Kasaysayan ng Simbahan
Amanda Barnes Smith


“Amanda Barnes Smith,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Amanda Barnes Smith”

Amanda Barnes Smith

Si Amanda Barnes Smith (1809–86) ay nakilala sa unang kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw nang tumanggap siya ng inspirasyon na nakatulong sa kanya na pagalingin ang kanyang sugatang anak, si Alma, hanggang sa manumbalik ang kalusugan nito matapos ang masaker o pagpaslang sa Hawn’s Mill noong 1838 kung saan ang kanyang asawa, si Warren, at ang kanyang anak na si Sardius ay napatay ng mga sumalakay.1

litrato ni Amanda Barnes Smith

Litrato ni Amanda Barnes Smith.

Sa kagandahang-loob ng Church History Library and Archives

Ipinanganak si Amanda sa Becket, Massachusetts, isang bayan na nakasaksi ng pagkapanganak ng iba pang mga Banal noon, kabilang na sina Eliza R. Snow, Sarah Cleveland, at ang unang asawa ni Amanda, si Warren Smith. Bawat pamilya ay lumipat nang mag-isa sa mga nayon sa mga hangganan ng “Western Reserve,” na Ohio na ngayon. Noong 1826, pinakasalan ni Amanda si Warren, at nagkaroon sila ng limang anak.2 Sumapi siya sa isang kongregasyon ng Disciples of Christ na pinamumunuan nina Sidney Rigdon at Orson Hyde. Noong 1831, sumapi sina Amanda at Warren sa ipinanumbalik na Simbahan, kung saan itinatwa sila ng ilang miyembro ng pamilya at ng ilang mga taong-bayan.3 Pagkatapos ay lumipat ang mga Smith sa Kirtland, bumili ng ari-arian, at nag-ambag sa Kirtland Safety Society at sa pagtatayo ng templo. Nawala sa kanila ang kanilang lupain at mga ari-arian sa pagbagsak ng Kirtland Safety Society at nilisan nila ang Ohio upang sumama sa mga Banal sa Caldwell County, Missouri, noong 1838. Sa kanilang paglalakbay, pinahinto ng mga armadong mandurumog na kalalakihan ang pamilya at hiningi ang kanilang mga armas. Noong Oktubre 30, ang mga Smith ay humimpil sa Hawn’s Mill. Ang nakapanlulumo, ito ang nakakakilabot na panahon ng pag-atake ng mga mandurumog sa pamayanan. Si Amanda, ang kanyang mga anak na babae na sina Alvira at Ortencia, at ang kanyang anak na lalaki na si Willard ay nakaligtas sa pag-atake nang hindi nasaktan, ngunit ang kanyang asawa, si Warren, at ang kanyang anak na si Sardius ay kapwa pinatay. Ang balakang ng kanyang nakababatang anak na si Alma ay binaril at lubhang napinsala. Kailangang-kailangan ng tulong, nanalangin si Amanda at tumanggap ng inspirasyon kung paano lumikha at gumamit ng pantapal sa sugat. Himalang gumaling ang kasu-kasuan, at si Alma ay lubusang gumaling.

Matapos ang pagpaslang, nanatili sa lugar si Amanda at ang kanyang apat na buhay pang mga anak, ngunit nawala ang lahat ng mayroon sila dahil sa mga mandurumog. Siya at ang iba pang kababaihang Mormon ay araw-araw na nagtitipon upang manalangin hanggang sa pinagbawalan sila ng mga lokal na kalaban na gawin ito.4 Tuwing binabantaan ng mga kalaban ng mga Mormon si Amanda, berbal niyang ipinagtanggol ang kanyang pamilya. Sa ilang pagkakataon, tumanggap siya ng tulong mula sa mga mandurumog, kabilang na rito ang kinatay na baboy bilang “karne na pantubos sa kanilang binabalak na pagsisisi” at kalaunan, 50 librang harina. At noong lilisanin na nila ng kanyang pamilya ang Missouri, hinayaan din siyang mabawi ang kabayo na ninakaw sa kanya.5

Nagpunta ang pamilya Smith sa Quincy, Illinois, kung saan nagturo si Amanda sa paaralan. Noong 1839, pinakasalan niya si Warren Smith (na walang kaugnayan sa kanyang unang asawa), isang biyudo na may limang anak. Ang pinagsamang pamilya ay lumipat sa Nauvoo, kung saan nagtatrabaho si Warren bilang isang panday. Sa panahong ito, nagkaroon si Amanda ng tatlo pang anak. Lalong hindi naging maganda ang kanilang pagsasama nang naging mapang-abuso si Warren at pinagtaksilan si Amanda, na nagkaroon ng dalawang anak sa ibang babae. Iniwan siya ni Amanda noong Disyembre 1850, ilang buwan matapos silang dumating sa Utah. Ilang taon na ang nakararaan, nadama ni Amanda na siya ay nahikayat ng Espiritu na mabuklod kay Joseph Smith. Matapos maibigay kay Amanda ang legal na diborsyo mula kay Warren, tumayo si Brigham Young bilang proxy o kinatawan para sa pagbubuklod ni Amanda kay Joseph Smith.6

