“Pangalan ng Simbahan,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Pangalan ng Simbahan”
Pangalan ng Simbahan
Iniulat ng Aklat ni Mormon na noong dalawin ni Jesucristo ang mga Nephita, itinuro Niya na ang Simbahan ay dapat tinatawag sa Kanyang pangalan . Ang mga yaong nabinyagan sa pangalan ni Cristo ay naging bahagi ng “simbahan ni Cristo” (3 Nephi 26:21; tingnan din sa 27:8). Sa Bagong Tipan, tinukoy ni Pablo ang mga sinaunang Kristiyano bilang “mga banal” (Efeseo 1:1; 2 Corinto 1:1). Naniniwalang nabubuhay sila sa panahong malapit sa ikalawang pagparito ni Jesucristo, tinawag ng mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo ang kanilang sarili na “mga Banal sa mga Huling Araw” upang matukoy ang kaibhan nila mula sa mga Banal noong unang panahon.
Ang Simbahan ni Cristo (1829–1834)
Bago pa man inorganisa ang Simbahan, pinagbatayan ni Oliver Cowdery ang nauna nang binanggit sa Aklat ni Mormon sa pagmungkahi ng katawagang “Simbahan ni Cristo” bilang pangalan para sa Simbahan.1 Noong araw na inorganisa ang Simbahan, tinawag si Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag bilang “Elder dito sa Simbahan ni Cristo.”2 Pagkatapos niyon, paulit-ulit na tinukoy ng mga naunang paghahayag ang Simbahan bilang “ang Simbahan ni Cristo” at ang mga miyembro nito bilang “mga banal.”3
Ang Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw (1834–1838)
Ang ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo ay hindi lamang ang pangkat ng mga mananampalatayang Kristiyano na tinawag sa pangalang “ang Simbahan ni Cristo.” Ang ilang mga simbahang Kongregasyon sa New England ay tinawag ang kanilang sarili sa ganitong pangalan, at ang mga nagsasabing sila ay Kristiyano ay tinutukoy rin kung minsan ang kanilang sarili nang sama-sama bilang simbahan ni Cristo. Upang tulungan ang mga Banal na matukoy sila mula sa iba pang mga Kristiyano, ang mga elder sa isang kumperensya sa Kirtland, Ohio, ay bumoto noong ika-3 ng Mayo 1834, upang baguhin ang pangalan ng Simbahan at gawing “ang Simbahan ng mga Banal sa mga Huling Araw.”4 Bukod sa pagbibigay ng kalinawan, inilayo rin ng bagong pangalan ang Simbahan sa mga katagang “Mormon” at “Mormonite” na ginamit ng mga kalaban ng Simbahan.5
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (1838)
Sa kabila ng pagbabagong ito, ginagamit pa rin paminsan-minsan ng mga miyembro ng Simbahan ang naunang pangalan o pinagsasama-sama ang mga luma at bagong pangalan na naging: “ang simbahan ni Cristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”6 Hindi nagtagal matapos manirahan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Far West, Missouri, inilakip sa isang paghahayag kapwa ang dating mga pangalan sa bagong pangalan: “Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking Simbahan sa mga Huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”7 Ang katawagang ito ay nananatiling opisyal na pangalan ng Simbahan hanggang sa araw na ito.
Ang Makabagong Pormat: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw
Bagama’t ang mismong pangalan ay nagpatuloy matapos ang 1838, kumalat ang magkakaibang pormat sa mga lathalain, liham, legal na dokumento, at pampublikong forum hanggang sa ika-20 siglo. Sa halos lahat ng panahong ito, hindi palagiang nasa pamantayan ang pagbabaybay sa Ingles, maging sa mga institusyong pampanitikan tulad ng mga pahayagan at mga palimbagan.8 Matapos ng pagkamatay ni Joseph Smith, inangkin ng ilang humiwalay na grupo ang katagang “Mga Banal sa mga Huling Araw,” habang ang ilang simbahan naman ay pinanatili ang ipinahayag na pangalan ng Simbahan noong 1838.9 Ang nakagawian ng mga Briton sa paglalagay ng gitling at paggamit ng maliit na d sa “Latter-day [Banal sa mga Huling Araw]” ay kadalasang makikita sa mga materyal na ginawa ng Simbahan na mula sa Utah at karaniwan mula pa noong 1851, bagama’t hindi opisyal na ginamitan ng pamantayan hanggang sa makalipas ang isang siglo.10 Sa pagtatalaga mula sa Unang Panguluhan, naghanda si James E. Talmage ng bagong edisyon ng Doktrina at mga Tipan noong 1921, at habang inililimbag ang pangalan sa bahagi 115, inilagay ni Talmage sa malaking titik ang “Ang” sa gitna ng sipi, lumalayo sa karaniwang pormat ng mga tomo ng Kasaysayan ng Simbahan [History of the Church] na ginamit niya bilang orihinal na teksto.11 Noong 1957 sa isang pulong sa pananalapi, nagtanong si J. Reuben Clark Jr., Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, tungkol sa legal na pormat ng pangalan at sinagot na natanto ng ibang mga lider na ang 1921 na edisyon ng Doktrina at mga Tipan ang sumasagisag sa pamantayan.12 Isang komite na inorganisa ng mga patnugot sa iba’t ibang departamento at lathalain ng Simbahan ang naghanda ng isang gabay sa estilo noong 1966 at 1967 na tinitiyak ang parehong pormat ng “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” para sa lahat ng materyal kung saan matutukoy ang Simbahan. Ang mga komunikasyon sa loob ng Simbahan at gabay sa estilo batay sa orihinal na manwal na ito ay pinanatili ang pormat pagkatapos niyon.13
Sa pagsisimula ng ika-20 siglo, maraming Banal sa mga Huling Araw ang tinutukoy ang kanilang sarili gamit ang mga katagang “Mormon” at “LDS.” Ang mga katagang “Mormon Church” at “LDS Church” ay kalaunang tinanggap ng marami at madalas gamitin kapwa ng mga lider, mga miyembro, at hindi miyembro. Noong mga dekada ng 1960 at 1970, nagsimulang bigyang-diin ng mga lider ng Simbahan ang paggamit ng inihayag na pangalan ng Simbahan o ang maikling titulo na “Simbahan ni Jesucristo” sa iba pang mga palayaw na ito.14 Noong 2001, muling binigyang-diin ng Unang Panguluhan ang kahalagahan ng paggamit ng inihayag na pangalan ng Simbahan bilang bahagi ng “ating responsibilidad na ipahayag ang pangalan ng Tagapagligtas sa buong mundo.”15 Noong 2018, pinamunuan ni Pangulong Russell M. Nelson ang pagrepaso ng paggamit at pormat ng pangalan sa lahat ng organisasyon at departamento ng Simbahan at inanyayahan ang mga Banal sa mga Huling Araw at ang publiko na alalahanin ang tamang pangalan kapag tinutukoy ang Simbahan at mga miyembro nito.16
Mga Kaugnay na Paksa: Pulong sa Pagtatatag ng Simbahan ni Cristo