Kasaysayan ng Simbahan
Mga Divining Rod


“Mga Divining Rod,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Mga Divining Rod”

Mga Divining Rod

Nabuhay si Joseph Smith at ang kanyang mga kasabayan sa isang kulturang puno ng mga ideya, terminolohiya, at kaugaliang nakatuon sa Biblia. Ang mga kuwento sa Biblia, tulad ng kuwento ni Moises at ng kanyang kapatid na si Aaron, ay naglarawan ng paggamit ng mga pisikal na bagay gaya ng mga tungkod o patpat para ipakita ang kalooban ng Diyos (tingnan sa Exodo 7:9–12 at Mga Bilang 17:8). Itinuring din ng maraming Kristiyano noong panahon ni Joseph Smith ang mga divining rod o isang tungkod o patpat bilang mga instrumento sa paghahayag. Naniwala sila na ang mga tungkod o patpat na ito ay makakatulong sa kanila na makahanap ng tubig o mga mineral sa ilalim ng lupa.1

Oliver Cowdery

Oliver Cowdery

Ang mga naunang bersiyon ng paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 8 ay nagsasaad na si Oliver Cowdery ay nagkaroon ng “kaloob na paggawa gamit ang usbong [o sprout]” o ang “tungkod o patpat ng kalikasan,” na nagpapahiwatig na minsan ay gumamit siya ng divining rod. Kinilala ng Panginoon ang kaloob ni Cowdery, ipinapahayag na “walang ibang kapangyarihan maliban sa kapangyarihan ng Diyos na makapagpapakilos sa bagay na ito ng Kalikasan sa iyong mga kamay.” Nang ihanda ng mga lider ng Simbahan ang paghahayag na ito para maisama sa Doktrina at mga Tipan noong 1835, tinawag nila ang kaloob ni Cowdery na “kaloob ni Aaron,” na nagpapakita ng pagkakatulad nito sa tungkod ni Aaron.2

Iminumungkahi ng iba pang mga sanggunian na si Oliver Cowdery, gayundin sina Joseph Smith Sr. at Joseph Smith Jr., ay malamang na gumamit ng mga divining rod. Ngunit hindi nililinaw ng paghahayag kung paano ginamit ni Cowdery ang kanyang tungkod. Isinasaad nito na isa lamang ito sa ilang mga kaloob na taglay ni Cowdery. Bukod pa rito, itinuro ng paghahayag kung paano makakamit ni Cowdery ang kaloob na pagsasalin sa pamamagitan ng pag-aaral, panalangin, at sa tulong ng Espiritu Santo.

Mga Kaugnay na Paksa: Mga Bato ng Tagakita, Paghahanap ng Kayamanan

Mga Tala

  1. Ang katulad na mga kaugalian ay umiiral pa rin hanggang ngayon sa ilang naninirahan sa mga baryo.

  2. Ang pinakaunang kopya ng manuskrito ng paghahayag na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 8 ay tinatawag itong isang “usbong.” Noong 1833, nang ihanda ang paghahayag na ito para ilathala, binago ni Sidney Rigdon ang teksto para tumukoy sa isang “tungkod ng kalikasan.” Revelation, April 1829–B [DC 8],” sa Revelation Book 1, 13, josephsmithpapers.org; Book of Commandments, 1833, 19, josephsmithpapers.org; Doctrine and Covenants, 1835, 161, josephsmithpapers.org.