“Susa Young Gates,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Susa Young Gates”
Susa Young Gates
Ipinanganak si Susa Young Gates noong Marso 18, 1856. Siya ay ang pangalawang anak na babae nina Brigham Young at Lucy Bigelow at ang unang anak na isinilang sa Lion House sa Lunsod ng Salt Lake. Lumaki siyang napapaligiran ng dose-dosenang mga kapatid at nagtamo ng isang masayang pagkabatang puno ng pagkatuto, musika, drama, sayawan, at gymnastics. Sadyang may kahusayan si Susa sa musika at pagpapahayag sa panitikan.1
Sa edad na 14, lumipat si Susa ng mga 480 kilometro ang layo mula sa Lunsod ng Salt Lake patungo sa maliit na bayan ng timog Utah na St. George. Dalawang taon kalaunan, ikinasal siya sa isang bata pang dentista, si Alma Dunford. Nagkaroon sila ng dalawang anak, isang anak na babae at isang anak na lalaki, ngunit nagkaroon ng maraming suliranin sa kanilang pag-aasawa, at nakipagdiborsyo si Susa kay Dunford noong 1878. Lubhang masakit ang diborsyo kay Susa. Nawala sa kanya ang legal na pag-aalaga sa kanyang mga anak at kakaunti lamang ang ugnayan niya sa kanyang anak na babae sa loob ng maraming taon; nawala rin sa kanya ang mga ari-arian na ibinigay sa kanya ng kanyang ama. Walang habag din ang mga sabi-sabi ng komunidad laban sa kanya.2
Matapos gumugol ng isang taon sa Brigham Young Academy sa Provo, kung saan kanyang inorganisa ang unang departmento ng musika, pinakasalan ni Susa si Jacob F. Gates, isang binata mula sa St George, noong Enero 1880. Ang kasal na ito ay naging pinagmulan ng walang-hanggang kaligayahan at suporta sa isa’t isa. Naglingkod ang dalawa sa isang misyon sa Hawaii mula 1885 hanggang 1889.
Pagdating ng dekada ng 1880 ay nagsimula si Susa sa paglinang sa kanyang sarili bilang manunulat, nag-aambag ng mga ulat, artikulo, at mga kuwento sa mga lokal na lathalain, madalas ay ginagamit ang kanyang paboritong pangalang panulat, Homespun. Noong 1889 ay itinatag niya ang Young Woman’s Journal, ang buwanang magasin ng Young Ladies’ Mutual Improvement Association, na kanyang pinamatnugutan hanggang 1900. Nag-ambag siya sa mga magasin at pahayagan sa buong buhay niya, at noong 1914 ay naging unang patnugot siya ng Relief Society Magazine. Para kay Susa, ang pagsusulat ay isang minamahal na gawain kung saan kaya niyang magkaroon ng makabuluhang kontribusyon sa komunidad. “Ang aking buong kaluluwa ay inilaan para sa pagtatayo ng kahariang ito,” isinulat niya sa isang malapit na katiwala tungkol sa kanyang ambisyong pampanitikan. “Ako ay masigasig na gumagawa upang matulungan ang aking mga kapatid sa gawaing ito.”3
Mula noong dekada ng 1890, nakibahagi si Susa sa isang kahanga-hangang hanay ng mga pampublikong gawain, pulitika, at paglilingkod sa Simbahan. Naglingkod siya sa Board of Trustees ng Brigham Young University, nagturo ng mga klase sa agham pantahanan, at itinaguyod ang pisikal na edukasyon. Nakibahagi siya sa National Council of Women, nagsasalita sa mga pambansang pulong, nagsisilbi bilang isa sa mga delegado sa ilan sa kanilang malalaking pagtitipon, at namumuno sa Press Committee. Sinimulan niya ang mga gawain sa talaangkanan at templo bilang mahalagang bahagi sa katanghalian ng kanyang buhay at naging isa sa mga lubos na humimok sa pagtatatag ng mga gawaing ito bilang isa sa pangunahing pagtutuunan ng mga miyembro ng Simbahan.4 Naglingkod siya sa pangkalahatang lupon ng YLMIA hanggang 1911, nang hinirang siya sa pangkalahatang lupon ng Relief Society, kung saan siya naglingkod hanggang 1922. Sa kanyang pagtanda, naglathala siya ng talambuhay ng kanyang ama, The Life Story of Brigham Young (Ang Kuwento ng Buhay ni Brigham Young), at naglabas ng libu-libong pahina ng isang di-inilathalang manuskrito na nilayong maging isang kasaysayan ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw.
Dumanas ng maraming trahedya at labis na kalungkutan sa kanyang buhay si Susa Young Gates, kabilang ang pagkamatay ng walo sa kanyang labintatlong anak, kung saan namatay ang ilan sa kanila sa ilalim ng hindi pangkaraniwang kalunus-lunos na trahedya. Nakaranas siya ng mga malulubhang karamdaman, problema sa pananalapi, at pighati na dulot ng mga pagpili ng mga miyembro ng pamilya. Magkagayunman, nakasentro ang kanyang buhay sa kanyang pananampalataya, at ipinaliwanag niya na kanyang natutuhan na huwag “maghangad na baguhin ang kalooban ng Diyos upang iangkop sa aking mga sariling hangarin.” Sa halip, sabi niya, natutuhan niyang “mag-ayuno at manalangin upang ako ay masiyahan” anuman ang ipinagkatiwala ng Panginoon. “Kung gagawin lamang ng Diyos na ako ay masisiyahan sa Kanyang bawat pakikitungo sa akin,” sabi niya, “mahalaga ba kung ano ang darating sa akin?”5
Mga Kaugnay na Paksa: Brigham Young, Pagtitipid, Mga Organisasyon ng Young Women, Relief Society, Mga Peryodiko ng Simbahan, Mga Akademya ng Simbahan, Karapatang Bumoto ng Kababaihan