang ating naririnig? Masasayang balita mula sa Cumorah! Si Moroni, isang anghel mula sa langit, ay ipinahahayag ang katuparan ng mga propeta—ang aklat na ipahahayag.”6
Ang mga salaysay na ito ay hindi nag-iwan ng anumang kalabuan tungkol sa katauhan ng anghel, kundi isang mahalagang dokumento ang nagpakumplikado sa nangyari. Ang pinakaunang manuskrito ng nakanonisang tala ng mga pagbisita ni Moroni (Joseph Smith—History 1:30–53) ay tumutukoy sa anghel bilang si “Nephi.”7 Ang sangguniang ito ay maaaring nagmula sa klerk ni Joseph Smith na si James Mulholland, na nagsimula noong 1839 upang pagsamahin ang iba’t ibang mga manuskrito ng kasaysayan ni Joseph Smith sa iisang salaysay. Ipinapakita ng mga katibayan na hindi nagsulat si Mulholland mula sa pagdidikta ni Joseph Smith at sa halip ay nagsulat mula sa mga sanggunian na kanyang magagamit na hindi na wala na ngayon. Maaaring madaling nalito si Mulholland tungkol sa pagkakakilanlan ng anghel dahil marami sa mga naunang tala ni Joseph bago ang draft ni Mulholland ay hindi binanggit ang pangalan ng anghel.
Ang mga naunang nailathalang bersyon ng kasaysayan ni Joseph Smith, pati na rin ang iba pang mga tala na nagbabanggit sa isang anghel na “Nephi,” ay bumatay lahat sa draft ni Mulholland. Bunga nito, kapwa ang “Nephi” at “Moroni” ay makikita sa mga publikasyon noong mga dekada ng 1840 at 1860. Naghinala si Brigham Young na ang kasaysayan ay may pagkakamaling klerikal at inatasan ang mga mananalaysay o historian ng Simbahan na saliksikin ang isyu. Matapos repasuhin ang iba pang mga salaysay ni Joseph Smith tungkol sa anghel, napagtibay nila na ang pangalang “Nephi” ay dapat palitan ng “Moroni” at sumulat ng pagwawasto sa mismong manuskrito ni Mulholland.8 Walang katibayan na nagsasaad na tinawag ni Joseph Smith ang anghel bilang “Nephi.”
Ang pagpapakita ni Moroni ay sumasagisag sa Pagpapanumbalik, at ngayon ang mga estatwa ng anghel na si Moroni ay makikita sa tuktok ng karamihan sa mga templo ng mga Banal sa Huling Araw. Mayroon nang ganitong mga estatwa noong 1892, nang mahigit sa 50,000 mga Banal ang nagtipon upang saksihan ang paglalagay ng capstone o batong pinakaibabaw sa Salt Lake Temple. Sa loob ng seremonya, pinindot ni Pangulong Wilford Woodruff ang isang pindutang de kuryente, at isang makina ang nagbaba ng granitong capstone sa lugar nito. Kalaunan noong araw ring iyon, ikinabit ng mga manggagawa ang isang itinubog sa ginto na tansong estatwa ng anghel sa pinakamataas na tore. Bagama‘t tinukoy ng ilan ang anghel bilang si Gabriel at ng iba bilang “ang [anghel na lumilipad] sa gitna ng langit,” na binanggit sa Apocalipsis 14:6, halos lahat ng Banal sa mga Huling Araw mula noong seremonya ng paglalagay ng capstone o pinakaibabaw na bato ay kinilala ang estatwa bilang ang anghel na si Moroni.9
Mga kaugnay na paksa: Pagsasalin ng Aklat ni Mormon, Mga Laminang Ginto