Kasaysayan ng Simbahan
Ardeth G. Kapp


Ardeth G. Kapp

Naglingkod si Ardeth Greene Kapp bilang ikasiyam na Pangkalahatang Pangulo ng Young Women ng Simbahan mula 1984 hanggang 1992. Sa kanyang panunungkulan, pinangunahan niya ang mga pagsisikap upang palawigin ang mga programa at aktibidad ng organisasyon, maging ang mga karanasan ng mga young woman sa magkakaibang bansa at kultura.

Noong 1931, isinilang si Ardeth sa isang malapit na pamilya sa Glenwood, Alberta, Canada, kung saan nagpatakbo ang kanyang pamilya ng isang sakahan at tindahan. Sa kabuuan ng kanyang kabataan, ang mga magulang niyang sina Edwin at Julia Greene ay nagtamasa ng kakaunting materyal na kaginhawaan ngunit nagpakita ng matinding pagkamapagbigay. Bagama’t pakiwari ni Ardeth ay hindi siya gaanong magaling noong nag-aaral pa siya, nakalinang siya ng pagmamahal sa edukasyon. Sa edad na 16 taong gulang, sumailalim siya sa malaking operasyon sa tainga na nakaantala sa kanyang pag-aaral. Tinulungan siya nina Edwin at Julia na lumipat sa Provo, Utah upang mag-aral sa Brigham Young High School. Bago siya nagtapos, nagsimula siyang makipagdeyt kay Heber Kapp, na nauna na niyang nakilala noong ito, bilang misyonero, ay paminsan-minsang sumasabay sa kanyang pamilya upang maghapunan. Ikinasal sina Ardeth at Heber noong 1950.

si Ardeth G. Kapp

Si Ardeth G. Kapp na hawak ang binagong manwal ng Personal Progress na nakatayo sa tabi ng hinabing emblem ng organisasyon ng Young Women.

Propesyonal na nagtrabaho si Ardeth Kapp sa human resources at edukasyon hanggang sa sumailalim siya sa karagdagang pag-aaral ukol sa edukasyon sa elementarya at pagbuo ng kurikulum. Nagtapos siya ng bachelor‘s degree mula sa University of Utah noong 1964 at nakamit niya ang kanyang master’s degree mula sa Brigham Young University noong 1971. Sa pagitan ng 1972 at 1978, naglingkod siya bilang pangalawang tagapayo kay Ruth Hardy Funk, ang Pangkalahatang Pangulo ng Young Women. Noong panahong ito, dumanas ng maraming mahahalagang pagbabago ang organisasyon. Ang mga organisasyon ng Simbahan para sa mga kabataan, kabilang na ang para sa mga kabataang babae, ay isinailalim sa direktang pangangasiwa ng priesthood na may bagong panandaliang yunit na tinawag na Aaronic Priesthood Mutual Improvement Association. Makalipas ang limang taon, tinulungan ni Kapp si Funk na maghanda at magpakilala ng bagong achievement program, ang My Personal Progress.

Noong 1984, tinawag si Kapp bilang Pangkalahatang Pangulo ng Young Women. Ayon sa pananaliksik noong panahong iyon, dumadalang ang bilang ng mga kabataang babae na dumadalo sa simbahan. Kung kaya sa simulang-simula ng paglilingkod niya, nagkaisa sa panalangin sina Kapp at kanyang mga tagapayo upang makasumpong ng inspirasyon kung paano susuportahan ang mga kabataang babae sa pagbuo ng matibay na pagkakalinalan sa sarili bilang mga anak ng Diyos at maghandang maglingkod sa kaharian ng Diyos. Hinikayat ni Kapp ang mga lider na palawakin ang mga aktibidad at programa upang maisama ang mga kabataang babae anuman ang kanilang pinagmulan. Batay sa kanyang dating propesyonal na karanasan sa trabaho sa values-based management, inihain ni Kapp sa kanyang mga tagapayo ang isang ideya ng paglikha ng isang set ng pinahahalagahan para sa mga kabataang babae. Umasa ang panguluhan na ang mga pinahahalagahang ito ay magbibigay ng matibay na pundasyon sa bawat kabataang babae na ituring ang kanyang sarili bilang anak ng Diyos na may banal na katangian at tulungan siyang maghanda para sa mga banal na oportunidad upang gumawa ng mga tipan sa templo.

