Kasaysayan ng Simbahan
Ida Hunt Udall


“Ida Hunt Udall,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan

“Ida Hunt Udall”

Ida Hunt Udall

Si Ida Hunt ay isinilang noong Marso 8, 1858, sa isang may takip na bagon sa gitna ng malakas na bagyo ng niyebe, malapit sa Lunsod ng Cedar, Utah.1 Ang kanyang mga magulang, sina Juan at Lois Hunt, ay pinalaki si Ida sa Beaver, Utah, malapit sa kanyang lola na si Louisa Barnes Pratt. Noong huling bahagi ng kanyang pagiging tinedyer, lumipat si Ida kasama ang kanyang pamilya sa New Mexico at kalaunan ay sa silangang bahagi ng Arizona. Isa siyang mahusay na mang-aawit at madalas ay nagtatrabaho bilang tagatuos o guro. Naglingkod siya bilang unang pangulo ng Young Ladies’ Mutual Improvement Association ng Snowflake Stake at noong 1882 ay tinuruan ang mga kabataang babae na maghangad ng banal na paghahayag. “Kinakailangan nating pagsikapan ang ating sariling kaligtasan,” sinabi niya, “at huwag umasa sa kaninuman maliban sa Panginoon.”2

Noong Mayo 26, 1882—dalawang buwan lamang matapos ipatupad ang Edmunds Act [Batas ni Edmunds], kung saan ay itinuturing ang poligamya bilang mabigat na kasalanan—ibinuklod si Ida kay David K. Udall bilang pangalawang asawa nito.3 Lubha siyang nahirapan sa desisyon, batid na ang kasal ay mangangahulugang kahati niya si David sa unang asawa nito, si Ella, na sinamahan ang dalawa sa paglalakbay patungo sa St. George temple sa Utah. Ang kampanya ng pamahalaan ng Estados Unidos laban sa mga sangkot sa poligamya ay pumilit kay Ida na gugulin ang halos lahat ng panahon ng kanyang kasal, mula 1883 hanggang 1892, na malayo sa kanyang asawa. Madalas na lumilipat si Ida upang iwasan ang atensyon, at dumanas siya ng mahinang pangangatawan. Siya ay malungkot, takot na mausig, at nag-aalala tungkol sa kanyang kaugnayan kay Ella, na kung minsan ay kinainisan nila ang isa’t isa. Sa paglipas ng panahon, gayunpaman, ang dalawa ay naging malapit.4 “Sa pagsisikap na sundin ang mga utos ng Diyos, nang may dalisay na motibong taglay ko ang lahat para mabuhay,” isinulat ni Ida tungkol sa kanyang karanasan sa maramihang pag-aasawa. “Gaano man kahirap ang pagsubok, napakalaking pribilehiyo na sumailalim dito, sa maluwalhating layuning ito.”5

Dumanas ang mga Udall ng matinding kahirapan sa Arizona, at si David, na naglingkod bilang pangulo ng St. John’s Stake, ay madalas na malayo upang asikasuhin ang kanyang tungkulin sa Simbahan at sa pamayanan. Nagkaroon si Ida ng anim na anak, na tinulungan niyang suportahan sa pamamagitan ng pagsasaka, pagtataguyod ng isang tindahan ng kooperatiba, pagsasagawa ng homestead, at maingat na pagtitipid.6 Noong 1908, noong siya ay 50 taong gulang, inatake si Ida ng stroke (ang kanyang ikatlo) na siyang nag-iwan ng isang bahagi ng kanyang katawan na paralisado. Ang kanyang anak, si Pauline Udall Smith, at kanyang manugang, si Asahel Smith, ay nag-alaga sa kaniya sa sumunod na pitong taon hanggang sa kanyang pagpanaw noong Abril 26, 1915.7

Mga Kaugnay na Paksa: Batas Laban sa Poligamya, Louisa Barnes Pratt

Mga Tala

  1. Louisa Barnes Pratt, memoirs, 1858–1859, sa S. George Ellsworth, pat., The History of Louisa Barnes Pratt: Being the Autobiography of a Mormon Missionary Widow and Pioneer (Logan: Utah State University Press, 1998), 268.

  2. Snowflake Arizona Stake Young Women’s Mutual Improvement Association minutes and records, volume 1, December 30, 1882, 7, Church History Library, Salt Lake City. Tingnan din sa Paksa: Mga Organisasyon ng Young Women.

  3. Maria S. Ellsworth, pat., Mormon Odyssey: The Story of Ida Hunt Udall, Plural Wife (Urbana: University of Illinois Press, 1992), 3–18; Eastern Arizona Stake, Manuscript History and Historical Reports, Church History Library, Salt Lake City; Snowflake Arizona Stake Young Women’s Mutual Improvement Association minutes and records, vol. 1, 22.

  4. Pearl Udall Nelson, Arizona Pioneer Mormon: David King Udall; His Story and His Family (Tucson: Arizona Silhouettes, 1959), 97–105.

  5. Ida Hunt Udall, journal, May 21, 1882, 26, Church History Library, Salt Lake City.

  6. Roberta Flake Clayton, Catherine H. Ellis, at David F. Boone, mga pat., Pioneer Women of Arizona, ika-2 ed. (Provo, Utah: BYU Religious Studies Center, 2017), 744–45.

  7. Clayton, Ellis, at Boone, Pioneer Women of Arizona, 745–46.