“Winter Quarters,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Winter Quarters”
Winter Quarters
Noong 1846, ilang buwan matapos umalis sa Nauvoo, Illinois, sa isang masakit at mabagal na halos 500-kilometrong paglalakbay sa Teritoryo ng Iowa, ipinahinto ni Brigham Young at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pakanlurang pandarayuhan ng mga Banal sa mga Huling Araw upang maghanda para sa taglamig. Inasahan ni Young na makakarating sila sa Great Basin noong tag-init na iyon, ngunit nagkaroon ng negatibong epekto sa mga naglalakbay ang putik at mga karamdaman.1 Dahil sa pagpaslang kay Joseph Smith at sa kasunod na pagpapalayas sa mga Banal mula sa Nauvoo, marami sa mga Banal ang naniwala na hindi na sila maaaring umasa sa hustisya ng Amerika para sa proteksyon.
Pumili ng lugar ang mga lider ng Simbahan sa Teritoryo ng mga Indian sa rehiyon ng Council Bluffs sa tabi ng Ilog Missouri at nagsagawa sila ng isang kasunduan kasama ang mga tribo ng Omaha (Umonhon) at Potawatomi (Bodéwadmik) at ang mga kinatawan ng mga Indian sa Estados Unidos upang bumuo ng isang pansamantalang pamayanan.2 Ang kanlurang pampang ng ilog, isang napakainam na lokasyon para sa pagtawid ng isang bangka, ay naroon din sa Teritoryo ng mga Indian. Tinatayang nasa 7,000 mga Banal ang dumating noong 1846, habang halos 3,000 ang nanatili sa mga kampo sa tabi ng daan sa Iowa.3 Habang nagtatayo ang mga Banal ng mga lungga at matitirhang bahay na yari sa troso, nakaranas sila ng kakulangan ng pagkain at mga panustos sa pagdating ng taglamig. Tumindi ang paglaganap ng sakit dahil sa gutom, malnutrisyon, at masikip na kalagayan.4
Habang nagpaplano ang mga Banal para sa susunod na paglalakbay, isang pagkakataon para madagdagan ang kanilang mga mapagkukunan ang dumating sa pangangalap ng miyembro ng Hukbo ng Estados Unidos. Bagama’t masama ang loob ng mga Banal sa pamahalaan ng Estados Unidos at nag-aatubili silang makilahok sa digmaan laban sa Mexico, 500 kalalakihan ang sumali sa Batalyong Mormon upang kumita ng pera na maaaring makatulong sa Simbahan.5 Ang karamihan sa mga bayad sa kanilang serbisyo ay ipinadala kay Bishop Newel K. Whitney bilang donasyon. Pagkatapos ay namili siya ng pagkain at mga panustos sa St. Louis, Missouri, para sa kamalig ng Winter Quarters.6
Si Brigham Young ay humingi ng patnubay mula sa Panginoon at nakatanggap ng paghahayag na nagturo sa mga Banal kung paano ayusin ang kanilang pag-alis.7 Ang ilang panaginip ay nagbigay-inspirasyon din kay Young at naging patnubay kung paano aakayin ang sambahayan ni Israel sa landas ng tipan nito. Panatag ang kanyang isipan nang umalis siya sa Winter Quarters noong Abril 7, 1847, upang sumama sa iba pang mga miyembro ng paunang grupo ng mga pioneer sa pagsisimula nila ng kanilang paglalakbay.8
Itinuon ng mga Banal na nanatili sa Winter Quarters ang kanilang mga pagsisikap sa paghahanda para sa isang malawakang pandarayuhan. Sa tag-init at taglagas ng 1847, mas maraming tao ang dumating mula sa daan sa Iowa. Tumawag ng mga karagdagang bishop upang tumulong sa pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan—isa para sa bawat bloke ng lunsod.9 Ang mga kababaihan, na mas marami ang bilang kaysa sa mga kalalakihan sa lunsod, ay nagdasal nang magkakasama at pinagpala ang isa’t isa.10 Nang gumanda ang lagay ng panahon, ang mga Banal ay nagtayo ng mas matitibay na bahay at nagtanim at nagbakod ng mga pananim upang maihanda para sa mga susunod na mandarayuhan.
Nang makabalik si Brigham Young sa Winter Quarters noong taglagas ng 1847 mula sa kanyang paglalakbay sa Great Basin, nakakita siya ng isang umuunlad na pamayanan. Inasahan din niya na lilisanin na nila ito, dahil ang pag-upa sa lupain ng tribong Omaha ay matatapos na sa loob ng ilang buwan. Nagsimulang maglakbay ang mga Banal patungo sa silangan patawid sa ilog at pabalik sa Iowa at kalaunan ay pinangalanan nila na Kanesville ang kanilang bagong punong-tanggapan ng pandarayuhan bilang pagbibigay-pugay kay Thomas L. Kane, na pumaroon upang tulungan silang matapos ang pagpapaalis sa Nauvoo.11
Sa Kanesville noong Disyembre 1847, nagtipon ang mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang tabernakulo na yari sa troso upang sang-ayunan ang bagong Unang Panguluhan na pinamumunuan ni Brigham Young bilang pangulo. Si Orson Hyde ang naging bagong Pangulo ng Korum ng Labindalawa.12 Pinangunahan ni Young at ng kanyang mga tagapayo ang mga grupo pakanluran noong tagsibol; nanatili si Hyde sa Kanesville upang pangasiwaan ang mga pagdating, paghahanda, at pag-alis ng mga Banal na nagmumula sa silangang Estados Unidos at Europa.
Sa Winter Quarters, nahirapan ang mga Banal na ihanda ang kanilang mga sarili para sa pakanlurang paglalakbay, ngunit sa Kanesville, ang pagdagsa ng mga naghahanap ng ginto noong 1849 ay nagpasok ng malaking halaga ng pera.13 Ang mga nandarayuhang patungo sa California na dumadaan sa Kanesville ay handang magbayad ng higit sa karaniwan para sa pagkain at panustos. Muling hinikayat ni Brigham Young at ng iba pang mga lider ang mga Banal na magtipon sa Sion, at noong 1852, lumisan ang 21 bagon ng humigit-kumulang 10,000 mga Banal patungo sa Utah. Hindi nagtagal, pinalitan ang pangalang Kanesville at tinawag itong Council Bluffs, at ang Winter Quarters ay tinawag na Florence, Nebraska.14