“Mga Sacrament Meeting,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Mga Sacrament Meeting”
Mga Sacrament Meeting
Nang maorganisa ang Simbahan noong 1830, isang paghahayag ang nag-atas kay Joseph Smith na “ang simbahan ay magtipon nang madalas upang makakain ng tinapay at makainom ng alak sa pag-alaala sa Panginoong Jesus” at nagbigay din iyon ang tungkulin ng mga elder at priest na mangasiwa ng sakramento tulad ng inilarawan sa Aklat ni Mormon.1 Ayon dito, ang sakramento ay inilaan sa pulong ng pagkakatatag ng Simbahan noong Abril 6, 1830—Martes—sa tahanan ni Peter Whitmer Sr. sa Fayette Township, New York.2
Hindi malinaw noong panahong iyon kung saan o kung gaano kadalas dapat magtipun-tipon ang mga Banal sa mga Huling Araw, ni hindi malinaw kung kailan at kung paano nila dapat pangasiwaan ang sakramento. Mula noong unang pulong na iyon, ang mga paraan sa kung paano tumupad ang mga Banal sa mga Huling Araw sa kautusan na magtipun-tipon upang tumanggap ng sakramento ay nagkakaiba ayon sa kanilang sitwasyon at patnubay ng mga lider ng Simbahan.
Mga Lingguhang Pulong
Bagamat karamihan sa mga Amerikanong Protestante noong ika-19 na siglo ay pinahahalagahan ang araw ng Sabbath, hindi lahat ay nagsisimba. Ang ilang mga sekta ng relihiyon, tulad ng mga Presbyterian at Congregationalist, ay karaniwang nagpupulong tuwing Linggo sa mga kapilya. Ang iba pa, tulad ng mga Methodist, Baptist, o yaong mga nanatiling walang kaugnayan sa isang partikular na sekta, ay madalas sumamba nang impormal sa mga sarili nilang tahanan, dumadalo sa mga maliliit na pulong ng grupo, o nakikibahagi sa malalaking panlabas na revival kapag nagaganap ang mga ito.3
Ang mga pinakaunang Banal ay walang mga kapilya, kaya nagtitipon sila upang sumamba, mangaral, at umawit kapag at kung saan maaari. Noong una, hindi nila pinangangasiwaan ang sakramento kada linggo, ngunit ginagawa sa ilang pagkakataon tulad sa mga kumperensya ng Simbahan tuwing ikatlong buwan at sa pagpapatibay na pagpupulong ng Simbahan. Unang binaggit sa mga tala ng mga Banal sa mga Huling Araw ang lingguhang pagsasagawa ng sakramento noong Agosto 1831 nang isang paghahayag ang nagturo sa mga Banal “na kung kaninong mga paa ay nakatindig sa lupain ng Sion”—nangangahulugang Independence, Missouri—ay dapat “magtungo sa palanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw.”4 Habang inaasam ang pagtatayo ng isang bahay ng pagsamba, gayunman, patuloy sila sa pagpupulong sa maliliit na grupo kapag pinahihintulutan ng pagkakataon.5
Sa pagtatapos ng Kirtland Temple noong 1836, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay naghahandog ng sakramento kada linggo. Nagaganap ito sa dalawang pulong sa araw ng Linggo na bukas para sa buong komunidad—isa bago mananghalian at isa pagkatapos ng tanghalian sa hapon.6 Sa Nauvoo, nagsasama-sama ang mga Banal sa mga pagtitipon sa lunsod sa araw ng Sabbath, na madalas ay dinadaluhan ng ilang libong mga Banal.7 Sa mga mas maliliit na branch, ang mga misyonero at miyembro ay palagiang nagtitipon sa mga tahanan para sa mga pulong ng panalangin, pangangaral sa mga pulong, at makibahagi sa sakramento. Ang mga miting na ito ay madalas na ginanap sa araw ng Sabbath ngunit kung minsan ay ginaganap din sa ibang araw.8
Habang nagbabago ang mga sitwasyon, iniayon ng mga Banal ang kanilang estilo ng serbisyo ng pagsamba. Ang mga meetinghouse na itinayo sa Utah noong panahon ni Brigham Young ay hindi kayang ipagkasya ang lahat nang sabay-sabay. Ang mga nasa hustong gulang ay karaniwang nagtitipon sa mga gusaling ito tuwing Linggo; ang mga kabataan at bata ay madalas makibahagi sa sakramento sa mga auxiliary meeting sa ibang araw. Sa malaking bahagi ng ika-19 na siglo, ang mga pulong sa pag-aayuno at pagpapatotoo (fast and testimony meeting) ay idinaraos sa unang Huwebes ng bawat buwan. Sa pagdami ng mga itinatayong meetinghouse at ang laki ng mga ward ay binago upang tumugma sa kapasidad ng mga meetinghouse, nagagawa ng mga Banal sa lahat ng edad na magpulong bawat Linggo.9
