Tabernacle Choir
Dalawang taon matapos dumating sa Lambak ng Salt Lake ang mga Banal sa mga Huling Araw, ipinahayag ni Brigham Young na papalitan ng tabernakulo ang isang malaki at magarang tolda na may pawid na tinatawag na bowery at matatagpuan sa Temple Square. Pinamahalaan ni Stephen Goddard ang isang koro sa mga serbisyo ng pagsamba na ginanap sa bowery, at patuloy siyang nagsasanay at nagtanghal bago at matapos ilaan ang Lumang Tabernakulo noong 1852. Makalipas ang walong taon, isang samahan ng mga musikero sa Lunsod ng Salt Lake ang nagtalaga kay Charles John Thomas na pamahalaan ang koro ng tabernakulo at ang lokal na orkestra ng teatro. Binuo ni Thomas ang repertoire ng koro, na binubuo ng mga boluntaryo, hindi lamang ng mga himno kundi isinama rin ang mga klasikong Europeo at iba pang popular na mga awit. Pagsapit ng 1863, pinagnilayan nina Brigham Young at iba pang mga lider ng Simbahan ang pagtatayo ng bagong tabernakulo na may mas maayos na upuan, pinagandang akustika, at isang primera klaseng organo. Ang bagong gusali ay magagamit hindi lamang sa mga sesyon ng pangkalahatang kumperensya at mga miting ng Simbahan kundi pati na rin sa mga konsiyerto at kultural na palabas. Ang bagong Salt Lake Tabernacle ay inilaan noong 1867 na may musikang inialay ng 150-miyembrong koro na kaagad na ipinangalan sa lokasyon nito.1
Ang napakahusay na akustiko ng Tabernakulo ang naging dahilan kung bakit naging isang premyadong bulwagan ng pagtatanghal ang gusali sa Hilagang Kanlurang Amerika. Si George Careless, ang direktor ng musika ng Simbahan, ay patuloy na nag-aanyaya sa mga boluntaryo na mang-aawit at nag-oorganisa ng mga konsiyerto kasama ang Salt Lake Theater Orchestra, nakikipagtulungan sa mga lokal na guro ng musika upang mas mapaganda ang reputasyon ng lunsod bilang isang sentro ng sining. Sa buong dekada ng 1860 at 1870, kasama ang iba’t ibang koro, patuloy na nagtatanghal ang Salt Lake Tabernacle Choir sa pangkalahatang kumperensya.2
Ang mga karagdagang direktor, kabilang na sina Ebenezer Beesley at Evan Stephens, ay nagdagdag ng mga miyembro sa Koro, kaya umabot na sa pangkaraniwang bilang na mahigit 300 ang nag-eensayo sa pagsapit ng dekada ng 1890. Pinamunuan din nila ang Koro sa pagtatanghal nito sa iba’t ibang lugar. Pinataas ni Stephens ang bilang ng mga pagtatanghal sa mahigit 120 service at pagtitipon ng Simbahan sa kanyang unang taon bilang direktor at pinamunuan ang Koro hanggang sa pinakamaringal na pagtatanghal nito noong panahong iyon, ang matanggap ang ikalawang gantimpala sa isang kompetisyon ng mga koro sa Pandaigdigang Eksibisyon sa Chicago noong 1893.3 Pinuri ni Joseph F. Smith ng Unang Panguluhan ang Koro sa pagtanggap ng positibong pambansang pagkilala at pagtulong na “alisin ang mga maling paniniwala” na umiiral laban sa Simbahan.4 Noong 1895, naglabas ang Unang Panguluhan ng mga opisyal na paghirang sa mga mang-aawit na maglilingkod sa Koro, itinuturing sila bilang mga missionary at nangangako ng suporta upang mapanatili ang reputasyon ng Koro bilang isang musikal na grupong dalubhasa at may kakayahan.5
Ang kahalili ni Evan Stephens, si Anthony Lund, ay ginamit ang papaunlad na teknolohiya ng brodkast sa radyo at pinangunahan ang Koro sa mga live na lokal na brodkast simula noong 1924. Pagkaraan ng limang taon, naglunsad ang Koro at tagapamahala ng istasyon ng radyo ng Lunsod ng Salt Lake na si Earl J. Glade ng isang pambansang brodkast linggu-linggo sa araw ng Linggo na nagtatampok ng sagradong musika at, sa mga kalaunang brodkast, isang maikling mensahe at solong pagtugtog ng organ.6 Tatlong buwan matapos ang unang pambansang brodkast, bumagsak ang mga stock market, na nagdulot ng mga pagbagsak ng ekonomiya, ang Great Depression. Sa buong Estados Unidos, maraming tagapakinig ang nagdurusa sa matagalang kawalan ng trabaho at kakulangan sa pagkain ang nabigyang-inspirasyon ng musika ng Koro.7