Sa buong buhay niya, nakibahagi si Amanda sa maraming aktibidad sa Simbahan at sa pamayanan. Bilang miyembro ng Female Relief Society of Nauvoo, sumama si Amanda Smith kina Emma Smith at Eliza R. Snow noong 1842 upang maglahad ng isang petisyon sa gobernador ng Illinois para sa proteksyon ni Joseph Smith.7 Sa Salt Lake City, napabilang si Amanda sa Indian Relief Society noong unang bahagi ng 1854, tumutulong sa mga American Indian. Kalaunan ay naglingkod siya bilang tagapayo sa panguluhan ng ward Relief Society sa Salt Lake City mula 1868 hanggang 1879. Noong mga 1870s at 1880s, hayagang ipinagtanggol ni Amanda ang Simbahan at itinaguyod ang karapatang bumoto ng kababaihan.8 Naaalala siya bilang isang “walang kapagurang manggagawa … kasama ng mga maralita at maysakit na naglilingkod sa kanilang espirituwal at temporal na mga pangangailangan.”9

Nanirahan si Amanda noong mga huling taon ng kanyang buhay sa Salt Lake City, kung saan pinuri siya sa pagiging isang “beterano sa Sion.”10 Nagkaroon siya ng malaking kasiyahan sa katapatan ng kanyang mga anak. Dahil paralisado, lumipat siya kasama ang kanyang anak na babae sa Richmond, Utah, kung saan siya ay namatay kalaunan noong 1886.11 Inilarawan ni Amanda ang kanyang buhay bilang isang “papalit-palit na tagpo ng kagalakan at kaguluhan. Ininom ko ang latak ng saro ng kalungkutan at kapighatian, at natikman din ang mga pagpapala ng isang matalino at maawaing Diyos.”12

Mga Tala

  1. Tingnan ang kaugnay na Paksang “Pagpaslang sa Hawn’s Mill”; tingnan din sa James E. Faust, “The Shield of Faith,” Ensign, Mayo 2000, 17–19.

  2. Amanda Melissa Barnes Smith Smith,” sa Jill Mulvay Derr, Carol Cornwall Madsen, Kate Holbrook, at Matthew J. Grow, eds., The First Fifty Years of Relief Society: Key Documents in Latter-day Saint Women’s History (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2016), 673; churchhistorianspress.org.

  3. Habang papunta sa Missouri, dumaan ang mga Smith sa Amherst, Ohio, upang magpaalam sa kanilang mga pamilya. Sinabi ng ina ni Amanda sa kanya na ayaw na niya itong makita o makarinig pa tungkol sa kanya. Alexander L. Baugh, “‘I’ll Never Forsake’: Amanda Barnes Smith (1809–1886),” sa Richard E. Turley Jr. at Brittany A. Chapman, eds., Women of Faith in the Latter Days: Volume One, 1775–1820 (Salt Lake City: Deseret Book, 2011), 330–31.

  4. Nagtungo si Amanda sa isang taniman ng mais upang manalangin nang malakas. Isang tinig ang nagbigkas sa kanya ng ikapitong talata ng isang himno ng mga Protestante, “Saligang Kaytibay” [“How Firm a Foundation”], na nagbigay sa kanya ng ginhawa at nagpalakas ng kanyang pananampalataya. Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom (New York: Tullidge and Crandall, 1877), 129–30.

  5. Amanda Barnes Smith autobiography, 1858, Church History Library, Salt Lake City; Tullidge, Women of Mormondom, 131–32.

  6. Hulda Cordelia Thurston Smith, “O My Children and Grandchildren,” Nauvoo Journal, tomo 4, blg. 2 (Taglagas 1992).

  7. Binanggit ni Emmeline B. Wells na ito ang “unang beses na nagsagawa ng ganitong uri ng misyon ang kababaihan ng Simbahan.” “Amanda Smith,” Woman’s Exponent, tomo 10, blg. 2 (Hunyo 15, 1881), 13.

  8. Minutes of ‘Great Indignation Meeting,’ January 13, 1870” at Eliza R. Snow at iba pa, Letter to Stephen A. Mann, Feb. 19, 1879, sa Derr, Cornwall, Holbrook, at Grow, First Fifty Years, 319–20, 350–51.

  9. Emmeline B. Wells, “Amanda Smith,” Woman’s Exponent, tomo 10, blg. 5 (Ago. 1, 1881), 37.

  10. Wells, “Amanda Smith,” Woman’s Exponent, tomo 10, blg. 5 (Ago. 1, 1881), 37.

  11. “Death of a Veteran Lady,” Deseret News, Hulyo 14, 1886, 403.

  12. Amanda Barnes Smith autobiography, 1858, Church History Library, Salt Lake City.