Umasa rin si Kapp sa teknolohiya upang lumikha ng mga di-malilimutang multimedia na kaganapan at mga interactive na karanasan para sa mga kabataang babae sa buong mundo. Noong ika-14 ng Nobyembre 1985, idinaos ng kanyang panguluhan ang kauna-unahang brodkast sa satellite ng Simbahan para sa mga kabataang babae, na nagtampok ng ilang mga kalahok bilang kinatawan ng kanilang mga bansa habang ipinapakilala ng mga ito ang iba’t ibang pinahahalagahan at tema ng organisasyon. Umasa si Kapp na, kasama ng binagong programa ng Personal Progress, ang kapatiran sa buong organisasyon ay makatutulong sa mga kabataang babae na maghandang pumasok sa templo at mamuhay nang puspos ng tipan. Ninais ng kanyang panguluhan na palakasin ang kapatiran ng mga sister sa buong mundo sa pamamagitan ng isang pandaigdigang pagdiriwang na pinamagatang “The Rising Generation [Ang Umuusbong na Salinlahi].” Noong ika-11 ng Oktubre 1986, ilang libong kabataang babae sa buong mundo ang nagkabit ng kanilang mga isinulat na patotoo sa tali ng mga lobong puno ng helium at pinalipad nila ang mga lobo sa langit. Kabilang sa mga pagbabago noong panguluhan ni Kapp ang bagong kasabihan, “Stand for Truth and Righteousness [Manindigan para sa Katotohanan at Kabutihan],” at isang bagong emblem para sa organisasyon na nagtataglay ng anyo ng isang kabataang babae na nasa hugis ng isang sinilabang sulo na kumakatawan sa liwanag ni Cristo. Si Kapp rin ang nasa likod ng pagbabago sa polyetong For the Strength of Youth [Para sa Lakas ng mga Kabataan] noong 1990 at sa pagpapalimbag ng bagong manwal ng camp noong 1992.

Ang panguluhan ni Ardeth Kapp ang huling naglingkod nang higit sa limang taon termino. Ang mga pagbabagong ipinakilala niya at ng kanyang mga tagapayo ay nanatiling pangunahing programa para sa organisasyon ng mga kabataang babae sa sumunod na tatlong dekada, nagbubunsod ng pamanang naranasan ng ilang milyong kabataang babae sa buong mundo. Pumanaw si Ardeth Kapp noong Marso 2024 sa edad na 93 taong gulang.

Mga Kaugnay na Paksa: Mga Organisasyon ng Young Women, Broadcast Media

  1. Anita Thompson, Stand as a Witness: The Biography of Ardeth Greene Kapp (Salt Lake City: Deseret Book, 2005), 9, 18–24, 42, 45, 48, 64–73, 95; Ardeth G. Kapp, “Drifting, Dreaming, Directing,” sa Jennifer Reeder at Kate Holbrook, mga pat., At the Pulpit: 185 Years of Discourses by Latter-day Saint Women (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2017), 193.

  2. Thompson, Stand as a Witness, 212, 262–63; Mary Jane Woodger at Jessica Wainwright Christensen, “Ardeth Greene Kapp’s Influence on the Young Women Organization,” sa David J. Whittaker at Arnold K. Garr, mga pat., A Firm Foundation: Church Organization and Administration (Provo, Utah: Religious Studies Center, Brigham Young University, 2011), 450–52.

  3. Thompson, Stand as a Witness, 262–305; Woodger at Christensen, “Ardeth Greene Kapp’s Influence,” 443–59.

  4. Thompson, Stand as a Witness, 273, 297–99; Brent D. Fillmore, “Promoting Peculiarity: Different Editions of For the Strength of Youth,” Religious Educator, tomo 8, blg. 3 (2007), 80; Young Women Camp Manual (Salt Lake City: The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 1992).