“Si Joseph Smith at Ang Maramihang Pag-aasawa,” Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan
“Si Joseph Smith at Ang Maramihang Pag-aasawa”
Si Joseph Smith at Ang Maramihang Pag-aasawa
Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ang monogamya—ang kasal ng isang lalaki at isang babae—ay ang batas ng Panginoon sa pag-aasawa noon pa man.1 Sa panahon ng Biblia, iniutos ng Panginoon sa ilan sa Kanyang mga tao na magpakasal nang higit sa isa—ang kasal ng isang lalaki sa higit sa isang babae.2 Ilang mga naunang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tumanggap at sumunod sa kautusang ito na ibinigay sa pamamagitan ng mga propeta ng Diyos.
Matapos tumanggap ng isang paghahayag na nag-aatas sa kanya na isabuhay ang maramihang pag-aasawa, nagpakasal si Joseph Smith sa maraming asawa at ipinakilala ang kaugaliang ito sa mga malalapit na mga kasamahan. Ang alituntuning ito ay isa sa pinakamahirap na aspeto ng Panunumbalik—kay Joseph mismo at sa iba pang mga miyembro ng Simbahan. Pagsubok sa pananampalataya ang maramihang pag-aasawa at nagbunsod ng mga pagtatalo at oposisyon. Iilang mga Banal sa mga Huling Araw noong una ang malugod na tinanggap ang panunumbalik ng gawain mula sa panahon ng Biblia na lubos na kakaiba sa kanilang moral na katalusan. Subalit nang maglaon ay marami ang nagpatotoo sa matitinding espirituwal na karanasan na nakatulong sa kanila na madaig ang kanilang pag-aatubili at nagbigay sa kanila ng tapang na tanggapin ang gawaing ito.
Maraming detalye tungkol sa unang pagsasabuhay ng maramihang pag-aasawa ang hindi alam dahil hiniling sa mga kasapi na panatilihing kompidensyal ang kanilang mga kilos. Dahil dito, ang talang pangkasaysayan ng maramihang pag-aasawa ay kakaunti lamang: iilang mga tala noong panahong iyon ang makapagbibigay ng mga detalye, at ang mga kalaunang paggunita ay hindi palaging maaasahan. Isinalaysay ng Mga Banal ang ilang mahahalagang kuwento na may kaugnayan sa pagsasagawa ng maramihang pag-aasawa nina Joseph Smith at iba pang naunang mga Banal sa mga Huling Araw. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa sinaunang maramihang pag-aasawa, tingnan ang “Plural Marriage in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Gospel Topics Essays, topics.lds.org.
Mga Kaugnay na Paksa: Joseph Smith Jr., Emma Hale Smith, Fanny Alger, Nauvoo Expositor