Noong 1980, upang mabawasan ang oras ng paglalakbay ng mga miyembro, pinagsama ng mga lider ng Simbahan ang sakramento, Sunday School, at korum at auxiliary meeting ng bawat ward sa isang tatlong-oras na programa sa araw ng Sabbath. Kung hinihingi ng mga pagkakataon, ang mga pulong na ito sa Sabbath ay itinakda sa ibang araw sa halip na araw ng Linggo. Halimbawa, ang Simbahan ay ipinagdiriwang ang Sabbath sa Biyernes o Sabado sa Gitnang Silangan at nagdaraos ng mga miting ng branch sa iba’t ibang araw ng linggo sa Hong Kong upang magbigay ng pagkakataon sa mga banyagang manggagawa na makibahagi sa mga sacrament service.10
Ang Sakramento
Noong umalis si Joseph upang bumili ng alak na magagamit sa pangangasiwa ng sakramento sa isang pulong noong Agosto 1830, nagpakita sa kanya ang isang sugo mula sa langit at inatasan siyang gamitin lamang ang alak na lokal na ginawa ng mga miyembro ng Simbahan para sa sakramento.11 Itinuro pa ng Panginoon sa paghahayag na ito na “hindi mahalaga kung anuman ang inyong kainin o kung anuman ang inyong inumin kapag kayo ay tumatanggap ng sakramento, kung ito ay gagawin ninyo na ang mga mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian.”12 Bilang pagsunod sa paghahayag na ito, ang mga naunang Banal ay gumamit ng alak na ginawa nila para sa ordenansa: halimbawa, si Elizabeth Ann Whitney, ang asawa ng bishop na si Newel K. Whitney, ay inialok ang kanyang sariling gawang alak na gawa sa pulang currant para sa sakramento sa Kirtland.13 Sa loob ng ika-19 na siglo, ang alak ng sakramento ay unti-unting pinalitan ng tubig.14
Ang dami ng tinapay na ginagamit para sa mga sacrament service ay nag-iba-iba rin sa paglipas ng panahon. Sa mga espesyal na okasyon tulad ng paglalaan ng templo noong ika-19 na siglo, ang mga Banal kung minsan ay kumakain ng tinapay at umiinom ng alak o tubig hanggang sa sila ay mabusog, tulad ng inilarawan sa 3 Nephi.15 Ginunita ni Nancy Naomi Alexander Tracy kung paano, bilang pagdiriwang sa paglalaan ng Kirtland Temple, ang mga elder ay “nagpunta sa bahay-bahay, nagbasbas sa mga Banal at pinangasiwaan ang sakramento. Nagdaos ng mga piging. Tatlong pamilya ang nagsama-sama at nagdaos nito sa aming bahay. Nagluto kami ng laksa-laksang tinapay.”16
Sa Simbahan noon, ang mga kalalakihang nasa hustong gulang ang karaniwang nagbabasbas ng sakramento at ang mga kababaihan naman ang nagbibigay ng tinapay, alak, at mantel sa mesa. Ang mga lider ng Simbahan noong dekada ng 1870 ay nagsimulang mag-orden ng mga binatilyo sa mga katungkulan sa Aaronic Priesthood, at ang mga batang teacher at deacon ay inatasan sa pamamahagi ng mga sagisag ng sakramento sa kongregasyon. Ang mga miyembro ng bishopric at ibang mga nasa hustong gulang na maytaglay ng priesthood ay patuloy na nangangasiwa sa mesa ng sakramento hanggang sa mga unang bahagi ng ika-20 siglo, noong ang mga mas batang priest—bukod pa sa mga mayhawak ng priesthood na nasa hustong gulang—ay nagsimulang magbasbas ng tinapay at tubig.17 Noong 1950, inirekomenda ng mga lider ng Simbahan na ang mga teacher ay dapat bigyan ng responsibilidad ng paghahanda sa mesa ng sakramento.18
Simula noong 1911, para sa layong kalinisan, ang “karaniwang tasa” ng alak o tubig na naunang pinapasa sa buong kongregasyon ay nagsimulang mapalitan ng maliliit at indibiduwal na mga sacrament cup.19 Noong 1946, inaalala na ang tradisyon ng pagbibigay ng mga sermon at pagtatanghal ng musika na isinasabay sa sacramental service ay nakakaabala, inatasan ng Unang Panguluhan ang mga miyembro ng Simbahan na maging mapitagan at tahimik habang isinasagawa ang ordenansa.20
“Ang ordenansa ng sakramento,” itinuro noon ni Elder Dallin H. Oaks noong 2008, ay “ginagawa ang sacrament meeting bilang pinakasagrado at mahalagang miting sa Simbahan.”21 Alinsunod dito, noong 2015, ang mga lider ng Simbahan ay nanawagan para sa muling pagbibigay-diin sa pagsamba sa araw ng Sabbath na nakasentro sa pakikibahagi ng sakramento ng Hapunan ng Panginoon.22
Mga Kaugnay na Paksa: Mga Ward at Stake, Paaralan ng mga Propeta