Noong 1930 isang bata pang empleyado sa radyo at kalaunan ay Apostol na si Richard L. Evans ang sumali sa brodkast ng Music & the Spoken Word bilang tagapagpakilala ng programang ito. Kalaunan ay pinili ni Evans ang klasikong pagpapakilala, “Mula sa mga Sangang-daan ng Kanluran, binabati namin kayo sa Temple Square sa Lunsod ng Salt Lake para sa Music & the Spoken Word kasama ang Mormon Tabernacle Choir,” at isang walang katulad na pagpapaalam, “Nawa’y sumainyo ang kapayapaan sa araw na ito at sa tuwina.” Sa kanyang 41-taong panunungkulan, ang maiikling mensahe ni Evans at ang mga pagtatanghal ng Koro ay nagpabantog sa lingguhang brodkast bilang isang programang nananalo ng mga gantimpala at kinikilala sa buong bansa.8
Ang katanyagan ng brodkast ay umakit ng mga kilalang musikero at tagakumpas na makipagtulungan sa Koro. Pagsapit ng dekada ng 1950, ang mga pagtatanghal ng Koro sa iba’t ibang lugar ay nagdala rito sa mga bantog na bulwagan ng konsiyerto sa Estados Unidos at Europa at sa mga telebisyon sa buong bansa. Habang nadaragdagan ang mga istasyon ng radyo at dumarami ang mga rekording, ang Koro ay popular na nauugnay sa pambansang kultura ng Estados Unidos at kadalasang binabansagang “Koro ng Amerika.” Noong 1964, inanyayahan ni Pangulong Lyndon Johnson ng Estados Unidos na umawit ang Koro sa kanyang seremonya ng inaugurasyon, isang pagtatanghal na itinuturing ng Pangulo ng Simbahan na si David O. McKay bilang “pinakamalaking karangalan na dumating sa Tabernacle Choir.”9 Sa loob ng ilang dekada mula noon, ilan sa mga hindi malilimutang pagtatanghal ng Koro ay kinabibilangan ng limang iba pang mga inagurasyon ng pangulo ng Estados Unidos, ang Pagdiriwang ng Ikalawang Siglo ng Amerika noong 1976, at ang Palarong Olimpiko sa Taglamig noong 2002.
Ang karera sa rekording at malawakang pandaigdigang pagtatanghal ng Koro ay lalo pang nagdagdag sa reputasyon nito bilang premyadong musikal na grupo at bumuo ng pandaigdigang manonood. Pagkaraan ng pitong linggong pagtatanghal sa anim na bansa sa Europa noong 1955, naglunsad ang Koro ng ilang malalaking pagtatanghal sa Estados Unidos at Europa, at pagsapit ng dekada ng 1990 ay nagtanghal din ito sa mga bahagi ng Asya, Timog Amerika, Oceania, at Israel. Sa ilang pagkakataon, ang pagtatanghal ay lumikha ng mga oportunidad sa mga bansang dating sarado sa gawaing misyonero.10
Ang mga rekording ng Koro ay nakatanggap din ng maraming parangal. Ang rekording ng Koro noong 1958 ng oratorio ni George Frideric Handel na Messiah ay nakabenta ng mahigit isang milyong kopya at iniluklok sa National Recording Registry of the United States Library of Congress para sa kahalagahan nito sa kultura at kasaysayan.11 Ang iba pang mga rekording at pagtatanghal sa radyo mula sa isang katalogo ng mahigit 200 album at mahigit 4,700 brodkast ay tumanggap ng iba pang mga karangalan tulad ng Peabody Award, National Radio Hall of Fame, National Medal of Arts, apat na Emmy Award, at Grammy Award.12
Habang dumarami ang mga pagtatanghal sa iba’t ibang lugar, rekording, at brodkast, pinalawak ng mga lider ng Simbahan at ng mga pangulo ng Tabernacle Choir ang pakikipag-ugnayan sa labas ng Simbahan at iskedyul ng pagtatanghal ng Koro upang makarating sa mga bagong manonood. Ang mga tagakumpas na sina J. Spencer Cornwall, Richard P. Condie, Jay E. Welch, Jerold Ottley, Craig Jessop, at Mack Wilberg ay pinalawak ang repertoire ng Koro at pinanatili ang kilalang kasanayan habang ginagampanan ang tungkulin ng Koro na magbigay ng nagpapatibay na debosyonal na musika sa mga miyembro ng Simbahan at kumatawan sa Simbahan bilang “mga sugo ng mabuting kalooban.”13
Noong 2018, ay pinalitan ng Koro ang opisyal na pangalan nito mula sa Mormon Tabernacle Choir sa The Tabernacle Choir at Temple Square bilang tugon sa kahilingan ng Pangulo ng Simbahan na si Russell M. Nelson na alisin ang salitang “Mormon” mula sa mga pangalan ng mga organisasyong itinataguyod ng Simbahan sa isang inspiradong pagsisikap na gamitin ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon.14
Mga Kaugnay na Paksa: Columbian Exposition noong 1893, Mga Himno